KABANATA 17 PINANUOD NG LAHAT mula sa loob ng evacuation center ang helicopter kung saan lulan ang Mayor at iba pang rescuer para hanapin ang nawawala pa ring Team Alpha. Ang isang buong pamilya na nailigtas ng mga ito ay narito na sa evacuation. Nauna kasi ang sinasakyang rescue boat ng mga ito at ang rescue boat kung saan lulan sila Elijah ang sa kasamaang palad ay naabutan ng malalakas na agos sa riverbank na kanilang pinuntahan kahapon. Oo. Natapos na ang unos at bagyo na naranasan nila kahapon dala ng hagupit ng bagyong Oryo. Makikita sa paligid ang pinsalang dinala nito pagkalat pa lamang ng liwanag sa paligid. Bagama't wala pa ring haring-araw at naroon pa rin ang kulimlim sa kalangitan, malinaw pa rin sa mga mata ng mga naroon ang kalunos-lunos na nangyari sa buong Lanao Del Sur.

