Hindi mawari ni Gelo kung bakit sa tuwing dadaan siya sa palikong kantong iyon, bago makarating sa kanilang inuupahang bahay, ay may kung anong tumutukso sa kaniyang tingnan ang abandonadong kotse sa loob ng bakuran nina Mang Rene.
Tanghali man o hapon, at lalo na sa gabi, pakiwari ng binata ay may tao sa loob ng lumang kotse, nangagalampag at gustong makalabas mula sa saradong pintuan. Dahil sa tinted ang mga bintana nito, hindi maaninag ni Gelo ang loob ng kotse. Kaya hindi rin makumpirma ng lalaki na may tao nga sa loob nito.
Nakaparada lamang sa bakuran nina Mang Rene ang naturang sasakyan, sa tabi ng puno ng Akasya. Pinaglumaang sasakyan daw diumano ito ng mga totoong nagma-may-ari ng bahay na iyon na ngayo'y nasa Amerika na naninirahan. Puno ng alikabok ang sasakyan at kinakalawang na rin ang ibang parte nito kaya hindi maikakailang luma at pinabayaan na ito. Sinadyang hindi ipinalinis o ipinaayos man lamang ng mga may-ari. May mangilan-ngilan na ring damo ang tumubo sa paligid nito. Sa taas naman ng kotse ay maraming nalaglag na dahon ng Akasya.
Dalawang palapag ang pinangangalagaang bahay nina Mang Rene kasama ang asawa nito at dalawang anak na parehong nag-aaral sa high school. Ayon sa kapitbahay nina Gelo ng marinig niyang nag-uusap ito at ang kaniyang mama, isang family driver daw dati si Mang Rene ng mayamang pamilyang nakatira sa magandang bahay na iyon. Maraming businesses ang mga amo nito sa Cubao at Tomas Morato kaya mayaman ang mga ito. Pero bigla na lamang daw umalis at nag-migrate ang pamilya sa Amerika kaya ipinabantay kay Mang Rene ang bahay.
First year college si Gelo ng mga panahong iyon sa isang public school sa Cubao. Dahil nga kolehiyo na siya, napilitang lumipat ang kanilang pamilya sa subdibisyon na iyon. Napakalayo kasi ng Cavite kung araw-araw siyang magbi-biyahe. Nagkataong sa Cubao rin nagta-trabaho ang kaniyang ama kaya tama lamang ang naging desisyon nila.
Habang nag-aaral, pinili ng binata na maging part time worker sa isang kilalang fast food para kahit papaano ay makatulong siya sa kaniyang pamilya sa mga gastusin niya sa school. Apat na oras lamang ang napagkasunduan sa kaniyang kontrata kaya hindi naging balakid ito sa kaniyang pag-aaral.
Nag-iisa man siyang anak subalit hindi sapat ang kinikita ng kaniyang amang contractual engineer kaya kailangan talaga nila ng extra income. Pambayad sa inuupahang bahay, pambayad sa tubig at kuryente, pagkain, matrikula niya sa school at kung ano-ano pa.
Malapit lamang ang school at fast food na kaniyang pinapasukan sa subdibisyong kanilang nilipatan kung kaya't nilalakad lamang nito ang papunta sa school, sa trabaho at pabalik sa kanilag bahay.
Ika-dalawang buwan niya sa fastfood na iyon, napunta sa night shift ang duty ni Gelo. Wala namang kaso ito sa binata dahil hindi naman apektado ang kaniyang pag-aaral. Mas maayos nga ito dahil focus siya sa pag-aaral sa araw at trabaho naman sa gabi.
Lunes, unang gabi ng kaniyang night shift na trabaho. Pagkagaling sa paaralan, sa trabaho na kaagad siya dumiretso.
Pagkatapos magbihis, nagsimula na siyang magtrabaho. Naisip ni Gelo na mas marami palang customers sa gabi kaysa sa araw. Puno ng mga tao ang kanilang fast food place. Hindi naman ito naging hadlang sa binata para siya ay mapagod. Mas ikinatutuwa pa niya ito dahil marami siyang nagagawa at naiiwasan niya ang maantok.
Alas-diyes na nang siya ay makapaglog-out at makauwi. Nagsimula siyang magkalakad.
Wala ng gaanong taong naglalakad sa kalsadang pagawi sa kanilang subdibisyon at kakaunti na rin ang mga dumaraang sasakyan dito. Halos lahat ng mga shops, boutiques, at mga tindahan ay sarado na. Dahil sa looban banda ang kanilang lugar, walang masyadong taong umiikot kaya wala rin namang bibili sa kung ano mang tindahan ang nakabukas. Kung mayroon man, magkokotse na lamang ang mga nakatira doon at tutungo sa 7-11 o sa anumang tindahang bukas ng 24 oras sa bandang sentro ng Cubao.
