Chapter 5

1279 Words
Hindi matanggal kay Helena ang takot na naramdaman niya kanina nang kinompronta siya ni Harley. Naaalala niya ang panggagalaiti ng lalaki sa inis dahil sa nakita niya sa gabing iyon. Kung puwede lang baguhin ang nangyari, pipiliin niyang hindi na lang niya iyon nakita. Bukod sa napapapikit siya tuwing naaalala ang insidente, may sekreto pa siyang kailangang itago. "Huy, Helena!" tawag ni Bea nang abutan niyang tulala si Helena sa lounge. Handa na si Helena para sa part-time na trabaho na sinasabi ni Bea. Naniniwala naman siyang hindi ito pagbibenta ng laman dahil may ipinakita si Bea na mga pictures sa kanyang cellphone. "Ready ka na ba? Mga dadalhin mo?" tanong ni Bea. Kakarating lang ni Bea. Alas singko na ng hapon, at kanina pa handa si Helena para sa part-time na iyon. Aniya'y madalas alas otso ang alis nila ng grupo patungo sa iba't ibang bar. "Anong dadalhin? Akala ko ba may damit na doon?" sabi ni Helena. Nakasimpleng t-shirt lang siya at short pants. Inasahan niyang may damit na doon kaya hindi niya inisip na may dadalhin pa siya. "Pumps? Make-up?" nagtataas ng kilay si Bea. Nalaglag ang panga ni Helena. "Wala ako ng mga 'yon." "Ano?" Malaking OMG ang reaksyon ni Bea. Nakapamaywang si Bea habang tinititigan si Helena. Goodbye, one thousand! Hindi yata mapupunta sa kanya iyon sa gabing ito. Siguro ay kailangan niyang mamili ng pumps at make-up nang sa ganon ay sa Biyernes, magkakaroon na siya. "O sige, papahiramin kita!" aniya at may kinalkal sa locker niya. Umaliwalas ang pakiramdam ni Helena sa sinabi ni Bea. "Sayang naman kasi ang slot kapag hindi ka makakasali ngayon." Tumayo si Helena at nilapitan si Bea. Kitang-kita niya ang kulay gold na pumps na medyo may kalumaan na. Kailangan niyang ilagay din ang pumps sa listahan ng mga kailangan niyang bilhin. Basta ba maganda ang resulta ng gabing ito, sisiguraduhin niyang bibili siya ng ganoon. "Naku, Bea, sorry ah? Hindi mo naman kailangang gawin ito pero kailangan ko 'yong pera. 'Di bale bibili ako ng ganito—" "Wag mo nang alalahanin, Helena. Medyo sira na 'yong takong niyan kaya mag-ingat ka na lang. Huwag kang magtatalon," sabi ni Bea sabay lagay ng pumps sa paanan ni Helena. Sinubukan ni Helena iyon. "Kailangan bang tumalon sa trabahong ito?" Tumawa si Bea. "Hindi, pero baka maisipan mong tumalon at sumayaw pag nakapunta ka na sa mga bar na pupuntahan natin." Hindi naintindihan ni Helena ang sinabi ni Bea. Hindi pa kasi siya nakakapunta sa isang bar. Siguro ang pinakamalapit lang sa "bar" na napuntahan niya ay ang mga inuman noon sa kanto sa maputik na lugar nina Auntie. Sumunod lang si Helena kay Bea hanggang sa nakarating sila sa isang building. Ilang pintuan ang pinasok nila hanggang sa nakita ni Helena ang logo ng isang sikat na brand ng alak. Pumasok sila sa loob at agad niyang nakita ang ilang mga babae na nagmi-make-up at nakasuot ng kulay pulang damit. Maiksi iyon, iyong tipong pag ka yuko mo ng kaonti ay makikita na ang panty mo. Hindi tuloy sigurado si Helena kung kaya ba niya ito. Pero tuwing naiisip niya na tatayo lang naman siya at magkakaroon na siya ng isang libo, nabubuhayan siya ng loob. Wala nang arte-arte, Helena. "Magandang gabi, Ma'am. May kasama po ako ngayon," sabi ni Bea sabay hila kay Helena. Tiningala siya ng isang bading. "Ma'am." Dapat din siyang tawagin ni Helena ng ganito. "Magandang gabi, Ma'am," bati ni Helena habang sinusuri siya mula ulo hanggang paa. "Ilang taon ka na? Nag-disi-otso ka na ba?" tanong ng bading. "Twenty na po ako," sabi ni Helena. "Ma'am, twenty na po siya. Nagtatrabaho na nga po ito sa Montenegro. Kasama ko 'to. Janitress din," ani Bea. "O sige. May mga uniporme doon, naka-hanger. Kumuha ka ng sukat mo doon at magsimula na kayong mag-ayos. 7:30 ang alis natin. Siguraduhin niyong nakakain kayo." Hinila agad ni Bea si Helena sa sulok kung saan may mga pulang unipormeng nakahanger. Medyo naibsan ang pangamba ni Helena na baka scam itong pinasukan niya. Legit nga! May nakalagay na Cuervo sa damit na iyon! Walang pakialamanan sa pagbibihis. Ang tanging lalaki doon ay si Ma'am na bading naman. Mabilis na hinubad ni Bea ang kanyang damit. Isang iglap lang ay naka-bra at panty na lang siya. "Bilisan mo, Helena!" saway ni Bea dahil nahihiya pa si Helena maghubad. Tinitingnan-tingnan ni Helena ang mga babaeng naroon at hindi naman sila nanonood. Mas concerned pa sila sa lipstick at fake eyelashes na nilalagay nila sa kanilang mga mata. Naaalala tuloy ni Helena ang pakiramdam noong nilagyan siya ni Mama ng ganoon sa mga mata noong prom. Pakiramdam niya noon, ang ganda-ganda na niya. Iyong nga lang, hindi naging maganda ang kinahinatnan ng prom dahil inaway siya ng pinsan niya. Nang nakapagbihis na si Helena, panay ang baba niya sa palda ng maiksi at sobrang kapit na damit. Tinatampal ni Bea ang kamay niya tuwing ginagawa niya iyon. "Tumigil ka, ah? Hayaan mo na 'yan. 'Yan ang nakakabenta sa atin. Tuwing maiksi 'yan, mas marami kang mabebentahan," aniya pagkatapos lagyan ng mascara ang mga mata ni Helena. "Ha? Para naman tayong prostitute nito." Kumunot ang noo ni Bea na para bang nainsulto siya. "Helena, marangal na trabaho itong pinasok mo! Pero ganyan talaga. Yan ang totoo. Ang mga bar na 'yan, punong-puno ng lalaking mayayaman at nagwawaldas ng pera. Pwede silang bumili sa ibang tindahan ng alak, pero hihikayatin natin silang sa atin bumili dahil magaganda tayo." Yumuko si Helena dahil alam niyang ganoon nga ang totoo, pero hindi lang siya komportable sa mga iniisip niya. Siguro ay dapat isipin na lang niya ang pera. "'Yang mayayamang 'yan, naku! Konting lambing mo lang sa kanila, bibili na 'yan. 'Sir, wine po kayo?'" aniya sa malambing na boses. Ngumiti si Helena sa sinabi ni Bea. "Want some wine?" kumindat si Bea kay Helena. "Ganoon lang 'yon, Helena. At voila! May bumili na agad. Kapag may bumiling isa, dadami ang bibili sa iyo kaya dapat mauna ka." Pagkatapos niyang mag-make-up, si Helena naman ang inartehan niya. Panay ang pangaral ni Bea kay Helena tungkol sa kung paano makakabenta ng alak sa mga bar. Kinuwento niya rin na nagkakaroon daw ng tip pag nagugustuhan ka ng bumibili. Ibig sabihin, madalas doble ang makukuhang pera. "Ang mga mayayamang 'yan, nag-aaksaya lang ng pera kaya 'yong sobra, sa'yo na," tawa ni Bea nang matapos na ang pagmi-make-up niya kay Helena. Tumango si Helena at nilagay lahat sa isip niya ang mga pangaral ni Bea. Pumalakpak si Ma'am at agad na silang humilera sa harapan niya. Tama si Bea at medyo sira na nga itong pumps niya kaya hindi masyadong nagagalaw ng biglaan si Helena. "Same instructions, same rules! Go!" ani Ma'am at mabilis na lumabas ang halos sampung babae kasama sina Bea at Helena. Hindi alam ni Helena kung ano ang instructions at rules dahil maiksi lang ang sinabi ni Ma'am. Kinailangan niyang magtanong kay Bea at ang sabi nito ay wala naman daw siyang dapat ipag-alala. "Kailan ba ibibigay 'yong pera, Bea?" tanong ni Helena nang nagsiksikan na sila sa van. "Dito na sa van. Hanggang alas dos lang tayo, Helena. Pagka-alas dos, balik tayo dito, tapos ibibigay na ang pera at pwede na tayong umuwi." Tumango si Helena at sinuot na ang bag na may lamang mga bote ng alak. Pinag-aralan niya kung saan ilalagay ang pera doon sa bag. "Okay, girls. Tatlumpung minuto tayo dito," ani Ma'am na nasa front seat pala nang tumigil ang van sa tapat ng isang square kung saan maraming tao at maingay ang musika. "Hindi pa peak ng party dahil maaga pa kaya tatlumpung minuto, balik kayo agad dito."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD