Chapter 4: Then -- Justice Pt.2

2307 Words
NAPASINGHAP si Ella. Hindi niya maintindihan ang ibang salita, pero iyon ang pangalan ng kanyang ina. Kahit nanlalambot ang buong katawan, binuksan niya ang pinto. May kung anong alwan na nadama si Ella nang tumama sa balat ang init ng sinag ng araw. Gayunman, dahil sa hindi maipaliwanag na sama ng pakiramdam, sa pintuan ay inihilig niya ang dibdib at noo, pinilit na magsalita pero mahina ang tinig na rumehistro sa pandinig niya. "Nanay ko po siya. Alam niyo po ba kung nasaan si Mama? Hindi na po kasi siya bumalik." Nagkatinginan ang mga taong nasa kabilang panig ng gate. Noon niya napansin ang tila takot sa mukha ng mga ito habang ang iba, nakatingin sa kanya. Doon na pumasok ang mga tao. Kinausap siya sa salitang hindi niya maintindihan. Pero marahil, dahil sa ilang araw na gutom at pagdurusa sa pananakit ng katawan . . . Na ngayong may mga taong makapagsasabi kung nasaan ang kanyang ina, kusang bumagsak ang katawan niya sa balikat ng isang babaeng unang lumapit at inilebel ang mukha sa kanya. Niyakap siya nito, may sinasabi habang dama niya ang kamay nitong kinapa ang tiyan niya. Pero sadyang walang naintindihan si Ella, sadyang nanlalambot na siya para makapagsalita. Bagaman ay hinawi nito ang kanyang pang-itaas na damit, saka tinanggal ang nakabalot sa kanyang tiyan. Hindi man naintindihan ni Ella ang reaksyon ng mga taong nakapaligid sa kanya, sa boses pa lamang ng mga ito ay bakas niya ang takot at hilakbot. Pinainom siya ng mga ito ng tubig sa bote, marami. Dahil sa nasarapan sa lasa, naubos niya iyon. Hanggang sa nakita na lang ni Ella ang sariling buhat-buhat siya ng isang lalaki sa paglalakad. Umuuga ang kanyang katawan na tila walang katapusan. "Nasaan po si Mama?" Sa wakas ay nagawa niyang magtanong, mabibigat pa rin ang talukap ng kanyang mga mata. "Dadalhin ka namin sa ospital, ineng." Boses ng isang babae, nasa ulunan niya ito. "Nandoon po si mama?" tanong niya muli. "Ano'ng pangalan mo, ineng?" bagkus ay tanong nito. "Ella po." Mayamaya ay may ipinakita itong isang parisukat na bagay. Kinuha niya iyon. Sa isip ay pinilit niyang intindihin ang mga nakasulat. Bagaman dahil sa maliit na litrato ng ina na nakapaskil doon, agad na lumandas ang mga luha sa kanyang pisngi. "Siya ba ang mama mo?" "Opo." Wala nang nagtangka pa na magsalita. Habang sa dibdib, nakapatong ang kamay niyang may hawak sa bagay na ibinigay ng babae, tumingin na lang si Ella sa bughaw at napakaliwanag na kalangitan. May mga dahon sa puno na paminsan-minsan ay nahaharangan iyon. Pero hindi iyon sapat para hindi siya ngumiti. Ang tagal niyang inasam na makalabas. At ngayong nangyari na, hindi niya napigilan ang mga kamay na itaas at abutin iyon. 'Di pa nagtagal ay isang bahay ang narating nila. Malapit iyon sa daan. Doon ay pinakain siya. Ang babaeng kanina ay sumalo sa kanya, sinuklayan ang mahaba niyang buhok. Pinunasan din nito ng basang bimbo ang katawan niya, pinagbihis. Gayunman, hindi niya hinayaang mahawakan ng iba ang kanyang damit, lalo na ang kanyang shorts, kung saan sa bulsa, nakasilid ang litrato ni tatay Kent. Yakap-yakap lamang niya ang mga iyon. Dahil sa isip ay nakaukit na doon ang mga ayaw ni tatay Kent na kanyang gawin; higit doon ay ang ayaw ni tatay Kent na may makakilala rito. Sa puso ay nag-aalala siya sa magiging kalagayan ng ina. Mayamaya ay inihiga siya sa isang kama, isinakay sa loob ng isang sasakyan. Maraming mga bagay ang naroroon na panibago sa kanyang paningin, maging ang mga taong nakaputi na may nakatabing na kung ano sa bibig. Hanggang sa natapos ang araw na iyon. Marami siyang pinuntahan habang nakaupo sa upuang de-gulong. Ang babaeng sumalo sa kanya, na nagpakilalang Ate Nita, ang tumutulak niyon. Ang sabi nito, nasa loob sila ng ospital. Dumaan ang napakaraming araw, ang mga gabi. Mula noong dumating siya sa isang lugar na tinawag ni Ate Nita na bahay-ampunan, mangilan-ngilang pulis ay beinte-kuwatro oras siyang binabantayan. Ang sabi, naroroon daw ang mga ito para siya ay protektahan. Nagtataka man sa una kung bakit, tuluyang umalwan ang kanyang pakiramdam. Napakaluwang na rin ng kanyang dibdib at para bang kay gaang huminga. Kaya sa muling paglipas ng napakaraming araw, unti-unti, naging maayos ang kanyang lagay. Malakas na rin ang dating nanghihinang katawan. Noon na nag-umpisang maunawaan ni Ella ang mga bagay-bagay. Natuto siya nang kaunti sa pagbabasa at sa pagsusulat. Marami siyang natutunan: tulad nang makatapos ng pag-aaral. Tulad nang kung ano ang tama at mali. Lalo na ang ginawa ni Kent sa kanya. Lalo na ang pagtangay nito sa sanggol na galing sa loob ng kanyang sinapupunan. Si Ate Nita ang nagbigay-alam sa kanya patungkol sa mga resulta medical test niya. Bagaman hanggang sa mga sandaling iyon, wala pa ring nagsasabi kung nasaan ang kanyang ina. Gayunman, nagalak na rin siya dahil maraming bata ang kanyang kasa-kasama. Habang si Ate Nita at ang iba pang mga kasama nito katulad ng mga madre ay inaalagaan siya. Ang sabi ni Ate Nita, isa daw itong social worker katulad ng iba pang mga hindi nakapang-madre na kasuotan. Hanggang sa isang araw, tatlong pulis ang dumating, bago ang mukha ng mga ito sa kanyang paningin. Kasama si Ate Nita ay pumasok sila sa silid ng isang madre na palaging kumakausap sa kanya. Umupo siya sa upuang nasa harap ng mesa nito. Agad na tumingkayad ng upo si Ate Nita sa kanyang harap. "Ella, alam kong magiging mahirap ito para sa iyo. Pero lagi mong tatandaan na marami kaming nagmamahal sa iyo." Isang malamyos na ngiti ang sumilay sa mga labi ni Ate Nita. Ngumiti na rin siya saka hinaplos ito sa pisngi. Lumingon pa muna ito sa gawi ng madre bago itinuon ang atensyon sa kanya. Huminga ito nang malalim saka hinagod ang kanyang buhok. "Patay na ang mama mo. Natagpuan ang bangkay niya sa isang eskinita sa bayan na malapit sa inyo." Anong sakit ang tumarak sa puso ni Ella. "Po?" ang tanging nasabi niya. "Noong nakaraang buwan nakita ang bangkay niya." Huminga nang malalim si ate Nita. "Na-retieve namin sa kalapit na basurahan ang ID ng nanay mo. Doon namin nakita ang address ng bahay ninyo kaya agad kaming nagpunta doon. Naalala mo ba ang araw na nakita ka namin?" Tumango siya. Nais niyang magtanong pero ganoon na lang ang panlalabo ng mga mata niya. Ganoon na lang din kabilis na lumandas ang kanyang mga luha. Ni hindi maapuhap sa lalamunan ang tinig. "Sorry, Ella. Kung hindi namin agad sinabi sa iyo." Maging si Ate Nita ay napaluha. Nanginig maging ang boses nito. "Gusto lang namin na nasa mabuting kundisyon ang katawan mo bago namin sabihin." Dahil sa tindi ng sakit na nadarama, na hindi mawari ni Ella kung saan nanggaling, kusang lumabas sa lalamunan niya ang mga tanong na kanina pa ay nais niyang itanong, "Paano po namatay si Mama? Sino po ang pumatay sa kanya? Bakit po siya namatay?" Alanganing