Habang papalapit si Gelo sa kanto ng bahay nina Mang Rene, palakas ng palakas ang kaba ng kanyang dibdib. Dumagdag pa ang madilim at malamig na gabing iyon, mas nakakakilabot. Ang mga streetlights naman ay napakapanglaw tingnan. Akala mo ay nasa lumang panahon ka dahil sa labo ng mga liwanag nito.
Pakiwari ng binata ay may kakaibang mangyayari sa gabing iyon kapag lumiko na siya sa kanto nina Mang Rene.
Ilang minuto lang ang nakalipas, nakikita na ni Gelo ang bahay nina Mang Rene. Kitang kita niya ito dahil hanggang baywang lamang ang taas ng bakod ng bahay. Iilan na lamang ang nakabukas na ilaw sa loob ng ikalawang palapag nito samantalang patay na ang liwanag sa ibaba.
Nang papaliko na siya sa kanto, pumagitna ang lalaki sa kalsada at binilisan niya ang paglalakad habang diri-diretso ang tingin sa unahang bahagi ng daanan. Kung anu-anong isipin ang ipinapasok niya sa kanyang utak para lamang hindi mabigyan ng atensiyon ang abandonadong kotseng kanyang madadaanan.
Gayunpaman, sa gilid ng kanyang mga mata, nakikita niya ang malamlam na liwanag mula sa ilaw na nakasabit sa puno ng Akasya. Natatanglawan nito ang nakakatakot na kotse.
Hindi maintindihan ni Gelo ang nararamdaman. Pinaghalong takot at kilabot ito. Alam niyang may kung ano sa loob ng kotse na nakakilabot isipin. Pakiramdam niya ay may tao talaga sa loob nito at nakatingin sa kanya. Hindi nga lamang niya makita dahil tinted ang mga bintana.
Mas naging matalas ang pandinig ni Gelo sa mga oras na iyon habang patuloy siyang naglalakad ng mabilis. Kaya naman ng marinig nito ang pag-uga ng itim na kotse, kumaripas na ito ng takbo palayo sa kantong iyon. Pinanindigan ng balahibo ang binata sa langitngit ng umuugang kotse.
Mabilis siyang pumasok sa gate, sinusian ang pinto at dumiretso na sa kauwarto niyang nasa ikalawang palapag. Hindi na niya inistorbo ang kaniyang mga magulang na alam niyang mahimbing ng natutulog sa kuwarto sa ibaba.
Hindi pa rin mawala sa isip ng binata ang kaba habang nagbibihis at naghihilamos ito. Hanggang sa nakahiga na siya, paulit ulit pa ring umaalingawngaw sa tainga niya ang langitngit ng abandonandong kotse. Hindi nakatulog kaagad ang binata.
Kinaumagahan ng Sabado, walang pasok ang binata sa school at ganoon din sa fast food na pinagta-trabahuan nito.
Nagsimulang mangusisa ang binata tungkol sa mga totoong may-ari ng bahay ni Mang Rene. Napag-alaman nito na isang drug addict daw ang panganay na anak ng mga ito. Ayon pa kay Aling Bining na kapitbahay ng mga ito, madalas daw mag-uwi ng kung sinu-sinong babae ang drug addict na iyon sa bahay nila at bali-balita ring may ginahasa daw itong babae sa bahay. Pag-aari din daw ng binata ang ngayo'y abandonadong kotse.
Ikinagulat na lamang daw ng lahat ng biglang umalis at lumipat ng Amerika ang pamilya. Ang haka-haka ng ilan, hindi daw umi-epekto ang pagri-rehab dito sa Pilipinas doon sa panganay nilang anak kaya siguro gusto nilang subukan sa Amerika baka mas epektibo.
Sa kabila ng napakaraming impormasyong nakalap ni Gelo, hindi pa rin niya mai-konekta ang misteryosong kotse rito.
Kinagabihan, naisipan niyang imbestigahan ang bahay nina Mang Rene. Sisilipin niya ito mula sa bintana ng kanyang kuwartong nasa ikalawang palapag. Sigurado siyang makikita niya ito ng buong-buo.
Alas-diyes ng gabi, tulog na ang kanyang mga magulang sa ibabang kuwarto.
Hindi pinatay ng binata ang ilaw sa kaniyang kuwarto sa kadahilanang nag-iisa lamang siya sa loob at aminado itong natatakot rin sa multo. Nauunawaan naman ito ng kaniyang ama kaya walang problema kung nakabukas ito.
Inisip ni Gelo na karaniwang nagpapakita ang mga multo tuwing alas dose ng gabi kaya napagdesisyunan niyang maghintay hanggang hatinggabi. Tahimik na rin ang mga kapitbahay nila at ang tanging naririnig lamang niya ay ang mga mahinang tunog ng umaandar na mga sasakyang nasa labas ng kanilang subdibisyon.
Bandang 11:30pm ay nakaabang na si Gelo sa kanilang bintana. Natatakot na nai-excite ang binata sa ginagawa. Excited dahil unang pagkakataon niyang gagawin ito at takot dahil baka totoo ngang may multong nagpapakita sa abandonadong kotse. Subalit nilakasan pa ng binata ang loob nito. Kung makakakita man siya ng multo, sisigaw na lamang siya kapag hindi niya kaya o tatakbo pababa sa kuwarto ng kaniyang mga magulang.
Natigil sa pag-iisip ni Gelo ng magsimulang kumurap-kurap ang ilaw na nakasabit sa Akasya sa gilid ng bahay nina Mang Rene. Napamura ang binata. Inisip nitong doon na magsisimula ang kababalaghan sa gabing iyon na kaniyang hinihintay.
Dali-daling ibinaling ni Gelo ang paningin sa kotse. Kung may mangyayari ba dito o hindi kaya ay uuga ito.
Nanlaki ang mga mata ng binata ng makitang dahan-dahang umuga ang sasakyan. Waring may taong gumagalaw nito sa loob. Dahil sa kalayuan at kadiliman, hindi talaga maaninag ni Gelo kung may tao ba talaga sa loob. Kahit malayo ay dinig na dinig ng binata ang langitngit ng paggalaw nito. Pinanindigan siya ng balahibo.
Patuloy lamang ito sa pag-uga habang naiilawan ng kumukurap-kurap na liwanag mula sa puno ng Akasya. Naitanong ng binata sa isip kung hindi ba ito naririnig man lamang ng pamilya nina Mang Rene. Imposibleng hindi nila naririnig ang langitngit na iyon. Ganoon din sa mga kapitbahay nila na sina Aleng Bining. Wala ba silang naririnig sa mga oras na iyon?
Maya-maya pa ay namatay ang ilaw sa puno ng Akasya. Bumilis ang t***k ng puso ni Gelo sa takot. Kinikilabutan ang binata sa susunod na mangyayari.
Pagsindi ng ilaw, isang babaeng nakadamit ng mahaba at puti ang gumulantang kay Gelo. Nakapatong ito sa taas ng abandonadong kotse, nakatayo at nakatingin sa kanya. Napaluha ang lalaki sa takot. Hindi ito makagalaw at hindi rin makapag-isip ng maayos habang pinagmamasdan ang babaeng hindi maaninag ang mukha. Literal na nagulat ito sa nakita.
Ilang segundo lang ang nakalipas, bumagsak ang napakaraming dahon ng Akasya sa kotse. Animoy ulan ito na hindi tumitigil. Sumasabay sa bagsak ng mga ito ang paglipad ng kaniyang kulay puting kasuotan na parang kurtina. Natatabunan din ng maitim at mahabang buhok nito ang kaniyang mukhang malabo tingnan.
Maya-maya pa ay nakita ni Gelo ang kulang pulang likido na unti unti pumapalit sa kulang puti na suot ng multo. Parang dugo ito na unti-uting kumakalat sa katawan ng babae.
Halos himatayin si Gelo sa nasaksihan. Nang makabawi sa ulirat nito, bigla siyang nagtago sa ilalim ng bintana. Kumpirmadong isang white lady ang kaniyang nakita. Nakaihi ng kaunti ang binata sa salawal dahil sa sobrang takot.
Gayunpaman, sa isiping baka may gustong sabihin ang nagpakita sa kaniya, nilakasan niya ang loob na siliping muli ito sa abandonadong kotse.
Nakahinga ng maluwag si Gelo ng wala na ang multo sa taas ng sasakyan.
Hinawi niya ang kurtina sa kaniyang bintana para masilip ang buong kapaligiran subalit wala na siyang nakita pa. Napabahing pa siya ng pumunta sa kaniya ang alikabok mula sa kanilang kurtina. Pinitik din ng lalaki palabas ng bintana ang ilang mga butil ng dahon ng Akasya na nahulog mula sa puting kurtina. Nakalimutan na naman siguro ng mama niyang palitan ito. May mga bahid na ito ng nangingitim na mantsa.
Isinara ni Gelo ang bintana at humiga para matulog na. Ikukuwento niya ang nangyari sa kaniyang mga magulang kinabukasan.
Umaga. Pagkaupo ng binata sa hapag-kainan.
"Ma, tanggalin mo nalang po muna 'yong kurtina sa kuwarto ko, mainit po kasi sa gabi at saka madumi na rin, mukhang kailangan na nating labahan."
"Ha? E wala naman akong kurtinang inilagay doon mula pa pagdating natin dito."
Nanindig ang mga balahibo ni Gelo ng maalala ang puting kurtinang hinawi niya kagabi. Ano iyon?