Kabanata 37: Ang nag-wagi!

2807 Words
Gabi na, at tapos na ang takdang sandaling ibinigay sa mga regium, ang lima sa kanila ay nagbalik na sa palasyo at talagang pinagtitinginan si Lerzia dahil nasa balikat n'ya ang kumikinang at napaka gandang ibon, habang sina Xelcis, Sype, Verdem at Adro ay bigo itong mahuli. Humanay na sila sa tapat ng trono ng amang hari at dito naman dumating si Axus — na kasama ang huklubang iniligtas, kaya naman maging s'ya ay pinagtinginan na rin ng lahat dahil sa may bitbit s'yang hindi kilalang nilalang. Pumuwesto siya sa dulo ng hanay at itinabi pa rin sa kaniya ang matanda, at dito na rin dumating ang amang hari, kasama si tandang Maro. "Tapos na ang paligsahan!" pahayag ni Maro at ang hari ay pumuwesto sa tapat ng trono. "Tignan ninyo akong lahat!" itong si Lerzia ay bumida na sa mga sorsero, "nasa aking kamay na ang ibong ipinahahanap!" wika nito at ipinakita ang ibong naka-dapo sa kaniya. "Ako ang nagwagi! Ako ang magiging hari!" palalo pa nitong sabi sa mga kapatid, at talagang dumikit pa nga kay Axus. "Ako ang nakakuha sa ibong yan!" malamig na tugon ni Axus. "Pero bakit ako ngayon ang may hawak?" tanong pa ni Lerzia. "Dahil dinaya mo ako!" pasigaw na sagot ni Axus kaya natahimik ang lahat — mukha ba namang magkakainitan na silang dalawa. "Ikaw ang dumaya sa sarili mo, Axus! Nagpa-uto ka sa huklubang 'yan!" paglaban ni Lerzia at dinuro ang kasama ng kapatid, "hindi mo ba batid na s'ya ang lumilito sa atin!? S'ya ang humaharang upang hindi natin matagpuan ang Enfluma! Nagpapanggap siya upang makaligtaan ng bawat isa sa atin ang ating mga pakay!" tahasan nitong pagsasalaysay. "Kamalian mo na lamang na naging mahina ka at mabilis malinlang!" "Tahimik!" utos ng amang hari. "Lerzia, paano mo nalaman ang tungkol sa hukluban?" tanong nito. "—Nagbasa ako! N-nag-aral ako, PINAGHANDAAN KO ANG ARAW NA ITO!" maangas na sagot ni Lerzia na may halong kaba sa dibdib. "Tinulungan ko s'ya dahil itinulak mo s'ya malapit sa bangin!" galit na paglaban pa rin ni Axus. "Paraan ko iyon! Dahil ang huklubang 'yan nga ang lumilito sa atin!" pagbubulalas ni Lerzia at nagsimula nang magbulungan ang mga majezan. "SANCTE!!!" sigaw ng hari dahil nagkakagulo na ang lahat. Bumaba ito sa trono at lumapit sa panganay na anak. "Lerzia... Hindi lahat ng kumikinang ay tunay!" sambit nito at hinaplos ang kwintas na nakasuot sa ibong hawak ni Lerzia, nang maya-maya lang ay agad itong naglaho! "Hindi lahat ng kumikinang ay ginto o kayamanan!—" Dito na nagkatinginan ang magkakapatid— "Sapagkat ang tunay na kayamanan — ay puso lang matatagpuan. Ang kayamanan ng kabutihan!" Roman "Ito ay kumikinang sa oras ng kadiliman — at nagbibigay tapang sa isang nilalang upang subukin ang kaniyang hangganan!" AT NAGLIWANAG ANG HUKLUBANG KATABI NI AXUS AT IPINAKITA NA NITO ANG TUNAY NA KAANYUAN — BILANG ANG TUNAY NA IBONG ENFLUMA! Lubhang nagulat ang lahat nang mangyari iyon at ang hawak na ibon ni Lerzia ay lumipad nalang palayo dahil hindi talaga iyon ang tunay na ibon! Ang Enfluma ay tumapat sa itaas ni Axus at binasbasan nito ang regium ng mga gintong liwanag! Dito na muling ipinakita ng amang hari ang mahikang ilusyon upang patotohanan sa lahat na ito na ang pinapahuli n'yang ibon. At tama, ang mahikang ipinakita n'ya at ang ibong nasa bulwagan ngayon ay iisa, ang Enfluma na nga! "Si Axus ang nakahuli sa ibon, S'YA ANG NAGWAGI SA PALIGSAHAN!" pahayag ni Roman ang lahat ay tumayo at pinalakpakan ang natatanging regium! Lubhang nagulat si Axus ay tiningala ang ibong nasa ibabaw n'ya pati ang nagpupugay na mga majezan, hindi ba naman n'ya mawaring sa ginawa niya ay s'ya pa pala ang nag-wagi!? "Kung gano'n ay si Axus ang may ginintuang puso!" pagtatanto ni Sype at agad na niyakap ang nag-waging kapatid. "Binabati kita aking kapatid! Tunay na mahusay ka!" bati nito. "Binabati kita, Axus! Magaling!" paglapit na rin ng hari sa bunsong anak at nagyakap sila nang pagkahigpit-higpit. Habang si Lerzia na na-isang-tabi ay gulat rin at tikom habang naiiyak— "Si Axus na ang magiging bago ninyong hari!" pahayag ni Roman sa lahat at ang mga kawal ay nagsipag-ingay gamit ang kanilang mga sandata! Huminga ng malalim si Lerzia at saka lumakad patungo sa gitna— "MGA FALAXIMA!!!" at bigla itong sumigaw! ------------------------- FALAXIMA - Mandaraya ------------------------- "Hindi si Axus ang nagwagi kundi ako!!! Ako dapat na ma-upo sa trono aT hindi ang mahinang iyan!" pagtutol nito at inagaw ang espada ng isang kawal at itinutok ito kay Axus! "Lerzia!!!" sigawan ng lahat. "Lerzia!? — Ibaba mo ang iyong sandata... Pakiusap, anak..." pagpapa-kalma ng amang hari na gulat sa ginawa ng kaniyang panganay. "Talagang gumagawa ka ng paraan upang si Axus ang maging hari at hindi ako 'no! Pero sa unang banda pa lamang ay lagpas na s'ya sa oras kaya bakit s'ya ang mananalo, ama!? AKO DAPAT!" paghihimagsik na ni Lerzia. At ang lahat ng nasa bulwagan ay talagang nagulat nang umasta na ng ganoon ang regium, nagkanya-kanya tuloy sila ng saloobin dahil sa pangamba na baka kung ano pa ang mangyari! "Lerzia — ibaba mo ang iyong sandata, at pag-usapan natin ito ng mahinahon, anak!" naluluhang pakiusap ng amang hari. "Labanan mo ako at talunin — hinahamon kita Axus!! Kung tunay na ikaw ang karapat-dapat na maging hari ay tatalunin mo ako!" tumatangis naman na hamon ni Lerzia. "Lerzia!?" "Hinahamon kita!! — At sa sandaling matalo mo ako ay tatanggapin ko ang sinasabi ni ama ngunit sakaling ako naman ang magwagi ay ako — AKO ANG GAGAWIN MONG HARI, AMA!" At lalo nang kinabahan ang lahat nang sabihin ito ng regium— "Lerzia — bakit mo ginagawa ito?! Para kang paslit na nagmamaktol dahil lang sa hindi nai-bigay ang gusto mo!!" galit na tanong ni Verdem. Hindi naman sumagot si Lerzia at muli lang umagaw ng sandata mula sa isa pang kawal at inihagis ito palapit kay Axus... "Damputin mo Axus... LABANAN MO AKO!!" sigaw nito. Akma namang pupulutin ni Axus ang sandata pero pinigilan s'ya ng kanilang ama— "Huwag anak..." utos nito, "hindi mo lalabanan ang iyong kapatid." "Hindi kayo magsasakitan at walang labang magaganap!" galit nitong sigaw kaya't natahimik muli ang lahat. "Hindi! Ako ang pakinggan n'yo! Ako na dinaya ng sarili n'yang ama!" pagsigaw namang muli ni Lerzia, "maglalaban kami ni Axus at makikita n'yo kung paano ko itataas ang aking sarili!" "Mga anak, sige na, ilabas n'yo na si Axus dito..." tumatangis na utos ni Roman kina Verdem. Nang palakad na ang lima ay mabilis naglaho si Lerzia at lumitaw sa harapan ng mga ito!— "HINDI KAYO AALIS!!" pagharang nito at tangkang sasaksakin si Axus! Buti at nakayuko ito at si Xelcis ang humarang sa paparating n'yang sandata. Sinapak naman s'ya ni Adro at si Verdem ay tinalisod s'ya kaya s'ya rin ang bumagsak! At mabilis rin na inagaw ni Sype ang hawak niyang sandata upang hindi na s'ya makalaban pa!— Dali-daling nilapitan ng hari ang nakasubsob na anak at itinayo ito... "Lerzia, tumayo ka..." pag-alalay nito. "Lerzia, tanggapin mo na hindi ikaw ang nanalo!" mahina nitong pakiusap na may kasamang diin. "Yakapin mo ang tagumpay ni Axus dahil s'ya ay kapatid mo! Ang tagumpay n'ya ay tagumpay rin ninyong lahat!" Kumawala si Lerzia at lumayo sa ama at mga kapatid— "Huwag mo na akong kumbinsihin, ama. Ngayon ay napatunayan kong mas mahal mo nga si Axus kaysa sa sa aming lima! Na si Axus ang iyong paborito at s'ya palagi para sa 'yo ang bida!" malamig na tugon nito. "Hindi rin ako yuyuko sa bago n'yong hari!" pagdidiin pa ng regium. "Lerzia?! H-huwag mong g-gawin it—" pagkadismaya na ng amang hari. "Wala na rin akong dahilan upang manatili pa rito... Lalong hindi ko na nais pang makasama kayong mga mandaraya! Kalimutan n'yo nang may kapatid kayo at kalilimutan ko ring kadugo ko kayo!" pagtatakwa ni Lerzia at talagang nahabag ang lahat sa kaniya! "Lerzia — tama na... Huwag mong gawin ito." pakiusap ng hari. "Bakit? — Ito rin naman ang iyong nais hindi ba? Kaya't gagawin ko ang isang bagay na tiyak kong ikakasiya ninyong lahat!" tumatangis na tugon ni Lerzia, "pero tandaan mo ito Axus, hindi ako titigil hangga't hindi ko nababawi ang lahat ng ninakaw mo sa 'kin! Mag-sama sama kayong lahat!" At ang ibang regium ay naluluha na... "Darating din ang araw na pagsisisihan ninyong lahat ang ginawa ninyong ito sa akin. Na dinaya at pinagkaisahan ninyo ako!! Obliva far solica." ------------------------------------------- Obliva far solica - "Isinusumpa ko!" ------------------------------------------- "Ikaw ang naghati sa atin Lerzia — panindigan mo 'yan!" wika ni Verdem at talagang tinitigan ng masama ang kanilang nakatatandang kapatid. "Wala na tayong ugnayan simula ngayon, mga mandaraya!" huling salitang binitiwan ni Lerzia at tuluyan na ngang lumakad papalayo! Ang mga naiwan n'ya ay talagang gulat dahil imbis na masayang pagdiriwang ay isang napaka sakit na pagkakawatak-watak pa ang naganap. Ang limang regium ay nagyakap-yakap nalang kasama ang kanilang amang hari. "Pagkilala pala ang isang bagay na magwawatak sa atin kay Lerzia..." habag na saloobin ni Roman. "...bakit ito naganap!?" ... Si Lerzia ay tumatangis na nagtungo sa kagubatan, umupo s'ya sa isang malaking bato at doon humagulgol! "Hindi ko na kayo nais pang maging kadugo! Pagsisisihan n'yo ito! WAHHHH!" sigaw ng regium at naglabas s'ya ng enerhiya na pumutok sa iba't ibang panig ng kinaroroonan niya. "Magbabayad ka, Axus... Hindi ko ibibigay sa'yo ang saya ng nagwagi! HAGGGHHHH!" "At bakit umiiyak ang aking regium?" tinig ng isang nilalang. Nang tumingala si Lerzia ay nakita n'ya si Balrak na nasa harapan niya! "Ikaw!?" sambit niya at agad na nagpunas ng luha. "Sino ka ba? At — bakit ka naririto? Sinusundan mo ba ako!?" "Narinig ko ang iyong paghihinagpis, ano't umiiyak ka riyan?" tanong naman ni Balrak. "Ang aking ama — dinaya niya ako, dinaya nila ako ng aking mga kapatid! Mga apmevento!" sagot ni Lerzia at iniiwas ang namumugto n'yang mga mata sa kausap. "Nangangahulugang ba itong hindi ikaw ang nagwagi sa paligsahan?" tanong muli ni Balrak at hinawakan sa balikat si Lerzia. "Ano pa nga ba?!" sagot ng regium, "tama pala ang aking gire, si Axus nga magiging hari 'pagkat s'ya ang pinakatatangi ng aking ama." "Huwag kang panghinaan ng loob, aking regium! Hindi nangangahulugang hindi ka nag-wagi ay talo ka na! Dapat kang bumawi at ipakita sa lahat na ikaw ang karapat-dapat sa pagkilala na sa iyong kapatid napunta!" saad ni Balrak at napatingin sa kaniya si Lerzia. "Paano ko naman gagawin iyon?! — tinakwa ko na nga silang lahat!" galit nitong tanong. "Marahil ay panahon na upang maliwanagan ka—" sagot ni Balrak. "Maliwanagan?" "Ako si Balrak..." pagpapakilala ng Derronian. "B-Balrak?!" napa-tayo bigla si Lerzia at tinitigan ang kausap. "A-ang hari ng Derrohnny!?" Tumango nalang si Balrak at di kalauna'y lang ay nagtungo na silang dalawa sa Derrohny, sa libingang bahagi at sa pagkakataong ito ay nakita na ni Lerzia ang sinasabing wasak na kaharian ng mga Derronian. Nakatapat sila sa isang nitso na may naka-ukit na Helad at dito na sinimulang isalaysay ni Balrak ang mga lihim na ngayon lang malalaman ng panganay na regium. "Ako ang iyong flaio — ama ng iyong mahal na inang si Helad." --------------- FLAIO - Lolo --------------- "Pinaslang si Helad ng iyong ama noong malaman nitong may lahi s'yang Derronian. Walang kaawa-awa n'yang kinitlan ng buhay ang iyong ina." pagsasalaysay ni Balrak sa isang taliwas sa katotohanan na pangyayari. "K-kung gano'n — ako ay may lahing Derronian?" gulat na tanong ni Lerzia. "Oo — at lubos na minahal ni Helad si Roman, ngunit may mas matimbang sa puso ng amang hari — ang prinsesa ng Celestia..." pagtutuloy ni Balrak sa kwento. "Si Kaxandra?" Lerzia "S'ya nga — kaya pinaslang n'ya ang iyong ina ay dahil na rin sa utos nito. Nais nilang sarilihin ang isa't isa kaya't ang sinumang humahadlang ay pinapaslang ng iyong ama. Buhay kapalit ng kapangyarihan!" tumatangis na salaysay ni Balrak at dito na rin naluha si Lerzia. "Kaya't hindi rin ako magtataka na hindi kinikilala ni Roman ang iyong panalo, lalong hindi ka niya itatalagang bagong hari dahil sa dugong dumadaloy sa iyo." sambit pa ng hari at hinaplos sa ulo ang regium. "May lahi kang Derronian at hindi nila ibig na mamumuno ang mga katulad natin dito sa mundong ito — kaya si Axus ang mas pinili nila at s'ya ang pinanigan ng lahat!" "Ganu'n pala! Kaya pala!" pagtatanto ni Lerzia. "Ngayon ay batid ko na kung bakit laging kampi ang lahat kay Axus at kung bakit s'ya ang paborito — maging ang dahilan kung bakit ako ang laging naisasantabi." wika nito habang may mga luha na sa pisngi. "Ngunit babaguhin ko ang maling paniniwala ng bawat majezan sa akin, sa atin! Ipakikilala ko sa kanila kung sino talaga tayo at gaano tayo ka-bagsik at ka-husay mamuno dito sa ating daigdig!" sumpa nito. "Babawiin ko kay Axus ang lahat ng inagaw n'ya sakin — ang kapangyarihan at ang trono ng Goltus!" "Tama — tama! 'Wag mong hayaang ibaon nila tayo sa pagkakaalam na isa tayong mababa at walang kakayahang mga nilalang dito sa Majezenty. Patunayan mong may kakayahan kang mamuno at mas higit ka kaysa sa kaninuman!" pag alalay ni Balrak sa kaniyang apo. "Humanda ang Axus na 'yan — dahil gagamitin ko ang sakit na ito upang mapagbagsak kayong lahat! Sinusumpa kong matitikman mo ang lupit ng aking paghihiganti, at mapapahiya ang aking ama sa oras na ako ang maupo sa kaniyang trono!" Muling hinaplos ni Balrak ang buhok ni Lerzia at hinagkan ito sa ulo saka inakbayan... "Ganiyan nga, apo... Mamuhi ka sa mga nilalang na nagkait ng mga bagay na nakalaan para sa atin!" ... (Sa silid ng amang hari) "Hindi ako makapaniwalang magagawa iyon ni Lerzia!" balisang sabi ni Roman habang palakad-lakad, "hindi ko inakalang hahantong kami sa ganito!" "Tila namana ng iyong panganay ang katangian ng kaniyang inang Derronian, Roman... Si Lerzia ay may pag-uugali ring mapaghimagsik!" saad ni Maro. "Sa simula pa lamang ay nabasa ko nang dito hahantong ang mga bagay, haring Roman... Na kapangyarihan ang magbubukod sa inyo sa isa't isa." sabat ni Bella, "kay lungkot na si Lerzia pa ang kumalaban sa iyo." "Ano na ang inyong gagawin, kamahalan? Lumayas na ang isa sa inyong mga anak." tanong naman ni Emprido. "Hindi maaaring tumagal ang sigalot na ito — ngunit kung wala pa rin si Lerzia ay itutuloy ko na ang pagtatalaga kay Axus bilang aking kapalit." may pangambang sagot ng hari. "Mahirap itong aking gagawin dahil natitiyak ko na lalong mag-ngingitngit si Lerzia sa sandaling malaman niya na si Axus na ang hari... pero wala akong mapamimilian, kinakailangang maka-upo na ang aking bunsong anak sa kaniyang bagong tungkulin, bilang s'ya ang karapat-dapat at ang nakatuklas sa aral na aking inihanda!" "Kung gano'n ay — titipunin ko na ang lahat sa punong bulwagan... Ipaalalam ko sa kanilang may pagpapasya na kayo." pagsali ni Capaste sa usapan. "Gawin mo, apram. Sabihin mo sa aking mga anak na magtungo na sa punong bulwagan, madali!" Nang umalis na si Capaste ay naiwan sina Roman sa silid na kapwa mga nababahala pa rin dahil sa mga nangyari. Samantala, sina Lerzia at Balrak ay pumuslit papasok ng Goltus. Sa tuktok na bahagi ng palasyo sila nagtungo at waring may binabalak gawin. "Mahigpit na ipinagbabawal ang lahat na magtungo rito. Bakit dito tayo pumunta?" takang tanong ni Lerzia habang tinitignan ang madilim at kulang sa liwanag na paligid. "Nakarating sa aking kaalaman na narito ang isang napaka halagang bagay — isang kapangyarihan!" sagot ni Balrak. "Ito pala ng tuktok na bahagi ng Goltus—" ani ni Lerzia at hinaplos ang ma-abong bintana. Si Balrak ay sinisipat naman ang paligid at wari bang may hinahanap — hanggang sa matagpuan nito ang isang silyadong pinto kaya't tinawag agad ang apo. "Ito na! Ito ang ating pakay!" may pagka-sabik na sabi ng Derronian. "Isang — silid?" tanong ni Lerzia, "may kandado! Ano ba'ng pakay mo d'yan?" "Tumabi ka at makikita mo!" sagot ni Balrak at 'yun nga ang ginawa ng regium, tumabi ito at pinanood na wasakin niya ang kandado ng pintuan! Isang malakas na pagsabog ang bumalot sa bahaging iyon at na-ubo rin silang dalawa dahil sa labis na usok. "A-anong gi-ginawa mo!?" inuubong tanong ni Lerzia at hindi makaaninag ng ayos. "HAHAHAHAHA! Tama ako! Narito nga siya!" paghalakhak ni Balrak at tumambad na sa kanilang dalawa ang isang dambuhalang aso na may tatlong ulo! "Apmevento! Tunay ba ito?!" gulat na sabi ni Lerzia at lumapit ng bahagya sa nilalang. May kadena sa isang paa ang higanteng aso at talagang nakakatakot ang wangis nito! May napaka-itim ito na balahibo, kukong matatalim at iyon ngang tatlong ulo ng mga asong may matutulis na pangil at naglalaway pa. Wari bang gutom na gutom at handa silang kainin na dalawa! "ANG CEREVA!" nakangising bigkas ni Balrak.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD