3 - PERRY

1278 Words
"A penny for your thought?" Napalingon ako sa nagsalita. "Perry... ikaw pala," sabi ko dito. Ngumiti ito at saka naupo sa tabi ko. Nasa canteen ako sa kumpanyang pinapasukan ko. Afternoon snack na pero hindi naman ako kumakain. Nakaupo ako patalikod sa kabuuan ng canteen. Dito ako nakapuwesto sa tapat ng glass wall kaya kitang-kita mo ang kabuuan ng paligid. Hindi pa rin kasi maalis sa isip ko iyong panaginip ko, at 'yun lang ang naging laman ng isip ko mula kaninang pumasok ako ng opisina. "Lalim ng iniisip mo mahal, ah. Sana kasama ako sa iniisip mo ngayon," nakangiti pa ring sabi ni Perry, at saka naupo sa silyang nasa tabi ko. Inirapan ko ito. May isang taon na ring nanliligaw sa akin si Perry. Pero wala sa priority ko sa ngayon ang pakikipag-boyfriend. "Tigilan mo nga ako ng katatawag ng mahal diyan, Perry," sabi ko sa kanya. Bahagya siyang tumawa. "Mahal naman talaga kita, ah. Ikaw lang itong ang tagal akong mahalin. Cute naman ako. Hindi. Sabi ng Nanay ko, guwapo daw ako," sabi niya, at saka inilagay ang daliri niya sa ilalim ng baba niya na parang kasali sa pa-contest sa TV ng mga lalaking ibinibida ang kaguwapuhan nila. Tinaasan ko ito ng isang kilay. "At naniwala ka naman sa Nanay mo?" pang-iinis ko pa sa kanya. In fairness, guwapo naman talaga si Perry. Understated siguro iyung guwapo. Super guwapo! Half pinoy, half american ba naman ang kumag! Saan ka pa? Kailangan ko lang talaga siyang barahin paminsan-minsan, lalo na kapag nagpapahiwatig siya ng nararamdaman para sa akin. Ayoko kasi talagang mag-entertain ng manliligaw hanggang maaari. Papasa nga itong model o artista eh. Hindi bagay dito ang simpleng Bank Coordinator sa kumpanya namin. Kadalasan ay sa field ang trabaho nito kaya bihira lang siyang mag-stay sa office. Which is, pabor sa akin. Nagpupunta siya sa mga partner car dealers ng kumpanya namin para mag-approve ng mga maglo-loan ng sasakyan. At dahil sa halos foreigner looks niya, hindi na nakakapagtakang marami itong nabobolang magagandang babae sa mga pinupuntahan niya. At dahil dito, nakakapagtakang tinatapunan pa niya ako ng pansin. "Siyempre naman! Nanay ko 'yun. Hindi ako lolokohin nun!" confident na sagot niya. "Tange! Alam mo bang para sa isang ina, ang anak niya ang pinakamaganda at pinakaguwapo sa paningin niya? Ganun 'yun!" dagdag pang-aasar ko. Nalukot ang mukha ni Perry, at ngumuso pa. Pinigilan kong mapangiti. Kasi naman ang cute niyang tingnan. "Ang sweet mo talaga, mahal. Lagi mo akong binabara. Kakaiba ka talaga. Kaya lalo akong nai-inlove sa 'yo, eh," seryosong sabi ni Perry na para bang hindi siya apektado sa sinabi ko. "Bahala ka nga diyan, Perry! Babalik na ko sa puwesto ko," sabi ko, sabay tumayo na. "Hatid kita mamaya, Roxy." Tumayo na rin ito, at saka ako sinabayan sa paglalakad. "Huwag na. Out of way ka. Sayang gasolina mo," sagot ko rito. "Roxy naman... pagbigyan mo naman ako... kahit ngayon lang," ungot nito. "Uy, Perry. Tantanan mo na ako. Oras ng trabaho. Mamaya riyan, mapagalitan pa ako ng boss mo. Nakadikit ka na naman sa akin," sabi ko dito. "Sige ba, basta ihahatid kita mamaya," sagot nito. "Ang kulit mo... kaya ko namang umuwi mag-isa. Hindi mo na ako kailangang ihatid. Bye na!" paalam ko dito, sabay pasok sa cubicle namin para hindi na siya makasunod pa. PINILIT kong ituon ang atensiyon ko sa trabaho sa kabila ng palagi ko pa ring naiisip ang panaginip ko. Hindi ko namalayan na uwian na pala pero nakasubsob pa rin ako sa paggawa ng report na kakailanganin ng boss ko sa monthly meeting nila. "Roxy, uwian na," narinig kong sabi ni Darling, ang kasama kong Customer Relations Officer. Napatingin ako sa relo ko sa braso. Oo nga. Alas sais na. Lampas na ako ng thirty minutes sa uwian. Pero mabuti na rin siguro ito. Baka sakaling wala