PROLOGUE
Ang boses ni Mic Enriquez ay nanginginig at nawala ang kanyang trademark na tono habang inuulat ang isang balitang yayanig ’di lang sa
Pilipinas ngunit sa buong mundo.
“Mga kaibigan, ang Alpha Phi Tsui Phi o mas kilala bilang Phi-virus ay isang virus na biglaan at kasalukuyang kumakalat sa bawat sulok ng mundo. Walang dalubhasang nakakaalam kung saan ito nagmula at wala ring nakakaalam kung ano ba ang lunas dito.
“Ang alam lang natin sa ngayon, e nagdudulot ito ng rage-like state sa mga tao. Ang mga taong infected ay
nawawala sa tamang pag-iisip. Delikado po ang mga taong infected sapagkat mahahawaan nila kayo gamit ang pagsalin ng dugo o laway nila sa inyo. Sila ay umaatake at
pumapaslang na parang mga animal.
“Ang ulat na ito ay hindi isang ulat lamang; isa itong babala. ’Wag kayong lalabas ng bahay. Isara lahat ng bintana at pinto. Tumawag na kayo sa inyong mga kamag-anak
dahil maaaring ’di niyo na sila makausap pang muli. Mga kaibigan, ang ating mundo at ang ating buhay mismo ay maaaring magwawakas na. *ubo* *ubo*”
Sa una at huling pagkakataon, hindi nag-“excuse me po!” ang imbestigador ng bayan pagkatapos niyang umubo. Sa dulo ng kanyang huling
ubo, nakita ng madla ang bangungot na nakaabang sa kanila.
Sa kanang bahagi ng frame ng camera sumulpot ang isang naglalaway at nauulol na si Kia Guanio. Sa kaliwa naman sumulpot ang natatanging partner ni Mic, si Zelle Tiangco, na
naglalaway at nauulol na rin. Walang awa nilang nilapa ang imbestigador ng bayan at punong-puno na ng dugo ang lente ng camera. Lahat ng telebisyong nakatutok sa 24
Hours ay nagkulay dugo.
Kumakalat na ang Phi-virus.
Nagkakagulo na lahat.
Natataranta na lahat.
…Diyos ko, guguho na ang mundo.