Prologue

2320 Words
Basa ang simento nang bumaba ang babae mula sa kanyang 2008 Nissan Sentra na kulay gray. May mga maliliit na pool ng tubig sa parking lot ng Manila Cathedral na sumasalamin sa makulimlim na kalangitan. Katatapos pa lang ng ulan nguni't tila nakahilera na ang mga ulap sa langit para sa panibagong pagbuhos. Tinatakluban nila ang sikat ng araw kaya't alas-otso y medya pa lang ng umaga ay parang dapit-hapon na. Iniwasan ng babae na hindi mapaapak sa tubig sa kanyang paglalakad tungo sa simbahan. Ang kanyang high heels ay tunog takatak sa kulay alikabok na simento. Pormal ang kanyang kasuotan. Light blue na long sleeves na may itim na blazer sa ibabaw, brown na slacks, at hawak niyang brown leather na briefcase. Nang malapit na sa entrance ay in-adjust ng babae ang salamin sa kanyang mata at siniguradong ayos ang kanyang buhok na nakatali. Importanteng tao ang sadya niya sa Manila Cathedral, kailangan niyang magpa-impress. Binati siya ng lalaking sekretarya na naka-barong at pinaghintay sa lobby. Habang naroon ay pinagmasdan ng babae ang eleganteng interior. Ang barnisadong kahoy at mataas na kisame. Dama niya ang pagiging-solemn ng lugar. Ang kabanalan ng bahay ng Diyos. Hindi pa niya sagad na na-aabsorb ang feeling nang bumalik ang sekretarya. "Ma'm, the bishop will see you now." Agad na tumayo ang babae at sinundan ang sekretarya tungo sa mahabang hallway. Muli, ang high heel shoes niya ay malakas na takatak sa floor tile kaya't para siyang nahiya at iningatan ang bawat hakbang. May mga lumang paintings sa hallway na kanilang dinaanan, mga litrato ng mga, sa palagay niya, mga yumaong alagad ng Diyos. Nakarating sila sa dulo ng hallway kung saan binuksan ng sekretarya ang isang pintuan at doon sinenyasan ang babae na pumasok. "Good morning, Ms. Pontificano." Hindi inaasahan ni Dr. Pilar Pontificano, isang psychiatrist, na ang sasalubong sa kanya ay isang 60-something na matangkad na kastiloy na obispong nakasutang puti. Sa estima niya, mga 6 hanggang 6 foot 2 ito. Matangos ang ilong, ang puting buhok sa tagiliran ng ulo'y nagpapa-regal dito. Nanliit ang duktora na 5 feet 5 inches lamang...kasama na ang high heels. "Bishop Israel..." bati niya at sila'y nagkamay. "Please, have a seat," alok ng obispo. Naupo ang duktora sa naghihintay na wooden chair sa tabi ng malaking office table na gawa sa mahogany. Dinaanan niya ng tingin ang loob at nakitang napapalibutan ito ng mga libro. Dalawang malalaking bookcases ang puno ng mga hard-bound books. Palabasa ang bishop, wari niya. "How was your trip? You must be tired," tanong ni Bishop Israel habang naupo sa tapat ng duktora. "The trip was fine, your excellency," ngiti ni Dr. Pontificano. Ngumiti rin ang bishop pagka't alam ng duktora kung paano siya iproperly address...just as he expected. Alam niya ang kalidad ng duktora at habang inofferan niya ito ng tea na nakahanda na sa mesa ay kinuha niyang CV nito mula sa cabinet. "Assumption College. BS in Psychology and Behavioral Science with a Masters course," basa ng bishop habang sinuot ang reading glasses. "Graduated top of your class. Summa c*m Laude." Tumango ang duktora at pinipigilang mangiti habang inisa-isa ng obispo ang kanyang mga accomplishments, kasama na ang mga awards na nakalap at naging job experience. "What strikes me the most, Dr. Pontificano," pumungay mata ng bishop, "Is your tenure sa Oram Mental Rehabilitation Center in Quezon Province. Nagtrabaho ka sa isang mental institution as resident psychiatrist. Tell me, doctor, what made you decide to work with mental patients?" Napasandal si Dr. Pontificano. Alam niyang tatanungin ito at handa siya sa isasagot. "The challenge, your excellency," sabi niya, and with much emotion, "I like to get inside the head of these patients and know what's really in there. To know how their mind works and ultimately, to help them. Make them better." "And how was the experience?" tanong ng bishop. "Did you accomplish what you intended to?" Bahagyang natigilan si Dr. Pontificano. Naisip niya ang last subject, ang last patient niya sa mental institution sa Oram. Isang lalaki na inakala siya'y si Jesus Christ, at kung paano niya ito natulungang maging normal. Or so she thought. "Y-yes," sagot ng duktora. Saglit silang nagkatinginan. Para sa obispo naman, hindi niya inaasahan na mas maganda pa pala sa personal ang duktora kesa sa picture nito sa resume. Maputi, long hair at alaga ang kutis. Although turning 40 na, mukhang nasa early 30s lang si Dr. Pontificano. Looks aside, alam ni Bishop Israel na umiibabaw pa rin ang kakayahan nito, at siya'y utterly convinced. "Well...," pinagdikit ni Bishop Israel ang kanyang mga palad. "I am very sure you're the right one for the job." Hindi na napigilan ng duktora na mangiti lalo na't nabanggit ang tungkol sa "job," at mukhang tanggap na siya. Bago siya magtungo para sa interview na ito'y may idea na siya kung gaano ka-high-profile ang assignment na ito. Binuksan muli ng obispo ang cabinet at kinuha ang isang papel at nilapag sa harap ng duktora. "This is your contract, doctor," sabi niya. Excited na kinuha ng duktora ang papel at tinignan at napataas ang kilay sa salary na nakasaad doon. Malaki ang numero, enough para himatayin ang isang psychiatrist na tulad niya. Tumalon ang kanyang puso at nang kanyang itinaas ang ulo'y nakitang hawak na ng obispo ang sign pen. Alam na agad ng duktora ang ibig sabihin nito at agad niyang kinuha ang sign pen, pero, bago niya pirmahan ang kontrata ay may sinabi ang obispo. "Before you sign, doctor," may concern sa tono ng bishop. "You may want to know the nature of your job..." Hindi pa man tapos sa sasabihin ang bishop ay pumirma na ang duktora. Napailing si Bishop Israel, at kinuha at ipinakita ang isa pang papel. "This is a Non-disclosure Agreement..." sabi ng obispo. "Lahat ng mawi-witness mo, you cannot..." "Yes, sure," mabilis na sabi ni Dr. Pontificano, at hindi pa uli tapos ang obispo sa sentence niya ay muling kinuha agad ang papel at sinimulang pirmahan. Non-disclosure agreement. Of course. Sanay na sanay siya sa doctor-patient oath of confidentiality. Okay, so maraming sikreto ang simbahan. Fine. She's okay with that. Ganoon na lang ang excitement ni Dr. Pontificano. Bukod sa expected niyang may magandang compensation ito, at napatutuhanan nga niya, ay excited din siya sa bagong experience. Hindi pa niya nakaka-work closely ang religious sector. Nag-o-offer ito ng panibagong challenge. Ang tanging curious lang siya up to that point ay: "If you don't mind me asking, your excellency," sabi ni Dr. Pontificano habang pumipirma. "What exactly is the job? Who are my patients?" Sumandal si Bishop Israel at sinabi: "Patient." Natigilan si Dr. Pontificano. Pirmado na ang mga papel. "Patient?" pagtataka niya. "One patient?" Hindi siya sinagot ni Bishop Israel, kundi'y bigla na lamang itong tumayo. "Please, follow me, doctor," aniya. "And bring the papers." Nang makitang mabilis na lumakad ang obispo palabas ng kuwarto ay nagmamadaling tumayo ang duktora para sumunod, muntik pa niyang mahulog ang kanyang briefcase at matisod sa kanyang high-heels. Muntik pa niyang makalimutan na dalhin ang mga kontrata. Habang palabas ay mabilis na umikot sa isipan niya kung anong drama ito, at napuno siya ng tensyon.                                                                                                 # Mula sa kuwarto ni Bishop Israel ay dumaan sila sa isang hallway na konektado sa isang open courtyard, at mula doon sa isang hagdanan na papunta ng basement. Doon, may mga armadong guwardiya at nang makita ang bishop ay agad na bumati. Sumenyas si Bishop Israel na kasama niya si Dr. Pontificano at inescortan sila ng isang guwardiya tungo ng isang corridor kung saan sa dulo ay may bakal na gate. Binuksan ito ng guwardiya at doon pumasok ang obispo at duktora at pinagsarhan muli ng pintuan. Madilim ang pinasukan nila na naiilawan ng mga dilaw na bumbilya sa kisame. Na-realize ni Dr. Pontificano na malamang na kasama ito sa pinirmahan niyang Non-disclosure Agreement. Itong sikretong lugar na ito sa ilalim ng simbahan. Isang tunnel na gawa sa simento't bato. "Follow me," sabi ni Bishop Israel. "Saan tayo pupunta?" may alarma sa boses ng duktora, nakalimutan na rin niyang mag-your excellency. Lalo pa siyang kinabahan sa sagot ng obispo. "Ipapakilala ko sa 'yo ang pasyente mo." Nag-eecho ang mga yapak nila sa batong sahig. Mas malalim na mga takatak kesa sa simento sa parking lot o floor tiles sa itaas. Dito, makapal ang moisture, basa ang sahig at ang hangin ay amoy ng kuweba at panahong sinauna. Lumakad sila tungo sa isang corridor kung saan may hilera ng mga selda na rehas ang harapan na tila panahon pa ata ng mga Kastila. Mas parang mga dungeon kung saan iniimpreso ng simbahan ang mga kalabang insurrectionista, ng mga pagano at gypsy. Nakita ng duktora na sa mga selda ay may mga makakapal na kadena na para sa kamay at paa. Naalala niya ang mga sinaunang kulungan ng mga preso. Mga selda na bare lamang bukod sa nasabing mga kadena at putik sa sahig. Nguni't, ang huling selda ay maayos at ginawang more habitable, alang-alang sa taong nag-o-occupy nito. Nilagyan ito ng maayos na kama na may side table sa isang bahagi at inidoro at wash basin sa kabila. Tumayo sila sa harap ng selda na ito at tumumbad sa kanila ang imahen ng isang lalaki na nakatayo sa sulok—at natatakpan ang mukha ng dilim. "s**t," bulong ni Dr. Pontificano at siya'y napatingin kay Bishop Israel na tumango bilang kumpirmasyon na ito nga ang pasyente niya. Hindi alam ng duktora ang sasabihin niya, kundi: "H-hello..." sabay lunok nang malalim. Tahimik lang ang lalaki pero alam nila na nakatingin ito sa kanila. Na pinagmamasdan sila. Katamtaman ang taas nito at pangagatawan, suot ay kulay puting T-shirt at itim na pantalon at nakayapak lamang. "H-hi, Ako si Doctor Pilar Pontificano," bating muli ng duktora. "Pwede ba kitang makausap?" Hindi sumagot ang lalaki. Napatingin muli ang duktora sa obispo na tumango lamang na pagpatuloy niyang pakikipag-usap sa lalaki. Lumapit ang duktora sa rehas na nagdi-divide sa kanya at ng lalaki sa loob ng selda. Wari niya'y hindi siya narinig. Kaya't sa mas malakas na boses, inulit: "My name is Doctor Pilar Pontificano. I'm a psychiatrist and I want to be your friend..." "Naniniwala ka ba sa Diyos, doctor?" biglang sabi ng lalaki, ang boses nito'y magaspang at malalim. Nagulat ang duktor at saglit na nawala sa focus. "H-ha?" Medyo na-bother siya sa boses ng lalaki. Pero, sanay na siya sa ganoon. Lalo na't nagtrabaho siya sa mental hospital. "Naniniwala ka bang may Diyos?" muling tanong ng lalaki sa dilim. "Ah, eh, o-oo..." balik ng duktora, at nakita niyang humusto ng tindig ang lalaki mula sa pagkakasandal sa pader. "I believe na may creator tayo. Somone na responsible sa lahat ng bagay..." "Naniniwala ka rin ba na may dimonyo?" sabi ng lalaki. "Yes, of course," sagot ni Dr. Pontificano. "Kung may Diyos mayroon ding dimonyo according sa bible." Sa likuran ng duktora, pirmi lang si Bishop Israel, pero medyo kinakabahan. "If there's good then there must be evil," dagdag pa ng duktora, nagiging confident na at para ma-impress ang employer sa kanyang likuran, "Sometimes evil wins, but good always prevails. It's a struggle." "Tama ka, duktora," sabi ng lalak sa kanyang malagim na boses. Napataas ng dalawang kilay ang duktora. "Yes, I am," sabi ni Dr. Pontificano. "As a matter-of-fact, I know that you must be in pain right now. Na nagdurusa ka. At narito ako para tulungan ka..." At nakita niyang naglakad ang lalaki tungo sa kanya. At naliwanagan ang mukha nito. At nanlaki ang mga mata ng duktora nang tumapat ang mukha ng lalaki sa kanya. Mula sa bakal na rehas na pumapagitna sa kanila nakita niya ang hitsura nito: Mga matang kulay dugo. Balat na puno ng natuyong sugat. Ngipin na naninilaw at naglalaway. "Tama ka, duktora," ngisi ng lalaki. "Nagi-struggle ako ngayon." Napaatras ang duktora. Gusto niyang tumili pero nawalan siya ng boses at siya'y napatakbo. Ang hawak na mga kontrata ay lumipad sa ere. Ang briefcase ay nabitawan. "Doctor!" sigaw ni Bishop Israel. Nakarating sa dulo ng corridor ang duktora kung saan siya huminto. Hawak niyang dibdib, humihingal at biglang pinagpawisan. Nagmamadaling lumapit ang bishop para tignan ang kalagayan niya. "Are you alright?" Namumutla ang duktora at nauutal. "s**t, h-hindi m-mo s-sinabi..." turo niya sa selda. "Y-yung l-lalaki p-pala'y..." "Possessed," dugtong ni Bishop Israel. "H-hindi a-ako ang k-kailangan mo," hingal pa rin ang duktora. "E-exorcist. Exorcist!" "Yes, we know that," sabi ng obispo. "I myself, is an exorcist." "So, why me?" pagtataka ng duktora, medyo bumalik nang boses niya. "Because, we can't do anything," amin ni Bishop Israel. "Malakas ang resistance niya. Hindi siya nagrereact sa exorcism ritual, sa holy water, sa dasal. Hindi rin umi-epekto ang hypnosis. So, my team and I, tingin namin, if we can penetrate his mind, talk to the person inside, maybe may chance kami. That's why we need a psychiatrist." Hindi sumagot si Dr. Pontificano. Affected pa rin siya sa na-experience. Sa tanang buhay niya, ngayon lang siya nasindak ng ganito. Mula sa selda, dinig nila ang halakhak ng lalaki na may pangungutya pa. Doctor! Bumalik ka dito, doctor! Gusto pa kitang makausap! I want to be your friend! Napabuntong-hininga si Bishop Israel. Alam niyang tatanggi na ang duktora. Pinulot niyang mga kontrata, at binalikan ang briefcase na pinasa niya sa duktora. "I know. I understand," malungkot na sabi ng obispo. "At hindi kita pipilitin, doctor, if you don't want to." Hawak ni Bishop Israel ang mga kontrata at handa na niya itong punitin, nang: "No, wait!" sigaw ng duktora. "I'll take it! I'll take the job!" In-extend ni Dr. Pontificano ang kanyang kamay. "I'll take the job." Saglit silang nagkatinginan, tila nagsusukatan, bago ibinalik ni Bishop Israel ang mga kontrata. Pinasok ng duktora ang mga papel sa loob ng briefcase at sila'y nag-shake hands. Malamig ang mga palad ng duktora pero firm ito. Patunay na handa siya na harapin ang kasong ito. "Gusto mo ng challenge, hindi ba?" sabi ng bishop. "I hope you came ready for this." Tumango ang duktora at lumunok ng malalim. "Let's go, I'll give you the full briefing," senyas ng bishop at nauna nang maglakad paalis. "Bishop Israel," habol ng duktora. "'Yung lalaki...my patient...anong pangalan niya?" Napahinto ang obispo and without looking, sinabi: "Markus..." At bumagsak ang balikat niya sa lungkot. "Father Sebastiano Markus."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD