“WOW, NGAYON lang ako nakapunta dito, Mommy. Ang ganda. Ang tataas ng mga building,” manghang bulalas ni Justin habang nakatingin sa labas ng bintana ng kotse.
Napasulyap si Cherry sa kanyang anak at may nakapa na namang kurot sa puso. Hindi niya napapasyal si Justin kaya tuloy manghang-mangha na agad ito kahit nasa biyahe lang sila patungo sa law firm ng Kuya Charlie niya.
Mayamaya pa ay inihimpil na niya ang kotse sa parking lot ng gusaling kinaroroonan ng law firm. Bago bumaba ay hinarap muna niya si Justin. “Pupunta tayo sa Tito Charlie mo. Puro busy adults ang mga naroon kaya dapat mag-behave ka, okay? Huwag kang bibitaw sa kamay ko,” paalala niya sa anak.
“Yes, Mommy.”
Tumango siya at saka umibis ng kotse. Sumunod na rin si Justin. Hawak na niya ang kamay ng anak at maglalakad na sana sila nang higitin nito ang kamay niya. “Ahm... Mommy, look, iyon `yong lalaking nakita ko sa garden natin noon. Mister!” sigaw nito.
Napaderetso ng tayo si Cherry at napalingon sa itinuro ni Justin. Ilang sasakyan lamang ang layo sa kanila ay nakatayo at tila kabababa lamang din ng kotse ang isa sa matatalik na kaibigan ng kuya niya na si Jayson Palanca. Ilang linggo na ang nakalilipas mula nang makadaupang-palad niya ang binata sa engagement party nina Kuya Charlie at Jane. Alam na niya noon pa na guwapo at malakas ang charm ni Jay. Subalit ngayon, habang nakikita ang binata sa liwanag ay parang gusto niyang masilaw sa hitsura nito.
Actually, kapag magkakasama ang mga barkada ng kuya niya ay mapapansin na hindi naman si Jay ang pinakaguwapo. Si Ross Mitchell ay half Filipino-half American at halata iyon sa features nito habang prominente rin ang Spanish blood sa hitsura ng Kuya Charlie niya. Si Jay ang pinakamalapit ang hitsura sa isang tipikal na guwapong lalaki na purong Pinoy. Mas maputi nga lang ito kaysa karaniwan. Sa halip na guwapo ay mas masasabing malakas ang appeal nito.
“Nandito rin pala siya, ano, Mommy?”
Napakurap si Cherry at napahinto sa pagmamasid sa mukha ni Jay nang marinig ang tila nasasabik na tinig ni Justin.
Marahil sa lakas ng boses ni Justin ay napalingon na rin sa kanila ang binata. Nabigla si Cherry nang agad lumiwanag ang mukha ni Jay at malawak na ngumiti na para bang nakakita ng malapit na kaibigan. At nang magsimulang maglakad ang binata palapit sa kanilang mag-ina ay tila nanigas siya sa kinatatayuan. Hindi niya alam kung paano makikipag-usap kay Jay.
Kahit nagpupunta palagi sa bahay nila noon ang binata ay hindi sila malapit sa isa’t isa. Ang weird nga, dahil halos lahat ng kakilala niya sa campus noong kolehiyo ay kilala si Jay nang personal. Marahil kaya naiilang siya rito noon pa man dahil karamihan din sa mga kakilala niya ay naging fling ng binata. At kahit ayaw niya ay naririnig niya mula sa mga kaibigan kung gaano raw ito ka-“talented.”
“Hi! It’s a surprise to see both of you here,” masayang bulalas ni Jay nang nasa harap na nilang mag-ina. Niyuko pa nito si Justin at lumambot ang ekspresyon sa mga mata. “Hey, kid.”
“Hello, Mister,” nakangiting sagot ni Justin.
Nailang si Cherry sa nasaksihan. Iyon kasi ang unang beses na nakita niya ang ekspresyong iyon sa mukha ni Jay. At lalong iyon ang unang beses na hindi nailang o natakot sa isang estranghero ang kanyang anak. The chemistry between him and her son really bothered her.
