12

1300 Words
"Guys, tara na sa gymnasium." anang si Hilton nang matapos ang klase. Sumunod naman kami at nagtungo sa gymnasium kung saan kami magpapractice. Nang makarating kami doon ay mayroon nang ibang strand na umukopa ng kalahati niyon. "Ang swerte ni Reign," sabi ni Sky. "Forte niya ang acting kaya wala siyang problema." Strand kasi ni Reign ang naunang magpractice doon. At tama siya, ang galing um-acting ni Reign. Agad naman kaming tinawag ni Hilton sa kabilang bahagi ng gymnasium para doon magpractice. Itinuro ni Hilton at Rowena ang unang mga steps para sa sayaw. Kahit hindi ako kagalingan ay nakukuha ko naman iyon. Maging si Pip ay maayos naman pala kung sumayaw. Ngunit habang tumatagal ang practice ay ganon rin katagal na magkahawak ang aming mga kamay. Tila hindi niya iyon pansin habang ako naman ay unti-unting nakakaramdam ng kaba sa ganoong sitwasyon namin. "Summer and Pip." tawag samin ni Hilton. "Closer pa. Pip, higpitan mo ang hawak sa beywang ni Summer. Matutumba siya niyan." "Copy, sir!" agad namang sagot ni Pip at ginawa ang sinabi ni Hilton. Mas lumapit siya sakin at iniyakap ang braso sa beywang ko para alalayan ako sa pagliyad ko. "Guys, more liyad pa. Be flexible!" sigaw ni Hilton kaya naman mas lalo pa akong iniliyad ni Pip kaya naman napahigpit ang hawak ko sa braso niya. Habang si Pip ay seryoso at dedicated sa practice ay ako naman ay sobrang kabado sa aming ginagawa. Bawat hawak at yakap niya sakin ay nagdudulot sakin ng kakaibang pakiramdam, hindi ko maintindihan. Lumipas ang oras at natapos ang practice sa araw na iyon. Hindi ko alam kung may namemorized akong steps dahil nakatuon yata ang isip ko kay Pip maghapon. "See you tomorrow, guys!" paalam ni Sky samin bago kami naghiwalay. As usual, angkas muli ako sa motor ni Pip. "Uy, kain muna tayo oh!" aniya nang makakita ng street food stall sa tabi ng daan. Agad siyang huminto sa tabi at ipinarada ang motor niya. Bumaba naman ako at sumunod sa kanya. Agad siyang bumili ng kwek-kwek, kikiam, fishballs, at calamaris. Ibinigay niya sakin ang paborito kung pagkain, ang kwek-kwek at kikiam. "Thank you." mahinang sabi ko. Sa tabi ay kinain namin iyon. Habang kumakain ay tahimik lang ako habang siya naman ay panay ang sulyap sakin kaya napapaiwas naman ako ng tingin. "Okay kalang?" hindi na siya nakatiis magtanong. Agad akong tumingin sa kanya at pilit na ngumiti habang sinasawsaw ang kwek-kwek sa sauce na bitbit ko. "Mm. B-bakit?" sagot at tanong ko bago isubo ang pagkain. Sa halip na sumagot ay pinanood niya akong kumain. Maya maya ay tumaas ng bahagya ang kilay niya habang titig mukha ko. Magsasalita na sana ako nang bigla niyang ipinunas ang hinlalaki ng daliri niya sa gilid ng labi ko at isubo iyon! "Ang kalat mo naman kumain." Nanlaki ang mata ko pero parang wala lang sa kanya ang ginawa niya at nagpatuloy lang kumain. Habang ako ay bumilis ang tahip ng dibdib dahil lang sa ginawa niya. Malakas na talaga ang tama ko. Halos hindi ko manguya ang kinakain ko dahil pakiramdam ko ay may mga paru-parong lumilipad sa tiyan ko. Hanggang sa hindi ko namalayang natapos na kong kumain. "Ang tihimik mo ngayon ah." sabi niya nang bumalik kami sa motor niya at inabot ang helmet ko. "H-ha?" maang-maangan kong anas bago isinuot ang helmet ko. Napabuntong hininga siya saka tiningnan niya muna ako bago niya pinaandar ang motor niya. Habang bumibiyahe ay panay ang lingon niya sakin pati sa tiyan niya. Marahil ay napansin niyang hindi na ako yumayakap sa kanya. Maya maya ay kinuha niya ang isang kamay ko gamit ang isang kamay niya at iniyakap iyon sa kanya. Napasinghap ako sa pagkabigla. "Baka mahulog ka..." malakas na aniya at kinuha pa ang isa ko pang kamay at iniyakap din iyon. Wala naman akong nagawa kundi yakapin siya hanggang sa makarating kami sa bahay ko. Halos magmadali ako sa pagbaba kaya naman nagkandaugaga siyang alalayan ako. "Bakit ka ba nagmamadali?" aniya pero hindi ako nakasagot. "S-salamat, pasok na ko." sabi ko at akmang tatalikod na nang hawakan niya ang braso ko. "Uy, saglit." aniya at natawa ng bahagya. "Yung helmet." aniya pa at saka ko lang napansing suot ko pa ang helmet. Siya na ang nagtanggal niyon habang nasa harapan ako at ako naman ay iniiwasang magkasalubong ang tingin namin. Muli na naman akong napasinghap nang hawakan niya ang magkabilang pisngi ko at titigan ako kaya doon na kami tuluyang nakatinginan. "Lutang ka ata ngayon, Samarra." kunot-noo pang aniya pero may kaunting ngiti parin sa mukha. Hindi ko maiwasang kagatin ang mga labi ko sa hiya pero naging dahilan lang iyon para mapunta doon ang atensyon niya. Hanggang sa titigan niya muli ang mata ko at naging seryoso. "Ang ganda mo..." napaawang bigla ang bibig ko sa narinig. Parang gusto ko pang ipaulit iyon sa kanya para malaman kung hindi ba ako nagkamaling ng pandinig. Pero hindi ko nagawa. Parang bigla akong nawalan ng hininga dahil iyon ang unang beses na sabihan niya ako niyon. Noon kasi ay panay lang ang laitan at asaran namin sa isa't isa. "Pwede ba kitang ligawan? Nanlaki ang mata ko sa sinabi niya at hindi nakapagsalita. Hindi parin niya ako binibitawan at dahil doon ay alam kong nararamdaman niya ang panginginig ko at pati ang panginginit ng aking mga pisngi. "Hoy." mahinang tawag niya kaya napatingin ako sa mga mata niya. "H-huh?" "Kung pwede ba kako kitang maligawan?" Napalunok ako. Bahagya pa akong lumanghap ng hangin bago nagsalita. "Uhm, e-ewan." Natawa na naman siya at kinurot ang pisngi ko. "Ang cute mo talaga." Pakiramdam ko ay mas namula ang mga pisngi ko dahil sa hiya. Ngayon ko lang ito naramdaman sa kanya gayong parati naman kaming magkasama. "Ang mommy mo nalang ang tatanungin ko." aniyang bumitaw at pumasok ng gate namin. Ako naman ay late ang naging reaction. Hinabol ko siya pero nagulat akong nakaharap niya na si Mommy na nasa garden lang pala. "Hi, tita." pormal na bati niya. "Philipp, right? Ang tagal na kitang hindi nakikita. Kumusta ka naman?" "Mabuti naman po, hinatid ko lang po si Summer." "Ganoon ba? Thank you, ijo." "Walang anuman po." aniya pa at napakamot sa ulo. "May sadya lang po sana ako sa inyo." "Oh what is it?" curious na tanong ni Mommy at ako naman ay hindi makatingin sa kanila sa sobrang hiya. "Pwede po ba akong manligaw sa anak niyo?" Bahagyang nagulat si Mommy at napatingin sakin. Napabuntong hininga ako at naipikit ang mata. Habang si Pip ay malapad lang ang pagkakangiti at hindi man nakikitaan ng kaba. Natawa ng bahagya si Mommy na ikinagulat ko ng bahagya. "Ano ka ba, ijo. Hindi ba't dapat si Summer ang tinatanong mo niyan? Saka kana lumapit sakin at kunin ang permiso ko ay kung mamamanhikan kana sa anak ko." "Mom." nahihiyang gilalas ko pero ngumiti lang siya. "Ewan daw po niya eh." sabi naman ni Pip at pinandilatan ko siya ng mata. "Malalaki na naman kayong dalawa. At tiwala ako dito kay Summer. Basta mag-aral kayo ng mabuti, okay?" "Yes po, tita!" magiliw na ani Pip. Nang aalis na siya ay sinundan ko siya sa labas. "Hoy, kung nanti-trip ka lang ha. Tigil-tigilan mo ko." sabi ko sa kanya habang nakapameywang. "Ako nangti-trip?" turo niya pa sa sarili niya. Lumapit siya sakin at walang ano-ano'y hinalikan ang pisngi ko. Namilog ang mata ko sa gulat at bumilis na naman ang t***k ng puso ko sa ginawa niya. "Kung ganon, ang ganda naman ng trip ko." aniya pa saka kinindatan ako. "See you tomorrow." aniya saka tuluyang pinaandar ang motor at umalis doon. Ilang segundo pa akong natulala at hindi makaget-over sa ginawa niya. Una sa noo, ngayon sa pisngi. Anong sunod? Mas lalo tuloy lumakas tama ko sa lalaking iyon!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD