KASAL NI Maxine.
Nagkakagulo ang lahat ng wedding girls. Di matatawarang excited at masaya ang lahat para kay Maxine. Bagaman halos perpekto ang lahta ng kasal na inayos ng Romantic Events, ang kasal ni Maxine ang masasabing pinakaperpekto. Muala sa gayak ng simbahan hanggang sa reception pati na ang lahat ng detalye ay magandang-maganda. Nadodomina iyon ng kulay mapusyaw na rosas na siyang pinili ni Maxine na motif. Para dito, rosas ang pinakaakmang kulay sa kasal nito dahil iyon ang simbolo ng kung ano ang nararamdaman nito at ni Xanderr sa isa’t isa.
Sa reception, hindi rin halos naghihiwalay ang mga wedding girls. Bagaman nitong huli ay madalas na magkita-kita ang lahat dahil sa pagiging involved sa kasal ni Maxine ay parang hindi pa rin nauubusan ng kuwento ang bawat isa.
Pinili ni Julianne na huwag kumibo. Tama na sa kanya na magpasalamat kapag pinupuri ang mga disenyo niya na siyang suot ngayon ng bride at ng entourage. Inaasahan na niyang mayamaya lang, siya na naman ang makikita ng mga kasamahan niyang wedding girls. At dalangin lang niya sa sana ay huwag siyang mapikon at makuhang tawanan lamang ang pangungulit ng mga ito.
She had nothing against getting married. Iyon nga lang, wala din naman siyang balak na mag-apura sa pagpapakasal dahil lang sa ang lahat ng kaibigan niya ay pawang may-asawa na ngayon.
“Julianne, siguro sa kasal mo ay si Sandra na ang magiging maid of honor mo,” nakangiting sabi ni Eve, halatang nanunudyo. Anak nitong panganay ang tinutukoy nito, na ngayon ay ni hindi pa nakaka-graduate ng elementary!
“Ang tagal naman pag ganun!” sabi ni Lorelle, ang alahera sa grupo. “Magpakasal ka within a year, Julianne. Sagot ko ang wedding ring mo, libre!”
“Ang daya!” protesta ni Dindin. “Bakit nung kami ang ikinasal, discount lang ang ibinigay mo? Pag ganyan, libre na rin ang cake!”
“Dear wedding girls, last na kasi sa group si Julianne kaya palilibrehin na ni Lorelle ng singsing,” bigay-katwiran naman ni Scarlett, ang siyang dapat na bigyan ng kredito sa magagandang flower arangement sa okasyong iyon. “Okay, I’ll be generous also for you. Libre ang mga bulaklak sa kasal mo.”
“Baka naman kaya libre ang singsing, isang milyon ibebenta ni Lorelle sa magiging fiance ni Julianne ang engagement ring,” biro ni Shelby, ang kanilang wedding singer.
“Bibigyan ko naman ng komisyon si Julianne,” nakangising sagot ni Lorelle.
“Sige na nga, ako rin, libre na ang service ko kay Julianne basta magiging bride din siya this year,” sabi ni Ysa, ang official hair and makeup artist ng grupo.
“Okay, sagot ko na rina ng two tickets for Asian cruise. Ticket lang ha? Hindi kasali ang accommodation,” nakangiting sabi ni Nicole. “Happy ka na ba dun, Julianne?”
“Happy,” mabilis na sagot niya at bumaling kay Andie. “Ikaw, sagot mo ba ang mapapangasawa ko?”
“Hay! Naku! Ikaw ang humanap ng mapapangasawa mo, no? Sagot ko na rin ang catering services. Pagkain na lang ang babayaran mo.”
“As usual, libre ang pag-e-emcee ko,” sabi ni Charity.
“Parang masama yata ang loob mo?” kantiyaw dito ni Faith, ang kanilang printer. “Ako, Julianne, sagot ko ang imbitasyon at souvenirs sa kasal mo. Kahit iyong pinakamahal, walang problema.”
“Ang galing naman,” nakangising wika niya. “Wala na pala akong poproblemahin sa kasal ko.”
“Tumpak,” ani Eve. “Iyong groom na lang ang poproblemahin mo. Kung ako sa iyo, magsimula ka nang maghanap. Dahil may expiration yata ang mga pledges sa iyo ng wedding girls. Kailangan, within a year ka ikakasal.”
“Ang bilis naman!” aniya.
“Matagal na ang isang taon, ano ka ba? Hindi na uso ang long engagement ngayon. Saka kapag nakilala mo na ang love of your life, alam mo na agad kung gusto mo bang magpakasal o hindi,” sabi ni Lorelle.
“Talaga, ha?” ngisi niya. “Bakit ikaw, nanganak ka muna bago ka nagpakasal?”
“Bakit, within a year pa rin naman iyon, ah?” nakatawang depensa nito.
“Still, tama si Lorelle. Sa ating mga wedding girls, sino ba ang nagpakasal pagkatapos ng napakahabang engagement? Wala naman, di ba?” ani Scarlett.
Napaubo nang malakas si Faith, halatang peke.
“Am, iba naman ang kaso mo,” baling dito ni Charity.
“Hoy! Puro kayo tsika diyan?” nakangiting lapit sa kanila ng bride na si Maxine. “Wala pa tayong souvenir shot!”
“Di, mag-pose na!” sabi ni Eve at sabay-sabay nang kumilos ang lahat para magpa-picture.
I can’t remember when you weren’t there
When I didn’t care about anyone but you
I swear we’ve been through everything there is
Can’t imagine anything we’ve missed
Can’t imagine anything the two of us can do
Through the years you’ve never let me down…
Sinamantala ni Julianne ang pagkakataong iyon para lisanin ang ballroom ng hotel kung saan ginaganap ang reception ng kasal ni Maxine. Halos lahat ng guests ay nakatutok sa pag-awit ni Shelby. Siyempre pa, ang kantang iyon ay bagay na bagay para sa mga bagong kasal.
Tinungo niya ang lobby ng hotel. Ang balak niya ay sa poolside magtungo para sumagap ng sariwang hangin pero natanaw pa lang niya na maraming tao doon ay umiba siya agad ng direksyon. Mabuti pa sa lobby at bihira ang tao.
Naupo siya sa isang bakanteng sofa at ibinaling ang tingin sa entarada ng hotel. Wala siyang interes sa halaman pero mas ginusto niyang sa landscape ipako ang tingin kaysa usyosohin ang bawat sasakyang humihinto sa tapat ng hotel.
pero nang huminto ang isang taxi at bumaba doon ang isang may-edad nang babae at isang lalaking lubha ang kabataan dito ay naagaw niyon ang pansin niya. Tila may pinagtatalunan ang dalawa. Nang makapasok iyon sa lobby ay naringgan pa niya ang pinag-uusapan ng mga ito.
“Gastos pang mag-check dito samantalang may matutuluyan naman tayo,” anang babae.
“Sigurado ka bang patutuluyin nga tayo doon?” sagot naman ng lalaki.
Mabilis na nakalampas sa kanya ang dalawa. Ni hindi nga niya nabistahan nang husto ang anyo ng lalaki. pero ang babae ay mas napagmasdan niya. Sa bihis at make-up nito, halatang pinababata nito ang anyo kaysa sa tamang edad.
“Julianne! Kanina pa kita hinahanap,” lapit sa kanya ni Charity. “Matatapos na iyong set ng kanta ni Shelby. Gusto ni Maxine na naroon ka para sa susunod na part ng prgram.”
“Maghahagis ng bouquet?” matabang na sabi niya.
“Ano pa?” nakangiti namang kumpirma nito. “Tara na.”
Tumayo na rin siya. Parang nakikinita na niyang siya ang magiging tampulan ng tukso. Oo nga’t may iba pang single ladies na bisita sa kasalang iyon pero mas matindi ang pagdidiin sa pagiging single niya.
“Utang-na-loob, ha?” wika niya kay Charity. “Huwag na huwag ninyong iaabot sa akin ang bouquet ni Maxine. Magwo-walk out ako.”
“Grabe naman ito,” naiiling na sagot ni Charity. “Ang request lang naman ng bride ay nandoon ka rin. After all, ikaw itong maid of honor niya.”
“Iba lang iyong malinaw,” seryoso namang sabi niya.
Kitang-kita niya ang pagkislap ng mga mata ni Maxine nang makita siya nito. Sa munting script ng wedding program ay umayos na si Maxine sa dapat nitong tayuan. Sila namang mga single ladies ay binigyan na rin ng briefing ni Cahrity bilang emcee kung ano ang dapat na gagawin. May iba rin itong style sa pagpapahagis ng bulaklak.
Sa paghagis ni Maxine, bago pa man iyon bumagsak sa kung sinumang nandoon ay isisigaw na ni Charity kung in or out ang nakasalo. Aalis na sa grupo kapag out. Ang limang matitirang in, isa sa kanila ang tatanghaling talagang nakasalo ng bulaklak.
“Out!” malakas na sabi ni Charity.
Nakita ni Julianne na malapit sa gawi niya ang bouquet. Bago pa iyon masalo ng isang guest ay inabot na niya iyon.
“Out na ko,” nagdidiwang na sabi niya. Ibinalik niya kay Maxine ang bouquet at hinalikan ito ng pagbati.
“Kainis ka naman. Dapat sa “in” ka nakipag-unahang makasalo,” anito.
“Gusto ko ngang ma-out, eh,” sagot naman niya at tinungo na ang mesa ng wedding girls. “O, huwag na kayong umasa. Nakita ninyo naman, na’out na ko,” inunahan na kaagad niya ang mga ito sa sasabihin sa kanya.
“Sayang naman ang pledges namin. Ikaw mismo, sumusuko,” ani Scarlett.
“Aba, sa singsing pa lang from Lorelle, ang laki na sana ng matitipid mo,” sabi ni Ysa.
Ngumiti siya nang ubod-tamis. “Alam kong mahal ninyo akong lahat. Kahit ten years from now pa ako magpakasal, ibibigay ninyo pa rin sa akin iyang mga pledges ninyo.”
“Ganun?” chorus na wika ng wedding girls.