John’s Point of View
MATAPOS ang pagsusumbatan naming dalawa ni Monica ay hindi na nga naging maayos ang lahat. Bigla akong nakaramdam ng guilt sa sarili ko kasi nga pinaghilaan ko siya. Nang gabi ring iyon ay napagplanuhan kong humingi ng sorry sa kanya.
’Yon nga lang, medyo nagtatampo si Monica sa akin kaya si Chepai ang kumaharap sa akin sa baba nang puntahan ko ulit siya sa boarding house niya, dala-dala ang ulam na niluto ko para sa kanya.
“Pasensya ka na, John, ah. Ayaw niyang bumaba. Nagtatampo ang bruha sa ’yo,” iyon na lamang ang sabi ni Chepai sa akin nang kaharapin niya ako.
Mapait namang ngumiti ako kay Chepai. “Sige. Okay lang. Pakibigay na lang itong ulam na niluto ko. Adobong manok iyan, paborito niya. Pakisabi na lang na peace offering ko ’yan sa kanya,” ani ko nang maiabot ko ang maliit na Tupperware kay Chepai.
Kinuha naman niya ito. “Ang sweet ah. Sige, ibibigay ko ito sa sad girl mong kaibigan. Alam ko na kung ano ang pinag-awayan niyo. Hindi sa nangingialam ako pero bakit ba kasi nanghihinala ka kaagad sa kababata mo?” tanong naman ni Chepai sa akin.
“Kasi natatakot ako kapag dumating ang araw na may lalaking makakabihag sa kanya. Ayokong mangyari iyon.” Gusto ko sanang sabihin ito kay Chepai kaya lang hindi naman puwede. Kaya nag-imbento na lang ako ng rason para masagot ko ang tanong niya.
“Ayokong may mangyari sa kanya. Tingnan mo nga, sumama siya sa hindi niya kilalang tao para ihatid siya rito sa boarding house niyo. Eh, paano kung ibang tao iyon na may masamang balak sa kanya? Eh, ’di kunsensya ko pa ang hahabol sa akin kapag balita na lang ang makakarating sa akin. Nangako pa naman ako sa mga magulang niya na babantayan ko siya. Ginagawa ko lang ang utos nila. Masama bang maging overprotective?”
Napairap sa akin si Chepai bago siya nagsalita. “Hay naku! Kahit sabihin mong overprotective ka lang sa kababata mo, hindi pa rin maganda ’yong ginawa mong panghihinala sa kanya. Eh, hindi naman sa lahat ng oras ay kailangan mo siyang bantayan.
“Alam mo, John, hindi pa kami nag-iisang buwan na magkakilala ni Monica, masasabi kong hindi siya nagpapabaya sa sarili niya. Alam niya ang tama’t mali at kaya na rin niyang magdesisyon sa buhay niya. In short, kaya na niya ang sarili niya. Kaya niyang maging independent kahit wala ka. Kaya ’wag ka ng mag-alala sa kaibigan mong ’yon, okay? Kaya na niya ang sarili niya. Puwera na lang… kung ’yang pagiging overprotective mo kay Monica… may iba na palang kahulugan,” tugon ni Chepai habang kakaiba ang tingin ang ipinukol niya sa akin.
Hindi ko siya maintindihan kaya napakunot ako ng noo. “Ano’ng ibig mong sabihin?”
“Hmmm…” sabi pa ni Chepai habang nakanguso siya. Pagkatapos ay bigla siyang lumapit sa akin at may mahinang isinambit. “Magtapat ka nga sa akin, John? May gusto ka ba kay Monica?”
Para akong binuhusan ng malamig na tubig doon sa kinatatayuan ko nang tanungin iyon ni Chepai. Nagdadalawang-isip ako kung sasagutin ko ba iyon o hindi. Baka kasi mag-ingay siya kung sasabihin ko ang totoo kaya napagdesisyon kong ’wag ipagtapat kay Chepai.
Mabilis akong napailing at nagsalita. “W-Wala. Wala akong gusto kay Monica,” ani ko sabay kamot sa likuran ng ulo ko. Medyo hindi ako makatingin ng diretso kay Chepai kasi nakakaloko ang tingin niya sa akin.
“Talaga lang ah.”
“Oo nga. Wala akong gusto kay Monica. Bakit naman ako magkakagusto ro’n?” dagdag na pagdadahilan ko pa. Ang impokrito ko sa part na ’to, ah!
