By: Michael Juha
Email: getmybox@hotmail.com
---
“May pruweba ka ba sa sinabi mong iyan na ibang tao ito?” ang tanong uli ng pari.
“Mayroon po...” Inangat ko ang litrato na kuha namin ni James noong panahong umalis siya at kung saan ay naganap ang aksidente.
Nagmuestra ang pari na lumapit ako sa altar upang matingnan niya ang litrato.
Dali-dali akong tumalima. Nagtatakbo akong lumapit sa altar at inabot sa pari ang mga litrato. Halos marinig mo ang pagbagsak ng karayom sahig ng simbahang iyon sa tindi ng katahimikan habang tiningnan ng pari ang aming larawan.
“Marlon Ibanez... James Andres... Hmmmm.” ang narinig kong bulong ng pari habang seryosong inusisa niya ang mga litrato. At, “Ok...” Iyon lang ang sinabi niya. Inabot niyang muli sa akin ang mga litrato.
Nang tinanggap ko ang mga litrato, inirapan ko pa silang dalawa ni Marlon at Sophia na halata sa mga mata ang galit. Buong pagmamalaking tumalikod ako sa kanila at tinumbok ang aking upuan sa tabi ni Ricky. Alam ko, sinundan nila ako ng tingin. Pakiramdam ko ay panalo na ako. “O... tingnan lang natin kung matutuloy pa ang kasal ninyo,” ang bulong ko sa sarili.
Ngunit sabay sa aking pag-upo ay ang matindi kong pagkagulat sa sinabi ng pari. “Wala na bang ibang hahadlang?”
Nagtinginan muli ang mga tao. Ang iba ay sa akin nakatutok ang mga mata.
“Kung wala na... Ituloy na natin ang kasal.”
At sa pagkabigla at galit, bigla akong napatayo at sumigaw. “Hindi niyo po sila maaaring ikasal padre! Hindi nga po siya si Marlon Ibanez!”
At doon na ako lalo pang nasaktan nang si Marlon pa mismo ang sumagot. “Tarantado ka pala eh! Sino ba ang nagsabi sa iyo na Marlon Ibanez ang pangalan ko? Marlon ka nang Marlon d’yan, ulol!” At baling sa altar boy na siyang humahawak sa mga papeles, “Akin na nga ang mga dokumento... ipakita ko sa baliw na taong iyan kung ano ang pangalang nakasulat diyan!”
Lumapit sa akin ang nasabing sakristan at ipinakita ang mga dokumento sa kasal. Tiningnan ko ito. Bigla akong nanlumo sa aking nakita. “James Andres” nga ang nakasulat na pangalan niya sa dokumento sa kasal!
“O ano? Di hindi ka makapagsalita? Dada ka nang dada d’yan! James Andres ang pangalan ko gago! Nanumbalik na ang alaala ko at alam ko na ang lahat! At huwag mong guluhin ang buhay ko bakla! Hindi kita type!”
At ang sunod kong narinig ay ang tawanan ng mga tao sa loob ng simbahan.
“Umalis ka rito kung ayaw mong makaladkad ng mga body guards!” ang sigaw naman ni Sophia. “Hindi ka imbitado rito!”
Sa matinding hiya ay mabilis akong tumakbo palabas ng simbahan. Mistulang hindi lumapat sa lupa ang aking mga paa sa bilis ng aking pagtakbo.
“Igan! Igan!!!” ang narinig kong sigaw ni Ricky na humahabol pala sa akin.
Ngunit hindi ko siya pinansin. Patuloy lang ako sa pagtakbo. Habang nasa ganoon akong pagtatakbo, may narinig akong dalawa o tatlong putok ng baril.
Ngunit hindi ko na pinansin ang mga ito, inisip na baka pinaglalaruan lang ako ng aking isip. Ni paglingon sa simbahan kung saan ako nanggaling ay hindi ko na ginawa sa sobrang hiya at pagkadismaya.
Habang nagtatakbo ako, narinig kong tumawag na naman si Ricky. “Igan! Igannnnnn!”
Ngunit hindi ko pa rin siya sinagot. Patuloy lang ako sa aking pagtakbo. Hanggang nakita ang isang tricycle at pinara ko ito. “Sa boarding house po...” ang sabi ko sa driver.
Nakarating ako ng boarding house na puno ng galit at pagkalito. Pumasok ako sa banyo at doon, naupo sa cubicle ng CR at parang isang taong namatayan ng mahal sa buhay na nag-iiyak.
“Ben!” ang sigaw ko sa kasamang boarder noong narinig ko ang boses niya sa labas ng banyo.
“Ano iyon Jass?”
“Kapag may naghanap sa akin, pakisabing wala ako ha? Hindi kamo umuwi sa boarding house.” ang pakisuyo ko.
“Okay...” sagot naman ni Ben.
May 30 minuto siguro ako sa CR bago pumasok sa aking kuwarto. Nagmumukmok ako, tuliro ang isip at hindi alam ang gagawin. Pakiwari ko ay pinagsukluban ako ng langit at lupa sa aking kalagayan, pinagtaksilan ng tadhana. Feeling ko ay nadapa na nga ako, tinapakan pa, dinuraan, at pagkatapos ay pinagtatawanan.
At hindi ko rin mapigilan ang sariling hindi magalit kay James. Sobrang sakit ng ginawa niya.
Ngunit sa kabilang bahagi ng aking isip ay may malaking katanungan din bumabagabag. Kung bumalik na nga ang kanyang alaala, bakit ganoon siya kung magsalita sa akin? Parang wala kaming pinagsamahan. Parang hindi niya ako minahal. Kasi kung tunay na ngang nanumbalik ang kanyang pag-iisip at narealize niyang hindi niya pala ako mahal, kahit papaano, hindi naman niya siguro ako hayaang msaktan o laitin sa harap pa ng maraming tao. Kahit papaano, may natitira pa ring awa sana sa kanyang puso para sa akin. Atsaka hindi ganoon ang ugali ni James. Hindi siya iyong klaseng naninigaw, nananakit, nangungutya. Halos na nga lang ay ipagtabuyan akong parang isang hayop. Parang may kakaiba talaga. Hindi ko matanggap.
Hindi ko pa rin talaga alam ang aking gagawin. Sobrang nasaktan sa nangyari at nalito kung ano ba talaga ang dahilan ng biglang pag-iba ng ugali ni James. Buong araw akong nagmukmok, nag-iiyak
Hanggang sa sumapit ang gabi at may biglang pumasok sa aking isip. “Puntahan ko ang bahay ni Marlon!” ang nabuong plano ko. Kakausapin ko siya kung talaga bang wala na siyang pagmamahal sa akin. Gusto kong linawin ang maraming bagay na bumabagabag sa aking isip. At kung wala na talaga, gusto kong magkaroon kami ng pormal na closure.
Dali-dali akong lumabas ng boarding house at pinuntahan ang bahay ni Marlon. Mag-aalas onse na iyon ng gabi. Sumakay ako ng tricycle at noong nasa harap na ako ng kanyang bahay, pinindot ko ang door bell.
Walang sumagot.
Nakailang doorbell din ako ngunit wala pa ring sumagot. At naisip ko na lang na marahil ay wala nga siya roon gawa ng kakakasal pa lamang nila ni Sophia at may party pa sila o di kaya ay nag-honeymoon na.
Wala na akong nagawa. Sa pamamagitan ng pader na yari sa yero at semento ay nasilip ko pa ang looban ng compound. Pinagmasdan ko na lang ito. Marangya, maganda ang pagkagawa ng bahay, may landscaped na garden, puti ang kalakhan ng pintura ng bahay na may kulay brown na side colors na match naman sa kulay ng kanyang bubong na yari sa ceramics at kulay clay. At sa gilid ng pader ay may nagsisitayugang Indian tree na animoy mga christmas tree ang porma.
Babalik na lang sana ako sa boarding house noong parang may nag-udyok sa akin na pasukin pa ang bahay niya. Ewan, hindi ko rin maintindihan ang sarili.
Nilingon ko ang paligid kung may mga tao ba at noong nakitang tahimik ito, inakyat ko ang gate. Dahil kumbinasyon ito ng parang rehas at semento, madali kong naakyat kahit ang taas nito ay halos nasa pitong talampakan.
Noong nasa loob na ako, tinumbok ko naman ang pinto. Naka-lock. Inikot ko ang paligid ng bahay at noong naaninag ko ang isang sanga ng mangga na halos dumikit na sa barandilya ng terrace, dali-dali ko itong inakyat.
Hanggang sa naabot ko ang terrace. Madilim na ang gabi ngunit dahil bilog ang buwan, nakakatulong ang liwanag nito sa pag-aninag ko sa paligid.
Agad kong tinumbok ang sliding door papasok sa loob ng bahay. Ngunit sarado rin ito. Ang isang bintanang nakabukas ang tinumbok ko at doon ako dumaan.
Madilim ang loob ng bahay. Patay lahat ang ilaw. Kinapa ko sa dingding ang switch.
Noong nagliwanag na at lumantad sa aking mga mata ang kapaligiran, napabuntong-hininga na lang ako.
“Wala pa ring nagbabago ang loob ng bahay. Ang mini-bar kung saan kami unang nag-inuman ni James ay ganoon pa rin ang porma. Ang pintura, ang kurtina, ang mga ilaw sa dingding. Napakaganda!” ang bulong ko sa sarili.
Nasa ganoon akong paghanga sa ganda ng bahay nang may narinig akong tila ungol o ingay ng tao.
Nahinto ako sandali at pinakinggan ang tinig at kung saan ito nanggaling, o kung guni-guni ko lamang ito. Naalala ko na iyon din ang tinig na narinig ko noong huli kong pagpunta sa bahay na iyon. Parang sa isang tao na naipit ba o pinigilan ang boses.
Parang gusto kong matakot gawa nang baka may multo sa bahay na iyon. May narinig na kasi akong ganoong kuwento ng mga multo. Nagpaparinig din daw ang mga ito sa tao.
“Sino iyan???” ang sigaw ko.
Tila sumasagot din ang tinig. At lumakas pa ito nang bahagya.
Bigla ko na lang naramdaman ang mabilis na pagkabog ng aking dibdib. Parang may kakaiba akong naramdaman na hindi ko mawari. Parang biglang tumaas ang aking adrenalin. Parang may naghihintay na excitement na hindi ko mawari.
Naalimpungatan ko na lang ang aking sariling naghahagilap ng pinto o lugar sa loob ng bahay na maaaring pinagmulan ng tinig.
Ngunit wala akong pinto na nakita. May dalawa pang pinto ng kuwarto sa bandang dulo pa ngunit malayong-malayo na ang mga iyon sa pinagmulan ng tinig.
Kung anu-ano na lang na mga bagay ang aking nagalaw noong aksidenteng nahawakan ko at nahugot sa kanyang kinalalagayan ang isang tropeong hugis plato na nakadikit sa dingding ng shelf.
Sa pagkahugot nito ay bigla akong nagulat. Dahan-dahang umikot ang shelf!
Sobrang namangha ako sa aking nakita. At lalo na noong huminto na ang pag-ikot nito at lumantad ang lagusan patungo sa loob ng isaang lihim na kuwarto.
Sa paglantad ng lihim na lagusang iyon ay lumakas din ang tinig na aking narinig. Nagtatakbo akong pumasok. Ibang-iba talaga ang aking pakiramdam. Iyong feeling na may gusto kang malaman at tila pinagbigyan ka ng pagkakataon.
At doon sa isang gilid, nakita ko ang isang lalaking nakadapa, ang dalawang kamay ay nakatali, may busal ang bibig at ang kanyang paa ay itinali sa isang poste sa isang sulok. At kamukha siya ni James!
“Yakkkkkkkkk!” ang sigaw ko sa pagkakakita ko sa kanya.
Sa kanyang posisyong nakadapa, sobrang hirap ng kanyang kalagayan. Upang matingnan niya ako ay kailangan pa niyang iangat ang kanyang ulo.
Dali-dali kong tinanggal ang busal sa kanyang bibig.
“S-salamat Yak!” sambit niyang habol-habol ang paghinga. “Mabuti at dumating ka.”
“Ano ba ang nangyari sa iyo? Bakit narito ka? At sino iyong taong nagpakasal kay Sophia?” ang sunod-sunod kong tanong.
“Kambal ko siya, si John. Siya ang dahilan kung bakit ako lumayo sa aming bayan sa Mindanao. Hindi ko matiis ang ugali niya. At noong pinagbabantaan pa niyang patayin ang aming ina kapag hindi ako umalis, doon na ako nagdesisyon na lumayo. Iba ang takbo ng isip ng kapatid ko, Yak. Hindi iyan natatakot na pumatay. Marami nang napatay iyan sa aming lugar at maraming taong natatakot sa kanya. Kaya isa rin iyan sa dahilan kung bakit hindi na ako nag-aatubili pang lumisan.”
“G-ganoon ba?” ang sagot ko habang patuloy na tinanggal ko ang mga nakatali sa kanyang kamay at paa.
“Oo.”
“Bakit ba siya ganyan? Akala ko pa naman ay ikaw iyon.”
“Matindi ang selos ng kambal ko sa akin. At sa tindi ng selos niya, lahat nang nasa akin ay tainatangka niyang agawin, ang lahat ng galaw ko, kahit pananamit, pag-ayos sa sarili, sa buhok, ay gusto niyang kopyahin at gayahin.
“May tama pala sa utak iyang kambal mo kung ganoon.”
“Matindi ang insecurity niya, to the point na naging obsession na niya ang agawin ang lahat sa akin o kaya ay sirain ang buhay ko.”
Inayos niya ang kanyang sarili at tumayo, inunat ang katawan. “Ansakit ng katawan ko... halos hindi na ako pakakainin at papuntahin ng CR...”
Hindi na ako nakakibo. Natulala na lang kasi akong pinagmasdan siya. Sobrang awa ko sa kanya. Sobrang tuwa ko rin na nakita siya roon, buhay na buhay at nalaman ko na hindi pala siya iyong nagpakasal kay Sophia.
Noong napansin niya akong nakatitig na lang sa kanya. Nilapitan niya ako. Niyakap. “Ikaw palagi ang iniisip ko na sana ay pumunta ka rito. Pinilit kong isipin nang isipin ka, nag-concentrate ako na sana ay maisipan mong pumunta rito.”
“Waaahh! Mental telepathy!” sambit ko. “Kasi ikaw rin ang naisip ko at parang may nag-udyok sa akin na pasukin ang bahay. Inakyat ko nga ang pader, ang puno ng mangga, at ang bintana. Kasi parang may bumulong sa aking isip na pasukin ko ang bahay mo. At nandito ka nga!”
“Wala kasi akong ibang magawa kundi ang mag-isip nang mag-isip, nagabakasakali na makarating sa isip mo ang iniisip ko...” ang seryoso niyang sabi, ang mga mata ay nakatitig sa mukha ko. “May nabasa kasi ako tungkol sa mental telepathy. Kapag lagi mong iniisip ang mahal mo sa buhay o kaya ay nag-iisip ka tungkol sa kanya, makakarating ang mensahe mo. Maiisip ka rin niya. Bigla na lang siyang papasok sa utak mo.”
“Ganyan nga Yak. Lagi kitang naiisip. Lalo na nitong nakaraang mga araw. Para akong kinakabahan na hindi ko mawari...”
Hinawakan niya ang aking mga kamay at hinalikan ang mga iyon. “Ikaw ang hero ko Yak... Salamat sa pagligtas mo sa buhay ko.”
“Wala iyon...”
Pinagmasdan niya ang mukha ko. Tinitigan ko rin siya.
Tahimik.
“N-nanumbalik na ba ang ala-ala mo?” ang pagbasag ko sa katahimikan.
“Oo... nagsimula ito noong nakabalik na tayo galing sa pagbisita sa bayan ninyo. Noong nakita ko ang dati kong tinatrabahuhang bodega sa burol. Parang doon nagsimula ang lahat. May mga nagpa-flash na ala-ala ko sa burol, sa lugar, sa iyo. Ngunit sa gabing nakarating din ako rito sa bahay ko ay siya namang pagsulpot ni John. Naghintay lang pala siya ng pagkakataon. Matagal na pala niya akong sinubaybayan. PInag-aralan ang mga galaw at routine ko, ang mga taong nakakasalamuha ko... At noong gabing iyon ay ang panahon na hinintay niyang agawin ang katauhan ko. Nasa loob ng bahay si John, hinintay ang pagdating ko. At sa pagpasok na pagpasok ko ng bahay, agad niyang hinataw ang ulo ko ng isang bote ng gin. Bumagsak ako. Tinalian. Siguro ay nakatulong din ang paghataw niya ng bote sa ulo ko upang mas bumilis pa ang panunumbalik ng aking ala-ala...” Hinaplos niya ang kanyang ulong natamaan. “s**t ang sakit pa rin!” ang sambit niya.
“Gamutin natin.”
“Huwag na, huwag na. Ok lang ito.”
“S-sigurado ka?”
“Oo.”
“P-paano ka pala nakakain, nakakapag CR, naliligo?”
“Kinakalagan naman ako ngunit habang kumakain ako, nakabantay siya sa akin, nakatutok ang kanyang baril. At may kasama siya... malaking tao. Madalian lang ang pagkain ko, madalian din ang pagsi-CR at paliligo. At kapag tapos na, itatali muli ako ng kasama niya.”
“Kawawa ka naman...”
“Ikaw, ok ka lang ba?”
“O-ok lang naman ako. Bakit mo naitanong?”
“May narinig kasi akong kuwentuhan nila ng kasama nila. Narinig ko ang pangalan mo. At may narinig akong ‘kulungan’. Parang may balak sila sa iyo. Nakulong ka ba?”
“Oo... ngunit pinakawalan din ako ng preso sa loob. A-ano iyong balak nila sa akin?”
“Hindi ko lang alam. Noong napansin nilang nakinig ako sa usapan nila, lumabas sila at ipinagpatuloy ang kanilang pag-uusap sa labas ng kuwarto. Alam ko, may balak din silang patayin ako, upang tuluyan nang angkinin ng aking kambal ang aking pagkatao.”
Tahimik. Napaisip ako sa sinabi ng preso sa loob ng kulungan na alaga daw ako ng isang “chief”. Pilit kong ipanagtagpi-tagpi ang mga pangyayari. “I-iyong preso ba ay malaki ang katawan na parang wrestler? Balbon? Malaking tao at may balbas?”
“Oo siya...”
“Kung ganoon, siya rin iyong preso na tumulong sa akin na palabasin ako. Pero bakit niya ginawa ang pagtulong sa akin?”
“Hindi ko alam...”
“A-ang kambal mo kaya ang nagpakulong sa akin?”
“Maaari Yak. Maaari...”
“A-ano kaya ang balak nila sa akin? Sa atin?”
“Hindi ko pa masagot. Pero malalaman din natin iyan. Basta mag-ingat lang tayo.”
Natahimik ako. Nag-isip. Hindi ko namalayang nakatitig na pala siya sa akin.
“Alam mo yak... naalala ko na ang lahat.”
“T-talaga?” ang masaya kong sagot. “A-ano ang naalala mo tungkol sa akin?”
“Marami... ang ilog sa baba ng burol kung saan tayo naliligo at kung saan nagsimula ang lahat, ang bahay kubo sa likod ng bodega kung saan tayo... alam mo na. Ang itinanim kong puno ng talisay sa likod ng bodega.”
“Ano pa?”
“A-ang pagpapakuha natin ng litrato bago kita iniwan, ang inihandog kong kantang ‘Beautiful In My Eyes para sa iyo’, at ang... tissue kung saan ay may isinulat ka at isiniksik iyon sa aking bulsa.”
“Ano ang isinulat ko sa tissue?”
“Ah... iyon na ang hindi ko pa naalala.”
“Yak naman eh!”
“Parang isinulat mo na... May muta ako sa mata ko?”
“Waaahhh! Hindi iyan ah!”
“Ano nga ba? Hmm... ‘Mag-ingat sa mandurukot?”
“Yak naman eh...” ang kunyari ko pang pagdadabog. Iyong naglalambing. “Ano nga???”
Hindi siya sumagot. Bagkus, dahan-dahang hinawakan ng kanyang mga kamay ang aking magkabilang pisngi at hinaplos ito. “I love you yak...” sambit niya. At walang pasabing idinampi niya ang mga labi niya sa mga labi ko.
Ni hindi ko na magawang sumagot pa. Syempre, sabik na sabik na kaya ako sa kanya. Kaya wala na akong nagawa kundi ang gantihan ng mas mainit pang halik ang kanyang mga halik. Naghalikan kami na parang kaming dalawa lamang ang nagmamay-ari sa mundo. Naghalikan kami na tila iyon na ang huling segundo ng aming buhay.
Nasa ganoon kainit ang aming pagroromansahan noong biglang may, “Ang sarap namang tingnan ng mga tinamaan ng lintekkkk!”
Bigla kaming natulala ni james.
“Ang suwerte naman talaga o. Akalain mong ang isda na mismo ang nagkusang pumasok sa aking lambat. At nag-enjoy pa!” natahimik siya sandali. At bigla ko na lang nakitang tila nanlisik ang kanyang mga mata. Tamang-tama, diot ko na rin tatapusin ang mga buhay ninyo!“ ang sigaw niya habang nilapitan niya kami at itinutok sa amin an gkanyang baril. “Mamamatay kayoooo!!!”
(Itutuloy)