Chapter Nineteen

1136 Words
Trauma Isang magandang araw sa nagbabasa ng lathalain na ito. Ako nga pala si Alex, isang simpleng mamamayan ng Pilipinas. Wala naman akong masyadong kayang gawin na naiiba sa ibang mga tao. Pare-pareho lang naman tayong lahat na humihinga at nakatira sa mundong ito. Ngunit ang hindi ko maintindihan, bakit sa dinami-rami ng tao, ako pa ang binigyan ng Panginoon ng isang kakaibang sakit. Ang sakit na ito ay tinatawag na Cold Urticaria. Isa itong klase ng allergy na lumalabas tuwing nakakaramdam ng lamig dahil sa malamig na hangin o tubig. Isa sa pinakamasakit para sa akin nang malamang wala pang lunas sa sakit na ito gaya na lamang ng iba pang klase ng mga allergies. Tanging pag-iwas na lamang ang maari kong gawin. Alam ko naman na ang tungkol dito noong bata pa lamang ako. Sabi ng nanay ko, napansin niya daw ang pamamantal ko sa tyan noong sanggol pa lamang ako dahil sa lamig ng aircon. Simula noon, nakasanayan na ng pamilya namin na gumamit na lamang ng electric fan at pamaypay kaysa sa aircon. Patuloy akong namuhay ng normal kahit na ang ilan sa mga kaklase at kaibigan ko ay minsan na ding nagtataka kung bakit tuwing malamig ang panahon, lagi akong nakadyaket. Dinadahilan ko na lamang na nilalamig ako. Medyo naniwala naman sila sa sinabi kong iyon dahil kahit maski sila ay giniginaw din ngunit nakakayanan naman ng pangangatawan nila. Lumipas ang mga taon, labing-dalawang taong gulang ako noong malaman ko ang kagimbal-gimbal na karagdagang impormasyon tungkol sa aking sakit. Disyembre noong taon na iyon. Malamig ngunit masigla dahil nalalapit na ang kapaskuhan. Sumama kami ng mga kapatid ko sa Christmas Party ng mga magulang ko sa isang resort sa Bulacan. Nakalimutan ko na ang pangalan na iyon ngunit sa pagkakatanda ko, dalawa ang pool na mayroon sila, kasama ng fish pond, hotel at basketball court. Ang may-ari din ng resort na iyon ay ang boss ng mga magulang ko. Umaga nang makarating kami sa destinasyon. Pagkababa pa lamang naming magkakapatid ng sasakyan, gusto na agad naming lumusong sa pool. Ilang taon na rin kasi ang nakalipas mula ng huling ligo namin sa pool o ‘di kaya naman sa dagat. Dumiretso kami sa aming silid kung saan mayroon kaming kasamang iba pang mga kababaihan. Habang ang tatay ko naman ay nasa kabilang kwarto, kasama ng iba pang mga kalalakihan. Pagpasok ko pa lamang sa kwarto, ramdam ko na ang tripleng lamig ng hangin. Mabuti na lamang ay handa ako at nagdala ako ng sandamakmak na mga dyaket at makapal na kumot. Mamayang gabi pa ang salo-salo ng kumpanya ng aking ina ngunit nagsimula na sila sa paglagay ng mga dekorasyon sa paggaganapan ng handaan. Dahil hindi ko na nakayanan ang lamig, lumabas ako ng bahay at tumulong sa kanila. Nag-ensayo na rin ako kasama ng aking mga kapatid para maging maayos at perpekto ang gagawin naming presentasyon kung saan, sabi ng aking ina ay may premyong dalawang libo. Naisip ko agad na bumili ng libro noong mga oras na iyon pagkatapos naming makuha ang premyo. Dati pa lamang ay gusto ko ng bumili ng mga libro upang basahin ngunit dahil wala akong pera, hindi ko magawang makabili. Lumipas ang mga oras kasabay ng paglubog ng araw. Wala namang masyadong nangyari noong gabing iyon maliban na lamang sa nakatanggap ako ng dalawang libo at naka-ubos ako ng apat na pinggang mga pagkain. Alas-dyis pa lamang ng gabi, bumalik na agad ako sa kwarto upang matulog. Hindi ko nga alam paano ko nakayanang matulog gayong rinig na rinig ang malalakas na kantahan mula sa speaker. Kinabukasan, maaga akong nagising at kita ko pa na ang iba sa mga kasamahan ni Mama ay papatulog pa lamang. Tinignan ko ang orasan at nabatid kong alas-syete na ng umaga. Lumabas ako ng kwarto at napadaan sa pool. Doon ko natagpuan ang mga kapatid kong masayang nagtatampisaw sa tubig. Mabilis akong tumakbo pabalik sa kwarto at nagpaalam sa nanay ko na maliligo sa pool. Um-oo naman siya kaya hindi na ako nagpalit na at mabilis na tumalon papunta sa tubig. Ramdam ko ang saya noong mga panahon na iyon. Gusto ko talagang nagtatampisaw sa tubig at lumalangoy. Matapos ng ilang minuto, umahon ako upang kumain ng meryenda ngunit pagkatapos din noon ay bumalik agad ako sa tubig. Isang oras ang lumipas at ramdam ko ang pamamantal ng katawan ko. Hindi ito tulad ng dati na unti-unti lamang na lumalabas ngunit sabay na lumabas ang mga pantal sa buong katawan ko. Narinig kong sumigaw ang nanay ko na umahon na kami dahil kakain na ng almusal. Dahan-dahan akong umahon at dumiretso sa kalapit na banyo upang magbihis. Pagkasarado ko ng pinto, ramdam ko ang panghihina ng katawan ko. Nangingitim din ang paningin ko kasabay ng pagkawala ng hininga ko. Kahit nahihirapan man, pinilit ko na magbihis at nakapagsuot naman ako ng panloob at shorts. Dahil hindi ko alam kung anong nangyayari sa akin, ang unang ginawa ko ay ang buksan ang pinto at sumigaw ng saklolo. Naalala ko pa na tatlong beses akong sumigaw ng “Mama” bago ko naramdaman ang pagdating ng nanay ko. Nang maaninag ng mga mata ko na tumatakbo siya papunta sa pwesto ko, mabilis na nanghina ang tuhod ko at ako’y napahiga sa sahig. Ang huling imaheng nakita ko lamang bago magdilim ang paningin ko ay ang paglapit sa akin ng nanay ko para tulungan ako. Wala akong makita at mahihinang mga sigaw lamang ang naririnig ko noong mga panahon na iyon. Ramdam kong mabilis na pinasuot sa akin ng nanay ko ang isang maluwag na T-shirt bago niya ako binuhat papalabas sa banyo. Hindi ko na nalaman kung anong nangyayari noong mga panahon na iyon. Basta ang naaalala ko lamang ay ang paulit-ulit kong bulong na, “Mama, wala akong makita.” Ramdam ko na pina-upo nila ako sa isang upuan at sinabihang huminahon habang minamasahe at pinapahiran ng baby oil ang balat ko upang makaramdam ng init. Makalipas ng ilang minuto, bumalik sa normal ang paghinga ko. Unti-unti na ring bumabalik ang mga kulay at imahe sa paningin ko. Matapos ng pangyayaring iyon, agad kaming dumiretso sa doktor upang magtanong sa totoong dahilan ng nangyari. Doon ko nalaman na dapat ay hindi ako tumatagal sa ilalim ng tubig. Mas mainam na kung maliligo man ulit ako sa pool o sa dagat sa susunod, hanggang tatlumpung minuto lamang akong magtatampisaw. Dagdag na rin sa nangyari na inatake ako ng panic attack. Ito ang pinaka-hindi ko malilimutang pangyayari sa buong buhay ko. Simula noon, nagkaroon ako ng trauma sa mga pool, dagat o kung ano pa mang katulad nito. Takot at pangamba para sa buhay ko ang nararamdaman ko tuwing nakakakita ako ng mga ganito. Iniisip ko na sana, sa susunod na buhay, maranasan kong mamuhay ng normal gaya ng ibang tao.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD