HINDI SIYA agad nakasagot. Nabigla siya sa tanong nito.
Ano kaya ang sinabi ni Achilles sa lalaking ito? Bakit tinatanong nito kung nobya siya ni Achilles? Iyon ang pumasok sa isip niya.
“Sori, ha?. Hindi yata maganda ang tanong ko,” mahinahong sabi nito nang hindi siya sumagot.
“Hindi naman sa ganoon. Kaya lang hindi ko maintindihan kung saan mo nakuha ang ideyang iyon. Pero magkaibigan lang talaga kami ni Achilles. Katunayan ay magkababata kami. Lumaki kami sa iisang lugar.” Sa mansion ng mga Villavista, muntik na niyang idugtong.
Tumango-tango si Ulysses sa paliwanag niya.
“Kaya pala iniwan mo na ako dahil nakahanap ka ng magandang kausap mo.”
Sabay silang napalingon ni Ulysses sa pinanggalingan ng tinig. Nakatayo na sa harapan nila ang lalaking kasama kanina ni Ulysses.
“Brod, siya pala si Penelope, iyong tinutukoy ni Achilles na kaibigan niya,” nakangiting sabi ni Ulysses.
“Siya iyong sinamahan ni Achilles na mag-enroll?” nanlalaki ang mga matang tanong ng lalaking iyon.
Bago pa makasagot si Ulysses ay inunahan niya ito. “P-paano ninyo na-nalaman ang bagay na iyan?” gulat na tanong niya. Pinakatitigan niyang mabuti ang mukha ng lalaking kasama ni Ulysses. Pamilyar sa kanya ang mukha nito. Hindi nga lamang niya maalala kung saan niya ito nakita.
“Sinabi ko sa kanila.” Tinig iyon ni Achilles na nagpalingon sa kanilang tatlo. Hindi nila namalayan na nasa likuran na pala nila ito.
“Achilles…” Kunot-noong napatayo siyang bigla. Hindi siya makapaniwalang ibinida na pala siya nito sa mga kaibigan.
“Bumalik muna tayo sa CAS para kumuha ng classcards bago tayo umuwi,” seryosong sabi ni Achilles.
Hindi na niya nakuhang sumagot dahil hinila na siya nito. Nang lingunin niya ang mga kaibigan ni Achilles ay napansin niyang sumunod sa kanila ang mga ito.
“Nagkasya ba iyong perang ibinigay ko?” tanong niya kay Achilles nang nasa loob na sila ng kotse nito.
Nilingon siya nito. “May kaunting kulang. Mahigit twenty thousand ang binayaran ko,” sabi nito bago muling ibinalik sa unahan ang tingin.
“Kung gano’n, magkano ang utang ko sa iyo?”
“Huwag mo nang isipin iyon. Hindi naman malaking halaga iyon,” parang walang-anumang sabi nito.
Napa-buntunghininga siya. Heto na naman po kami.
“Ang dami ko ng utang sa iyo, ah. Nahihiya na ako.” Totoo sa loob niya ang sinabing iyon. Kung kukuwentahin lamang niya ang mga tulong at kabutihan nito sa kanya ay siguradong baon na siya sa utang dito.
“Bakit ka mahihiya? Magkaibigan naman tayo. Saka hindi naman ako naniningil o naghihintay ng bayad,” nakangiting sabi nito nang lumingon sa kanya.
“Iyon na nga ang masama doon eh. Hindi ka kasi nagpapabayad kaya imbes na mabawasan ang utang ko ay lalo pang nadadagdagan,” pangangatwiran niya dito.
Nagkakamot ng ulong napatingin sa kanya si Achilles. “Ipunin mo na lang ang pera mo dahil higit mong kailangan iyan, okay?”
Napilitan siyang tumango dahil wala na siyang maikakatwiran pa dito.
Ilang sandali pa ay huminto na ang kotse sa harapan ng pamilyar na gusali.
Hindi na niya hinintay na pagbuksan siya ng pinto ni Achilles. Nauna na siyang lumabas.
“Kaya naman pala CAS ang sabi mo kanina dahil College of Arts and Sciences ang tinutukoy mo,” sambit niya nang mabasa ang pangalan sa harap ng building.
“Tama. Kaya nga lahat ng first year ay dito nag-e-enroll dahil dito rin kayo papasok,” wika naman ni Achilles.
“Ibig mong sabihin lahat ng magiging klase ko ay nandito lang sa gusaling ito?” hindi makapaniwalang tanong niya.
“Oo naman. Alam kasi ng school management na mahihirapan ang mga first year kung palipat-lipat sila ng gusali sa bawat subject,” nakangiting tugon nito bago pumasok sa loob ng building.
“How nice!” Hindi niya mapigilan ang pumalakpak habang sinusundan si Achilles.
Habang naglalakad ay patingin-tingin siya sa bawat kuwartong madaanan. Maluluwang ang mga kuwarto at puno ang mga ito ng mga upuan na sa tantiya niya’y mga bago pa lamang.
Maya-maya pa’y narating na nila ang mga nakahilerang mesa na nasa gitna ng hallway. Huminto si Achilles sa pila ng mga estudyanteng nasa harapan ng mesa ng enrollment officer kung saan sila kumuha ng form kanina. Imbes na lumapit sa kaibigan ay pinili na lamang niyang umupo sa mga sementadong bangko na malapit sa kinaroroonan nito. Dito na lamang niya hihintayin ang kaibigan.
“Miss Penelope, nasaan na si Achilles?“
Gulat na napalingon si Penelope sa pinanggalingan ng tinig. Noon niya napansin si Ulysses at ang kasama nito na hindi niya namalayang nakatayo na pala sa tabi niya.
“N-nandoon siya. Kumukuha ng classcards.” Itinuro niya ang kinaroroonan ni Achilles. Napansin niyang dalawang estudyante na lang ang sinusundan nito sa pila.
“Kung gano’n, maghihintay na rin kami dito,” wika ni Ulysses bago ito umupo sa tabi niya.
Napausod siyang bigla. Inokupa ni Ulysses ang malaking bahagi ng bench kaya ang kasama nito ay napilitang umupo sa kabilang bench.
Sa hindi malamang dahilan ay bigla siyang kinabahan. Hindi niya tuloy magawang tumingin sa katabi. Ang mga mata’y itinuon niya sa mga palakad-lakad na estudyante sa harapan nila.
“Anong section ang napuntahan mo?” maya-maya’y tanong ni Ulysses.
Napilitan siyang tumingin dito. “S-10 ang nakalagay sa form ko. ” Pagkasabi nito’y nilingon niya ang kinaroroonan ni Achilles. Nasa unahan na ito ng pila.
“Nasa science section ka pala. Anong course ba ang kukunin mo?” muli’y tanong nito.
“Hotel and Restaurant Management ang gusto ko,” sagot niya nang hindi tumitingin dito. Nakatuon ang mata niya kay Achilles na naglalakad na patungo sa kanila.
“Ah, okay. Maraming estudyante ang kumukuha ng ganyang kurso dito,” sambit nito.
Hindi na siya nakapag-react sa sinabi nito dahil nakalapit na sa kanila si Achilles.
“Nakakuha na ako ng classcards kaya pwede na tayong umuwi,” walang kangiti-ngiting sabi ni Achilles. Iniabot nito sa kanya ang dala-dalang mga papel.
Kinuha niya ang ibinibigay nito at ipinasok sa loob ng kanyang shoulder bag.
“Tara na,” sambit nito sabay hawak sa kanyang siko.
Napilitan siyang tumayo kahit di pa niya naisarang mabuti ang shoulder bag.
Tumayo na rin si Ulysses pati na ang kasama nito.
“Paano kami?” tanong ng kasama nito nang lumapit sa kanila.
Binalingan ito ni Achilles. “Sumunod na lang kayo sa bahay. May sasakyan naman kayo, di ba?”
Hindi na nito hinintay ang sagot ng mga kaibigan nito. Mahigpit na hinawakan siya nito at iginiya palabas ng building. Pasakay na sila ng kotse nang mapansin niyang sumakay sa motorsiklo ang dalawang kaibigan ni Achilles.
“Pupunta sa bahay ninyo ang mga kaibigan mo?” usisa niya nang nasa loob na sila ng sasakyan.
“Magpapatulong kasi si Henrich sa research paper niya para maayos niya iyong incomplete niyang grade,” tugon nito nang hindi tumitingin sa kanya.
“Incomplete? Anong klaseng grade iyon? Pasado ba iyon o bagsak?” sunud-sunod niyang tanong dito.
Nakangiting nilingon siya ni Achilles. “Ang incomplete ay hindi pasado at hindi rin bagsak. Kaya lang kapag may requirements sa isang subject na hindi nai-submit o naibigay ng estudyante ay binibigyan siya ng incomplete bilang grade sa subject na iyon. Sa kaso ni Henrich ay hindi siya nag-submit ng research paper kaya nakatanggap siya ng incomplete sa major subject namin,” mahabang paliwanag nito.
“Gano’n pala iyon. Ngayon naintindihan ko na kung bakit nakabuntot sa iyo ang mga kaibigan mo,” nangingiting sabi niya.
Tumango lang si Achilles. “Kaya pagbutihin mo ang pag-aaral mo sa SMU. Iwasan mong may bumagsak kang subject o kaya ay ma-incomplete ka para hindi na madagdagan pa iyong apat na taon mo sa unibersidad.”
“Oo, hayaan mo, mag-aaral akong mabuti. Saka nandiyan ka naman para tulungan ako. Matagal ka pa sa SMU, hindi ba?”
“Tatlong taon pa bago ako mag-graduate. Kaya magkakasama pa tayo ng matagal.”
Napangiti siya sa tinuran nito. “Mabuti naman kung gano’n.”
“TINGNAN mong mabuti ang bag mo. Siguraduhin mong wala kang naiwang gamit. Baka may nakalimutan ka. Mahihirapan ka nang balikan dahil malayo na ang SMU dito sa San Gabriel,” paalala ng Mama ni Penelope. Kasalukuyan siyang naghahanda ng kanyang gamit para sa unang araw ng pasok niya sa SMU. Excited siya bagaman ninenerbiyos dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay papasok siya sa eskuwelahang nasa labas na ng San Gabriel.
Mula pa noong nasa elementarya siya hanggang high school ay sa bayan ng San Gabriel siya nag-aral. Walking distance lang sa mansyon ng Villavista ang eskuwelahang pinapasukan niya noon. Balewala sa kanya ang maglakad noon araw-araw. Pero ngayong nasa kolehiyo na siya ay kinakailangan na niyang bumiyahe ng malayo. Salamat na lang at nandiyan si Achilles. May kasabay na siyang papasok, malilibre pa siya sa pamasahe. Kahapon ay nag-usap na sila na sasabay siya dito pagpasok niya sa umaga at magko-commute na mag-isa pagdating ng uwian ng hapon. Hindi naman kalayuan ang SMU sa San Gabriel. Aabot lang ng kalahating oras ang biyahe sa dyip.
“Kompleto na po ang gamit ko. Wala na pong problema,” nakangiting tinuran niya matapos maiayos ang mga gamit sa loob ng kanyang bag.
“O, siya sige. Lumakad ka na, baka naghihintay na sa iyo si Achilles sa labas. Nakakahiya namang paghintayin mo iyong tao.”
“Sige po, aalis na ako.” Isinukbit niya ang kanyang bag saka hinalikan sa pisngi ang ina. Pagkatapos ay lumabas na siya ng tinitirhan nilang bahay.
“Mag-ingat ka, anak, ha? Huwag kang magpapa-gutom. Kainin mo iyang baon mo,” pahabol ng kanyang ina.
“Opo,” wika niya nang nilingon ang ina.
Pagdating niya sa harapan ng mansyon ay wala pa roon si Achilles pero nakita niyang nakaparada na ang kotse nito sa driveway. Sinipat niya ang suot na relo. Alas-sais y medya pa lang. Maaga pa. Baka kumakain pa lang ang kababata niya. Hihintayin na lang niya ito.
Tinungo niya ang fountain na ilang hakbang lang ang layo sa kinatatayuan niya. Umupo siya sa garden set na nasa tabi mismo ng fountain. Inilabas niya ang enrollment form at muling pinag-aralan ang schedule ng kanyang klase. Wala pang limang minuto ang lumipas nang makarinig siya ng tunog ng sasakyan. Ipinasok niya sa loob ng bag ang enrollment form. Eksaktong pagtayo niya ay siya namang pagbusina ng sasakyan ni Achilles. Nagmamadaling lumapit siya dito.
Bubuksan na lamang niya ang pintuan sa likurang bahagi ng kotse nang biglang bumukas ang pintuan sa tabi ni Achilles. “Dito ka na maupo sa tabi ko,” sabi nito.
Napilitan siyang umikot sa harap ng kotse saka binuksan ang pintuan sa passenger seat.
“Pasensiya na kung naghintay ka. Kumain pa kasi ako.”
Napangiti siya sa sinabi nito. “Ako nga ang dapat humingi ng dispensa kasi makikisabay lang ako sa iyo. Maabala ka pa sa paghatid sa akin.”
“No, hindi ka nakakaabala sa akin. Nagpapasalamat pa nga ako kasi may kasabay na ako sa pagpasok. Nakakainip ang magbiyaheng mag-isa sa araw-araw.”
“Aha! Kaya pala gustong-gusto mo akong makasabay ay dahil may balak ka palang gawin akong dakilang alalay, ha?” pabirong sabi niya rito.
Biglang napakamot ng ulo si Achilles. “Hindi naman sa gano’n. Kaya lang mas masaya naman ang magbiyahe kung may kausap ka, hindi ba? Saka hindi bagay sa iyo ang maging alalay lang. Baka mas okey pa kung maging girlfriend na lang kita,” nangingiting sabi ito.
Nasindak siya sa narinig mula sa kababata. “Anong sinabi mo?” nanlalaki ang mga matang tanong niya. Hindi siya makapaniwalang may ganoong nararamdaman ang kaibigan niya. Dumating na ba ang kinatatakutan niya, ang ma-inlove sa kanya ang kaibigan? Kailan pa ito nagsimula?
Nakangiting lumingon sa kanya si Achilles. “Nagbibiro lang ako. Ikaw naman naniwala agad.”
Malakas na buntunghininga ang pinakawalan niya. Nakahinga siya ng maluwag. Akala niya ay seryoso ang kaibigan sa sinabi nito. “Huwag ka namang magbiro ng ganyan. Hindi maganda ang ganyang biro,” seryosong sabi niya rito.
Muli siyang nilingon ni Achilles. “Bakit ayaw mo ng gano’ng biro. Ayaw mo ba akong maging boyfriend kung saka-sakali lang?” pilyo ang ngiting tanong nito.
“Achilles!” Pinandilatan niya ito. Hindi talaga siya makapaniwalang may ganoong naiisip ang kaibigan niya. “Bakit ba kung anu-anong kalokohan ang pumasok sa utak mo? Magkaibigan tayo, hindi ba?”
Biglang sumeryoso ang mukha nito. “Bakit Penelope…k-kaibigan lang ba ang turing mo sa akin? Hindi ba puwedeng…m-maging tayo?”
Para siyang nabingi sa narinig mula sa kaibigan. Ilang sandaling natahimik siya. Hindi niya alam kung paano sasagutin ang tanong nito. Nakatitig lang siya sa seryosong mukha ni Achilles. Anong sasabihin niya? Anong isasagot niya sa tanong nito?
Humugot siya ng malalim na hininga. “Alam mo bang sa araw-araw ay ipinagpapasalamat ko sa Diyos na nagkaroon ako ng kaibigang katulad mo, napakabait at napakamaalalahanin. Pero hindi natuturuan ang puso dahil kusa itong tumitibok. Ayoko mang masaktan ka pero hindi ko naman maaring dayain ang sarili ko. Sana maintindihan mo…na k-kaibigan lang talaga ang turing ko sa iyo.” Hinawakan niya ang kamay nitong nakapatong sa manibela.
Biglang dumilim ang anyo ni Achilles sa sinabi niya. Walang imik ito at seryosong nakatitig lang sa unahan ng sasakyan.
Gustung-gusto niyang bawiin ang sinabi sa kaibigan. Nahihirapan siyang makita itong nasasaktan. Pero wala siyang magagawa para burahin ang kalungkutan sa mukha ng kaibigan. Naisip niyang mas mabuti na ring masaktan niya si Achilles ngayon kaysa naman paasahin niya ito sa wala. Kung maaari nga lamang na mahalin din niya ito pero alam niyang hindi mangyayari iyon. Sa kaibuturan ng kanyang puso ay kaibigan lang talaga ang turing niya dito.
Hinigpitan niya ang hawak sa kamay ng kaibigan. “Guwapo ka, matalino, may pinag-aralan at galing sa mayaman at kilalang pamilya. Sa dami ng magagandang katangian mo, maraming babae ang magkakagusto sa iyo. Ipapanalangin kong makakahanap ka ng babaeng nararapat sa iyo. Iyong mamahalin ka niya tulad din ng pagmamahal na ibibigay mo sa kanya.”
“Bakit hindi ba puwedeng ikaw na lang ang babaeng iyon?” seryosong tanong ni Achilles nang lingunin siya nito.
Kagat-labing umiling siya.
“Bakit gano’n? Mga bata pa lang tayo ay mahal na kita. Nangarap akong balang araw ay magiging magkasintahan tayo. Pero bakit ayaw mo?” Gumaralgal na ang boses ni Achilles habang nagsasalita. “Kung marami akong magagandang katangian, bakit hindi mo ako kayang mahalin?” Halos pumiyok na ang boses nito.
Nang titigan niya ito ay napansin niyang nangingilid na ang mga mata nito ng luha. “I-I’m sorry.”
Tuluyan nang nalaglag ang mga luhang namumuo sa mata ng kaibigan niya. Iniiwas niya ang mata rito. Hindi niya kayang tingnan na umiiyak ang kaibigan.
“Balang araw maiintindihan mo rin kung bakit ko ginawa ito. Darating din ang araw na ipagpapasalamat mo na hindi ako nag-take advantage sa pag-ibig na inaalay mo sa akin ngayon,” sabi niya rito nang hindi tumitingin sa kaibigan.