Bola 12

3286 Words
"SINO sila?"   Narinig iyon ng karamihang nasa malapit sa bench ng CISA. Isang tanong na imposibleng maitanong ng isang varsity player na kasali sa CBL dahil halos lahat kasi ng mga estudyante sa bawat college ay kilala ang tatlong naka-CU varsity jacket na dumating sa loob ng gym. Kaso, hindi sila kilala ni Ricky Mendez. Hindi niya kilala ang mga ito dahil ni minsan ay hindi naman siya talaga nagka-interes sa larong ito. Kaya nga ang pagdating ng tatlong iyon ay normal lang para sa kanya. Isa pa, gusto lang niyang uminom ng tubig at makapahinga dahil sa pagod nang oras na iyon.   "H-hindi mo sila kilala?" sigaw ng isang taga-SW na malapit sa bench ng CISA. Isang pagtawa naman mula kina Roland ang sunod na narinig doon.   "Hindi talaga sila kilala ng aming tropa dahil hindi naman siya naglalaro dati ng basketball!" may kalakasang wika ni Roland na naging dahilan upang mapatingin ang lahat kay Ricky. Ganoon din ang mga nasa bench ng SW ay hindi rin naiwasang matuon ang pansin sa binata.   Isang baguhan?   Napakuyom ng kamao si Rio nang marinig iyon. Isa palang baguhan ang nagawang agawan siya ng bola-- I-block ang kanyang jumpshot-- Isang baguhan ang dinipensahan siya na kahit magkandabagsak ay hindi pa rin tumitigil.   Wala namang naging pakialam si Ricky sa reaksyon ng marami. Ang nasa isip niya nang mga sandaling iyon ay ang magpahinga. Hindi na nga siya pinalaro ni Coach sa natitirang segundo ng 3rd quarter dahil sa pagod. Sa huling segundo nga ng quarter ay nakagawa pa si Rio ng isang three-points shot. Harap-harapan niya iyong ginawa sa star player ng CISA na si Romero. 78-83 ang iskor matapos iyon.   "Hindi kami dapat matalo! Isang baguhan?"   "Hindi kami dapat matalo rito... lalo pa't nanonood ang mga iyon ng practice game na ito!" seryosong sinabi ni Rio sa sarili na kalmadong naglalakad pabalik sa kanilang bench. Seryoso rin niyang pinagmasdan ang bago nilang player na kanina pang hindi naglalaro.   "Kailangan mo nang maglaro! Nanonood sila," sabi ni Rio rito.   Ngumisi ang player na may number 13 ang jersey at pinagmasdan si Rio.   "Kanina ko pang gustong maglaro-- kung hindi pa sila dumating hindi mo ako papayagan," wika ng player na iyon na tumayo na nga upang mag-warm-up.   "Coach Nate, paglaruin na natin si Kurt!" winika ni Rio sa kanilang coach at sumang-ayon naman ito.   "Sa wakas Rio! Makikilala na nila ang magiging pinakamagaling na rookie ngayong taon!" lakas-loob na sinabi ng player na iyon. Wala iyong halong pag-aalinlangan at alam nito sa sarili na magaling siya... Na siya ang magiging pinakamagaling na rookie ngayong taon sa CBL!   Napa-cheer ang mga taga-SW nang makitang nagwa-warm-up na ang player nilang may number 13 sa likod ng jersey. Si Kurt Asinas! Ang star player ng DWCC High School at ang 3x MVP ng Highschool Basketball Cup ng lungsod.   Napatingin tuloy ang mga taga-CISA sa player na iyon. Kilala iyon nina Romero at Cunanan. Hindi nila pwedeng hindi malaman kung sino ito dahil isang skilled dribbler at magaling na passer ang player na iyon. Nakapanood na rin sila ng ilang laro nito noong nasa high school at batid ng dalawa na hindi basta-basta ito sa loob ng court. Isa itong point guard na kaya ring pumuntos ng malaki.   Napangisi na nga lang ang tatlong player na taga-CU. Naalala nila nang sinubukan nilang i-recruit ang player na ito dahil napakabilis nga silang tinanggihan ni Kurt.   "Paano ko kayo makakalaban kung sa CU ako papasok?" ito ang sinabi ni Kurt nang mga oras na iyon.   "Tingnan natin ngayon ang galing mo, Kurt Asinas," wika naman ni Karlo Ibañez habang nakatingin dito.   Samantala, sa bench ng CISA.   "Kilala ko ang isang iyan-- Magaling din ang Asinas na iyan," wika ni Cunanan.   "Tss... Ipapakita ko sa isang iyan ang larong collegiate," wika naman ni Romero sa sarili. Gusto rin niyang matalo ang SW at gusto niyang ilampaso si Rio Umali. Bukod pa rito ay ang kagustuhan ni Romero na maging pinakamagaling na player sa Calapan Basketball League.   "Magpahinga ka Ricky, gusto kong maglaro ka ng buong 4th quarter. Ipagpatuloy mo ang pagdepensa kay Rio. Ikaw, Kier! Ikaw ang bumantay sa number 13 na iyan," biglang winika ng kanilang coach.   "Ako ang bahala sa rebound, at depensa sa ilalim," wika naman ni Alfante sa mga kasama.   Si Ricky, napahinga na lamang siya nang malalim. Pinilit niyang makapagpahinga sa kaunting oras bago muling magsimula ang game. Tumayo na siya at pasimpleng lumingon sa kinatatayuan ni Mika.   Kinawayan nga siya ng kanyang tatlong kaibigan, pero ang tingin niya ay nasa dalaga na sa ibang direksyon naman nakatingin.   "Mika, seseryosohin ko ang basketball--"   "Para sa 'yo..."   Tumunog na nga ang buzzer. Hudyat iyon na magsisimula na ang huling quarter. Ito ang natitirang sampung minuto sa practice game na ito. Isang game na tila nauwi sa seryosong laban sa pagitan ng dalawang paaralan.   *****   NAPA-WOW ang mga manonood nang biglang na-out-balance si Cunanan matapos nitong subukang depensahan ang player na si Asinas. Napakabilis ng mga pangyayaring iyon. Sinundan iyon ni Asinas ng isang mabilis na pag-atras pabalik sa three-points territory. Isang step-back three points jumper nga ang pinakawalan nito. Nasa ere pa man ang bola ay tumalikod na kaagad ito pagkalapag niya sa court. Ito ay upang ipakita sa lahat na alam niyang papasok ang ginawa niyang iyon.   Swishh!   Dumagundong nga sa buong gym ang malakas na cheer ng mga taga-SW matapos iyon. 78-86 ang score dahil doon.   Napakuyom na nga lang ng kamao si Cunanan dahil sa nangyaring iyon. Akala kasi niya ay nabasa niya ang gagawin ni Asinas. Akala niya ay kakaliwa ito, pero kanyang akala lang iyon. Huli na siya at sa bilis ng kilos nito ay hindi niya namalayang ang mga paa niya ay tila nalito. Dahilan tuloy iyon upang matumba siya kanina.   "Okay lang iyan." Isang tapik sa balikat ang naramdaman ni Kier Cunanan at mula iyon kay Alfante.   Nabawasan nang bahagya ang kanyang inis, kaso, napatingin siya sa pwesto ng mga dati niyang ka-team sa CU.   Pakiramdam ni Cunanan ay pinagtatawanan siya ng mga ito. Kagaya rin noong nasa CU pa siya. Bumalik sa alaala niya ang mga tawa mula sa mga ito. Mga halakhak dahil hindi niya maabot ang expectations ng mga ito sa kanya.   Naalala pa ni Cunanan, nagkakaroon lamang siya ng playing time kapag mahina ang kanilang kalaban. Sa totoo lang, hindi pa siya ganoon kagaling noong unang sali niya sa team ng CU. Subalit dahil sa kagustuhan niyang maging starting player ng CU-- Halos, araw-araw siyang nag-practice sa loob ng gym. May oras nga na inaabot pa siya ng gabi dahil dito.   Ngunit sa kabila noon ay pinagtawanan pa rin siya ng tatlong iyon. Para sa mga ito ay wala siyang naging improvement magmula nang sumali siya sa team ng CU.   Nang mga oras na iyon, ang determinasyong manalo ni Kier Cunanan ay tila naglaho sa isang iglap. Nang nasa possession na uli ng CISA ang bola ay bigla na lamang itinira niya ang bola mula sa three-points area. Hindi maganda ang porma ng kanyang tirang iyon at kitang-kita ito ng mga players sa loob.   "Ang rebound!" bulalas ni Romero na tumatakbo na patungo sa basket ngunit bigla na lamang siyang binox-out ni Rio.   Si Alfante naman ay mabilis na nai-box-out si Aquino. Ang bola nga ay bumangga lamang sa dulo ng ring at tumalbog paitaas.   "Ako ang bahala sa rebound!" paulit-ulit na winika ni Alfante sa sarili subalit biglang gumuhit sa isip niya ang kanyang kapatid na si Rommel. Dati rati'y close pa silang magkapatid, subalit nang malaman ni Rommel na sa CISA papasok ang kanyang kuya ay nagbago ang lahat.   "Mas pinili mo pa talaga ang mahinang school na iyon kuya?"   "Sorry, pero sa CU ako papasok... Gusto kong mapunta sa isang school na lalabas ang potensyal ko."   Tila nawala sa sarili si Alfante dahil doon. Hindi niya namalayan na siya na pala ang nai-box-out ni Aquino. Nagsitalunan silang apat para sa rebound at ang center ng SW ang nakakuha nito.   Napatakbo ang lahat sa side ng SW. Mabilis ngang kinuha ni Rio ang bola mula kay Aquino. Pagkatingin niya kay Asinas ay buong lakas niyang ibinato ito patungo rito.   "Ayos!" Tumalon pa si Asinas para sambutin ang bola. Lumampas na rin siya sa half court. Naiwanan na niya ang buong team ng CISA at libreng-libre siya para muling pumuntos.   Ngunit napatingin bigla si Asinas sa kanyang kaliwa. May isang taga-CISA ang naabutan siya. May kaunting pagkagulat siya ngunit, isang biglaang paghinto ang kanyang ginawa na naging dahilan upang mapadiretso at mawalan ng preno si Ricky. Doon ay isang jumpshot na naman ang binitawan ni Asinas.   Napahiyaw na naman ang mga taga-SW nang pumasok iyon. 78-88 na ang iskor matapos iyon.   Lumapag si Asinas habang seryosong tinitingnan si Ricky.   "Isang baguhan," sabi nito sa sarili at humanda na siya muli para sa pagdepensa.   Ang pagdating ng tatlong taga-CU ay tila nagkaroon ng malaking impact sa practice game na iyon. Ang mga players ng SW ay mas ginanahang maglaro upang ipakita ang kanilang lakas. Samantalang sa parte naman ng CISA, ang dalawang inaasahan nilang players ay tila nawala ang tunay na laro dahil sa mga ito.   Nasira ang laro nina Cunanan at Alfante. Si Romero naman ay napilitang gumawa ng puntos kahit pilit. Isa pa, wala ng iba pang makakapuntos sa team na ito maliban sa tatlong iyon. Mas lalong napagod ang mga taga-CISA dahil dito. Isa silang team na palaging talo! Isang team na tila walang potensyal.   Wala na ngang nagawa si Coach Erik kundi pagpahingahin sina Alfante at Cunanan. Dahil parang bibigay na ang katawan ng dalawang iyon. Sa pagpasok ng mga back-up players, doon na nga tinambakan ng SW ang team ng CISA.   83-113 ang naging score at may natitirang dalawang minuto na lamang sa game.   "Wala na kaming pag-asa sa larong ito," wika ni Romero sa sarili habang pinapatalbog ang bola. Binabantayan siya ni Rio at nahihirapan na siyang lusutan ito. Nauubos na rin ang kanilang shot-clock. Wala na ngang ibang paraang maisip si Romero. Isang maliksing step-back ang kanyang ginawa at doon ay itinira niya ang bola bago pa man maubos ang kanilang oras.   Sinubukan pa ni Rio na i-block iyon, ngunit hindi niya iyon naabutan.   "Ang rebound!" bulalas ni Romero na hinihingal na rin kanina pa.   Tulad ng inaasahan, nakuha ni Aquino ang rebound at doon ay mabilis nitong ipinasa kay Asinas ang bola.   Ang bilis makababa nina Rio at Asinas! Isang fastbreak ang kanilang gagawin! Napakalampag tuloy ang mga taga-SW nang makita iyon. Pinabayaan naman na iyon ng mga players ng CISA dahil pagod na pagod na sila sa larong iyon.   "Kurt," tila may ibig-sabihing winika ni Rio na nakuha agad ni Asinas.   Nang nasa free-throw area na si Asinas ay biglang inihagis nito pataas ang bola. Patungo ito sa basket ngunit medyo bitin iyon kung titingnan.   Isang malakas na hiyawan mula sa mga taga-SW ang dumagundong sa buong gym dahil isa iyong alley-hoop.   Napangisi si Rio at tumalon nga nang napakataas. Sa tangkad nga niyang 6'2 ay nakakaya na rin niyang gawin ito. Ang slam dunk!   "Panoorin ninyo ito-- mga taga-CU!" winika pa ni Rio sa sarili at nasambot ng dalawa niyang kamay ang bola. Bumulusok na siya paitaas at palapit na rin siya sa basket para ipakita sa mga manonood ang kanyang dunk.   Siguradong panalo na sila kaya ang isang ganitong highlight ay dapat lang ipakita sa mga naroon, lalo na nga sa kanilang karibal sa CBL.   Abot-kamay na sana ni Rio ang basket ngunit may isang player ng CISA ang biglang sinabayan siya sa pagtalon mula sa kanyang likuran. Maging si Asinas ay nabigla rin nang lumapag ito.   Bumangga ang katawan ni Ricky sa katawan ni Rio at sabay silang bumagsak sa court. Kasunod din noon ay ang pagtunog ng silbato ng ref. Isang foul ang nakuha ni Ricky na nakatulala na lamang sa itaas. Pagod na pagod na siya matapos iyon.   Kaya ko pa ba? Nakakapagod ang larong ito! Kaya ko pa ba?   Tila ayaw na ngang bumangon ng katawan ni Ricky. Sinubukan lang naman niyang agawin ang bola mula kay Rio. Tumakbo pa rin nga siya nang napakabilis na halos madapa na para lang magawa iyon.   Alam niyang wala siyang maiitulong para manalo ang team ng CISA pero gusto niyang ipakita kay Mika na isa siyang atleta. Na isa siyang basketball player! Na kaya niyang laruin ang larong gusto nito!   Nang tumayo si Rio ay napatingin na lang ito kay Ricky na nakahiga sa court. Hindi niya nagawa ang binabalak niyang slam dunk dahil pinigilan na naman siya ng player na ito.   Ng isang baguhan!   Nakaramdam na si Rio ng hingal at pagod nang oras na iyon. Isa pa, sa buong 4th quarter, nakakagawa pa lamang siya ng 5 points. Iyon ay kahit tinambakan na nila ang CISA. Siya, na star player ng SW ay nagawang depensahan ng isang baguhang kagaya ni Ricky Mendez.   Hindi pa rin nga nakakabangon si Ricky dahilan upang mapatawag na ng time-out ang refs para rito. Napatakbo kaagad ang mga players ng CISA sa kakampi nilang ito.   Napangiti na lamang nang pilit si Ricky habang itinatayo ng kanyang mga kasama. May naramdamang kirot din siya sa kanyang mga tuhod. Iyon ay ang sugat na nakuha niya mula sa paghabol sa bawat bola na lalabas sa court dahil sa maling pasa ng kanyang mga kakampi. Sa halos buong 4th quarter-- Isang player lang ang hindi nagbago ang estilo ng laro.   Tanging si Ricky Mendez lamang, at napansin iyon ng coach ng SW at ng tatlong players na taga-CU na nanonood. Napansin din iyon ni Mika at ni Andrea.   "Pa-pasensya na coach, hindi ko na po kayang maglaro pa sa natitirang oras. A-ang sakit na po ng buo kong katawan," winika ni Ricky na napaupo kaagad. Uminom kaagad siya ng maraming tubig at bagsak na bagsak ang itsura niya sa pagkakaupo.   "Okay lang iyan Ricky. Practice game pa lang ito. Hindi mo kailangang magpakamatay para rito," may halong biro na winika ni Coach Erik.   Napangiti ang mga kasama niya sa CISA at sinang-ayunan ang sinabi ng kanilang coach.   "Oo nga p're, practice game lang ito!" sabi rin ng isa sa mga nasa bench.   "Magpa-practice p-pa po ako coach-- para sa sunod... Makalaro na ako ng buong game--"   "Gagalingan ko po sa depensa! Gagalingan ko pa coach! Gusto ko p-pong manalo ang ating team!" seryosong sinabi ni Ricky.   Para kay Mika!   "Gusto ko pong makitang manalo ang team natin sa CBL," dagdag pa ng binata.   “Gusto kong manalo para mas lalo akong mapansin ni Mika.” Ang basketball ang naging daan ni Ricky para makilala siya ni Mika, at dahil doon, nabuo sa isip niya na kailangan nilang manalo! Hindi pwedeng palagi na lamang silang matatalo. Gusto rin niyang ipakita sa dalaga na mananalo ang CISA dahil sumali siya rito.   "Mas gagalingan ko pa po coach para manalo tayo..." muli pa ngang sinabi ni Ricky.   Napakuyom naman ng kamao si Alfante nang marinig ang sinabing iyon ni Ricky. Bakit ba siya sa CISA pumasok at hindi sa CU? Dahil gusto niyang makalaban ang kanyang kapatid. Dahil gusto niya itong talunin sa larangan ng basketball. Gusto niyang ipakita sa kapatid na kaya niyang manalo nang hindi ito kakampi o kasama.   Nagpatuloy ang mga natitirang oras sa 4th quarter. Hindi na nga rin pinaglaro ni Coach Nate si Rio, at si Asinas na lang ang natira sa court kasama ang mga bench players ng SW. Sa CISA naman, ang mga bench players na rin lang ang pinaglaro ni Coach Erik. Tumunog na nga ang buzzer nang pumatak sa zero ang oras at natapos na nga ang practice game ng dalawang school.   Final score: 89-120.   Nakagawa si Rio ng 44 points para sa SW, 7 points sa buong 4th quarter. Mataas pa rin iyon, lalo't siya ang star player ng SW. Si Asinas naman ay nakagawa ng 13 points, at 7 assists sa kaunting oras na inilaro sa game na iyon. Samantala, para sa CISA, nakagawa si Romero ng 29 points sa kabila ng pangit na shooting percentage at 28 points naman mula kay Cunanan.   Nagsitayuan ang lahat ng players sa gitna ng court para magpasalamat sa magandang game na iyon. Seryosong nagkamayan ang magkabilang team habang pinapalakpakan ng mga taga-SW. Tanging si Ricky lang ang naiwan sa bench nang sandaling iyon dahil hindi pa nito kayang tumayo dahil sa pagod.   "Maraming salamat Coach Erik sa game na ito," nakangiting winika ng coach ng SW.   "Gaya ng inaasahan, talo kami." Nagbiro na lamang si Coach Erik at pagkatapos noon ay nagkamayan pa ang dalawa.   Bumabalik na sa kanya-kanyang bench ang magkabilang grupo at magsisialisan na rin ang mga manonood nang biglang mapatingin ang ilan sa bench ng CISA.   Ang Big 3 ng CU ay nakatayo sa harapan ni Ricky!   "Ricky Mendez? Tama?" nakangiting tanong ni Karlo Ibañez dito.   "A-ako nga?" tugon ni Ricky na tila nag-aalangan.   "Ano'ng year mo na sa CISA?" kalmadong tanong muli ni Ibañez.   "S-second year," tugon ni Ricky.   Nang sagutin iyon ng binata ay sandaling nagtinginan ang tatlong taga-CU. Isa pa, biglang nagulat ang mga naroon nang marinig ang sunod na sinabi ni Ibañez.   "Baka gusto mong lumipat sa CU next year at sumali sa varsity team namin?"   Tila natahimik ang lahat nang marinig iyon. Isa itong alok para sa isang hindi inaasahang player. Inalok ni Ibañez ang baguhang si Ricky na hindi naman malaman ng iba kung bakit.   Maging ang mga CISA players ay nagulat din nang marinig iyon. Si Romero at Alfante naman ay napaseryoso, at ganoon nga rin si Cunanan.   "Hindi na ako magugulat Ricky Mendez kung lilipat ka next year sa CU. Gusto mong manalo? Bagay ang CU para sa iyo," wika ni Cunanan sa sarili. Alam niyang mga magagaling na players lang ang inaalok ni Ibañez ng ganito. Isa lang ang ibig-sabihin noon, nakita nito ang potensyal at galing ni Mendez.   Isang paraan ni Ibañez upang maging kakampi niya ang mga magagaling na players sa CU! Isang taktika upang mas lalo silang magkampeon sa CBL.   "P-Pasensya na pero sa CISA ako magtatapos. Isa pa--" Napasulyap si Ricky sa pwesto ni Mika.   "Masaya ako sa team na ito!"   Kaunting sandaling nagulat si Ibañez nang marinig iyon. Doon nga ay ngumiti na lamang ito at pagkatapos ay tumalikod na kasama ang dalawang kakampi. Umalis na nga ang mga ito sa loob ng gym ng SW pagkasabi noon ni Ricky.   Napangiti na lang si Coach Erik nang marinig ang sinabing iyon ni Ricky. Maging si Cunanan ay ganoon din ngunit mabilis lang na sumilay iyon sa kanyang labi.   "Masaya ako sa team na ito!"   Pagkaalis ng mga taga-CU ay siyang biglaang paglapit naman ni Rio kay Ricky.   "Ricky Mendez!" seryosong winika ni Rio.   "Babawi ako sa CBL! Maraming salamat sa game na ito." Doon ay inalok din ni Rio na makipagkamay si Ricky. Nang magkamay ang dalawa ay tila isang rivalry mula sa dalawa ang umusbong nang hindi namamalayan. Kahit nga nanalo sila ay hindi nararamdaman ni Rio ang totoong pagkapanalo.   Mula sa malayo, si Andrea naman ay napangiti na lamang at naglakad na palabas. Isa sa dahilan kung bakit siya nahulog noon kay Rio ay dahil sa puso nito sa basketball at pagkilala sa mga nakakalaban nito. Isa pa, may sportsmanship din ito. Maangas at babaero ito, subalit pagdating sa basketball ay ibinibigay nito ang buong puso nito rito.   Kinuha sandali ni Andrea ang kanyang cellphone mula sa bulsa at nagbukas ng f******k. Napangiti na lamang siya nang maalala ang nilaro ng player na tumatak sa kanyang isip. Hinanap niya kaagad ang pangalan nito at ini-add. Hindi man nanalo ang team ng player na iyon, nakita naman niya ang ginawa nito. Hindi niya inaasahang hahangaan niya ito at mapapangiti na parang baliw.   "Panonoorin ko ang bawat laro mo-- Ricky!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD