Nagapi Bridge

1825 Words
Birthday ng kaopisina ni Jake sa Cubao. Katropa niya ito sa isang call center sa Eastwood. Bago magtapos ang kanilang shift ng Biyernes na iyon, ay nagyaya ang ito na mag-inuman sila sa kaniyang unit sa isang condo sa Cubao. Kasama ang lima pa nilang officemates, nagpasya silang pumunta sa unit nito pagkatapos ng kanilang shift. 10:30 ng gabi ay lumabas na silang lahat sa office at nag-abang ng taxi na masasakyan. Samantalang si Jake naman ay inayang sumabay na ang kaibigan niyang may birthday sa kaniyang motor ng sa ganoon ay mauuna sila sa unit at makapaghanda na ng mga iinumin at mga pulutan. Pagdating sa condo, nagpark lamang sina Jake at hindi na umakyat sa unit. Sa halip ay nagtungo ang mga ito sa isang convenience store at namili ng mga alak, juice, chips at sigarilyo. Naging kagawian na sa kanilang grupo ang biglaang inuman sa kung sino may ang mayroong bakanteng lugar. May birthday man o wala, laging nag-iinuman ang mga ito. Kaya naman kahit isang taon pa lamang na nagta-trabaho si Jake sa Eastwood pagkatapos nitong grumadweyt ay tuwang tuwa ito at nakahanap ang binata ng mga katropang kapareho niya ng trip sa buhay. Nakakatuwa ring isipin na dahil malayo ang kaniyang inuuwian sa Cavite araw araw, minsan ay pinapatuloy siya ng kaniyang mga kaibigan sa mga unit o bahay ng mga ito. Kaya ganoon na lamang ang laki ng utang na loob ni Jake sa mga ito. Nagsisikap naman ang binata na makapag-ipon pera ng sa ganoon ay makakapag-renta na rin ito ng kahit maliit na kuwarto lamang sa Maynila. Eksaktong nakapag-setup na sina Jake sa unit ng kaibigan ng dumating ang lahat ng katropang inimbitahan nila. Nakapagtimpla na ng juice sa pitsel, nakalatag na rin ang mga chips at mayroon pang ash tray para sa magyoyosi. Naka-on na rin ang spotify ng may birthday na naka-connect pa sa may bluetooth speaker. Dahil puro lalaki sila, wala silang ibang pinagkuwentuhan kundi mga babae. Babae sa opisina at mga babae sa internet na naging viral. Kani-kaniyang opinyon ang bawat isa sa kanila. Mayroon ayaw magpatalo at mayroon namang sumasang-ayon na lamang para wala ng gulo. Patalon-talon ang mga topic na kanilang pinagdidiskusyunan. Umabot sa mga sasakyan, hanggang sa computer games at kung ano-ano pa. Maya-maya ay nagkuwentuhan din sila tungkol sa mga krimeng nangyayari sa Pilipinas. Mayroong tungkol sa mga drug user at pusher, may tungkol sa mga kaso ng mga drivers laban sa mga traffic enforcers. Hanggang sa napagkasunduan nilang pito na manood ng mga episodes ni Raffy Tulfo sa internet. Ilang minuto rin silang nanood sa laptop na dala ng isang katropa nila hanggang sa may napindot itong isang video ng balita tungkol sa kaso ng mga babaeng nagpakamatay. Nakakalungkot ang mga ito dahil ang iba sa kanila ay minaltrato ng husto. Naisip ni Jake na napakasama talaga ng ibang tao. Isa pang video ang napindot nila at tungkol naman ito sa mga babaeng ginahasa sa kung saan saang parte lamang ng Maynila. Mayroong ding mga report galing sa probinsya na nakunan pa ng video ang mga bangkay sa mga bakanteng lote o gilid ng kalsadang walang kabahay-bahay. Mayroon ding nadiskubre naman sa tabi ng mga puno sa gilid din ng kalsada. Tiniklop ng may birthday ang laptop at sinabi nitong tama na ang panonood ng mga ganoong klaseng video. Nagrequest ito na puro masaya na lamang ang kanilang pagkukuwentuhan na agad namang sinang-ayunan ng lahat lalo na si Jake. Agad itinaas nito ang hawak na baso at sinabing cheers. Itinaas rin naman ng mga kasama niya ang kani-kanilang baso at sumagot ng cheers. Binati ng mga ito ang kaibigan nilang may birthday. Muntik ng naging emosyonal ang lahat ng mga sandaling iyon dahil puro pasasalamat ang mga binibigkas ng mga ito. Alas-dos na ng madaling araw ng matapos ang inuman nina Jake. Bagamat sanay ang binata sa inuman, aminado siyang medyo tinamaan siya ng kaunti sa inuman nilang iyon. Ilang sandali pa ay nagpaalam na siya sa mga katropa para umuwi. Magmo-motor pa kasi siya kaya mahirap na umagahin dahil mas maraming sasakyan sa kalsada at traffic pa. Pinigilan naman siya ng mga kaibigan lalo na ng may birthday. Sinabi nitong sa unit na lamang muna siya magpalipas ng gabi at bukas nalang ng tanghali umuwi. Sinang-ayunan naman ito ng lahat. Natakot ang mga ito para sa kaniya dahil lasing na ito para magdrive pa ng motor. Subalit hindi rin napigilan si Jake ng mga katropa niya. May pupuntahang binyag kasi ang binata ng Sabado ng umaga kaya kailangan talaga niyang umuwi sa Cavite. Walang nagawa ang mga kaibigan nito kundi ang payagan siyang umuwi. Tahimik ang gabi nang magsimulang magpatakbo si Jake ng kanyang motorsiklo. Kaunti lamang ang mga sasakyang dumaraan sa harap ng condo building na iyon ng kaniyang kaibigan. Pagpasok niya sa EDSA, naging mas matulin ang kaniyang pagpapatakbo dahil walang masyadong sasakyan. Inisip ng binata na suwerte siya ng araw na iyon dahil walang traffic. Dire-diretso ang naging takbo niya hanggang sa makarating siya sa toll gate. Pagkatapos magbayad ay tuloy tuloy ulit ang kaniyang takbo. Palabas na siya ng exit pa-Cavite ng magsimulang makaramdam ang binata ng malamig na hangin. Parang puro yelo ang kapaligiran sa mga sandaling iyon dahil sa lamig. Hindi naging sapat ang suot na jacket ni Jake sa lamig na tumatagos hanggang sa kaniyang buto. Siguro ay dahil ito sa maraming Mahogany na nakatamin sa magkabilang gilid ng kalsada. Marahil sa kapal ng mga kahoy, nakagawa ito ng malamig na hangin. Nangangamba si Jake ng mga oras na iyon lalo pa't walang masyadong bahay ang nasabing kalsada. Wala ring kahit isang sasakyan na kaniyang nakakasabay o nakakasalubong. Puro huni lamang ng kuliglig ang kaniyang naririnig. Patuloy ang matulin na pagpapatakbo ni Jake. Animoy nasa horror movie siya ng mga sandaling iyon dahil sa kadiliman at kapag ng hamog. Tanging ang liwanag lamang sa kaniyang motor ang naging tanglaw nito. Sa lakas pa ng hanging tumatama sa kaniyang helmet, kailangan talaga niyang maging maingat lalo pa at nakainom siya. Isang minuto bago mag-alas kuwatro ng madaling araw, narating na ni Jake ang mahabang tulay ng Nagapi. Tulay na naghihiwalay sa bayan nila at sa isa pang bayan sa Cavite. Kalahating oras na lamang ang tatakbuhin ng kaniyang motor at mararating na niya ang bahay nila sa bayan. Bantog ang nasabing tulay ng Nagapi. Marami raw kasing nagpakamatay rito noong unang panahon. Mayroong mga nagbigti sa gilid nito. Ang iba ay dahil sa depresyon, ang iba naman ay sa sama ng loob. Sa dulong bahagi rin ng tulay ay mayroong isang malaking puno ng Akasya. Sa itsura ng puno ay alam niyang nakapatanda na nito. Mayabong ang mga sanga at dahon nito kaya hindi nasisinagan ng araw ang mga maliliit na puno sa ilalim nito. Dahan dahan ang naging pagpatakbo ni Jake. Una, dahil mahamog talaga at hindi na halos maaninag ng ilaw ng kaniyang motor ang daanan at pangalawa, laging sinasabi ng mga matatanda na laging magdahan dahan sa tulay at huwag kalimutang magbusina. Ito'y para maabisuhan ang mga ispiritong namamalagi roon na dadaan ka. Kumbaga, nagpapaalam ka sa mga ito kaya sana ay hayaan kang makatawid ng ligtas. Nang malapit na ang binata sa dulo ng Nagapi bridge, naaninag nito ang malaking puno ng Akasya. Lalong lumamig ang hanging sumasalubong sa kaniya habang papalapit siya sa puno ng Akasya. Sa hindi niya mawaring dahilan, parang may kung anong misteryong nakakakilabot ang bumabalot sa matandang punong iyon. Hindi niya alam kung bakit, pero kinilabutan siya. Unti unti nanindig ang kaniyang mga balahibo. Binilisan ni Jake ang pagpapatakbo para makalampas na siya kaagad sa tulay at sa malaking puno ng Akasya. Eksaktong nasa tapat na ng puno si Jake ng maisipan niyang sulyapan ito. Gusto niyang kumpirmahin na wala namang misteryo sa nasabing puno. Muntik na siyang masemplang nang makita niya ang isang babaeng nakabigti sa mataas na puno ng Akasya. Mahaba ang lubid nito mula sa mataas na sanga. Nakaputing damit ang babae at marahan itong umuugoy sa puno habang nakabigti ang leeg. Natatabunan ring ng makapal at maitim na buhok nito ang baling ulo. Mabuti na lamang at naagapan ni Jake ang pagdiretso niya sa isang taniman ng palay na punong puno ng putik ng mga panahong iyon. Kahit napatigil siya sa pagda-drive ng kaniyang motor, hindi naman siya natumba. Inabot lamang ng malas ang binata dahil namatay ang makina ng motor niya. Nataranta itong padyakan ang motor para umandar ulit. Habang ginagawa iyon ng binata, rinig na rinig niya ang palakas na palakas na pag-ugoy ng babaeng nakabigti sa Akasya. Nakakakilabot ang tunog ng lubid habang umuugoy ito. Hindi na rin lumingon ang binata. Natakot itong baka maputol ang lubid at bumagsak ang babae at tumakbo papunta sa kaniya. Maya-maya pa ay napaandar na ni Jake ang motor. Pawisan na ang lalaki sa sobrang takot at taranta. Takot na baka gawan siya ng masama ng babaeng nakabigti at takot dahil walang kahit na isang sasakyan ang dumaraan sa mga oras na iyon. Wala rin siyang nakikitang kahit isang bahay na malapit na puwede niyang hingian ng tulong kung sakaling may masamang mangyari sa kaniya. Agad niyang pinatakbo ang motor. Bago pa niya lisanin ang tapat ng Akasya, napansin pa niyang natigil na ang pag-ugoy ng lubid. Pinagpawisan ng malapot si Jake at nawala na ang kanyang hilo at pagkalasing habang nagda-drive. Sabi ng ibang mga nakakatanda, kung makaka-experience daw ng ganito ay hayaan lamang daw at huwag pansinin ang kung ano mang multo o maligno na nakita. Kusa lamang daw itong aalis at mawawala. Kaya naman itinuloy ni Jake ang pagpapatakbo na parang walang nakita sa puno ng Akasya. Maya maya, kinilabutan ang binata ng maramdamang bumigat ang kanyang motor. Halos mawala siya sa katinuan habang iniisip na posibleng umangkas sa likod niya ang babaeng nakabigti kanina. Nagpagiwang-giwang ang kaniyang motor sa isiping iyon. Hindi niya alam kung ano ang kaniyang magiging reaksiyon at gagawin kung sakaling nasa likod nga niya ito. Nakiramdam siya at lalong pinagpawisan dahil nararamdaman niyang parang may humihinga sa batok niya. Hingang napakalamig na animo'y galing sa ilalim ng lupa. Hindi lang isang beses ang paghingang ito kundi paulit-ulit. Alam niyang namumutla na siya pero tuloy parin ang kaniyang pagpapatakbo. Parang kaunting takot na lamang ay mahihimatay na siya. Napasamo ng dasal ang binata sa isip. Nagdasal ito sa Diyos na iligtas siya sa kababalaghang nangyayari sa kaniya ng gabing iyon. Patuloy pa rin ang paghinga sa likod niya. Ang mas nakakatapot pa ay nararamdaman niyang may mga mahahabang buhok ang dumidikit sa kaniyang leeg at braso. Napamura si Jake dahil dito. Nang hindi makatiis ang binata, at para alamin kung mayroon ngang nakaangkas talaga sa motor niya, dahan-dahan siyang sumilip sa kanang salamin ng kaniyang motor. Nasemplang na lamang ito ng tuluyan at nawalan ng malay ng makita sa salamin ng motor ang nangingitim na mukha ng babae na mayroong nanlilisik at duguang mga mata. Nagtama ang kanilang mga paningin sa salamin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD