Inday POV Hindi ko alam kung paano ko haharapin ang mga magulang ko matapos ang lahat ng nangyari sa akin sa Dela Costa Mansion. Pero nang makita ko ang bahay namin, pilit akong ngumiti at itinago ang sakit na ilang araw ko nang kinikimkim. Nagulat sina Nanay at Tatay nang makita nila ako. “Inday? Anak, bakit hindi mo man lang sinabi na uuwi ka?” gulat na tanong ni Nanay. Hindi na ako sumagot. Agad ko siyang niyakap, pati na si Tatay. Mahigpit ang pagkakayakap ko sa kanila, na para bang sa simpleng yakap na iyon ay maaari kong mailabas ang lahat ng sakit at lungkot kong tiniis. Kasama na doon ang panahon simula ng umalis si Sir Adrian, at mga masasakit na salitang naririnig ko kay Sir Adriano. “Miss na miss ko kayo,” nakangiti kong sabi, kahit gusto ko nang umiyak sa mga bisig nila.