“Asus! Nagdahilan ka pa. Sige na nga, hindi na kita pipilitin pa. Pero dapat ilunok mo ’yang sinasabi mo na wala ka talagang gusto sa kaibigan mo, ah. Dahil kung hindi, sorry ka na lang kasi mukhang walang pagtingin si Monica sa iyo. Iyon ang pagkakaalam ko. Kaya kung may plano kang magtapat sa kanya, mag-expect ka na lang na ire-reject ka niya.”
Para akong nanghina dahil sa sinabi ni Chepai sa akin. Nanghina ako sa sinabi niya na mukhang walang gusto si Monica sa akin. Aray! Ba’t parang nakakapanghina ng loob ’yong sinabi niya?
Imbes na maging malungkot ako ay pinilit ko na lang ang sarili ko na maging masaya, na para bang hindi ako apektado sa sinabi niya. Pero deep inside, medyo nasaktan ako. Talaga bang wala na akong pag-asa kay Monica? Nakakalungkot naman.
“Ah, ganun ba. Ahm, siya nga pala, Chepai, mauuna na ako. M-May gagawin pa kasi ako, eh. Pakibigay na lang ng ulam sa kanya, ah. Salamat,” paalam ko na lang kay Chepai para makaalis na ako roon. Habang nagtatagal kasi ako sa kinatatayuan ko ay masyadong nalulungkot lang ako.
Nagpaalam na lang din si Chepai sa akin at nagpasalamat para sa ulam. Nang makarating ako sa tinutuluyan kong boarding house ay wala akong tigil sa kakaisip sa sinabi ni Chepai sa akin kanina. Nakakapanghina talaga ng loob sa totoo lang.
KINABUKASAN, araw ng Lunes, medyo late akong nagising dahil hindi ko namalayan na napasarap pala ang tulog ko dahil sa lakas ng ulan kagabi.
Mabuti na lang hindi maaga ang unang klase ko sa morning period ngayong araw. Kaya may oras pa ako na maghanda.
Matapos kong maghanda ay kaagad na akong umalis papunta sa SJU. Hindi ko na sinundo si Monica sa boarding house niya kasi marahil ay nasa university na ito. Maaga ang pasok niyon sa pagkakaalam ko.
As usual, naging daily habit ko na yata ang pumasok sa klase araw-araw. Habang tumatagal na pumapasok ako sa mga subjects ko, mas lalong humihirap ang mga discussions. Pero nakakaya ko naman siyang intindihin. ’Yong iba nga lang minsan ay nagpapaturo pa ako kay Dino para maintindihan ko, lalo na ang College Algebra.
Medyo mahirap siya pero sabi ko nga, nakakaya ko naman siyang intindihin.
Alas diyes trenta nang matapos ang huling klase ko sa umaga. Dahil wala na rin naman akong klase, at ang susunod na subject na papasukin ko pa ay mamayang ala una ng hapon, napagdesisyunan kong puntahan si Monica sa department nito upang yayain siyang kumain mamayang tanghalian.
Saka gusto ko na rin makipag-ayos sa kanya kasi ayoko na nag-aaway kaming dalawa. Ako na ang laging sumusuyo sa kanya para maging maayos ang lahat.
Pero sa hindi inaasahang pangyayari, may nakilala akong babae sa department na iyon. Nabangga niya ako ng hindi sinasadya dahil umuurong siyang naglalakad ng patalikod. Natapakan pa niya ang bago kong sapatos na suot kaya nabahiran iyon ng dumi.
“Ay siya nga pala, ako nga pala si Sheila. Nice to meet you—ahm—ano nga pala ang pangalan mo?” iyon ang tanong niya sa akin matapos ang ilang sagutan naming dalawa dahil sa pagtapak niya roon sa sapatos ko. Nilahad pa niya ang kamay niya sa harapan ko upang makipagkamay.
Imbes na magalit ako sa babae ay nginitian ko na lang kasi mukhang mabait naman. Saka sapatos lang ang natapakan niya, hindi na malaking issue iyon sa ’kin.
“Ah, John nga pala. Nice to meet you, too,” pagpapakilala ko sa kanya sabay abot ng kamay niyang nakalahad upang makipag-kamay ako sa kanya.
“John,” patango-tango pa niyang sabi. “Sorry ulit, ah. Hindi ko sinasadya,” paulit-ulit niyang paghihingi ng sorry sa akin dahil nga sa nangyari.
Kinampay ko ang kamay ko kay Sheila. “Wala ’yon.”
“Ah, by the way, I’ll be going ahead. May klase pa ako rito, eh. Have a good day, John,” paalam pa ni Sheila sa akin habang kumakaway siya. Kinawayan ko na lang din si Sheila at nagmamadaling pumasok na siya roon sa department. Sumunod na lang din ako sa kanya nang mawala na siya sa paningin ko.
Napag-isipan ko na tumambay muna roon sa mini sala set ng department nina Monica. Aabangan ko na lang siya rito hanggang sa mag-alas dose na ng tanghali. Tutal, two hours na lang din ang hihintayin ko kaya okay na rin sa ’kin iyon.
Makalipas ang dalawang oras na paghihintay ay nagsilabasan na ang ibang estudyante sa classroom nila. Kaagad akong tumayo sa pagkakaupo ko para hintayin na makita si Monica papalabas ng department.
Maya-maya ay nahagip ko kaagad siya. Mag-isa siyang naglalakad habang saklob-saklob niya ang tote bag niya sa kanyang balikat. May dala-dala rin siyang dalawang libro.
Mabilis din niya akong nakita kaya lumapit na ako sa kanya. Napatigil siya sa paglalakad at inismiran niya lang ako. Mukhang galit pa rin yata siya sa akin.
Walang salitang nagpatuloy siya sa paglalakad dahil iniiwasan niya ako. Pero nasundan ko pa rin siya’t nahawakan ang kamay niya kaya siya napatigil sa paglalakad.
“Monica, please. Mag-usap tayo,” nagmamakaawa ko pang tugon sa kaibigan ko.
Humarap siya sa akin na wala pa ring kasigla-sigla ang mukha niya. “Puwede ba, John, huwag ka munang magpakita sa akin. Palimigin mo muna ang ulo ko dahil naiinis pa ako sa ’yo.”
“Eh, kaya nga ako nandito para humingi ng sorry sa ’yo. Ayaw mo kasi akong kaharapin kagabi. Kaya naisip ko na puntahan ka na lang dito. Yayayain sana kitang kumain. Sabay na tayong mananghalian, oh.”
“Ayoko. Mag-lunch kang mag-isa mo,” nagtatampong sagot ni Monica sa akin. Malakas na biniklas niya ang kamay niya na hawak-hawak ko at saka siya nagpatuloy sa paglalakad.
Pero muling napatigil siya nang hawakan ko ulit ang kamay niya.
“Monica, sorry na kasi. Hindi ko naman sinasadya na paghinalaan ka. Kaya patawarin mo na ako, please.”
Inirapan niya lang ako at saka niya muling hinila ang kamay niya. Mabilis ulit siyang naglakad at hindi ko na nga siya naabutan pa.
Napakamot na lang talaga ako sa likuran ng aking ulo. Bakit ba kasi ang hirap suyuin ng mga babae?
Siguro mamayang uwian ko na lang siya kakausapin. Hihintayin ko na lang ulit siya rito sa department nila mamayang hapon at gagawin ko ang lahat para lang mapatawad niya ako.
Habang nananatiling nakatayo ako roon ay nagulat ako nang biglang may kumalabit sa likuran ko. Paglingon ko sa aking likod ay nakita ko ang babaeng nakilala ko kanina—si Sheila.
Nagtataka siyang nakatingin sa akin.
“Nandito ka pa rin?” tanong niya.
Naiilang na napatango ako ng ulo. “Oo, eh.”
“Nililigawan mo ba ’yong babae kanina? Mukhang busted ka yata, eh.”
Natawa ako sa sinabi ni Sheila at muli akong napakamot sa likuran ng ulo ko. Sabay yuko dahil naiilang ako sa harapan niya. Nakita niya siguro kaming dalawa ni Monica kanina kaya niya naitanong ito ngayon.
“Hindi. Kaibigan ko lang ’yon. Medyo nagkaroon lang ng hindi pagkakaintindihan kagabi kaya nagtatampo sa akin.”
“Talaga lang ah. Kailangan ba talagang suyuin mo siya kahit na kaibigan lang ang turing mo sa kanya?”
“Ha?” Hindi ko kasi maintindihan ang sinabi niya. Ngumiwi lang siya sa akin at napakampay ng kamay.
“Nevermind. By the way, magla-lunch nga pala ako. Do you want to come?” yaya niya sa akin na ikinagulat kong muli kasi first time ko sa buhay ko na may babaeng hindi ko kakilala na nagyaya sa akin na sumabay kumain.
Nagdadalawang-isip tuloy ako kung sasama ba ako o hindi. Kaya nahihiyang napakamot ulit ako sa likuran ng ulo ko dahil sa pagyaya niya sa akin.
“Ahm, h-hindi na.”
“Sure ka? Wala kasi akong kasama ngayon. May mga klase pa ang mga kaibigan ko. Usually, mga one o’ clock pa sila magla-lunch. Ang pangit naman kung mag-iisa akong kakain sa canteen. Baka isipin pa ng iba riyan, eh, loner ako na pagkatao,” sabi pa niya.
“Sa canteen ka kakain?” tanong ko naman.
“Oo. Malapit lang naman dito iyon, eh.”
Sa canteen siya kakain. Eh, ang mahal-mahal ng mga pagkain doon. Sa labas kasi kami kumakain ni Monica. Hindi sa canteen. “Ah, eh, hindi muna ako makakasabay sa iyo kasi… ahmm…”
“Kasi ano?”
“Kasi… ahm…”
“Alam mo, buking ka na. Nag-iisip ka ng rason para hindi mo ako makasabay. Bakit ganyan kayong mga lalaki? Ang hilig niyang mag-imbento ng mga rason para mahindian kayo.”
“Ah, h-hindi naman sa ganun,” sabi ko pa. At dahil wala na rin naman akong ibang mairarason kay Sheila, pumayag na lang akong sumabay sa kanyang kumain. “Sige na nga. Sabay na lang tayo.”
Nakita ko sa mukha ni Sheila kung gaano siya kasaya. Hindi ko akalain na sa unang araw na nagkakilala kami ng babaeng ito ay parang ang gaan-gaan na ng loob niya sa akin. Ang lakas pa niyang yayain akong mag-lunch, na kahit ako ay naiilang pa rin sa kanya.
Nagulat pa ako nang biglang hawakan niya ang kamay ko. Kailangan daw naming magmadali dahil baka maubusan daw siya ng paborito niyang Carbonara sa canteen.
Nang makarating kami sa canteen ay sumalubong kaagad sa amin ang samu’t saring mga estudyante ng SJU doon sa loob. Sobrang ingay nila dahil habang kumakain sila ay maingay na nagkukuwentuhan pa ’yong iba.
Patuloy pa ring nakahawak ang kamay ni Sheila sa kamay ko habang hinihila niya ako sa isang stall na gusto niyang pagbilhan ng pagkain.
Sa totoo lang, medyo hindi ako kumportable sa pagkakahawak niya sa kamay ko dahil hindi ako sanay na may humahawak sa akin kapag hindi ko kilala.
Mabuti na lang at binitawan na niya ang kamay niya nang muli siyang humarap sa akin. “Ano nga pala ang sa iyo?” tanong niya pagkuwan.
Umakto pa akong namimili ng pagkain doon sa menu na nasa itaas. Ang mahal talaga rito. Hindi ko ito kayang bilhin. Sa isang putahe ng ulam, 100 pesos kaagad ang magagastos mo. Eh, kung sa karinderya lang sa labas ay makaka-save pa ako ng 80 pesos kasi 20 pesos lang ang mga ulam nila roon.
Pero nandito na ako, kasama pa ang bago kong kaibigan na si Sheila. Hindi na ako puwedeng mag-back out at baka magalit siya sa akin. Sige na nga, isang beses lang ako gagastos ng malaki. Ngayon lang!
“Ahm, ’yong ano na lang sa akin. ’Yong—”
Napatigil ako sa pagsasalita ng biglang may humawak sa balikat ko. Paglingon ko sa likod upang tingnan kung sino ang humawak sa balikat ko ay malakas naman akong sinuntok sa mukha ng lalaking nakaharap ko.
Natumba tuloy ako sa sahig at natahimik ang kabuuan ng canteen dahil sa nangyari. Ang dami kaagad nakiisyoso sa kaguluhan.
Narinig ko na lamang ang boses ni Sheila na sumisigaw, inaawat niya ang lalaking sumuntok sa akin upang hindi ito tuluyang makalapit sa kinababagsakan ko.
“Kent, ano ba!? Tumigil ka na!” naririnig kong sigaw ni Sheila.