NABABAHALA si Cherry. Ilang araw na mula nang magtungo sila ni Justin sa law firm ng Kuya Charlie niya. Ilang araw na rin na walang bukambibig ang kanyang anak kundi si Jay.
“Mommy, hindi ba tayo puwedeng pumasyal uli sa kanila? Wala naman akong pasok bukas, eh,” giit pa ni Justin nang tumawag siya sa bahay nila pagsapit ng hapon upang kumustahin ito. Nasa trabaho pa kasi siya.
Nakagat niya ang ibabang labi at mariing napapikit. “Justin, hindi natin sila puwedeng istorbohin palagi. Abala silang mga tao.”
“Pero ang sabi sa akin ni Tito Jay noong nililibot niya ako, puwede ko siyang bisitahin kapag gusto ko,” giit pa rin ng bata.
I bet he didn’t mean it, gusto sanang sabihin ni Cherry pero ayaw niyang masaktan ang kanyang anak. Bumuntong-hininga siya. “Fine. Itatanong ko muna sa tito mo kung kailan tayo puwedeng bumisita roon, okay?”
“Yehey! Itanong mo kay Tito, ha? Para makita ko uli si Tito Jay.”
Napapikit si Cherry. Hindi talaga siya kumportable na marinig ang pangalan ng lalaking iyon mula sa bibig ng kanyang anak. “Okay. Anyway, huwag mong kalilimutang kumain kahit wala ako, ha? Gagabihin ako kaya matulog ka na lang at huwag mong pasasakitin ang ulo ng lolo at lola mo. Okay, honey?” pag-iiba niya sa usapan.
“Opo. I love you, Mommy,” masayang bulalas ni Justin sa kabilang linya.
Napangiwi siya at gusto nang isumpa si Jay dahil sa epekto nito sa kanyang anak. “Okay. Bye, Justin.”
“Bye, Mommy.”
Napabuga siya ng hangin nang ibaba ang cell phone. Hinilot niya ang sentido dahil parang sumakit ang kanyang ulo. Iyon na nga ba ang sinasabi niya. Dalawang beses pa lang nakakasama ni Justin si Jay ay mukhang attached na ang anak niya sa lalaki. Mukhang hindi lang mga babae ang nadadala sa charm nito, maging mga bata.
“Bakit ganyan ang hitsura mo?” biglang tanong ng pamilyar na boses ng isang babae mula sa pinto ng opisina kasabay ang tatlong beses na pagkatok.
Nag-angat ng tingin si Cherry at nakita ang matalik na kaibigang si Jane. Ngumiti ang babae bago tuluyang lumapit sa kanyang office table.
“Anong problema?”
Napabuntong-hininga siya bago sinabi ang tungkol sa attachment ni Justin kay Jay. Kumunot ang noo ni Jane nang matapos siyang magsalita.
“Ano ba’ng ikinatatakot mo na nagiging malapit ang anak mo kay Jay? Sa tingin ko naman, mabuti siyang tao.”
Napailing siya. “Ayokong maghanap si Justin ng fatherly affection sa isang estranghero. We’ve been okay for eight years na kaming dalawa lang. Ayokong bigla niyang maramdaman na may kulang sa buhay niya at iyon ang mangyayari kung magiging malapit siya kay Jay.”
Naging mataman ang tingin ni Jane sa kanya at hindi pa man ay parang alam na niya kung ano ang sasabihin nito. “Bakit kasi hindi mo sinabi sa ama ni Justin na buntis ka noon? I think he has the right to know.”
Mariing naglapat ang mga labi ni Cherry. “Ayokong pag-usapan ang tungkol diyan, Jane. May kanya-kanya na kaming buhay. Ayoko nang balikan ang nakaraan.”
Napabuntong-hininga ang kaibigan. “Fine. Eh, di kung masyadong naa-attach si Justin kay Jay, why don’t you try going out with him? Malay mo kung saan kayo mapunta,” nakangiti nang suhestiyon nito.
Natawa siya nang pagak. “My God, Jane. Do you really think someone like him will get serious with one woman?”
“Bakit naman hindi? Natatandaan mo noong nag-aaral pa tayo? Ang sabi natin, ang tipo ni Charlie at ng mga barkada niya ay mga hindi magseseryoso kahit kailan. Look at them now. Look at us,” sabi pa ni Jane na itinaas ang kamay na may suot na engagement ring.
Naitirik niya ang mga mata. “Fine. May pag-asa pa si Jay. Pero hindi ibig sabihin n’on, ako ang magpapabago sa kanya. I’m not that special. Higit sa lahat, may anak na ako. Anyway…” May kinuha siyang folder sa mesa at iniabot kay Jane. “Ito ang dahilan kung bakit ka nandito, hindi ba?”
“Oo, ito nga. Salamat.”
“Siyanga pala, nag-aaya sina Ces ngayong gabi. Gusto mong sumama?” tanong ni Cherry. Ang tinutukoy niya ay ang mga barkada rin nila noong kolehiyo. Mga kaklase niya ang iba roon sa ilang subjects habang ang iba naman ay orgmates.
Ngumiwi si Jane. “Hindi naman ako kasing-close sa kanila na katulad mo. I’ll pass.”
Sa kabila ng pagiging matalik nilang magkaibigan ay mayroon din silang magkaibang set of friends. May mga kaibigan si Jane na hindi niya masyadong close pero nakakabatian naman niya at ganoon din ang babae sa iba niyang mga kaibigan. Subalit kahit ganoon ay napanatili nila ang closeness nilang dalawa. Kahit gaano pa karami ang kanyang mga kaibigan, si Jane pa rin ang itinuturing niyang matalik na kaibigan. Marami siyang sekreto na sa babae lamang niya sinasabi.
“Sigurado ka? Ang sabi sa akin ni Ces, isama daw kita,” tanong pa niya.
“Oo nga. Ikaw na lang ang lumabas para ma-relax ka nang kaunti. Minsan ka na lang lumabas lately, hindi ba?”
Tumango si Cherry. Inaalala na kasi niya na lumalaki na si Justin at hanggang maaari ay gusto niyang nakikita siya ng anak bago matulog. Ang kaso, ilang beses na siyang tumanggi sa pagyayaya nina Ces at kapag tumanggi pa siya ngayon ay baka magtampo na ang mga kaibigan.
“Besides, may date kami ni Charlie ngayong gabi,” ani Jane na matamis na ngumiti, tumayo na at nagpaalam.
Tumayo rin si Cherry at nakipagbeso sa matalik na kaibigan bago ito inihatid ng tingin hanggang sumara na uli ang pinto ng kanyang opisina at maiwan siya roong mag-isa.
“WHAT? Akala ko ba sa restaurant tayo magkikita-kita? Bakit sa isang dance club?” frustrated na bulalas ni Cherry sa kaibigang si Ces na kausap niya sa cell phone. Kinailangan pa niyang iparada sandali ang kotse sa gilid ng kalsada dahil bigla yatang tumaas ang kanyang presyon sa biglang pagbabago ng plano nila para sa gabing iyon.
“Bigla’y gustong sumayaw at uminom nina Jamie. Mukhang brokenhearted kasi ang bruha at gustong humanap ng lalaki. I’m sorry, Cherry. Pero nasa biyahe ka naman na, hindi ba? Pumunta ka na rin dito. Please? We want to see you,” udyok ni Ces.
Napabuga siya ng hangin. Sa totoo lang, iniiwasan niyang pumunta sa mga ganoong klase ng lugar. Noong kolehiyo ay sumasama siyang mag-club at mag-bar, dumadalo sa mga party, at kung ano-ano pa. Subalit mula nang mabuntis siya walong taon ang nakararaan ay hindi na siya umapak pa sa ganoong klase ng lugar. Those places made her remember something she wanted to forget. Pero gusto rin naman niyang makita ang mga kaibigan.
“Fine. Papunta na ako,” sumusukong sabi na lamang ni Cherry. Pagkatapos putulin ang tawag ay muli niyang pinaandar ang sasakyan.
Dahil Biyernes ng gabi ay napakarami nang tao sa loob ng club nang dumating siya. Malakas ang tugtog at lumilikha ng sensuwal na ilusyon ang magkahalong dim lights at ang mga sumasayaw na strobe light. Sa suot na skinny black jeans at sleeveless blouse, pakiramdam niya ay overdressed dahil ang mga sumasayaw sa dance floor ay napakaiksi ng mga suot. Kahit noong nasa kolehiyo siya at lumalabas kasama ang mga barkada ay hindi ganoon ang kanyang isinusuot dahil tiyak na aatakehin sa puso ang kanyang lolo at mga magulang kung sakali.
Bukod sa buo ang paniniwala ni Cherry na konserbatibo ang kasintahan niya noon. Ayaw niyang gumawa ng kahit anong maaaring maging dahilan para mabawasan ang pagmamahal nito sa kanya.
But I was so wrong in so many things, mapait na naisip niya.
Nawala roon ang isip ni Cherry nang matanaw ang babaeng pasalubong sa kanya at ngising-ngisi. Napangiti na rin siya at naglakad palapit. “Ces!”
“Cherry! I missed you, girl friend,” masiglang bulalas ni Ces bago sila mahigpit na nagyakap.
“I missed you, too,” masayang bulalas niya.
“Bakit hindi mo kasama si Jane?” nagtatakang tanong ng kaibigan nang maghiwalay sila.
Ngumiwi siya. “May date siya with her fiancé.”
“Oh, well. Tonight is for singles, anyway. Tara, naroon sina Jamie. Ang bruha, may na-pick up na kaagad. And you will be surprised to see him. Kami kasi ay nasorpresa. Kung alam lang namin na makikita namin siya rito, sana noon pa tayo tumambay dito,” excited na bulalas ni Ces na hinatak na siya patungo sa kung saan.