“Sige na po, Ninong. Pumayag ka nang sumama akong maligo sa ilog mamaya. Wala po talagang kasamang lalaki ngayon. Promise!” Kanina pa paulit-ulit na nakikiusap si Saraya sa Ninong Dwight niya na payagan siya nito na maligo sa ilog. Pero dahil hindi ito natuwa noong huling beses na nagpaalam siya dito na maliligo sa ilog kasama ang mga kaibigan ay hindi na ito muling pumayag na maligo siya sa ilog kasama sina Holy at Mary. Mahigit tatlong buwan na yata ang nakalipas noong nangyari ang insidente na iyon pero hindi pa rin nakakalimutan ng Ninong niya ang tungkol doon! Hindi naman niya akalain na lolokohin siya ng Ben na iyon at sadyang uutusan ang mga kaibigan niya na bumili ng merienda para lang masolo siya. Kahit ang mga kaibigan niyang sina Holy at Mary ay pinag sinungalingan rin ni Ben.

