Kabanata 1

1239 Words
"Mommy! Mommy!" umiiyak na tawag ng isang batang babae na nakasakay pa sa sira-sirang bangka. Nasa dalampasigan na ang bangka, ngunit hindi pa rin siya bumababa. Sa tingin ko, nag-iisa ang bata sa walang katao-taong isla. Sa kalayuan ay may isa pang isla ang matatanaw ngunit masyado itong malayo at malabo na mabaybay niya ang malawak at malalim na karagatan. Sa liit ng batang nasa tingin ko ay nasa siyam na taong gulang ay imposibleng makagawa rin siya ng panibagong masasakyan. Butas-butas na rin ang lunday na lulan niya. Kahit languyin man ng bata ang kabilang isla ay napaka-imposible. Dahan-dahan akong lumapit para saklolohan siya't aluin sa kanyang pag-iyak. Naaawa ako sa kanya dahil tulad ko, nag-iisa na rin ako, iniwan at inabayaan. Naluluha ko siyang nilapitan at tinapik ang balikat. Ngunit imbis na humingi ng tulong sa akin, biglang nagtalim ang kanyang tingin at galit na galit akong hinarap. "Kasalanan mo 'to! Kasalanan mo 'to!" biglang sigaw niya nang nakita ako. Bigla akong nagulat at natakot. Nanlilisik ang mga mata at may hawak na siyang kahoy na galing sa loob ng bangka. "B-Bata, b-bakit?" Imbis na sagutin ay itinaas niya ang kamay na may bitbit na kahoy at iaamba sa akin. Agad kong iniharang ang mga braso nang hahampasin ako ng bata. "Kasalanan mo 'to!" NAPABALIKWAS ako sa kinahihigaan at humihingal na sinapo ang sariling dibdib. Ang pawis na dumadaloy sa aking noo ay hinay-hinay na tumutulo sa maliit kong mukha. Sinapo ko ang ulo at agad na bumangon sa kama. Panaginip lang... bangungot.Bangungot ng aking nakaraan. Panaginip nga ito, ngunit totoo namang nangyari iyon dati. Isa ako sa mga bata na nasa aking panaginip. At ang isa ay ang aking kapatid. Ang kakambal ko. Hinilot ko ang sentido nang naisip na naman siya. Matagal na siyang wala at hindi na kailanman nagpaparamdam pa kaya imposible na makabalik pa siya. Sinipat ko ang labas ng bintana at madilim pa. Nais ko pa sanang pumikit ulit ngunit alam kong hindi na naman ako makakatulog. At kung makakatulog man ay mananaginip na naman ako nang masama. Panaginip na magiging bangungut. Bangungut ng mapait kong kabataan. Wala na nga siya sa aking buhay pero bumabalik pa rin si Mutya kahit sa aking pagtulog. Tama nga siguro ang sabi nila, na dahil kakambal ko siya, karugtong ko pa rin siya kahit matagal ko ng pinutol ang ugnayan naming dalawa. Sinilip ko ang relong nakasabit sa dingding. Katabi ng orasan ang hindi kalakihang krus. Alas tres pa lang ng madaling araw at masyado pang maaga upang magligpit ng mga gamit na dadalhin ko sa Maynila. "Panginoon, tulungan niyo po ako..." sabi ko sa sarili sabay hawak sa kwintas na may pendant na krus. Bigay ito ng mga madreng sumagip sa akin sa isla at kumupkup na rin sa akin. Tinuring nila akong anak, binihisan, pinag-aral at tinulungan na labanan ang matinding kaaway, ang aking sarili– sariling kapatid. Si Mutya lang naman ang nanggugulo sa buhay ko sa simula pa. Masyado siyang mapaghiganti at puno ng poot ang puso. Hindi ko mapigilang mangamba at matakot dahil sa labis na pag-aalala. Paano kung bumalik siya? Paano kung guluhin na naman niya ang tahimik kong buhay? Tuwing natatakot ako at dinadalaw ng pangamba dahil sa mga nagawang kasalanan niya, hindi lang sa akin kung hindi pati na sa iba ay lagi kong hinahawakan ang kwintas at taimtim na nagdadasal. Sa gano'ng paraan ay naiibsan ang aking pagkakabagabag. Tinungo ko ang banyo at tinitigan ang sariling repleksiyon sa salamin. "Please... huwag ka ng bumalik," anas ko sa sarili na ang tinutukoy ay si Mutya. Pinakiramdaman ko sandali ang sarili. May nagbago ba? May nararamdaman ba akong kakaiba? Sumasakit na naman ba ang ulo ko? Pinikit ko ang mga mata at malalim na huminga. Sa tingin ko ay wala naman. At malaking ginhawa iyon para akin. Baka talaga tuluyan ng lumisan si Mutya at hindi na babalik pa. Bago ako pumanhik upang maligo, kinuha ko muna ang lagayan ng gamot sa cabinet at ininom ang isang tableta. Malaki ang naitulong nito sa aking katahimikan. At sana tumahimik na nang tuluyan ang buhay ko. Wala ng Mutya na gugulo pa sa payapa kong kaisipan at pamumuhay. "Sigurado ka na ba anak na kaya mo na?" nag-aalalang tanong ni Mother Evelyn sa akin, ang namumuno at superyora sa kumbento at isa sa mga kumupkup sa akin. Tipid ko siyang nginitian at inabot ang kanyang kamay para hawakan. "Mother Eve, okay lang po ako. At bente-otso na ako. Kaya ko na ang sarili," malambing na sagot ko sa kanya habang inaayos ang mga damit sa loob ng maleta. Unang beses akong malalayo sa kanila at malungkot ako na mawawalay sa piling ng mga madreng naging pamilya ko na. Ngunit panahon na rin upang hanapin ang sarili, upang baguhin ang hinaharap ko at maituwid ang malungkot at mapait na karanasan. Sa limang taon kong paghihintay ng magandang pagkakataon at trabaho ay nakahanap na rin sa tulong ng mga kaibigan kong sina Chona at Nanding. Ang maganda pa ay pasok sa gusto ko ang trabahong ibinigay ni Chona, ang pagiging manunulat. Magiging junior writer ako sa Publishing at Magazine Company na pinagmamay-arian ng pamilya ng aking kaibigan. "Ayaw mo talagang mag-madre, anak?" tanong ni Sister Clarette, na sa tantya ko ay pang-limang beses na niyang paulit-ulit na tinatanong. "Sister Clarette!" saway ni Mother Evelyn ngunit nasa tinig pa rin nito ang hinhin. Natatawa akong tiningnan isa-isa ang apat "Mga sisters, huwag na po kayong mag-alala at malungkot. Babalik ako rito. Dadalawin ko pa rin kayo. At kung sakali ang pagma-madre ang tawag sa akin ng Panginoon ay bakit po hindi..." sagot ko na tumigil saglit sa pag-aayos at ngumiti. "Kung hindi pa rin ako magkaka-boyfriend at makakapag asawa, rito po ang punta ko," pagbibiro ko sa kanila. Kahit na tumatawa ang mga ito, nakikita ko ang labis na lungkot sa mga mukha ng apat. Malungkot din naman ako na mawawalay sa kanila pero hindi naman sa lahat ng panahon ay dapat nakakubli ako sa kumbento at sa mga madre. Kailangan kong lumaban na mag-isa. At kung sakaling bumalik man si Mutya ay makakaya ko na siyang labanan na ako lang. "Anak, tandaan mo. Bukas na bukas ang kumbento para sa iyo," pahayag ni Sister Lisa, ang isa sa pinakamalambing na madre sa kanila. "Opo, Sister," matipid na sagot ko. Isa-isang nagyakapan ang mga madre sa akin, maliban kay Mother Evelyn. Kita sa hitsura niya ang pag-aalala. "Mother?" baling ko sa kanya. Nagsilingunan din ang tatlo sa superyora na nakatayo sa gilid ng kama ko. "May problema ba, Mother Evelyn?" nagtatakang tanong ni Sister Jonah. Tinitigan ako ni Mother at nagsalita, "Paano kung bumalik si Mutya at wala kami sa tabi mo?" Puno ng pangamba ang tono ng boses ni Mother Evelyn. Saksi siya at ang ibang mga madre sa lahat ng ginawa ng aking kakambal. Natatakot ang mga ito na baka sirain na naman ni Mutya ang buhay ko. Napabuntong-hininga ako at napaisip. Paano nga kung bumalik ang aking kapatid? Kakayanin ko kayang mag-isa? Hindi agad ako nakasagot dahil ang totoo, nakaramdam ako ng kakaibang takot. Takot na makaharap siyang muli. Si Mutya. Nahagip ng mga mata ko ang pulang bestidang pinagmamay-arian ni Mutya. Nasali pala ito sa mga gamit ko at hindi naisamang ipamigay kasama ng ibang mga damit niya noong nag-aayos kami at nagtapon. Hindi ko makakalimutan ang nangyaring ginawa ni Mutya noon na halos dumurog sa buo kong pagkatao...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD