Kabanata 3

1641 Words
Hindi pinansin si Lyka ng asawa, nananatili lamang itong nakadilat at mas humihigpit pa ang hawak nito sa kanyang kamay. "A-Aray ko mahal, nasasaktan ako," wika niya saka naman ito tila nahimasmasan. "Lyka, asawa ko? Papanong?" tila nagtatakang nitong tanong. Maluha-luha naman niyang niyakap ito ng tuluyan na itong bumangon, ngunit nagtaka siya ng tabigin siya nito ng makita si Ezeliel. "Panginoon!" wika nito sabay yukod dito. Manghang-mangha siya sa inasal ng kanyang asawa. "Ako nga alagad ko, simula sa oras na ito ikaw na ang aking kanang kamay dahil batid kong magiging tapat ka sa akin," wika ni Ezekiel. "Kung iyan ang inyong nais aking kamahalan," wika ng kanyang asawa sabay luhod at halik sa paa ng lalaki. Nais sana niyang pigilan ang ginagawa nito ngunit natakot siyang baka muling bawiin ng lalaki ang buhay ng kanyang asawa kaya hinayaaan na lamang niya ito. Maya-maya'y nagkagulo ang lahat ng mga nandoroon ang lahat ay isinisigaw ang pangalan ni Ezekiel. "Purihin ang pangalan ng panginoong Ezekiel! Purihin!" sigaw ng mga ito, siya naman ay nananatiling nakamasid lamang sa mga ito. Dalawang taon ang matuling lumipas. Sa Manila. "Wala ng pag-asa Sir, hindi na po magtatagal ang inyong Ina kaya I suggest na kung ano ang kanyang hilingin, pagkain man o anumang bagay ay inyo ng ibigay. Iilang sandali na lamang ang kanyang nalalabi dito sa mundo kaya naman mas mainam din na iuwi nyo na lamang siya sa inyong bahay para kahit papano makasama nyo pa sya ng ilang sandali," pahayag ng Doctor ng Ina ni Jovanie. Halos mapiga ang puso niya sa ipinagtapat sa kanya ng Doctor. Sila nalang ng kanyang Mama ang magkasama sa buhay, heto at mawawala na rin ito. Isang araw matapos na tapatin siya ng doctor hinggil sa kalagayan ng kanyang Mama, iniuwi na nga niya ito sa bahay nila at iyon din naman ang nais ng kanyang Mama. Sabi pa nito may isa lamang daw itong kahilingan at nang tanungin niya ito kung ano iyon. Ang sabi nito nais nitong makita ang bunso nitong anak bago manlang ito pumanaw. Maluha-luha siya ng matapos silang mag-usap, limang taon na ang nakararaan ng umalis sa kanilang poder ang kanyang bunsong kapatid na si Lyka, kasama ang lalaking naging asawa nito. Hindi naman ito itinakwil ng kanilang Mama ngunit lubha lamang nasaktan ang kanyang Mama sa ginawa ni Lyka na maagang nag-asawa, hindi lang iyon, gumuho ang pangarap dito ng kanilang Mama lalo pa at isang tindero lamang ng gulay ang naasawa nito. Hindi naman sa minamaliit niya ang asawa ng kanyang kapatid, ngunit kahit siya ay hindi nagustuhan ang naging desisyon ni Lyka. Ngunit ng makasama niya sa iisang bahay ang asawa ng kanyang kapatid, kalaunan ay nagustuhan na rin niya kahit papano lalo pa at masipag naman talaga ito. Ngunit ng mamatay ang kanilang Papa nagdesisyon ang mag-asawa na umuwi nalang sa probensya ng lalaki. Kinausap pa niya ang mga ito ngunit ayaw talagang pumayag ng kanyang kapatid, marahil masama talaga ang loob sa kanilang Mama lalo pa at hindi talaga naging maganda ang pakikitungo dito ng kanilang Mama. Siya ay isang sundalo ngunit dahil sa kalagayan ng kanyang Ina hindi na siya maidistino sa malayo dahil na rin iyon sa kagustuhan niya. Nais niyang malapit lamang siya palagi sa Ina, iyong nakikita niya ito araw-araw at naaalagaan. At ngayong hiniling ng kanyang Ina na makita ang kanyang kapatid na matagal ng nawalay sa kanila gagawin niya ang lahat para mapauwi ito lalo pa at ito lamang ang nag-iisang kahilingan nito bago manlang ito pumanaw. Kaya naman nagfile agad sya ng leave of absence sa trabaho. Two months ang hiningi niya para kapag nasundo na niya ang kaniyang kapatid maenjoy nila ang bawat sandali na makakasama pa nila ang kanilang Mama. Nabanggit sa kanya noon ni Kyla kung papano magtungo sa lugar ng asawa nito at maging address ay naibigay din sa kanya yon nga lang hindi siya sigurado kong doon pa ang mga ito nakatira. Hindi na rin naman makontak ang dating number na pinantawag nito sa kanya. Pero magbabakasakali na lamang siya pagdating niya sa lugar. Ilang oras din ang naging biyahe bago makarating sa mismong bayan. Ngunit ng makababa siya ng bus ay agad niyang napansin ang mga kakat'wang kilos ng mga tao don lalo na kapag binabanggit niya ang pangalan ng lugar na Sitio Sinakulo. May mga tao pang animo nahihintakutan kapag nababanggit niya ang pangalan ng lugar at may isa pa syang tricycle driver na linapitan para sana arkilahin ito para magpahatid sa lugar kung saan nakatira ang kanyang kapatid. Ngunit agad itong tumanggi at ang sabi pa ay ayaw pa daw nitong mamatay. Nagtataka siya sa ikinikilos ng mga tao doon, hindi niya alam kung ano ba ang kinakatakutan ng mga ito sa lugar ng kanyang kapatid. Isang matanda ang lumapit sa kanya at tinanong ang kanyang pakay sa lugar na iyon, kaya naman sinabi niya dito na susunduin niya ang kanyang kapatid na doon nakatira. Agad itong napailing na ipinagtaka naman niya. Maya-maya ay itinuro nito ang kalsadang halos malalago na ang damong tumubo sa bawat gilid niyon. May mga sariwa at may mga tuyo na, hindi lamang niya batid kong may makikita pa siyang kalsada sa unahan niyon dahil ang naaabot ng kanyang tanaw ay mas lalo malago ang mga damo. Nais niyang magtanong sa matanda kung yon ba talaga ang tamang daan ngunit pinigilan nalang niya, dahil na rin baka iba nanaman ang maging reaksyon nito. Nagpasalamat na lang siya bago tuluyang nagpaalam, ngunit bago siya umalis pinaalalahanan siya na mag-iingat daw dahil mapanganib ang lugar na iyon. Sabi pa ng isa pabulong man ngunit dinig na dinig niya ng sabihin nitong "Sana makabalik pa siya ng buhay," natawa nalang siya sa sinabi nito. Wala siyang kinakatakutan ni anuman, gira nga sinusuong niya at awa ng Diyos hanggang ngayon buhay pa siya kaya naman wala syang dapat katakutan kahit pa mga ligaw na hayop man sa masukal na daan. Habang nasa daan panay ang hawi niya sa mga gahong nakabalandra na sa mismong daan, matalas ang dahon nito na anumang oras ay maaring humiwa sa kanyang balat kaya todo ingat siya. Ang hindi lamang niya makayanan ay ang nakakasulasok na amoy na nanunuot sa kanyang ilong at mas tumitindi pa iyon habang papalayo ng papalayo siya sa pinanggalingan. Isa pa lalong nagiging masukal ang daan at may mga manaka-nakang ligaw na hayop na rin siyang nakikita. Tuloy nais na niyang magduda, para kasing wala namang naninirahan sa lugar na iyon. Pagkahaba-habang daan na masukal at madamo at nakakasulasok na amoy. Naisip tuloy niya na baka niloloko lamang siya ng matandang nagturo sa kanya ng daan . Napatingala siya sa langit, malapit ng gumabi. Buti nalang may dala-dala siyang flashlight, ilinabas niya iyon para kapag tuluyan ng dumilim ay hindi na niya kukuhain pa sa bag niya. Ngunit biglang may napansin siyang tao na nakamasid sa kanya, nagkukubli ito sa may mga puno ng saging na maraming nakalaylay na tuyot na dahon. Tinawag niya ito ngunit agad itong tumakbo palayo sa kanya, napailing siya, andon na rin ang panghihinayang dahil may mapapagtanungan na sana siya sa bahay ng kanyang kapatid na si Lyka. Muli siyang nagpatuloy sa paglalakad, binuksan na niya ang flashlight na hawak-hawak dahil nagsisimula ng lumatag ang dilim. Ngunit hindi na talaga niya makaya ang nakakasulasok na amoy kaya naman kinuha niya ang panyo sa kanyang bulsa at ginawa niyang pantakip sa ilong iyon. Nasa isip niya, marahil may namatay na hayop sa lugar na iyon kaya naman nangangamoy na. Pero may isa pa siyang napapansin sa lugar na iyon, habang papalapit siya ng papalapit nararamdaman niya na mas tumitindi ang init sa lugar. Maging ang simoy ng hangin na mabaho ay mararamdaman mo ang hindi pangkaraniwang init niyon. Naghahatid iyon ng kilabot sa kanya pero pinagwalang bahala nalang niya iyon, hindi kasi siya matatakuting tao pero iwan ba niya dahil naninindig ang kanyang mga balahibo ng mga sandaling iyon. Nagpatuloy siya sa paglalakad at agad na nagliwanag ang kanyang mukha. Natanaw na niya ang kabahayan ng Sitio Sinakulo, akala niya nagsisinungaling lamang ang matanda kanina, buti nalang hindi siya nagpasyang bumalik nalang. Hindi pa naman kalaliman ng gabi iyon kaya naman may nakikita pa siyang iilang tao sa sitio, buti na lang may mapapagtanungan pa siya. Ngunit pagtapak niya mismo sa sitio ang mga taong kanyang nasasalubong ay nanlilisik ang mga matang nakatuon sa kanya, walang makausap ng maayos kahit pa patuloy siya sa pagtatanong. Kakatwang nakatitig lamang ang mga ito sa kanya, nanlilisik ang mga mata ngunit may ilan din na nakangisi sa kanya. Laking pasasalamat na lamang niya ng may matinong sumagot ng katanungan niya, medyo madilim sa lugar na iyon kaya hindi niya ito mamukhaan ngunit malambing ang boses nito. Masarap pakinggan, gusto sana niyang itutok dito ang flashlight ngunit kabastusan naman iyon lalo pa at sa tingin niya ay dalaga ito. Nagkataong kilala pala nito si Lyka na kanyang kapatid kaya naman itinuro nito ang daan patungo sa bahay ng kanyang kapatid. Limang bahay lang naman ang pagitan kaya agad niya iyong natunton. Isang maliit na dampa ang kanyang naabutan, napailing siya hindi ganitong buhay ang pinangarap niya sa kanyang kapatid. Lalo pa at nakapag aral din naman ito ngunit wala siyang magagawa dahil batid niyang mahal nito ang lalaki. Tinawag niya ang pangalan ng kanyang kapatid, agad naman itong humahangos na lumabas ng dampa. Parang nais niyang maiyak sa pagkahabag ng makita ito, napakapayat nito at talaga namang kakabakasan ng paghihirap. May hawak-hawak itong lampara kaya napagsino nito kung sino ang bisita. Sa kanyang pagkagulat, agad na umiyak ang kanyang kapatid at mahigpit siyang niyakap sabay sabing umalis na siya at wag na wag na daw babalik kahit na anong mangyari. ITUTULOY
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD