Walang Kayo Tahimik akong nakatingin kay Isaiah habang pinapanood siyang maingat na ginagamot ng bulak na may betadine ang aking kamay na nasugatan. Hiningi niya pa iyon sa management kaya heto siya sa harapan ko, nakahilig sa kanyang mga hita habang nakayuko at seryoso lamang ang tingin sa kamay ko na hawak niya. "Ano ba kasing nangyari?" tanong ni Lalaine. Humalo na kami sa kanilang mesa pagkatapos niyang ligpitin sa backstage ang mga hinawi niya kanina. Nag-iinuman na sila at kanina pa nacucurious nang sinimulan nang gamutin ni Isaiah ang aking kamay. "Nadapa ako," sagot ko. "Huh? Bakit?" Nagtatakang si Maritez. "Naghabulan ba kayo?" ani Lyle sa nanunuyang boses. Tahimik lamang si Keesha. Kahit dim ang paligid, ramdam ko ang kanyang tingin lalo na't nasa tabi lang ito ni Maritez