na si Perry, at nauna nang umuwi. Nag-umpisa na akong magligpit ng mga gamit ko sa ibabaw ng mesa. Halos patapos na rin naman iyong report na ginagawa ko. Kaya ko na itong matapos bukas. Pero kung hindi ako binagabag ng panaginip ko mula kanina, siguro ay natapos ko na ito kanina pa. "Sabay ka na ba sa akin, Roxy?" tanong ni Darling. "Sige. Ila-lock ko lang itong drawer ko, tapos alis na tayo," sagot ko dito. MALAPIT na kami sa labasan ng mga empleyado nang mamataan ko sa parking si Perry. Para itong model sa magazine na nakahalukipkip na nakasandal sa gilid ng kotse niya, habang nakatanaw dito sa labasan ng mga empleyado. "Patay ka. Wala kang kawala. Inabangan ka na talaga ni Perry," bulong sa akin ni Darling. Napabuntonghininga na lang ako. Kadalasan, sa hapon bumabalik ang mga Bank Coordinators na katulad ni Perry para magsubmit ng report nila. Pero hindi naman sila obligadong magtagal o mag-time out. Kaya hindi ko akalaing makikita ko pa si Perry sa oras na ito. "Ang guwapo talaga ni Perry, 'noh! Saka mukhang Dakota Harrison... Matikman ko lang siya, masaya na ako!" narinig kong may nagsalita sa bandang likuran namin ni Darling. Pasimple akong siniko ni Darling. Pinigilan ko naman ang sarili ko na mapatingin sa kanya. "Shiela, ano pa bang hinihintay mo? Go... support lang kami sa yo, girl!" dinig kong sabi ng kung sinuman na 'yun na kasama ni Shiela. So.... may pagnanasa pala si Shiela kay Perry... Accounting Staff si Shiela. Sa second floor ng building ang opisina nila, samantalang sa ground floor naman kami ni Darling kaya kami hindi masyadong close sa kanila. Isa pa, hindi ko gusto ang ugali nito. Si Shiela yung tipo ng babaeng gandang-ganda sa sarili. Although, may itsura naman talaga siya. Pero naniniwala kasi akong hindi mo naman dapat ipagyabang 'yun nang garapalan. Nang makita kami ni Perry na naglalakad palabas ng building ay awtomatikong napangiti ito. Nakangiti pa ring lumapit ito sa amin ni Darling. Palihim naman kaming nagkatinginan ni Darling, lalo pa at narinig namin kanina ang usapan ng grupo ni Shiela sa likod namin. "Hi, Roxy... sinigurado ko talagang hindi ka makakatakas sa akin ngayon, kaya nag-abang na ako dito sa labas ng Employees' Entrance," nakangiting bati sa akin ni Perry. Huminto ako sa paglalakad kaya napahinto rin si Darling at Perry. "Perry..." sabi ko rito na parang nagbibigay babala. "Excuse me lang, 'noh! Daanan 'to, kaya sana naman tumabi-tabi kayo, 'noh!" Napalingon kami ni Darling sa nagsalita sa likuran namin. Nakita ko ang inis na mukha ni Shiela. Bakit parang kanina lang ay kinikilig pa siya, habang may sinasabi sa dalawang kasama niya patungkol kay Perry? "Sorry," maikli kong sagot, at ayaw ko na lang din siyang patulan. Humakbang ako para sana tumabi sa gilid para makaraan ang grupo ni Shiela, pero mabilis na hinawakan ni Perry ang kamay ko at saka ako bahagyang hinatak palayo doon. "P-Perry!" suway ko sa kanya. Huminto ito kaya napahinto rin ako. Pero kay Darling ito lumingon. "Tara na, Darling. Sabay ka na sa amin," aya niya kay Darling, habang hawak pa rin ang kamay ko. "Ahh. Hindi na. Tutal magkaiba naman ang way namin ni Roxy. Saka magdi-date kayo, eh... istorbo lang ako. Sige na. Dito na ako. Bye, Roxy..." sagot nito kay Perry, sabay baling sa akin na tila nanunukso. Pasimple pa nitong inginuso ang kamay kong hawak ni Perry kaya pasimple ko rin siyang pinandilatan ng mata. "Sige, ingat ka na lang, Darling," sabi rito ni Perry, at saka uli ako hinila papunta sa nakaparadang sasakyan niya. Wala na akong nagawa nang ipagbukas ako ng pintuan ni Perry. Pero bago ako sumakay sa kotse nito ay natanaw ko pa si Shiela na matalim na nakatitig sa akin. Mukhang umpisa na ito ng magulong mundo ko sa opisina.... ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD