Chapter 15

1329 Words
Monica’s Point of View SOBRANG aga kong gumising kanina. Excited kasi ako dahil ngayong araw kami aalis ni John papuntang Maynila. Good mood ako nang imulat ko ang dalawa kong mata at saka ako bumangon upang magbinat ng katawan. Mabilis na akong nagligpit ng pinaghigaan ko at saka ako bumaba para maghanda ng almusal. Pagbaba ko, nakita ko na natutulog pa si John doon sa malaking sofa na gawa sa rattan. Kaagad ko siyang nilapitan upang tingnan. Nakita ko na tulog-mantika siya roon habang nakahiga. Naka-topless pa ang mokong at parang wala lang sa lalaking ’to ang lamig na nanggagaling sa maliit na electric fan. Nakanganga pa ang bibig niya habang natutulog. Natawa tuloy ako sa hitsura at porma niya. Akmang gigisingin ko na sana siya pero bigla akong napatingin sa katawan niya. Ewan. Nasanay na rin kasi ako na naka-topless siya kung matulog. Pero bakit bigla yata ako nakaramdam ng pag-init nang pagmasdan ko ang katawan niya? Shuta ka, Monica! Bakit iba ang iniisip mo, ah? Bakit… bakit dumating sa punto na parang pinagnanasaan mo ’tong kumag mong kaibigan!? Minsan talaga hindi ko rin maintindihan ’tong sarili ko. Ang laswa! Pero teka! Wait lang! Napansin ko ’yong abs ni John. Minsan ko na rin nakita ito sa palengke noong nakaraang linggo. At ang nararamdaman ko ngayon ay katulad din ng naramdaman ko roon sa palengke dati. Shuta ka, Monica! Tumigil ka sa kalaswaan mo! Pero teka nga lang muna! Totoo ba talaga ’tong abs niya? Hindi ba ’to peke? Dahil sa curiousity ko, mas inilapit ko pa ang mukha ko sa katawan ni John. Natutulog pa naman siya kaya hindi ako mahuhuli nito. Nang tingnan ko pa ng mas malapitan ang abs niya, hindi pa ako nakuntento dahil sinubukan ko itong pindutin. Nagulat ako kasi ang tigas. Shocks! Ano na ba ’tong nangyayari sa akin? Napabalikwas na lang ako ng tayo ng may nagsalita sa likuran ko. Halatang gulat na gulat ako nang balingan ko ang tingin sa likuran ko. “Ate, ano’ng ginagawa mo?” Pagtingin ko, nakita ko si Nicole na kakababa lang sa hagdanan. Nakapungay ang dalawang mata nito na mukhang kagigising lang. Dagdagan pa nito ang magulo niyang buhok. Bigla tuloy akong pinagpawisan sa kinatatayuan ko at mabilis na nag-isip kung ano ang idadahilan. “Ahm, ano? May tinitingnan lang,” sabi ko habang nasa likuran ang dalawa kong kamay para maging pormal ang pagtayo ko roon. Para hindi mahalata ng kapatid ko na may ginagawa akong kababalaghan dito. “Okay,” sabi na lang ni Nicole at saka siya nagpatuloy sa paglalakad papuntang CR. Nang mapasin kong wala na si Nicole, dali-dali kong kinuha ang damit ni John na nakalatag lang sa isang upuan. Ginawa kong pantakip ang damit na iyon doon sa katawan niya kasi ayoko ng maulit ’yong nangyari kanina. Para akong baliw! Hindi ko na lang din ginising si John dahil alas singko pa naman ng madaling araw. Mamaya ko na lang siya gigisingin kapag nakahanda na ang almusal.   “KAYONG dalawa, makinig kayo sa akin, mag-iingat kayo sa Maynila. Huwag niyong pababayaan ang isa’t isa sa inyo,” paalala pa ni Nanay sa aming dalawa ni John nang lumabas kami ng bahay dahil aalis na kami ngayon. Nilingon muna namin ni John sina Nanay at Tatay para kausapin ang mga ito. “Yes po, ’Nay. Mag-iingat po kami ni John.” “Mag-aral kayong mabuti,” dagdag pa sa amin ni Nanay at saka niya binalingan ang kababata ko. “Hijo, ikaw na bahala sa anak ko. Matagal na kayong magkasama noong bata pa at alam ko na ligtas siya sa iyo. Huwag mong pababayaan si Monica. Maaasahan ba kita?” “Opo naman, ’Nay Rosa. Ako na po bahala kay Monica. Babatukan ko ’to kapag nagpasaway,” pagbibiro pa niya sabay nakakalokong tumingin sa akin. Napangiwi ako sa sinabi niya at pabirong hinampas ang balikat niya. “Che!” Saktong dumating naman ang tricycle na kinuha ni Nicole. Bumaba roon ang kapatid ko nang huminto ito sa harapan namin. “Nandito na po ’yong tricycle!” sigaw pa ng kapatid ko nang makababa siya. “Mami-miss kita, Ate,” dagdag pang sabi ni Nicole sa akin sabay yakap niya ng mahigpit sa katawan ko. Niyakap ko rin naman siya kasi nalulungkot din ako na hindi ko muna makakasama itong makulit kong kapatid sa susunod na buwan. Isa-isa namang binuhat ni John ang mga gamit na dala namin doon sa likuran ng tricycle. Tinulungan din siya no’ng driver habang ako ay nakikipag-usap pa sa mga magulang ko. “May matutuluyan na ba kayo pagdating niyo sa Maynila?” tanong naman ni Tatay sa akin. Tumango ako. “Opo. Meron na po. Pero magkaiba po kami ni John ng boarding house na tutuluyan. Pero malapit lang naman po iyon sa boarding house ko kaya okay lang din sa akin.” “Mabuti naman kung ganoon,” nasabi na lang sa akin ni Tatay ’tapos napansin ko na tapos na palang buhatin ni John ang mga gamit namin sa tricycle kaya nagpaalam na muli ako sa Nanay at Tatay ko bago ako lumapit kay John. “Sakay na,” sabi na lang sa akin ni John at saka naman ako sumakay roon sa loob ng tricycle. “’Nay Rosa, ’Tay Efren, una na po kami ni Monica,” pakaway-kaway pa niyang paalam sa mga magulang ko. Pero bago siya sumakay roon sa tricycle, nakita ko kung paano siya pigilan ni Tatay sa balikat. Napalingon si John kay Tatay at kahit mahina ang boses ng ama ko, rinig na rinig ko pa rin ang pinag-uusapan nilang dalawa. “Hijo, pinagkakatiwala ko sa ’yo ang anak ko. Ikaw ang lalaki. Protektahan mo ang anak ko. Makakaasa ba ako sa ’yo?” “Opo naman po. ’Wag po kayong mag-alala. Ako na po ang bahala kay Monica.” “Pagbawalan mong mag-boyfriend iyan,” narinig kong sabi pa ni Tatay at saka ako natawa roon sa loob ng tricycle. Alam kong natawa rin si John pero kaagad din naman siyang sumagot para hindi na maging mahaba pa ang pag-uusap nila ni Tatay. “Opo, ako na po ang bahala.” Matapos nilang mag-usap, kaagad na sumakay si John sa tricycle. Napatingin pa siya sa akin at nangingiti ang nakikita ko sa labi niya. “Bakit?” tanong ko na lang. Saka naman siya umiling sa akin na parang natatawa. “Wala lang,” sagot niya at ibinaling na niya ang tingin sa ibang direksyon. Baka akala ng mokong na ’to hindi ko narinig ang pinag-usapan nila ni Tatay. Natatawa ako. Makalipas ang ilang segundo, umarangkada na ang tricycle papunta sa bayan. Idinaretso lang kami ng driver doon sa paradahan ng mga van papuntang Maynila. Habang sakay ako ng van na iyon, hindi ko naman napigilan ang sarili ko na kabahan. Kinakabahan ako, pero excited naman ako kasi first time kong makapunta sa Maynila. Hindi nawawala ang excitement ko kasi sa wakas makakapag-aral na ako sa kolehiyo. Isinandal ko na lang ang ulo ko roon sa bintana at sinubukang ipikit ang mga mata. Nagbabaka-sakali ako na dalawin ako ng antok. Hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako sa buong biyahe. Pagmulat ko, unang nasilayan ko kaagad ang mukha ni John na sobrang lapit lang din sa mukha ko. Natutulog din siya. Magkadikit ang aming ulo at nakaakbay ang kaliwa niyang kamay sa balikat ko. Hindi ko na alam kung ano ang sumunod na nangyari. Out of nowhere, bigla na lang akong napatitig sa natutulog niyang mukha. Matagal ang pagtitig kong iyon—na para bang may naramdaman akong malakas na kabog sa kaloob-looban ng aking dibdib. Sobrang weird. Wala akong ideya sa nangyayari sa akin. Pero mas lumakas pa lalo ang pintig ng puso ko ng biglang magmulat ng mata si John at hindi sinasadyang magtama ang mga mata namin sa isa’t isa. Matagal din iyon… sobrang tagal… na hindi ko alam kung bakit kakaiba yata ang tingin naming dalawa nang mga sandaling iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD