KJ
KAHIT papaano ay naging masaya ang isang linggong bakasyon namin. Pero nakaramdam ako ng lungkot nang paalis na kami. Parang kay bilis lang kasi ng mga araw. Hindi ko na rin makikitang maglaro si Audrey. Mukhang totoo nga yata ang sinabi ng pinsan kong si Liam na crush ko si Audrey. Ngayon ko lang kasi naramdaman ang ganitong atraksiyon sa babae. Pabalik na kami nina Daddy ng Maynila kaya ipinahatid kami ni Tito Rafael ng van papuntang Legazpi Airport. Tila inaantok ako habang pinagmamasdan ang malalawak na palayan na aming dinaraanan. Katabi ko si Daddy, si Arnel naman ay nasa passenger’s seat.
Napalinga sa akin si Dad, “Anak, kung sakali man wala ako at si Tito Rafael mo. P’wede mong tawagan ang Ninong Jess mo, matutulungan ka no’n.” Napakunot ang noo ko sa sinabi ni Dad mukhang may balak na naman siyang umalis pagdating namin sa Maynila. Ganito talaga si Dad workaholic. Bukod sa malaking construction company na inaasikaso nito ay aktibo rin ito sa pagkakawanggawa. Halos wala na nga itong oras sa akin.
“Aalis ka po, Dad?” tanong ko.
“Pasensya na, Anak. Kapag kinailangan kong umalis ay maiiwan ka na lang muna sa mansyon para asikasuhin ang pag-aaral mo. Lahat ng ginagawa ko at pagsusumikap ay para din sa’yo.”
Minsan ay nagtatampo na ako kay Dad. Aanhin ko ba ang maraming pera kong hindi naman kami palaging magkasama. Bakit naman ang mga pamilya sa probinsiya na nakikita ko nabubuhay sila kahit simple lang? Ang gusto ko lang naman magkasama kami dahil kaming dalawa na lang, wala na si mommy at hindi rin ako nagkaroon ng kapatid.
“Basta, ‘wag mong kalilimutan ang mga sinasabi ko sa’yo palagi,” anitong may dinukot sa kanyang wallet at inabot sa akin, isang calling card iyon.
“Calling card ‘yan ng Ninong Jess mo,” dugtong pa niya.
“Akala ko po nasa ibang bansa sila?” tanong ko. Ang pagkakaalam ko kasi ay doon na sila naninirahan sa California kasama ang kanyang pamilya.
“Actually pabalik-balik ang ninong mo. For now may ilang negosyo siya dito sa Pilipinas kaya madalas nandito siya.”
Napatango nalang ako. Bukod kay Tito Rafael si Ninong Jess din ang isa sa mga pinagkakatiwalaan ng daddy ko. Hindi pa ito nakita ni Tito Rafael o malamang hindi rin n’ya kilala. Bihira lang kasi pumunta sina Tito sa Maynila. Malayo-layo pa naman ang airport kaya nang matapos kaming mag-usap ni Dad ay tila hinila ng antok ang mga mata ko at kusa ko itong ipinikit.
BIGLA akong naalimpungatan sa tila isang malakas na ingay kasabay ng marahas na pag-alog ng aming sasakyan. Hindi ako naka-seatbelt dahil nasa likuran ako ng passenger’s seat kung saan nakaupo ni Arnel, kung kaya’t nauntog ako sa winshield. Ramdam ko ang hapdi sa aking noo. Tila kay bilis ng pangyayari. Tumilapon ang aming sasakyan na muntik nang ikahulog nito sa ibabang bahagi ng mga palayan. Halos mayupi ang unahang bahagi ng aming sinasakyan. Basag-basag din ang salamin at umurong sa paanan ko ang kinauupuan ni Arnel sa unahan dahilan ng pagkakaipit ng aking mga paa. Napasigaw ako sa sobrang sakit.
“Daddy!” sigaw ko nang mapalinga ako sa gawi ni Dad. Pigil-hininga ako sa sobrang takot nang makita kong duguan sa tabi ko si Dad. Nakita kong nagbabaan ang mga pasahero sa bus na nakabanggaan namin. Basag din ang winshield ng bus at may ilang mga sugatan na binababa mula roon.
“Dad! Dad! Gumising ka!” malakas na sabi ko habang niyuyugyog ito. Hindi ako halos makagalaw dahil sa pagkakaipit ng aking mga paa. May nararamdaman akong mainit at pulang likido na dumadaloy sa aking noo at pumatak iyon sa aking mga braso. Napasigaw muli ako sa takot.
“Tulong! Tulong!” malakas na sigaw ko.
Ang driver namin at si Arnel na nasa unahan ay halos hindi na rin gumagalaw. Napaiyak na lang ako sa sobrang takot. Hindi ko alam kung panaginip lang ba ang lahat. Hiniling ko na sana magising na ako kung sakaling nananaginip man ako. Bago dumilim ang aking paningin ay nakita ko ang pagdating ng mga rescuers at pilit na binubuksan ang pintuan ng aming sasakyan.
NANG muli akong magising ay nasa hospital na ako. Halos hindi ko maigalaw ang boung katawan ko dahil sa sakit. Naka-cast din ang aking mga paa. Agad akong napaluha nang maalala ko ang nangyari. Si Daddy agad ang naisip ko. Nakaligtas kaya siya? Hindi ko alam kung ilang oras na ang lumipas na wala akong malay. Iginala ko ang aking paningin sa isang malaking silid na kinaroroonan ko. Mayamaya ay may pumasok na nurse at nakatunghay saakin.
“Gising ka na pala,” anito.
“Nasaan ang daddy ko? Nasaan ang mga kasama ko?” tarantang tanong ko. Nakatingin lang sa akin ang nurse. Nagtataka ako bakit hindi siya agad makasagot. May masama kayang nangyari?
“Nurse, tinatanong kita! Nasa’n ang daddy ko?!” Babangon sana ako pero hindi ko maigalaw ang katawan ko. Siya namang pagbukas ang pintuan at iniluwa niyon si Tito Rafael. Nabuhayan ako ng loob habang naiiyak.
“Tito, ang daddy? Nasaan po siya? Ligtas na siya, ‘di ba?” sunod-sunod kong tanong.
Nakita ko ang pagbuntong-hininga ni Tito Rafael sabay napailing. Hindi maganda ang kutob ko. Huwag naman sanang magkatotoo ang nasa isipan ko. Hindi! Mali ang iniisip ko. Buhay pa si Dad.
“I’m sorry, Julius, pero wala na ang daddy mo.” Napakunot ang noo ko at umiling.
“Ano po’ng ibig niyong sabihin na wala na ang daddy ko?!”
“Dead on arrival ang daddy mo, si Arnel at ang driver ko. Mabuti na lang at nakaligtas ka,” ani Tito Rafael na bakas ang kalungkutan sa mukha. Tila sinakluban ako ng malamig na yelo. Agad na lumandas ang luha sa mga mata ko.
“Wala na si Dad?! Patay na siya?! Noo!!! Hindi totoo ‘yan!” Ayokong paniwalaan ang sinabi ni Tito. Pero noong huli ko siyang makita sa kotse ay tila hindi na rin talaga ito humihinga.
“No! Dad!!!” napahagulhol ako. Hindi ko kayang tanggapin na wala na si Dad.
Kaya pala tila namamaalam na siya noong nag-uusap kami. Hindi ko akalain na iyon na pala ang huli naming pag-uusap. Naulit na naman ang nangyari sa akin. Ganito rin ang naramdaman ko noong seven years old pa lang ako, nang mawala si Mommy. Pero walang kasing-sakit ito ngayon dahil alam kong mag-isa na lang ako.
MULA hospital ng Legazpi kung saan ako na-confined ay bumalik kami sa bayan ng Bulan kung saan nakatira sina Tito Rafael. Hindi na natuloy ang pagbalik ko sa Maynila dahil mag-isa na lang ako. Nakasakay ako sa wheelchair at naka-cast pa rin ang aking mga paa. Halos tatlong linggo rin ako namalagi sa hospital dahil sa ilang operasyon na dinaanan ko. Akala ko ay puputulin na rin ang aking mga paa. Laking pasalamat ko dahil sa sinabi ng doktor na may posibilidad pa rin akong makalakad.
Ipina-cremate na nina Tito Rafael si Daddy at hindi ko na ito nakita pa. Tanging ang cremation jar nalang ang naiwan nito sa akin na nakalagay sa aking kuwarto. Inilagay ko iyon sa isang ligtas na lugar kung saan hindi magagalaw at inilagay ko rin sa tabi nito ang litrato niya. Napaluha na naman ako nang makita ko iyon. Kaya isinubsob ko nalang ang aking mukha sa unan at doon ko pinakawalan ang pag-iyak.
Mayamaya ay iginiya ko ang aking wheelchair palabas ng kuwarto. Papunta sana ako ng terrace para makalanghap ng sariwang hangin, pero nang makita ko si Liam ay agad akong bumalik sa kuwarto. Sa ngayon ay gusto ko munang mapag-isa. Ayoko ng may kausap. Ayoko ng tinatanong ako ng kahit na ano.
DALAWANG araw pa ang lumipas mula nang makabalik ako sa bahay nina Tito Rafael nakaramdam ako ng pagkainip sa loob ng bahay. Wala akong ginawa kundi ang manood ng TV at magmukmok. Abalang-abala kasi si Tito Rafael sa kanyang opisina. Si Tita Maricar ay palaging wala rin sa bahay. Si Meyanne at Liam naman ay pumapasok sa eskwela, kung kaya’t wala akong makausap sa bahay kundi mga kasambahay na naiwan.
Kinabukasan ay nagpasama ako sa bagong driver ni Tito na si Aldrin upang mamasyal sa kalapit lamang na beach. Nalungkot ako dahil naalala ko si Arnel na siyang kasa-kasama ko sa loob ng ilang taon. Ngayon ay wala na siya. Iniwan na nila ako ni Daddy.
Gusto ko lang kasi makalanghap ng sariwang hangin. Mabuti naman at pinayagan ako nina Tito na makalabas kahit nakasakay ako sa wheelchair. Nang makarating kami sa beach ay agad na tinulungan ako ni Aldrin na makaupo sa aking wheelchair. Siya na rin ang nagtutulak nito. At s’yempre may kasama pa rin kaming bodyguard ni Tito Rafael. Ayon kay Tito ay dapat masanay na ako na may kasamang bodyguard. Dahil hindi raw niya alam kung may mga taong galit sa kanya at baka ako raw ang puntiryahin.
“Sir, ayos na ba sa’yo rito?” tanong ni Aldrin.
“Oo, ayos na sa’kin dito. Iwanan niyo na lang muna ako,” sabi ko sa kanila ng bodyguard.
“Ay, Sir, hindi pu-pwede, eh. Kabilin-bilinan ni Mayor na huwag ka namin iiwanang mag-isa,” sabi ni Ed na bodyguard. Napatango na lang ako at hinayaan na lang sila naunawaan kong sumusunod lamang sila sa bilin ni Tito.
Sumilong kami sa isang bakanteng cottage na yari sa kawayan. Open style lang iyon at may mahahabang upuang kawayan sa apat na sulok. May mahaba rin itong mesa sa gitna. Nasa bungad lang ako ng upuan dahil nakasakay ako sa aking wheelchair. Si Aldrin at Ed naman ay umupo na lang malapit sa tabi ko. Public resort kasi ang Sabang kung kaya’t maraming namamasyal dito lalo na tuwing summer. Pero kapag ganitong school days ay kakaunti lamang ang tao. Huminga ako ng malalim at nilanghap ang malamig na simoy ng hangin mula sa dagat.
Kahit papaano ay tila napayapa ang aking kalooban habang pinagmamasdan ko ang mga alon na humahampas sa dalampasigan. Malapit na ang high tide kaya lumalakas na ang hampas ng mga alon.
Nakatanaw ako sa may baybayin nang makita ko ang isang pamilyar na pigura. Napangiti ako nang makilala ko kung sino ang babaeng nakaupo sa dalampasigan, si Audrey iyon. May kasama siyang isang babae rin at masaya silang nag-uusap habang binabaon ang mga paa sa pinong buhangin.
“Audrey!” tawag ko sa kanya. Dahil tahimik at kakaunti lang ang tao ay narinig agad niya ang pagtawag ko. Agad niyang hinanap kung saan nanggaling ang boses na tumawag sa kanya. Awtomatiko akong kumaway nang tumingin siya sa dako namin. Tila hindi nito inaasahan na makita ako. Lumapad ang kanyang mga ngiti at agad na lumapit sa kinaroroonan namin.
Nakita ko ang pagtutop niya sa kanyang bibig nang bumaba ang kanyang paningin sa paanan ko at nakita niyang nakaupo ako sa wheelchair.
“A-anong nangyari sayo, KJ?” Nahimigan ko ang pag-aalala sa kanyang tinig.
“Heto, hindi makalakad,” nakangiting tugon ko.
“Bakit? A-anong nangyari sa’yo?”
Napabuntong-hininga na lang ako, “Naaksidente kami.” Ayoko sanang magkuwento dahil naaalala ko na naman si Dad. Pero hindi naman siguro maganda kung babalewalain ko lang ang pagtanong niya.
“Kelan pa?”
“Matagal na, mag-iisang buwan na. Naaksidente kami noong araw na pabalik na sana kami ng Maynila.” Ayokong malungkot sa harap niya pero hindi ko maiwasan.
“Ganun ba? Nakakalungkot naman, hindi ko tuloy alam ang sasabihin ko. Basta magpagaling ka, ha, para makalakad ka na ulit,” anitong pilit akong binibigyan ng comfort.
“Salamat,” tipid na tugon ko. Natahimik kami pareho. Lumapit na rin ang kasama niya kanina.
“Ngapala, si Mimi, kaklase ko.” pakilala niya sa kasama niya.
“Hi, po!” magalang na bati niya. Ayaw ko talaga ng pino-po lalo na’t halos magka-edad lang naman kami. Pinakiusapan ko si Aldrin na bumili ng snacks sa kalapit na tindahan sa loob ng resort samantalang si Ed ay naiwang kasama ko.
Mayamaya ay bumalik na si Aldrin na may dalang snacks para sa limang tao. Inilatag niya iyon sa mesa na nasa gitna.
“Naku! Nag-abala ka pa, palagi mo na lang kami nililibre,” ani Audrey.
“Wala ‘yon maliit na bagay lang naman ‘yan. ‘Tsaka nagugutom na rin kasi ako,” sabi ko. Sa totoo lang malaki na ang ipinayat ko dahil wala akong ganang kumain palagi. Ngayon lang ako natakam ulit na kumain. Burger, pasta at juice ang binili ni Aldrin. Nabanggit ko kasi minsan na paborito ko ang pasta kaya binili na rin niya. Nilagay ni Aldrin sa tapat ko ang para sa akin.
“Kain na kayo,” iminuwestra ko sa kanila ang nakalatag na pagkain.
“Thank you po,” nahihiyang sabi ni Mimi.
Napangiti na lang ako, “’Wag mo na lang ako pino-po kasi hindi pa naman ako matanda.”
“Naku! Parang hindi po yata tama na KJ lang ang itawag namin sa’yo. Pamangkin ka ni Mayor at may-ari ka ng eskwelahan namin. Parang hindi ka na namin iginalang kapag ganun.”
Lalong lumapad ang ngiti ko, “Ako lang ‘to si KJ hindi si Mayor.” Natawa na lang din ang mga ito sa sinabi ko.
KAHIT papaano ay gumaan ang loob ko dahil nakapasyal ako kanina. Siguro mas mapapabilis ang aking paggaling kapag nandito ako sa probinsiya at laging nakakapasyal. Parang nakikita ko pa rin ang mga ngiti ni Audrey na kanina lang ay nakausap ko. Masaya itong kausap at marami siyang naikwento sa akin tungkol sa buhay nila sa bundok. Balak ko kasi isang araw ay umakyat sa bundok na iyon kapag nakalakad na ulit ako.
Biglang naputol ang aking masayang imahinasyon nang may kumatok sa pintuan. Iniharap ko ang aking wheelchair sa may pintuan kasabay ng pagpasok ni Tito Rafael.
“Tito, m-may sasabihin po ba kayo?” tanong ko. Umupo ito sa silya malapit sa tokador.
“Julius, I think it’s time para bumalik ka na ng Maynila.”
“Po?”
“Mas maganda sa Maynila mas maraming magagaling na doktor na p’wedeng tumingin sayo para makalakad ka na ulit.” Tama naman si Tito mas maraming magagandang facilities sa Maynila at mga espesyalista kumpara dito sa probinsiya. Pero bigla ay nakaramdam ako ng lungkot dahil ayoko pa sanang bumalik.
“P-pero, Tito…”
“Ang Ninong Jess mo ang nagmungkahi nito at darating siya para sunduin ka. Don’t worry, susunod naman kami. Kailangan mo na rin mag-home study muna dahil matagal ka nang hindi nakakapasok. Pagkatapos ng termino ko ay doon na rin kami maninirahan sa Maynila,” saad niya.
“You mean sa mansyon po? Doon na po kayo titira?” tanong ko. Gumuhit ang linya sa pagitan ng kanyang noo.
“Bakit ayaw mo?”
Hindi ko alam kung bakit tila may ibig ipakahulugan ang tono ng pagkakatanong ni Tito Rafael.
“H-hindi naman po sa gano’n.”
“Remember, Julius, wala na ang daddy mo. Ako na lang ang natititang kamag-anak ng daddy mo. Huwag kang mag-alala hindi kita pababayaan. Ako na ang bahala sa lahat. Pero sa ngayon si Jess muna ang makakasama mo.”
Hindi na ako tumutol dahil gusto ko rin na makalakad na muli. Si Ninong Jess at si Tito Rafael ang mga taong malapit at pinagkakatiwalaan ni Dad, kaya naman pagtitiwalaan ko rin sila.