TWENTY YEARS AGO . . .
PATULOY ang digmaan sa tagong mundo—ang Acceria—dahil sa ginawang pagmamatigas ng lahing Bampira. Pinamumunuan ito ng Hari na si Marcus, isa sa mga may purong dugo ng bampira sa mundo ng Acerria. Ngunit dahil sa ginawa niyang hindi pakikiisa sa kagustuhan ng dalawang lahi ay sumiklab ang malaking digmaan sa Acerria. Pinangunahan ito ng Hari ng mga Zombie at ng mga Lobo. Nagkaisa ang dalawang magkaibang lahi na pagsamahin ang kanilang kaharian—na tinatawag ngayong Zowol. Nagkaisa ang mga itong ubusin at tuluyang pabagsakin nang tuluyan ang kanilang lahi.
"Walang ititira sa mga lahi ng bampira!" marahas na sigaw ng Hari ng mga Lobo na si Zandrew. Marahan niyang inilibot ang nagbabagang mga mata, tila may hinahanap sa kalagitnaan ng labanan.
Nagkalat sa paligid ang hiwa-hiwalay na katawan mula sa mga kasamahang Zombie at Lobo, maski sa mga kaaway nilang bampira. Umaalingasaw sa buong paligid ang pinaghalong lansa ng dugo at amoy ng kagubatan na kanilang kinaroroonan.
Tila uumulan ng dugo dahil sa mga dugong kumapit sa buong paligid. Nagmistulang tambakan ng mga nakakakilabot na nilalang ang kapatagan—Ang bangkay ng mga kasamahan at kaaway ay nakakalat.
Sa pagiging anyong tao ay agad siyang nagpalit ng anyo. Naging isang malaking lobo ito saka mabilis niyang sinakmal ang ulo ng bampirang kasalubong niya na ninais siyang salakayin. Agad-agad ay naging abo ito sapagkat ang ulo ang pangunahing kahinaan ng mga bampira. Ngunit hindi basta-basta iyon dahil masiyadong mabilis ang mga ito. Kaya karamihan sa kanilang mga kasama ay nasasawi bago pa man makalapit.
Napakuyom ng kamao si Haring Marcus nang buhat sa malayo ay kitang-kita niya ang unti-unting pagkaubos ng mga kasama. Nasa itaas siyang bahagi ng palasyo kasama ang mga nagkaunahang bampira na nanggaling pa sa iba't ibang panig ng Acerria.
Maski ang mga ito'y nabahala na rin dahil wala nang natira sa kanilang mga pinanggalingan. Ang mga lahi ng Zowol ay sumalakay na rin sa kani-kanilang kaharian, pinahirapan at walang-awang pinagpapaslang ang kanilang mga kasamahan.
Maski Reyna at anak ng bawat isa ay hindi pinalagpas ng mga Zowol. Labis ang pighating naramdaman nila nang malaman nila ang balitang inihatid sa kanila ng kanilang espiya kaya nagdesisyon na ang lahat ng miyembro ng mga purong bampira na lumaban hanggang kamatayan.
"Haring Marcus, nagawa mo na bang maitakas ang iyong anak?" tanong ni Haring Philip, ang pinsan niya sa ikalawa.
"Oo, sa ngayon ay kasalukuyan silang itinatakas ni Driego," anas niya na may lakip ng pangamba sa tinig.
Hindi niya alam kung tama ba ang naging desisyon na ipinagkaloob niya sa kaniyang nag-iisang prinsesa na si Kendra ang isang obligasyon na kailanman hindi niya pinangarap na maranasan nito sa kasalukuyan. Ngunit iyon lamang ang tanging makakapagligtas dito at sa mundo ng Acerria. Muli siyang napasulyap sa kaliwang panig ng kaharian kung saan kitang-kita niya mula roon ang kakahuyan na pinamamahayan ng mga mababangis na hayop sa kanilang mundo.
Walang sino man ang basta makakapasok roon. Siya lamang at ang mga kalahing bampira ang nakakapunta at nakakalabas ng buhay mula roon. Sa dulong bahagi ng kakahuyan ay may daanan papunta sa kabilang mundo—sang portal kung saan matatagpuan ang mundo ng mga mortal. Doon siya laging pumupuslit para makita si Aliyah. Nakilala niya ito isang beses na naghanap siya ng mabibiktima sa mundo ng mga ito. Sa unang pagtatagpo pa lang ng kanilang mga mata ay nagbago na ang lahat sa kaniya. Minahal niya ito at ipinaglaban pa sa Amang Hari niya noon.
Masakit dito na nadamay pa ito sa kaguluhan sa kanilang mundo. Si Aliyah ang nagbigay sa kaniya ng pag-asang magbago at itama ang mga nagawang mali ng kanilang lahi. Mabilis na ibinalik ni Marcus ang pansin sa mga paparating na kalaban saka niya tinitigan ang mga kasamahan. Narinig nila ang malakas na paggiba ng mga lobo sa mataas at makapal na gate ng kaharian niya.
Sa ilang minutong lumipas ay tuluyan bumagsak at nawasak ito. Kitang-kita nila ang mababagsik na anyo ng mga Zowol. Nasa anyo ng mga ito ang karahasan at walang kakayahan na magbigay ng awa.
Natigilan ang mga ito sa pagsugod at unti-unting naghiwalay ang grupo at nahati sa gitna. Sa kalagitnaan ay naglakad paharap si Zandrew. Kaagapay nito ang Hari ng mga Zombie na si Merlous. Nasa labas naman ng kaharian ang mga higante na tuluyan na ring napasailalim sa pananakop nito. Napuno ang bulwagan ng malakas nitong halakhak.
"Kung sana nakiisa ka na lang, Haring Marcus! Hindi sana ninyo dadanasin ang ganito kalagim na katapusan ng inyong lahi!"
"Kahit anong klaseng pambibilog ang gawin mo, hinding-hindi ako papayag! Kami ang kauna-unahang nilalang sa mundong ito. Kami ang dapat nasusunod at hindi ang mga katulad ninyong mga sakim at ganid sa kapangyarihan. Alam ko naming may iba kang plano, Haring Zandrew, na kahit kailanman ay hindi ko hahayahang mangyari!" magiting na sagot ni Haring Marcus. Nag-umpisa na itong bumuwelo para sa pag-atake.
"Ganoon ba? Kung ganoon, ihanda mo ang sarili mo, Marcus. Dahil ito na ang huling araw mo!" Nandidilat ang mga mata at may lakip ng panggigigil sa tinig ang Hari ng mga Lobo.
Isang sigaw ang namutawi kay Marcus, hudyat ng pagsugod nila sa kalaban. Agad na nagtakbuhan pasugod ang mga Lobo. Maski ang mga Zombie na naagnas na ang mga katawan ay mabilis na kumilos.
Mabilis na inilabas ni Marcus ang espada ng kaniyang ama kung saan ginamit rin nito sa pakikidigma may isang dekada na ang nakararaan. Agad niyang ihinambalos sa ere ito na nagbigay naman ng malaking pinsala sa Hari ng mga Lobo. Susundan pa sana niya iyon ng isa pang hagupit ngunit agad siyang pinagtulungan ng tatlong mga lobo na kahilili nito. Napaigik siya nang masakmal ng isang lobo ang kaliwa niyang pa ana siyang dahilan upang siya'y bumagsak at sumadsad sa lapag. Mabilis niyang pinagana ang isip at sa isang kisapmata'y biglang natumba ang tatlong lobo na nakapaligid sa kaniya. Wakwak ang katawan ng mga ito at naliligo sa sariling mga dugo.
Lalong naulol sa galit si Zandrew sa Nakita. Hindi man lang niya nakita kung paano nito ginawa iyon. May kakayahan itong gumalaw nang triple kaysa sa pangkaraniwang bampira. Nagtagis ang mga bagang niya at nanlilisik niya itong pinagmasdan. Patuloy siyang umiikot rito habang nakaangil at nakalabas ng nagtutulisan niyang pangil.
Hindi siya papayag na makaligtas pa ito. Kasabay ng pag-alingawngaw ng mabalasik niyang atungal na katulad sa mabangis na hayop ay mabilis niya itong sinugod. Maski ang mga malapit na Zombie at lobo ay tila iisa ang mga utak. Agad nilang inatake nang sabay-sabay ang Haring Marcus. Binilisan nito ang paggalaw ngunit sadyang madami ang nakapalibot sa kaniya kaya natamaan siya sa hita at beywang.
Napasigaw ito sa labis na sakit at kirot. Nanatili itong kagat-kagat ng mga naglalakihang lobo. Maski ang mga zombie ay nag-umpisa nang lumapit kay Marcus. Napangisi si Zandrew at unti-unti itong nagbalik sa dating anyo. Nag-anyong tao ito saka paika-ika siyang lumapit kay Marcus na patuloy na pumapalag sa pagkakangasab ng mga lobo rito.
"Walang-hiya ka, Zandrew! Pinagkatiwalaan ka namin. Hindi ka na nakuntento sa kapangyarihan na napasakamay mo na. Ang gusto mo'y sakupin mo ang lahat! Halimaw ka!” patuloy na sigaw ni Marcuss.
Nanlilisik na pinakatitigan ito ni Haring Zandrew at lalong nagsumidhi sa kaniya na tapusin na ang buhay nito. Ngunit bago iyon ay kailangan na muna nitong malaman kung saan nito dinala ang nag-iisa nitong anak. Mahigpit niyang hinawakan ang panga ni Haring Marcus. “Nasaan si Kendra?"
Nanatili lamang siyang tinitigan nang masama ni Haring Marcus. Tikom ang bibig at hindi umiimik.
"Hindi ka magsasalita, Marcus?!" pangsisindak pa ni Zandrew rito. Mabilis niyang sinenyasan ang mga kasama. Agad na pinaghihila nito ang mga kasama ni Marcus.
Iniharap sa kaniya ang sampung purong bampira na nakasama niya sa huling laban ng kanilang lahi. Nagtagis na lang ang kaniyang ngipin nang makita niyang nginasab ang ulo at nguyain ng isa sa mga alagad ni Zandrew ito. Sumirit ang dugo sa katawan nito.
Hindi katulad sa ibang bampira, kapag purong bampira ay nananatiling buo ang katawang nito. Agad niyang iniwas ang paningin at napapikit siya sa labis na awa sa nasawing kalahi sa mga kamay ng kalaban. Ngunit agad na hinawakan ng Hari ng mga Zombie ang kaniyang mukha upang iharap. Nais ng lahat na makita ni Marcus ang gagawing pagpaslang sa lahat ng mga kasama niya.
Halos manlambot si Haring Marcus habang isa-isang pinahihirapan at pinag-aalisan ng ulo ang mga kasama niya. Naghuhimiyaw siya pagkatapos dahil sa labis na pagkamuhi ang nararamdaman niya sa mga sandaling iyon nang tuluyang putulin ng hari ng mga lobo ang ulo ng huling kasamahan niya.
Halos nanghina siya sa nasaksihan lalo na nang iharap nga sa kaniya ang hindi niya inaasahang nilalang na makikita pa niya ngayon.
"Aliyah!" Napuno ng takot at pangamba si Marcus. Nagpumiglas siya. Halos mapatid ang hininga dahil tila pinupunit ang laman niya dahil sa pagpupumilit niyang makaalpas sa pagkakasagpang ng mga lobo sa kaniya. Halos mabaha na ng dugo ang lapag na kaniyang kinatatayuan. Unti-unti na siyang nakaramdam ng panghihina pero pinanatili niyang bukas ang isipan sa mga sandaling iyon.
"M-Marcus, mahal," anas nito na may halong panginginig at takot.
Mabilis niyang binalingan si Zandrew na nasa mga mata ang labis na kagalakan. "Ibibigay ko ang kalayaan ni Aliyah, kapalit ng bagay na matagal ko nang hinihiling na ibigay mo, Marcus," tuso nitong sabi kasabay ng pagkurba ng mala-demonyong ngiti sa labi nito.
"K-kahit kailan, hinding-hindi ko ibibigay iyon sa iyo!" matapang na sigaw ng Haring Marcus kay Zandrew.
Nawala ang galak na nakabadha sa mukha nito. Nanlalaki ang mga matang naglakad ito palapit sa kaniyang harapan saka siya nito binigwasan sa mukha. Nahilo si Marcus dahil sa ginawa nito ngunit nanatili siyang mulat. Mabilis siyang nag-isip. Pinagana niya ang mental telepathy niya. Mabilis na naglakbay siya sa pamamagitan ng isip. Mabilis na bumulusok ang kaniyang kaluluwa sa kakahuyan at nakita niyang nakahandusay si Driego sa lapag. Ang anak niyang si Kendra ay hindi nito kasama kaya lalo siyang nangamba para sa kapakanan ng nag-iisang anak.
Muling napabalik ang malay niya at halos manlumo siya nang makitang bitbit ng isang malaking ibon ang anak niya. Payapa pa rin itong natutulog mula roon. Isang taon pa lang ito kaya wala pang kamalay-malay. Sinakmal ng takot si Marcus nang unti-unting inilihis ni Zandrew ang damit ni Kendra. Umiyak ito nang pagkalakas-lakas nang marahan na kinalmutan sa likod nito ang bata.
"Walang-hiya kayo! Pakawalan ninyo ang mag-ina ko!" nagwawalang sabi ni Haring Marcus. Hindi na niya alintana ang unti-unting pangangapos niya ng hininga.
"Gagawin ko iyan, Marcus, basta ibigay mo lang sa akin ang bagay na kinukuha ko mula sa iyo."
Napahugot ng hininga si Marcus kasabay ng mariin niyang pagpikit. Mabilis niyang pinagana ang isip. Muli ay wala na siyang pakialam sa mga kumplikasyong mangyayari sa kaniya pagkatapos ng gagawin niya.
Bigla'y tumigil ang buo niyang paligid at mabilis siyang kumawala sa mga lobong kagat-kagat siya. Agad niyang kinuha ang anak at mabilis naman niyang isinukbit sa likod si Aliyah. Muli siyang napapikit kasabay ng pagbuo niya ng pamilyar na imahe ng lugar. Agad niyang binuksan ang portal. Maingat niyang ipinasok mula roon ang mag-ina niya. Tinapunan niya ng pansin ang lugar kung saan niya nakakita si Driego ngunit sa pagkagulat niya'y bigla na lamang may sumaksak mula sa kaniyang likuran. Agad niyang tinignan kung sino ang mapangahas na gumawa niyon sa kaniya. Gulat at pagkabigla ang bumalong sa sistema niya.
Si Driego na may lahing bampira at tao. Hindi niya aakalaing tatraydurin siya nito. Nagsuka na siya ng dugo. Kitang-kita ni Marcus ang unti-unting pagkawala ng kaniyang katawan. Humihina na ang kaniyang ginawang mahika. Muli na naman siyang hahatawin ng saksak ni Driego nang mabilis na niyang inilabas ang natitira niyang kakayahan. Wala na siyang maramdaman nang tuluyan niyang maisarado ang portal. Kasabay niyon ay ang unti-unting pagkawala niya sa harapan ni Driego. Iniwan na muna niya ito ng masakit na titig na agad tumimo sa isip ni Driego.
Biglang nagbalik sa normal ang lahat. Mabilis inilinga ni Zandrew ang paningin at sa pagkagulat ay biglang nawala ang mag-ina ni Marcus. Natigilan siya nang makita niyang naging matigas na kahoy na lamang ang Hari ng mga Bampira. Naghumiyaw nang naghumiyaw sa labis na galit si Zandrew sapagkat nalamangan siya nang tuluyan nito. Mas pinili nitong isakripisyo ang buhay para sa mag-ina nito.
Ngunit bakit?
Bigla ay nanlaki ang mga mata niya. Kasabay ng marahas niyang pagsigaw na bumalot sa buong kaharian.
"Hindi kaya na kay Kendra ang bagay na iyon? Ang susi ng pagiging makapangyarihan at immortal?" naibulong ni Zandrew sa sarili.