Chapter 18

1574 Words
IRON POV "Sigurado po kayo, Miss Iron?" "Mukha ba akong nagbibiro?" Tumango sila at nagbigay-galang sakin bago sila umalis. "Mauna na po kami, Miss Iron. Mag-ingat po kayo." Pinihit nila yung door knob at isinarado ang pinto. Naiwan ako sa kwarto ni Sandra ng mag-isa. Pinauwi ko muna sila para makapagpahinga sa kani-kanilang bahay. Naaawa na rin kasi ako sa pagod ng mga nagbabantay kay Sandra lalo na sila Andrej at Arthur. Dalawang magkasunod na araw na silang natutulog, kumakain, at nagbabantay dito sa Hospital at wala pang pahinga. Mag-isa lang ako ngayon sa kwarto ni Sandra. Hindi ko na kailangan pa ng mga kasama kung kakayanin ko naman. Isa pa, gising na rin siya at bukas na namin siya ilalabas. Kumuha ako ng isang dyaryo sa ilalim ng mesa di kalayuan sa kama niya. Nilipat ko sa pahina ng mga balita. "Iron..." hindi ko siya nilingon. Sabi ni Andrej, nasa recovery stage na siya at patuloy na nag-iimprove ang condition niya. "Iron..." pag-uulit niya. "Miss Iron, 'yun ang tamang paggalang." "Pero hindi naman ako tulad ninyo." "Kahit na. Mas nakatataas pa rin ako sayo." Bumuntong hininga siya. "Anong problema? May kailangan ka ba?" tanong ko. "Wala naman. Gusto ko lang magtanong." "Hindi ako interesadong sagutin iyan." "Wala ka bang boyfriend?" "Napaka-walang kwenta naman ng tanong mo." "Pero Miss Iron, sagutin mo na lang. Kasi noong napunta ako sa bahay mo, wala kang kahit na sinong kasama. May boyfriend ka na ba? Ha?" Hindi ko na lang siya inimik. Naramdaman ko kasing walang patutunguhan ang usapan namin kung iyon ang topic na bubuksan niya. "Nasaan ang pamilya mo? Pasensya na, interesado lang ako sa buhay na meron ka." Nang marinig ko 'yun, napansin ko sa tono ng pananalita niya na naiinggit siya sakin. Pero ang totoo, mas maswerte pa siya kaysa sakin. Ang inilamang lang ng mga kagaya ko, alam namin kung paano namin poprotektahan ang sarili namin laban sa banta ng panganib. Pero kung tatanungin mo sa ibang aspekto ng buhay, mas lamang ang mga ordinaryong tao. "Miss Iron, magkwento ka naman---" "Maaga akong naulila sa magulang. Sanggol pa lang ako noong mapunta ako sa bahay-ampunan. Mabilis akong naging independent at 'yung taong kaisa-isang tumanggap sakin, namatay dahil sa trabaho namin. Okay ka na?" "Hindi mo man lang ba hinanap yung mga magulang mo?" "Bakit ko pa sila hahanapin kung sa unang yugto ng buhay ko pa lang, iniwan na nila ako." Ang totoo niyan, si Artery ang naghanap sa kanila. At oo, nahanap ni Art ang mga magulang ko. Sa sementeryo. Doon niya sila nahanap. Sinabi ni Art kung saang sementeryo sila parehong nakalibing pero hanggang ngayon, wala pa akong balak na dalawin sila. "Pero Miss Iron---" "Tumigil ka na, Alessandra McCartney. Hindi ko na nagugustuhan ang ideyang pinag-uusapan natin ang buhay ko." Natahimik siya sa sinabi ko. Itinuon ko ang atensyon ko sa dyaryo. "Miss Iron, mamamatay na ba ako?" Pinigilan kong hindi siya pansinin. Pero kasi, yung tono ng boses niya... "Bakit mo naman nasabi?" "Narinig ko yung isang bantay kanina, nabanggit niya na baka may sumugod na naman dito sa kwarto ko. Mamamatay na ba ako?" "Hindi." "Pero paano kung patayin nila ako? Pwede bang bukas, puntahan ko yung lola ko? Magpapaalam lang sana ako kung sakaling... totoo 'yung sinasabi nila na mamamatay ako." "Sandra, tigilan mo yung pag-iisip na mamamatay ka. Sigurado akong hindi mo gugustuhing malaman kung paano ka nila papatayin kaya tumahimik ka na lang. Tsaka hindi mo pwedeng puntahan ang kahit sinong pamilya mo. Naiintindihan mo ba?" "Pero bakit?" "Alam nila kung nasaan ka at gagawin nila ang lahat sakaling mangyari ang gusto nila na dalawin mo ang kahit isa mong pamilya at sa ganong paraan malalaman nila kung saan nakatira ang mga taong malalapit sayo na posibleng gamitin nila bilang pain sayo." "At pag nangyari 'yun, may posibilidad na mauna pa sayong mamatay ang lola mo o kahit na sinong konektado sayo," dagdag ko. "Paano kung hunting-in nila siya? May magagawa ka ba para iligtas si lola, Miss Iron?" "Wala, Sandra. Hindi siya aabutin ng proteksyon na kaya kong lamang ibigay sa mga taong bahagi ng misyon ko." Bumuntong hininga siya. Kahit gustuhin ko man, may mga bagay na hindi maaaring mangyari kahit na gaano mo man kagustong maisakatuparan iyon. "May alam na ba kayong kahit na ano tungkol dun sa taong sumugod dito sa kwarto ko?" "Wala pa," kahit na oo, meron na. Kailangan kong itago ang bagay na natuklasan namin, 'yung tungkol sa robot. Tutal wala pa namang mas matibay na clue na makakatulong para suportahan ang konklusyon na iyon. "Paano kung sumugod ulit sila dito? Mag-isa ka lang, baka hindi mo kayanin." "Wag kang mag-alala. Hindi nila magagawa 'yun." "Talaga? Kung alam ko lang na mangyayari ang lahat ng ito, hindi na lang ako sana sasama sa tambayan. Kung alam ko lang ang mangyayari kay Dutch." "Nangyari na ang lahat, Sandra. Wala pa tayong napapatunayan. 'Wag ka na munang mag-isip." Binigyan ko siya ng isang genuine smile. Makatutulong iyon sa kanya lalo na't alam kong punung-puno na ng takot ang puso at isipan niya. "Alam mo bang kahit ganito ako, may tao pa rin na kinaduduwagan ko nang husto?" "Sino?" walang-interes na tanong ko sa kanya. Totoo naman, mas gusto ko pang magbasa ng dyaryo kaysa kausapin siya sa mga bagay na alam kong hindi niya madaling mauunawaan. "Umabot pa nga sa puntong nagpa-register ako sa Holmberg ng college para lang makasama ko siya eh. Pathetic 'di ba?" Napalingon ako sa kanya ng wala sa oras. "Pumasok ka ng Holmberg?" Nagtatrabaho na lang kasi si Sandra. High school graduate lang yata siya pero nakahanap ng trabaho. "Hanggang registration lang. Sabi kasi, follow your dreams. Kaya sinundan ko siya sa Holmberg." "Kilala ka niya?" "Hindi. Haha! Baliw 'di ba? Hindi niya alam ang existence ko. Inisip ko nga noon na magpakilala sa kanya kaso wala eh. Hindi ko kinaya." "Bakit?" "Ha? Bakit? Kasi naramdaman kong walang mag-iiba kung magpakilala ako sa kanya." "Bakit hindi mo subukan?" "Napanghinaan ako ng loob eh. Nakakatakot pa naman yung pinsan no'n. Tsaka mas kilala niya pa ang libro kaysa sakin eh." "Duwag ka." "Hindi! Wala rin namang mangyayari---" "Kahit na. At least, nasabi mo sa sarili mo na sinubukan mo. Nasa sa kanya na 'yun kung tatanggapin niya, ang mahalaga nailabas mo." "Pero hindi ko kaya eh." "Ganyan naman lahat ng tao. Dadating at dadating ka sa puntong hindi mo kakayanin. Pero kailan mo sasabihin? Kapag huli na ang lahat? Kapag wala na siya? Kapag nasa iba na siya? Malay mo pala, type ka din niya. Torpe lang." Hindi ko alam kung saan ko nakuha 'yun. Hindi naman ako yung ganito at mahilig magpayo. "Salamat, Miss Iron ah. Sige, 'pag nabigyan ako ng pagkakataon, sasabihin ko sa kanya." Sumigla na yung boses niya. Makatutulong yun para sa pag-alis namin bukas. "Nagugutom ako, Miss Iron." Tumayo ako at nagpaalam sa kanya. "Sige, lalabas lang ko at kukuha ng pagkain." "Mabilis ka lang ba?" "Oo, 'wag kang mag-alala. Walang mananakit sayo rito." Tinalikuran ko siya at isinarado ko ang pinto, Sinigurado ko na hindi yun naka-lock para madali ko na lang mabuksan mamaya. Tumakbo ako papuntang canteen ng Hospital. Nasa 2nd floor ang kwarto ni Sandra at nasa 1st floor ang canteen. Hindi ko alam kung saan ko nakuha 'yung kaninang mga nasabi ko. Sa katunayan nga ay wala pa akong napagdadaanan na tulad ng kay Sandra. Hindi ko alam kung ano ang eksaktong mga salita ang dapat kong ibigay sa kanya. Ang gusto ko lang namang ipahiwatig sa kanya, hindi sa lahat ng pagkakataon mabibigyan ang tao ng chance para sabihin ang lahat ng bagay sa kapwa natin, pero at least kung nasabi mo ang gusto mong sabihin mawala man 'yung chance na 'yun, hindi ka magsisisi sa huli. Kumuha ako ng dalawang cup noodles na may flavor na beef at chicken sa cabinet ng canteen. Bahala na lang siyang mamili kung anong gusto niya. Mula sa canteen ay tinakbo ko na ang kwarto ni Sandra pero ilang kwarto pa lamang bago yun ay may napansin na ako. Hindi pwede ito. May nakapasok. Mabilis kong narating ang tapat ng kwarto niya at no'ng pinihit ko ang door knob para mabuksan ang pinto, sarado. Hindi ko naman iniwang naka-lock ito kanina ah! Plan B. Umatras ako ng kaunti at inilabas ko ang baril na nasa bulsa ko kanina pa. Itinapat ko ang nguso ng baril di kalayuan sa door knob at pinaputok ito. Mabuti na lamang at mabuting kausap ang baril dahil nabuksan kagad yung pinto. Nakapatay ang ilaw. Agad kong kinapa ang switch ng ilaw. Hindi pa kakayanin ni Sandra na tumayo. May nakapasok talaga. Kung sino man ang taong ito, hinding-hindi siya makakalabas ng buhay. Pinapangako ko iyon. Nahanap ko na. *ting!* Pagkabukas ng ilaw, sumalubong sakin si Sandra na nakatalukbong ng puting kumot sa ibabaw ng kama niya habang nakatayo sa hindi kalayuan ang isang lalaking naka-jacket at maong pants. Hindi siya armado pero isa siyang banta para kay Sandra. "Sino ka?" itinutok ko ang baril ko sa kanya. Ibinaba na ni Sandra ang kumot niya at pinanonood niya kami. "Sino ka!" muli kong tanong. "Miss Iron..." nalipat ang tingin ko kay Sandra na nanginginig pa rin. "Ano?" Muling nagsalita si Sandra. "Miss Iron, s-siya si Helix Craig."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD