Emotionless

2330 Words
"Gusto ko rin matutunan ang pamumuhay ng isang katulad mo," sagot ko. "Ayaw ko," saad niya. Bumagsak naman ang aking balikat. "Hala, ano ba 'yan! Sige na," pamimilit ko pa. Tumalikod na siya mula sa akin, kaya naman itinigil ko na muna ang ginagawa ko at hinabol siya. "Alam ko namang gusto mo rin matutunan ang pamumuhay namin eh! Kaya sige na," pangungumbinse ko. Matalim siyang tumingin sa akin, kaya naman ngumiti ako nang matamis kahit na alam kong walang kwenta ang pinaggagagawa ko. "Hindi ba't magkaibigan na tayo? Siguro naman ay matalino ka para maintindihan ang kahulugan ng isang kaibigan. Kaya dali na, please…" pakiusap ko sa kanya. Nanatili siyang nakatingin sa akin at para na yatang estatwa. "Elizabeth!" rinig kong tawag ng pamilyar na boses. Hala, si Esme! Tumingin ako sa kinaroroonan ng boses niya at lumapit ako sa kanya nang matagpuan siya. "Anong ginagawa mo roon? May kinakausap ka ba at bakit ka nakatingala?" sunod-sunod niyang tanong sa akin. Hala, malamang nakita niya siguro akong may kinakausap. Ikaw kasi eh! Saad ko sa kanya sa pamamagitan ng aking isip. "Uh, pinagmamasdan ko lang ang mga ulap. Maganda rin kasi ang sikat ng araw, hehe!" palusot ko sa kanya. Dahan-dahan naman siyang tumango, mukhang kumbinsido sa paliwanag ko. Totoo rin naman kasing maganda ang alapaap ngayon. "Gan'on ba? Eh tapos ka na ba sa mga ito? Halika, pumanhik muna tayo sa loob para makapag-merienda na tayo. Iwan mo muna ang mga iyan," saad niya. Hinawakan ko na ang kanyang braso at masiglang sumama sa kanya, siya nama'y nagtataka kung bakit ang ligalig ko. Sa huling pagkakataon, muli kong nilingon ang nilalang para makita kung wala na ba siya. Pero pagtingin ko, nandoon pa rin siya sa pwesto niya at pinagmamasdan ang aming paglalakad palayo sa kanya. Magkita na lang tayo sa lawa, isang tinig ang narinig ko sa aking isip. Siya ba iyon? Iyon ay kung maaalala ko iyan, at kailan naman? Maaalala mo iyon sa itinakdang oras, sagot niya. "Huy, Eliz. Ba't ka naglalakad nang nakalingon sa likod, sino bang tinitingnan mo?" tanong ni Esme na nasa tabi ko. Lumingon na ako sa harap at kinausap si Esme. "Wala," tawa kong saad saka nagmadaling pumunta sa hapag-kainan. Sa pagkakataong ito, alam ko nang napa-payag ko siya haha! ———————————————————————— Ilang oras ang lumipas, hindi ako nakarinig ng hudyat mula sa kanya kung kailan kami magkikitang muli. Nakakapagtaka rin na hanggang ngayon ay naaalala ko ang sinabi niya—ibig sabihin ba n'on ay dapat magkita na kami ngayon? Ang gulo kasi niya! Matutulog na lang ako, wala pa ring kahit na anong bakas niya. Baka siya na ang nakalimot—o 'di kaya'y hindi totoo ang mga pangako niyang iyon. Halata tuloy sa aking mukha ang pagkadismaya. "Oh, Eliz. Matulog ka na! Maaga pa tayo bukas, mag-aasikaso para sa program." paalala ni Esme na halatang inaantok na. Tumango naman ako. "Sige, matulog ka na." saad ko naman. Kumunot ang noo niya. "Bakit, hindi ka pa ba matutulog? Magpupuyat ka na naman? Ano bang ginagawa mo?" sunod-sunod niyang tanong. "Huwag kang mag-alala, matutulog na rin ako," saad ko habang nag-aayos ng aking kama. Humiga na rin ako para hindi na niya ako kulitin. Siguro nga, kasinungalingan lahat ng sinabi ng nilalang na iyon. Walang hiya, umasa pa naman ako. Hay, matutulog na lang ako. Pero ilang oras din ang lumipas na hindi ako dinadalaw ng antok. Palipat-lipat ako ng pwesto dahil hindi ako komportable. Hindi rin mawala sa isip ko ang sinabi ng nilalang na iyon kanina. Aish, ano ba 'yan!? Kanina ka pa gumugulo sa isip ko! Inis akong bumangon habang sinabutan ko ang aking buhok. "Pansin ko nga," Napatigil lang ako nang marinig ang isang boses na sobrang kakaiba, at iisa lang ang may-ari n'on. Agad akong tumungo para tingnan ang paligid. Nakita ko siya sa usual spot niya at nakatingin sa ginagawa ko. Saglit pa akong napatulala dahil hindi ko inaasahan na nandito na nga siya. "Iniisip mo na isang kasinungalingan ang mga sinambit ko sa'yo?" ngisi niyang saad. Nanatili naman akong tahimik dahil hindi ko alam ang aking mararamdaman sa ngayon, naghahalo-halo ito. Una syempre ang pagkagitla dahil sa biglaan niyang pagdating. Pangalawa, hiya na nararamdaman ko sa pinagkikilos ko kani-kanina lang. Huli, may bahid ng pagkasaya dahil dumating na siya. "Gayong ikaw yata ang hindi makapaghintay," tuloy pa niya. Bumagsak ang aking balikat. Mas nangunguna ang aking hiya dahil nababasa niya ang iniisip ko. Huminga ako nang malalim saka nagsalita. "Wala pa nga siguro akong tiwala sa'yo dahil pinagdududahan ko ang mga salita mo," saad ko. "Hindi ko alam ang salitang tiwala," tugon naman niya. Tumayo naman ako at umalis sa aking kama. Nag-unat-unat at sandaling nag-ayos. "Tara na! Saan ba tayo tutungo?" masigla kong saad sa kanya. Ngunit hindi man lang siya sumagot, bagkus ay nakatitig lang siya sa akin. "Hoy?" pagtawag ko sa kanya. Hindi na siya nagsalita, pero dahan-dahan niyang inilahad ang kanyang kamay sa harap ko. Hindi ko napigilang mapangiti sa hindi malamang dahilan. Tinanggap ko iyon at ngumiti na nang tuluyan. Hindi na ako natatakot na hawakan ang mga kamay niya. Dahil alam kong sa tuwing mahahawakan ko ito, isang mainit at banayad na pakiramdam ang nararamdaman ko. Ito ang isa sa pinakagusto kong bagay sa mundo, simula ngayon. Nang mahawakan ko na ang kamay niya, alam ko na rin ang kasunod. Ang pakiramdam ng pagkahilo ay muli kong naranasan kasabay ang mabilis na paglalakbay patungo sa destinasyon namin. Nakapikit lang ako sa mabilis na segundong naglakbay kami. "Nandito na tayo," saad naman niya. Mas rinig ko ang boses niya dahil hindi ko namalayang kanina pa pala ako nakayakap sa kanya. Sinubukan kong kumawala na pero hilong-hilo pa ako kaya napakapit pa rin ako. "Teka, 'di pa 'ko sanay sa pa-teleport natin na 'to. Nakakahilo!" reklamo ko. Naglakad na siya kaya dali-dali na rin akong sumunod. Saka ko lang napagmasdan nang malinaw at maayos ang lugar kung nasaan kami. Madilim ito at masukal ang paligid. Wala akong masyadong maaninag kaya nakakapit lang ako may dulo ng tela ng kapa niya. Nangunguna siyang naglalakad habang ako nama'y nasa likod niya at nakasunod lang. Saan naman kaya kami patungo? Ano ring ginagawa namin dito? "Hindi ba't nais mong malaman ang tungkol sa akin?" saad niya. "Oo nga. Pero nagtataka lang ako bakit dito, ano ba ang lugar na ito?" tanong ko. Tumigil siya bigla sa paglalakad, muntikan pa akong sumubsob sa likuran niya. Nagmadali naman akong tumabi sa kanya para maki-usisa sa pinagmamasdan niya. Nakita ko mula rito ang highway, at mula rin dito ay mataas ito. Tumingin ako sa likod at ngayon ko lang narealize na nasa bungad pala kami ng kagubatan. Mas nagulat pa ako nang mapansing may kaguluhan sa may malapit sa dulo ng bangin. Hala, isa ba 'yung aksidente? Nakita ko ang sirang sasakyan na nakataob at sira-sira na. Maraming tao ang nakiki-usyoso, hanggang sa tanging mga awtoridad na lamang ang nag-aasikaso. "Kung gan'on, nandito ka para sunduin 'yung naaksidenteng iyon?" saad ko, pagtukoy sa isang taong nakaratay at dinadala na sa ambulansya. "Oo," saad niya. "Halika na, walang panahon ang dapat na sinasayang," saad naman niya saka naglakad papunta roon. "Hoy, teka lang! Baka nakakalimutan mong hindi ako kagaya mo na hindi nakikita ng mga tao! Paano na ako?" pabulong kong sigaw. Lumingon naman siya sa akin. Pagkatapos ay simpleng inilahad muli ang kanyang kamay sa harap ko. Kumunot ang noo ko. "Hawakan mo ang aking kamay, nang sa gan'on ay hindi nila makikita ang iyong presensya," saad niya. Oh, gan'on pala iyon. Agad ko namang hinawakan ang kamay niya at masigla muling sumama sa kanya. Isang aksidente ang nandito pero parang hindi naman ako pinangungunahan ng aking takot. Palagay ko kasi ay isang adventure ang nararanasan ko ngayon, kaya mas nararamdaman ko ang excitement! Lumapit siya mismo sa may sasakyan, at kumatok. Sumilip naman ako sa loob n'on pero masyadong madilim at maalikabok. Sunod kong natunghayan ang isang transparent na katawan na tila'y isang kaluluwa. Ito siguro ang namatay… "Oras na para ihatid ka sa kabilang ibayo," malalim na saad niya. Tumango naman ang kaluluwa. Mabilis akong hiningal, na halos hindi na ako makahinga dahil sa presensya at enerhiya na sa palagay ko ay humihila sa akin. Tumayo ang mga balahibo ko at lumakas ang kabog ng dibdib ko. Nanginginig din ako sa takot na aking nararamdaman. Lumingon siya sa akin nang mapansin ang kakaiba kong kilos. Naramdaman ko rin ang unti-unting paglamig ng kanyang kamay. "Humayo na tayo," saad niya. Naglakad na sila pabalik sa bungad ng gubat. Kahit hindi ko pa kayang kumilos ay wala na akong nagawa dahil nahila na rin niya ako roon. Gusto ko pa sanang kumawala kaya agad akong pumiglas nang makita ang isang katiting na liwanag—'yung portal. Bumitaw ako sa pagkakahawak niya sa kamay ko. Lumingon siyang nakakunot ang noo at tumigil sa paglalakad. "Bakit? Hindi ba't nais mong masilayan ang aming mundo?" saad niya. Napalunok ako dahil sa totoo lang, kinakabahan talaga ako. "Oo, pero… Maaari bang dito na lang muna ako? Ayaw kong sumama diyan kasi hindi ko kaya, para akong nanghihina. Maghihintay na lang ako sa pagbabalik mo," pakiusap ko sa kanya. Ilang segundo naman siyang tumitig sa akin na parang sinusuri pa ako. "Kung iyan ang nais mo. Babalik ako," saad niya saka mabilis na silang tumawid sa portal. Unti-unti namang nawala ang liwanag. Bumalik na muli ang kadiliman. Tahimik akong napaupo sa may sanga ng kahoy habang pinagmamasdan ang insidenteng nangyari kanina. Saka ko lang din narealize na nakakahinga na ulit ako nang maluwag. Grabe 'yun ha, hindi ko pa nararamdaman 'yung gan'ong presensya. Para tuloy akong binugbog sa pagod. Ilang oras akong nakaupo at taimtim na naghihintay sa kanya. Bored na bored na rin ako kaya may times na nakaka-idlip ako o 'di kaya'y pinaglalaruan ang lupa. Hanggang sa may naramdaman akong kakaiba at pamilyar na presensya. Agad akong tumayo at lumingon sa likod para tingnan kung ano ang meron. Nakita ko siya na pabalik na sa akin. Hindi ko mapigilang matuwa kaya naman ay tumakbo ako patungo sa kanya at niyakap siya. Saka ko lang narealize na nayakap ko siya dahil biglang lumamig ang paligid. Agad akong kumawala at lumayo nang kaunti mula sa kanya. "B-buti naman nakarating ka na. Akala ko, iiwan mo na 'ko eh. Ang tagal n'on ah," utal kong saad. Sinubukan kong kumilos nang normal para hindi niya maisip na naiilang ako. Hay, ang dami na yatang nakakahiyang kilos ang nagagawa ko sa harap niya. ———————————————————————— "Ilang taon mo na 'tong ginagawa?" tanong ko sa kanya. Nandito kami sa isang tulay malapit sa bungad ng gubat at sa kalsada. Wala namang tao dahil madilim ang paligid. Pero mula rito, makikita ang napakaliwanag na buwan at marami ring mga bituin. Ang ganda nila pagmasdan. "Hindi namin nabibilang ang taon," sagot niya. Kumunot ang noo ko. "Edi ilang taon ka na rin palang ganito?" saad ko. "Hindi ko alam. Basta simula pagkapanganak sa akin, ganito na ang misyon ko." saad niya. "Ang hirap naman n'on! Hindi ka ba napapagod?" tanong ko pa. Kasi kung ako 'yan, mas gugustuhin ko na lang maging mortal kaysa sa gan'yan na immortal ka nga, paulit-ulit lang naman ang ginagawa mo. "Kung iyan ay pakiramdam, hindi kami nakakadama ng pagod," tugon niya. Bumuntong-hininga ako. "Edi para pala kayong mga robot. Walang pakiramdam, may buhay nga pero kontrol naman ng iba," saad ko. "Hindi ba't gan'yan ka rin naman?" saad naman niya. Agad akong napatingin sa kanya nang nakataas ang kilay. "Hoy, may pakiramdam po ako!" depensa ko. "Ang tinutukoy ko ang huli mong sinabi," saad niya dahilan para ikatahimik ko ito. Ito naman, masyadong pasmado ang bibig. "Pero ito, seryoso ba? Hindi ka nakakaramdam ng kahit na anong emosyon? Paano kapag kiniliti kita, tatawa ka kaya?" saad ko saka nagdalawang-isip na kilitiin siya sa kanyang tagiliran. Umiling lang siya. Kaya sinubukan ko siyang kilitiin para tingnan kung magrereact ba siya. "Anong ginagawa mo?" malalim niyang tanong. Agad ko namang iniwas ang kamay ko dahil palagay ko'y nairita agad siya. "Tinatry ko lang naman. Pero wala pa rin pala. Hindi ka nga tao," saad ko. "Oh sige, hindi ka nakakaramdam ng emosyon. Pero 'yung mga bagay na parte ng isang buhay, nararanasan o nararamdaman niyo rin ba?" tanong ko pa ulit. Tumingin naman siya sa akin na parang nagtataka. "Katulad ng love… At saka, 'yung purpose at passion ng sarili niyo. 'Yung mga gan'ong bagay ba," paliwanag ko. Ilang segundo siyang nanahimik bago sumagot. "Hindi ko alam." tipid niyang saad. "Ito nga ang unang beses na nakakausap ako ng isang buhay na tao eh," tuloy niya. Tumingin naman ako sa buwan at napangiti. "Siguro nga, may unang pagkakataon para sa mga bagay na hindi natin alam na meron pala. Kung! Maniniwala lang tayo sa bagay na 'yun," ngiti kong saad. Kumunot ang noo niya. "Alam mo, isa sa pinakamahalagang yugto ng buhay ng isang tao ay ang mahanap ang pag-ibig, kasiyahan, at layunin nito. Naka-depende iyon sa kung paano mo nakikita ang sarili mo at ang mundo, depende sa mga pinaniniwalaan mo. Kaya sigurado akong hindi malabong mararanasan mo ang mga bagay na iyon," makabuluhan kong saysay. "Paano ko mararanasan iyon kung hindi naman ako isang tao?" saad niya. Ngumiti ako. "Ano ka ba? Lahat ng nilalang ay maaaring makaranas ng mga iyon! Basta walang imposible, maniwala ka lang!" maligalig kong saad. "Ikaw nga, alam kong hindi mo pa ganap na nauunawaan ang mga bagay na sinasabi mo," saad niya. Umiwas ako ng tingin sa kanya. "Kaya nga. Pero, mas masaya kapag sabay nating tuklasin ang mga iyon hindi ba?" saad ko saka muling tumingin sa kanya. "Sasamahan mo ako," saad ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD