Chapter 1
Kisses’s Pov
NAGMAMADALI akong pumasok sa bahay ng tiyahin ko dahil paniguradong sabon ang aabutin ko dahil nalate ako ng uwi.
Kailangan ko pa namang mag-saing at magluto ng ulam. Ito ang kapalit nang pagtira ko sa bahay ng tiyahin ko. Ang maglinis ng bahay, magluto ng pagkain, at pagsilbihan sila.
Naiintindihan ko naman din dahil sa nakikitira lang talaga ako. Maswerte nga ako dahil tinanggap pa nila ako. Wala na kasi akong mga magulang, nag-iisa lang din akong anak. 19 years old pa lang ako at nag-aaral pa lang sa kolehiyo kaya kailangan kong tiisin ang tiyahin ko kahit pa nga parang armalite ang bibig niya.
Tumungo agad ako sa kusina kahit hindi pa ako nagbibihis galing sa school. Kailangan ko nang mag asikaso agad at baka sumulpot ang tiyahin ko at pagalitan na naman ako.
Naghuhugas pa lang ako ng bigas nang marinig ko ang boses ng tiyahin ko na pumasok ng kusina. Malas talaga!
“O, nandito ka na pala. Parang late ka yatang umuwi. Hindi ba’t 5PM lang ang labas mo? Bakit 5:45 ka na nakarating?” tanong niya agad. Ayan na naman siya, hindi man lang niya naisip ang traffic. Alam naman sana niyang rush hour ngayon. Dalawang sakay ang ginagawa ko. Jeep at tricycle. Hindi naman a-andar agad dahil kailangan pang maghintay ng pasahero. Mahal kasi ang pamasahe kapag special ang pipiliin ko. Kailangan ko namang magtipid ng pera dahil kapag nanghingi ako sa tiyahin ko ay pagagalitan na naman ako. Kesyo hindi daw ako nagtitipid. Eh halos hindi na nga ako nag me-merienda para lang makatipid ako.
Ngumiti nalang ako sa tiyahin ko kahit alam kong aawayin na naman niya ako.
“Na traffic po kasi ako, tita.” sagot ko sa mahinang boses.
“Sus.. traffic. Ang sabihin mo.. gumala gala ka na naman kasama ang mga kaibigan mo. Ayos-ayusin mo lang talaga ang buhay mo, Kisses ha!” sabi niya sa akin at dinuro pa ako habang masamang nakatingin.
Hindi na lang ako sumagot pa dahil ayaw ko ng marinig ang boses ng tiyahin ko. Kapatid siya ng papa ko kaya dito ako pumunta sa kanya. Sobrang layo naman kasi ng pamilya ng nanay ko kaya kahit hindi ko gusto dito ay wala naman akong pagpipilian. Kailangan kong makisalamuha at magpakabait sa tiyahin ko.
“Nga pala, may pumunta dito na lalaki. Hinahanap ang kapatid ko.” Pag-iiba niya sa usapan.
“Po? May naghahanap sa papa ko?” tanong ko at napatigil sa ginagawa ko.
“Oo. Pamilyar sa akin ang mukha niya eh. Hindi ko lang maalala kung saan ko nakita.” sabi ni tita na para bang hinahalukay ang isip niya. May palagay-lagay pa siya sa daliri niya sa kanyang baba at nag-iisip.
“Bakit niya daw po hinahanap ang papa ko, tita? Natanong mo po ba kung anong pangalan niya o di kaya ay kung anong relasyon niya sa papa ko?” sunod-sunod kong tanong.
“Hindi eh. Basta hinahanap niya si Silverio. Kaya sinabi ko sa kanya na matagal ng patay ang hinahanap niya. Ewan ko, parang nag-iba nga ang aura ng mukha ng lalaking ‘yun nang sabihin ko sa kanya na patay na ang hinahanap niya.” sabi ni tita habang kakamot-kamot sa likod ng kanyang ulo.
Napaisip naman ako kung sino ang tinutukoy ni tita. Wala kasi akong maalala na kaibigan ni papa bukod sa dalawang lalaki na matagal na niyang kaibigan. Ngunit nasa probinsya na ang mga ito at alam din nila ang bahay ng tiyahin ko.
“Teka.. parang naalala ko na kung saan ko nakita ang lalaking ‘yun. Malaki lang ang pagbabago pero sigurado akong siya ‘yun. Matipuno lang ang pangangatawan niya ngayon kumapara dati na bagets pa siya," sabi ni tita kaya kumunot ang noo ko.
“Eh sino po?” hindi makapaghintay kong tanong. Pabitin pa kasi si tita, ayaw pang sabihin agad.
“Siya yata ang kaibigan ng papa mo dati na nakulong. Ninong mo pa nga siya eh. Kung hindi ako nagkakamali, ha! Magkahawig kasi talaga sila ng lalaking ‘yun.” sabi ni tita na hindi sigurado.
“Ninong? May ninong po ako na nakulong?” gulat kong tanong.
“Oo, meron. Kaibigan ng papa mo ‘yun pero kinalimutan na ng papa mo. Mabuti na rin ‘yun para hindi madamay ang ama mo sa gulo ng lalaking ‘yun. Pero nakakapagtaka naman na nahanap niya ang bahay ko.” sabi ni tita na napapaisip na naman.
“Eh ano pa po ba ang sinabi mo sa kanya, tita? Baka hinahanap niya si papa dahil gusto niyang kamustahin. Baka hindi po niya alam na wala na si papa ko,” malungkot kong sabi dahil masakit parin tanggapin ang pagkawala nila ni mama.
“Hay.. ewan. Bilisan mo nalang dyan ang pagluluto ng hapunan natin at hayaan mo yung lalaking 'yun. Wala din naman siyang sinabi at umalis agad.” aniya sabay tinuro ang rice cooker na hawak-hawak ko kanina.
Tumango na lang ako at agad na nagsaing. Umalis naman si tita sa kusina. Napaismid pa ako dahil magbabalita na nga lang siya hindi pa sigurado.
Pero curious ako kung sino ang sinasabi ni tita na ninong ko na kaibigan ni papa. Wala kasi akong idea na may ninong akong nakulong. Wala namang naikwento ang papa ko o si mama.
Pero kung may ninong man ako ay baka pwede ko siyang kausapin at humingi ng tulong sa kanya patungkol sa pag-aaral ko. Ang alam ko kasi ay ang ninong at ninang ay pangalawang mga magulang ng mga inaanak nila. Kaya umaasa ako na sana ay hindi tumanggi ang ninong ko kapag nagkaharap kami at humiling ako sa kanya.
Baka may maibigay siyang tulong sa akin. Yung ninang ko kasi ay matagal ng patay kaya wala na talaga akong malalapitan kundi ang tiyahin ko. Pero hirap ako mag budget sa pera na binibigay sa akin ni tita. Kaya kailangan ko talagang gumawa ng paraan. Gusto kong makapagtapos ng pag-aaral kaya gagawin ko ang lahat para maabot ang pangarap ko.
Nakapagsaing na ako at nakapagluto na din ng ulam. Kumain agad ang pamilya ni tita habang ako ay inutusan na bumili ng coke. Walangya talaga! Ngayon pa naisipan bumili ng coke kung kailan kakain na eh. Nandyan naman sana ang dalawa niyang anak, hindi man lang niya inutusan kanina.
Bawal naman akong magreklamo kaya wala akong magagawa kundi ang sumunod na lamang sa utos nila.
Nakarating ako sa tindahan at agad akong bumili ng coke. Nakasimangot pa ako dahil sigurado akong paubos na ang ulam. Masarap pa naman akong magluto ng adobong baboy. Sana lang ay tirahan nila ako dahil gutom na gutom pa naman ako.
Nang makabili ako ng coke ay agad akong naglakad. Ngunit nagulat ako nang may sumulpot sa harap ko at binangga ako sa balikat.
Nabitawan ko tuloy ang hawak kong coke at agad na nilingon ang lalaking nabangga sa akin. “Hoy!” Sigaw ko dahil hindi man lang nag sorry. Dire-diretso lang naglakad ang kumag. Hindi ko tuloy nakita ang pagmumukha niya dahil nakatalikod na siya at may suot na itim na sumbrero. Pero matangkad siyang lalaki at mapalad ang balikat.
“Daddy na daddy ang itsura. Yummy sana pero malabo yata ang mata kaya binangga ako,” sabi ko habang pinagmamasdan ang lalaking naglalakad palayo sa akin.
Pinulot ko nalang ang nahulog kong coke at nagmadali na lamang akong naglakad para makauwi at maabutan ang niluto kong ulam. Malalakas pa naman kumain ang dalawang anak ng tiyahin ko.
Nang makarating ako sa bahay ay konting konti na lang ang natirang ulam. Napakamot ako sa likod ng ulo ko dahil puro buto na may konting laman ang natira. Naiinis ako sa itinira nila sa akin. Kulang nalang ay buto ang iwan nila para ulamin ko.
“Kumuha ka muna ng baso do’n bago ka kumain, Kisses.” utos na naman ng tiyahin ko. Ikinuyom ko na lamang ang kamao ko sa inis. Gutom na gutom na ako pero panay pa rin ang utos nila sa akin. Hindi man lang nila naisip na tao lang din ako, marunong din magutom.
Sa inis ko ay inalog alog ko ang bote ng coke. Lintik lang ang walang ganti. Nang matapos kong alugin ang bote ay inilapag ko sa harapan ng anak ni tita. Dali-dali pa niya itong kinuha habang ako naman ay kumuha ng baso.
Narinig ko nalang ang pagtili ng anak ni tita dahil sa binuksan niya ang coke at umagos ito dahil sa inalog ko. Lihim akong natawa dahil kahit papano ay nakaaganti ako.
“Ano ba ‘yan! Kumuha ka nga ng punas, Kisses! Linisin mo muna ang sahig.” sabi ng anak ni tita.
“Hoy, Monica! Ikaw ang kumuha do’n at hindi si Kisses. Hindi pa nga kumakain ang pinsan mo eh. Panay kayo utos sa kanya,” sabat ni tito, asawa ni tita kong maldita.
Tumingin sa akin si tito at tinuro ang bakanteng upuan. “Kumain ka na, Kisses. Maupo ka na.” aniya kaya agd akong tumango at mabilis na lumapit sa upuan.
Umupo ako at nagsimulang kumuha ng kanin at ulam. Si Monica naman ang naglinis sa natapong coke sa mesa at sa sahig. Buti nga sa kanya.
Kumain lang ako ng tahimik kahit pa nga alam kong masamang nakatingin sa akin ang tiyahin ko dahil kinampihan ako ni tito. Pero wala akong pakialam sa titig niya, kumain lang ako dahil gutom na gutom na talaga ako.
Nang matapos akong kumain ay heto na naman, hugas plato na naman ang peg ko. Katulong talaga ako dito sa bahay ng tiyahin ko. Hindi man nga lang ako tinutulungan ng mga anak niya kahit man lang magligpit sa mesa. Ako talaga lahat. Kaya minsan naiisip ko na maglayas dahil napapagod din naman ako. Pagod na nga ako sa school, tapos pagdating pa dito sa bahay ay puro utos pa ang sasapitin ko. Pero kung maglalayas man ako ay saan naman ako pupunta. Wala naman akong ibang kamag-anak dito sa Maynila eh kaya wala rin.
Ang tanging magagawa ko na lamang ay magtiis dito sa bahay ng tiyahin ko hanggang sa makapagtapos ako ng pag-aaral. Lalayas talaga ako dito kapag kaya ko ng buhayin ang sarili ko. Hinding hindi ako magtitiis sa poder ng tiyahin ko. Kung buhay lang sana si papa ay baka binatukan na siya sa ulo dahil sa pinaggagawa niya sa akin. Sana nga ay multuhin siya at hilain ang paa niya para bumait sa akin at dagdagan ang baon ko. Sobrang mahal ng pamasahe ngayon pati na bilihin kaya kulang na kulang talaga. Pambihira!