tumingin ito sa gawi ng mga pulis. Ang isa sa mga ito, inilebel ang mukha sa kanya. "Na-overdosed sa gamot ang iyong ina, Ella. May mga nakapagsabi na may kasama siyang lalaki, gabi bago nakita ang bangkay niya. Pero wala ni isa ang nakatukoy sa mukha ng lala---" "A-Ano po ang overdose?" tanong niya, humihikbi. Sa isip ay may nagsasabi doon kung sino ang pumatay sa kanyang ina. Bagaman dahil sa nagtatalo ang kanyang damdamin, hindi niya maisatinig iyon. Isang parte niya ang nagsasabing nagsisinungaling lang ang mga kausap. Tumiim ang mga labi ni Ate Nita. Dumaan pa muna ang sandali bago ito nakapagsalita. "Overdosed ang tawag kapag ang isang tao ay nasobrahan sa pagkonsumo ng isang gamot." Bigla ay nagsalubong ang kilay niya. Husto siyang umiling. "Hindi! Hindi po 'yan totoo! Hindi po nasobrahan sa gamot si Mama! Babalik po siya! Hindi patay si mama!" "Ella --- " Patakbong humahagulgol na lumabas siya ng silid at tumungo sa kuwarto, kung saan natutulog ang mga batang tulad niya. Kinuha niya ang litrato ng ina at ni tatay Kent mula sa siwang ng dingding. Doon niya iyon itinatago dahil takot siya na baka may makakita niyon. Habang nakatitig doon, sa kama, padapang mas nilakasan niya ang paghikbi, nakasubsob sa unan ang bibig. Hindi niya kayang paniwalaan ang sinabi ni Ate Nita. Ngunit sa puso ay dama niyang hindi ito nagsisinungaling. At sa isip ay sinisisi niya si tatay Kent. Ito ang nagbigay ng mga gamot sa kanyang ina. Si tatay Kent ang dahilan kaya namatay ito! Wala naman siyang ginawa na ayaw ni tatay Kent pero bakit pinatay pa rin nito ang kanyang ina? Noon niya dahan-dahang pinunit ang litrato, iniingatang 'wag mapunit ang bahagi ng mukha ng ina. Itinago niya iyon sa lagayan ng kanyang damit, habang ang isang bahagi --- ang bahagi ng mukha ni tatay Kent --- ibinalik niya sa siwang ng dingding. Ilang araw ang nagdaan bago natanggap ni Ella ang lahat. Natanggap niya noong makudlit ang kuryosidad niya sanhi ng sinabi ni Ate Nita: "Hindi pa nahuhuli ang taong may sala sa pagkamatay ng nanay mo. Wala ring saksi kung sino ang huli niyang kasa-kasama. Kailangan nating makamit ang hustisya sa pagkamatay niya, Ella. Kaya kung maaari, isalaysay mo sa pulis ang mga bagay na naganap sa iyo." "Hustisya?" tanong niya, nakatulala lamang sa malayo. Kasalukuyang nasa playground sila noon, papalubog ang araw, at nasa swing siya. Habang si Ate Nita, nakatayo sa kanyang gilid. "Ano po ang ibig sabihin ng hustisya?" "Hustisya ay pagiging patas. Ito ang proseso na kung saan ang tao ay nahahatulan sa kanyang kasalanang ginawa." "Nahahatulan?" tanong niyang muli. "Ano po iyon?" "Nahahatulan, mula sa salitang ugat na 'hatol'. Ang hatol ay ang pasya ng hurado sa korte." Inilibel nito ang mukha sa kanya saka hinawi ang ilang hibla ng kanyang buhok. "Ibig sabihin," ani Ella, matamang tiningnan ito sa mga mata, "May proseso pa po ang pagkamit ng hustisya?" "Oo naman. Pagdating sa hustisya, pantay-pantay ang lahat; walang pinapanigan; lahat ay may karapatang pantao --- ikaw man ay may sala o isang biktima. Kailangan ding depensahan ng tao'ng may sala ang kanyang sarili laban sa tao na ginawan niya ng kasalanan." Nagtagis noon ang bagang ni Ella. Para saan pa kung sasabihin niya sa mga ito ang tungkol kay tatay Kent kung kailangan pa nitong depensahan ang sarili? Hindi. Hindi siya papayag! Dahil sa puso, alam niyang si tatay Kent ang pumatay sa kanyang ina. Wala itong karapatan na depensahan ang sarili. Sa isip at sa puso, tanging si Ella lang ang gagawa ng sarili niyang hustisya para sa ina: mag-aaral siya para makapagtrabaho at magkaroon ng maraming-maraming pera. Kapag nagkaroon na siya ng pera, hahanapin niya si tatay Kent at ipararanas niya rito ang hirap na ginawa nito sa kanya, maging ang pagpatay nito sa kanyang ina. Doon na siya nagdesisyon. Nakipagtulungan siya sa mga pulis. Isinalaysay man niya ang buong detalye pang-aabuso, sa police sketch ay iniba niya ang deskripsyon ng mukha ni Tatay Kent. At pinangalanan niya iyon bilang Rudy. "May iba ka pa bang alam tungkol kay Rudy?" tanong ng isang pulis na babae. Nasa hardin sila ng bahay ampunan, nakadalo sa isa sa mga mesa'ng naroroon. "Apelyido? Kung saan ba siya nakatira dati." Napayuko si Ella, nag-iinit na naman ang mga mata. "Wala po. Wala po akong iba pang alam tungkol sa kanya, unang pangalan lang po." Totoo iyon. Tinanong na niya noon ang ina kung saan nito nakilala si tatay Kent. Ngunit ang sinabi lang sa kanya, magka-pen pal daw ang mga ito noon. Ni hindi rin nito sinagot ang tanong niya kung saan nanggaling si tatay Kent. Nauwi pa nga sa pingot sa tainga niya ang pagtatanong sa ina, at sa huli, hindi na siya nangulit pa. Napabuntong-hininga ang mga pulis, tumayo na. Bagaman, ipinangako sa kanya ng mga ito na hahanapin si Rudy --- at ang sanggol na itinangay nito, maging ang ibang kamag-anak ng kanyang ina. Hindi umasa si Ella sa mga pangakong iyon. Ni hindi rin niya magawang bisitahin ang ina sa puntod nito. Dahil sa puso, sa isip at sa buong pagkatao niya, puno siya ng paghihinagpis at galit. Ang tanging kagustuhan niya ay sana, balang araw, may umampon sa kanya --- mabait at mayaman para sana ay makapag-aral. At yumaman nang sa gayon, balang araw, mahanap niya si tatay Kent. Gayunman, lumipas ang pitong buwan, mula nang mailigtas siya ng mga pulis at ni Ate Nita sa bahay nilang iyon ng kanyang yumaong ina, pinatawag muli si Ella sa opisina ng madre. Pagkapasok na pagkapasok, agad siyang nagalak. Isang babae at lalaki ang nadatnan niya, at sa isip ay umaasa siyang sana, ang mga ito ang mag-aampon sa kanya. "Ako ang kapatid ng mama mo, Ella. Call me Aunt Laura," pakilala agad ng babae, may purong ngiti sa labi. Sa tunog ng pananalita, halatang bihasa ito sa pagsasalita ng wikang Ingles. Makinang din ang mga mata. Maliit na bibig, ilong at mga mata'ng kaakit-akit. Saka lang nahinuha ni Ella na kamukha ito ng kanyang ina, kapwa may ipinagmamalaking panga. Halos pinagbiyak na bunga. Bumaling ito sa lalaking kasama. "Ito naman ang asawa ko." Lumapit ang lalaking malaki ang pangangatawan, inilahad ang kanang kamay sa kanyang harapan. "Tito Danny na lang, Ella. Mula ngayon, kami na ang poprotekta sa 'yo." Nakipagdaupang palad siya. "Kayo po ang mag-aampon sa akin?" Tumawa ang mag-asawa. "Uuwi na tayo, anak," sabi ni tito Danny. "Aalagaan ka naming mabuti. Pag-aaralin ka namin. Pakakainin at mamahalin." Nag-init ang mga mata ni Ella, dahilan para kusutin niya ang mga iyon gamit ang likod ng kamay. Tiningala niya ang mga ito. "Saan po tayo uuwi? Sa dati po naming bahay?" Napuno ng tawanan ang opisina ng madre. Kapagkuwan ay lumapit sa kanya si Aunt Laura, inilebel ang mukha sa kanya. "Doon tayo uuwi sa bahay namin, Ella." Pinasadahan nito ng kamay ang kanyang pisngi. "Sa Davao City." ~~**~~
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD