❀⊱Madel's POV⊰❀
Nanginginig ang kamay ko ng binuksan ko ang pintuan ng opisina niya. Pero pagbukas ko, laking gulat ko ng bigla akong sinigawan ni Orion.
"Don't you know how to knock?" Sigaw niya, kaya napapitlag ako. Gusto kong humingi ng paumanhin pero walang lumalabas na kahit isang letra sa bibig ko dahil sa takot ko sa kanya.
Gwapo ang lalaking pinakasalan ko. Makisig, matangkad at sobrang yaman... pero nakakatakot ang pagkatao niya. Nakakatakot siyang tumingin. Parang hindi siya marunong magtiwala sa kahit na sinong babae. Parang hindi siya marunong magmahal.
Balita ko, patay na ang kanyang mga magulang, pero may tiyahin siya at may kapatid. Hindi ako sigurado kung wala na nga ba ang mga magulang niya, iyon lang ang ilang balita na nakalap ko bago ako nagtungo dito sa America.
"Ano, tatayo ka na lang ba diyan na parang tuod?" Sigaw pa ulit niya, kaya ang bilis kong isinara ang pintuan at naglakad ako palapit sa desk niya.
"S-sorry po." Bulong ko. Tinaasan niya ako ng dalawang kilay, pero yumuko na lang ako. Ayokong makita ang galit niya.
"Aalis ako. Ilang araw akong mawawala, at duon kita ititira sa isang condo ko pansamantala bago tayo bumalik ng Pilipinas. Hindi ka dapat makita dito ng kapatid ko. Ayokong mag-away kami ng dahil lang sa isang walang kwentang bagay." Wika niya.
Hindi ba ito napapagod ng kasasalita ng masasakit laban sa akin? Kung wala akong kwenta, bakit pinakasalan pa niya ako? Bakit gusto niyang magkaroon ng anak sa isang walang kwentang katulad ko? Hindi na lang ako nagsalita. Tumango na lamang ako. Kung iyon ang tingin niya sa akin... then fine.
"Kuhanin mo ang mga gamit mo. Aalis agad tayo in twenty minutes." Wika pa niya. Tumango lang ulit ako at saka ako nagpaalam na babalik na ako sa silid na pinanggalingan ko. Hindi siya kumibo, kaya nagmamadali na akong umalis. Nakasalubong ko pa ang isang kasambahay, ang talim ng tingin niya sa akin. Hindi ko alam kung bakit, kaya nagmamadali ang mga hakbang ko malagpasan ko lang siya.
Pagkarating ko ng silid, mabilis kong kinuha ang maleta ko. Ang mga gamit na inilabas ko kanina, agad ko ring ibinalik sa loob ng maleta at saka ko ito isinara.
Naupo ako sa gilid ng kama. Hihintayin ko na lang ang twenty minutes para makaalis na ako sa lugar na ito. Kahit na ang mga kasambahay dito, ang samang tumingin sa akin. Nakakapaso, parang kahit sila, hindi nila ako gusto sa mansyon na ito. Hindi ko rin naman gusto rito, wala naman akong pakialam sa malaking bahay na ito, lalong-lalo na sa may-ari nito.
Hindi naman nagtagal... katulad ng inaasahan ko ay bumukas ang pintuan ng walang kumakatok. Iniluwa nito ang mukha ni Orion na seryoso at malamig ang pagkakatitig sa akin. Gusto ko siyang tanungin kung hindi ba siya marunong kumatok, pero natakot ako. At alam ko rin naman na wala akong karapatan. Gusto ko lang sana ibalik sa kanya ang tinuran niya kanina ng pumasok ako sa office niya.
"Follow me." Utos niya at hindi pakiusap o ano pa man. Mabilis kong hinawakan ang handle ng maleta ko at saka ko ito hinila palabas ng silid. Ang bilis ng bawat hakbang niya. Isang hakbang yata niya, dalawa o tatlong hakbang ko na. Ang hahaba ng binti niya, siguro ang taas niya ay nasa six feet and three inches. Masyadong matangkad sa isang katulad ko na five feet and three inches lang ang taas ko.
Habang naglalakad ako ay bigla akong bumangga sa likuran niya. Hindi ko na napansin na huminto na pala siya, kaya halos tumalbog ako at nawalan ng balanse. Pero naging mabilis ang kilos ng isang kamay niya kahit hindi siya nakatingin sa akin. Agad na nahablot ang kamay ko kaya hindi ako bumagsak sa sahig. Parang may kung anong kuryente ang dumaloy sa buong katawan ko ng maglapat ang palad namin. Pero agad ko itong binawi. Ayoko ng naramdaman ko. Hindi dapat. Hindi ako magkakagusto sa isang katulad niya.
"Huwag kang tatanga-tanga. Titingin ka sa dinaraanan mo."
Aray ko. Hindi ba pwedeng hindi lang ako nakatingin? Pero hindi ko na lang pinansin at humingi na lang ako ng pasensya. Kasalanan ko naman talaga, hindi ako nakatingin, pero hindi ako tanga.
Pagkarating namin ng sasakyan. Kinuha ng driver ang maleta ko at inilagay sa likod. Uupo sana ako sa likurang bahagi kung nasaan si Orion, pero hindi ko mabuksan ang pinto. Naka-lock. Kaya tumayo lang ako sa tabi ng sasakyan at hinintay ko ang driver. Nang nilapitan ako ng driver ay binuksan niya ang pintuan ng katabi ng driver seat at duon ako pinaupo, parang personal alalay lang ni Orion ang turing sa akin, pero okay lang. Naupo na lang ako sa tabi ng driver at hindi ko na nilingon pa ang asawa ko sa papel.
"Dalhin mo kami sa condo ko." Utos niya. Tahimik lang ako. Nakatingin lang ako sa magandang paligid hanggang sa tuluyan na naming nilisan ang malaki niyang mansyon. At least, nakahinga ako ng maluwag dahil wala ng mga mata ng kasambahay niya ang nakatitig sa akin. Kahit yata mga kasambahay niya, kailangan kong pangilagan.
Sa lalim ng iniisip ko... hindi ko na napansin pa ang pagdating namin sa isang condominium building. Nagulat na lang ako ng marinig ko ang pagbukas at pagsara ng pintuan ng sasakyan. Napatingin ako sa likurang bahagi ko, wala na si Orion at ako na lang pala ang natitira sa loob ng sasakyan. Hila ng driver ang maleta ko ng ibinaba niya ito ng sasakyan, kaya lumabas na ako dahil wala namang magbubukas ng pinto para sa akin.
Sinundan ko na lang sila, at pagpasok namin ng elevator... 26th floor ang pinindot niya at umusad na paakyat ang elevator. At hindi naman. nagtagal ay bumukas ito at nauna silang lumabas. Sunod lang ako ng sunod sa kahit saan sila magpunta. Ayokong maligaw sa lugar na ito at magmukhang tanga.
Isang pintuan ang pinasok namin matapos gamitan ito ng fingerprint ni Orion. Malaki ang condo unit niya, at ang mga gamit, mahihiya kang hawakan lalo na sa isang katulad ko na ngayon lamang nakakakita ng ganito kamamahal na kagamitan.
"Kuhanin mo ang maleta mo. Wala kang alalay." Sabi ni Orion, kaya agad kong kinuha ang maleta ko sa driver niya. Nagpasalamat ako sa Amerikanong driver niya at ngumiti naman ito sa akin. Buti na lang at hindi siya pinoy, kung hindi ay nakakahiya na talaga.
"Leave us now and wait for me in the car."
Napatingin lang ako kay Orion at sa driver niya na pinapalabas na niya. Nakakatakot talaga ang lalaking ito. Isang salita lang niya, napapasunod niya ang mga tao sa paligid niya. Anong klaseng tao ba ang pinakasalan ko? Ngayon pa lang, napupuno na ng takot ang buo kong pagkatao.
Pagkasara ng pinto, napatingin siya sa akin. Halos hindi ako makahinga. Natatakot talaga ako sa kanya. Gusto ko ng maiyak, pero nilalakasan ko ang loob ko.
"Ikaw naman. Dito ka muna. Puno ang refrigerator ng mga pwede mong iluto. Puno ang mga cabinet ng kahit na anong pagkain na nais mo, at wala kang katulong para magsilbi sa'yo, kaya asikasuhin mo ang sarili mo. Hindi kita pinakasalan para magbuhay donya sa lugar ko. Nandito ka lang para punan ang pangangailangan ng katawan ko, at para bigyan ako ng tagapagmana. Iyon lang ang papel mo sa buhay ko. Isa ka lang kasulatan na kailangang tuparin upang makuha ko ang gusto ko sa'yo, at makuha mo ang lupain at bahay ng mga magulang mo. Pagkapanganak mo, malaya ka ng makakaalis sa poder ko na hindi mo dala ang apelyido ko." Sabi niya. Gustong-gusto kong umiyak, pero nilalabanan ko lang ang sarili kong damdamin.
"Aalis ako. Pero sa pagbabalik ko ay ihanda mo ang sarili mo. Ibibigay mo sa akin ang katawan mong 'yan bilang asawa ko. May mahalaga lang akong pupuntahan at hindi ito makapaghihintay." Sabi niya. Tumango ako at tumingin ako sa paligid.
"Habang wala ako, magpakatino ka. Hindi kita pababantayan. Malaya kang magagawa ang gusto mo. Mamimili ka lang naman... aalis ka sa lugar na ito para takasan ako, at mawawala ang lahat sa pamilya mo, o mag-stay ka rito at gawin ang kasunduang pinirmahan mo." Sabi pa niya. Napalunok ako, pakiramdam ko ay tuyot na tuyot ang lalamunan ko.
"H-hindi ako aalis dito. Hindi ko kayang makita ang mga magulang ko na maninirahan sa kalye." Sagot ko. Isang mapanuyang ngisi ang gumuhit sa labi niya, pagkatapos ay dumukot ito sa kanyang bulsa at saka inilagay sa ibabaw ng coffee table ang isang bungkos ng pera na puro one hundred dollars, at may kasama itong isang piraso ng susi. Nagulat ako, para saan ang perang 'yon?
"Ilang araw akong mawawala kaya gamitin mo ang perang 'yan, at ang susing 'yan ay susi ng condo. Kung gusto mong lumabas para mamili, o kumain sa labas. Ayan ang pera, gamitin mo 'yan para may panggastos ka." Sabi niya.
"H-hindi ko naman kailangan ng pe..." Hindi pa man ako tapos magsalita, pinutol na agad niya.
"Kailangan mo 'yan. Kaya ka nga nandito sa sitwasyong ito ay dahil sa utang ng pamilya mo sa akin. Sa tingin mo ba, kaya mong bayaran ang mahigit na anim na milyon na pagkakautang ng ama at ina mo?" Hindi na ako nagsalita pa. Napayuko na lang ako. Tama naman siya. Pera ang dahilan kung bakit ako napunta sa nakasusuklam na sitwasyong ito.
"Wala ka ng magagawa pa Madel. Ito ang kapalaran mo, kaya lunukin mo ito kahit na mapaso ka pa."
Hindi na ako sumagot pa, tumulo na lang ang luha ko, pero pinahid ko agad. Kahit naman lumuha ako ng lumuha, hindi na mababago pa ang kapalaran ko. Kaya kailangan ko na lamang tatagan ang sarili ko. Tumango na lamang ako sa kanya, at narinig ko na lang ang pagbukas ng pintuan at ang pagsara nito.
Nang alam ko nang wala na siya, saka ako napahagulgol. Gusto ko na lang umuwi sa amin, pero alam ko na matatagalan pa lalo na at aalis si Orion at hindi ko naman alam kung saan ito pupunta. Napatingin ako sa perang iniwanan niya. Ito ang tingin niya sa amin... mga mukhang pera. Pero ang hindi niya alam... ang totoong dahilan kung bakit ang laki ng pagkakautang ng aking ama ay dahil sa kinailangang maoperahan ni nanay. May tumor siya sa utak nuon, at wala kaming mapagkukuhanan ng pera kaya unti-unting isinanla ng aking ama ang natitira naming sakahan. Napakalaki ng lupang sakahan ng aking ama, at ang anim na milyon ay maliit na halaga kumpara sa malaking lupain ng aking mga magulang. Iyon na lamang ang natitira niyang ari-arian mula sa mga magulang niya na pumanaw na. May dugo kaming banyaga, pero ang lolo at lola ko ay namatay na. Ni hindi ko nga sila nakilala dahil bata pa lamang ako nuon ng kinuha sila ng panginoon. Ang lolo at lola ng aking ama sa father side, matagal na siyang walang koneksyon. Ni hindi nga namin alam kung buhay pa ba sila o wala na rin. Hindi na rin inalam ng aking ama dahil wala naman kaming pera pambili ng ticket para makarating dito sa America.
Napaupo ako sa sofa. Itinaas ko ang dalawang paa ko sa sofa at saka ko niyakap ang mga binti ko. Nagugutom man ako, pero wala akong ganang kumain. Ni wala akong lakas para magluto ng pagkain ko. Hindi ko rin naman alam kung saan ako pupunta kung sakali man na lumabas ako. Hindi ko alam kung paano ako makakabalik dito sa condo, kaya ewan ko kung ano ba talaga ang dapat kong gawin.
Napatingin ako sa ibabaw ng coffee table. Napakunot ang noo ko ng mapadako ang tingin ko sa ibabaw ng magazine. Isang mapa ang nakapatong kaya agad ko itong dinampot. Mapa ito ng city kung saan ako naruon. Parang sinadya na lagyan ng bilog ang mga restaurant at mga mall sa lugar, at sa gitna nito ay may bilog ang mismong condominium building na kinaroroonan ko.
Napatingin ako sa orasang pambisig ko. Mahigit alas otso na ng gabi, pero bahala na. Gusto ko munang magpahangin sa labas kaya kumuha ako ng kaunting pera at saka ko kinuha ang isang paper bag na ibinigay ng driver kanina. Winter coat ang laman nito na binili daw ni Orion, kaya isinuot ko agad ito upang makaalis na ako, pero kinuha ko ang susi na iniwan ni Orion kasama ang pera. Hindi naman siguro mahirap ang sumakay ng taxi kung sakaling maligaw ako. Dinala ko na rin ang mapa, basta bahala na kung saan ako makarating. Kakain lang naman ako sa labas mag-isa, kahit simpleng fast food chain lang. Susulitin ko habang wala si Orion. Pakiramdam ko, magiging impyerno ang buhay ko sa oras na bumalik na siya.