“So, bakit kayo nandito?” tanong ni Jay sa palakaibigang tono at nag-angat uli ng tingin.
Hinamig ni Cherry ang sarili bago iniangat ang kamay na may hawak ng mga papeles. “Dadalhin ko ito kay Kuya Charlie.”
Ngumiti si Jay at lumabas ang maputi at pantay-pantay na mga ngipin. Para itong modelo ng toothpaste. Katunayan, medyo nasilaw yata siya sa ngiting iyon kaya napakurap siya.
“Kung ganoon, sabay-sabay na tayong umakyat sa firm. Pabalik na rin naman ako do’n,” alok nito.
Tatanggi sana siya pero naunahan siya ng excited na pagpayag ni Justin. Pasimple na lang siyang napabuntong-hininga. “Okay.” Nang muli niyang tingnan ang mukha ni Jay ay nahuli niya ang amused na kislap sa mga mata nito habang nakangiting nakatingin sa kanya. Para bang alam nito kung ano ang naglalaro sa kanyang isip.
Nag-iwas ng tingin si Cherry at tumikhim. Maingat niyang hinatak ang kamay ni Justin at nagsimulang maglakad. Umagapay sa kanila si Jay na para bang madalas talaga nilang ginagawa ang maglakad nang magkasabay. He looked so relaxed. Hindi katulad niya na ilag pa rin ang pakiramdam.
“Ngayon ba ang unang beses na nagpunta kayo sa firm?” basag ni Jay sa katahimikan nang nakasakay na sila sa elevator.
“Oo,” tipid na sagot ni Cherry na hindi tumitingin dito.
“Hmm...”
Nakita niya sa repleksiyon nila sa pinto ng elevator na bumaba ang tingin ni Jay sa kanyang anak.
“Hey, kid. Ano’ng pangalan mo?”
“Justin po.”
“Justin.” Ngumiti si Jay at biglang tumingin din sa repleksiyon nila sa pinto.
Nagitla si Cherry dahil nagtama ang kanilang mga mata at huli na para magbawi siya ng tingin.
“Talaga bang tahimik at hindi masyadong nagsasalita ang mommy mo?” tanong ng binata kay Justin pero hindi pinutol ang kanilang eye contact. Para bang siya talaga ang gustong kausapin at sumagot sa tanong nito.
Naglapat nang mariin ang kanyang mga labi.
“Naku, hindi po. Madaldal po si Mommy at palaging nakikipag-usap kung kani-kanino. Marami siyang friends,” sagot ni Justin.
Nanlaki ang mga mata ni Cherry at niyuko ang anak. “Justin,” malumanay na saway niya.
Nagtatakang tiningala siya ng anak. “Bakit, Mommy? Hindi ko puwedeng sabihin kay Mister?”
Hindi siya nakahuma. Mabuti na lang at huminto ang elevator sa isang palapag at maraming tao ang sumakay. Ang kaso, sa sobrang dami ng mga tao ay napaatras silang mag-ina hanggang nakasandal na sila sa elevator wall. Nahigit niya ang hininga nang iharang ni Jay ang katawan at isang braso nito para hindi sila tuluyang maipit ng mga bagong sakay. Halos magkadikit na ang kanilang mga katawan at nanuot sa kanyang ilong ang mabangong amoy galing sa binata. Aftershave lotion ba iyon, cologne, o natural nitong amoy?
Naramdaman niya ang bahagyang paglapit ng ulo ni Jay sa kanya. Sumikdo ang puso niya nang bumulong ang binata sa kanyang tainga at humampas ang mainit nitong hininga sa balat niya.
“So, sa akin ka lang ganyan, huh? Why?”
Muntik nang mapapikit si Cherry sa sensasyong dulot ng pagbulong ni Jay pero hinamig niya ang sarili. Lihim na pinagalitan niya ang sarili sa nagiging reaksiyon sa nearness nito.
This is just because I’m not used to men being this near to me.