Araw ng Sabado. Abala kaming lahat na magkaka-opisina sa gagawing summer outing ng aming team sa Subic.
Alas dose ng tanghali ang meeting assembly namin sa office kaya naman alas-onse pa lamang ay naroon na kami ni Ernie. Si Ernie ang pinaka-close ko sa buong creative team namin. Nagkataon sigurong pareho ang hilig naming dalawa. Pareho kaming mahilig sumayaw at sumasali rin kami sa mga dance contest sa company. Kahit isang taon pa lamang ako sa kompanya namin ay hindi na ako nahihiyang makihalubilo sa lahat kahit pa taga-ibang department ang mga ito.
Dumiretso kaming dalawa sa isang fast food para mananghalian. Naroon na rin ang ibang ka-team namin at kumakain. Umorder kami ni Ernie at nakiupo na sa kanila.
Saktong alas dose ay dumating ang pinakahuling kasama namin. Dose lamang kami sa aming team na pupunta sa Subic kasama na ang driver na kaopisina rin namin. Napuruhan ng tukso si Monica dahil muntikan na itong ma-late sa kanilang pag-alis. Hindi ito kagandahan subalit puno ng kaartehan sa buhay lalo na sa opisina nila. Gayunpaman, matalinong babae ito. Marami itong alam sa history. Sa ating bansa man o saang bahagi ng mundo, marami itong alam sa mga importanteng kasaysayan.
Habang nasa biyahe, hindi matapos tapos ang aming tawanan dahil sa mga jokes ni Chico. Mabentang mabenta ang mga jokes nito na ayon sa kaniya ay galing pa sa kaniyang mga lolo. Lolo raw nito ang isa sa mga sikat na komediyante noon sa Pilipinas. Kaya naman manang mana siya rito. Tama rin na nasa driver's seat ito nakaupo para gising ang lahat sa mga kuwento nito lalo na ang driver nila.
Mag-a-alas-kuwatro na ng hapon ng dumating kami sa isang maliit na resort sa Subic. Sabi ng team leader namin, mura lang daw ang bayaran sa nasabing resort at katapat pa ng dagat. Dahil ito naman ang gusto naming lahat, ang makapagligo sa dagat, tuwang tuwa kami sa napiling lugar.
Nakakahanga ang bawat kuwarto sa nasabing maliit na resort, may mga art concept ito. Mayroong music room na napuno na yata ng mga instrumentong pang-musika ang buong silid. Mayroon ding jungle room, na animo'y tirahan ni Tarzan kapag pumasok ka at kung ano-ano pa. Pito lamang ang room sa nasabing resort pero lahat ay magaganda. Hindi mo rin akalain na puro mumurahin lamang ang pinang-decorate dito. Ayon sa may-aring nakausap namin ni Ernie, ang ibang gamit raw ay galing sa mga basura at ang iba naman ay sa mga garage sale lamang. Bilang mga creative people, tuwang tuwa kaming lahat sa ikinuwento ng may-ari. Na-inspire ang lahat sa creativity nito.
Tatlong kuwarto ang bi-nook namin sa overnight stay na iyon. Ayon sa team leader, tig-aapat kada kuwarto.
Na-assign kami ni Ernie at ng dalawa pa naming teammates na lalaki sa kuwartong may konseptong old Egypt. May mga rebulto ng Pharaoh na halos kasintaas ko at mayroon ding mga rebultong kalahati-tao-kalahati-hayop sa paligid ng silid na kung titigan mong mabuti ay parang humihinga ang mga ito.
Iniisa isa namin ang mga dekorasyon sa loob ng Egyptian room na iyon. Mula sa mga malalaking rebulto na nagkalat sa mga gilid ng silid pati na sa mga maliliit na gamit na nakadisplay rito. Para kaming nasa loob ng isang museum sa mga oras na iyon. Ang ibang gamit ay masasabi mong ni-recreate lamang samantalang ang iba naman ay halatang napakaluma na. Ito siguro ang sinasabi ng may-ari na galing sa mga garage sale. Mga napaglumaan na ng ibang tao at hindi na mapapakinabangan kaya ibinenta.
Umagaw sa pansin ko ang isang malaking rebulto ng isang lalaki na mayroong ulo ng isang ibon. Nakatayo ang estatwa sa gitna ng dalawang kama sa loob ng kuwarto. Hindi ko inalis ang aking paningin rito habang aking nilalapitan. Dahan dahan kong inilapag ang aking bag sa kanang kama habang nakatingin pa rin dito. May kung anong magnet ang humihila sa akin palapit rito.
Nang makalapit na ako, walang kurap kong binusisi ang nakatayong rebulto. Matikas ang pagkakatindig nito. Sa isip ko, siguro'y talagang malalaking tao ang mga Egyptians noong unang panahon. Napakaluma rin nitong tingnan. Hinawakan ko ito at hindi ko masabi kung saan ito gawa. Para itong gawa sa kahoy na para ring semento. Siguro ay gawa ito sa putik o sa clay.
Maraming marka ng mga Egyptian characters ang rebulto sa mga braso at dibdib nito. Hindi ko tuloy maiwasang itanong sa aking sarili kung totoo ba ito o gawa-gawaan lamang.
Ang ulo nitong ibon ay luma ring tingnan. Galit ang anyo nito. Ang mga mata naman ay waring nakatingin sa kung sino mang nakatingin rito. Kahit pa pintura lamang ito, kinilabutan ako ng bahagya ng magtama ang aming mga mata.
Biglang bumukas ang pinto. Napakalakas ng pagbukas nito kaya napalundag ako sa gulat pati narin ang tatlong kasama ko sa kuwarto. Si Monica pala ang bumukas nito. Malapad ang ngiti nitong pumasok sa aming kuwarto.
Naglakad ito papasok sa loob. Akala naming lahat ay didiretso ito ay Ernie at maglalambing na naman. Alam ng buong opisina na may gusto ito kay Ernie at hindi naman ito nahihiyang ipakita ito sa lahat. Palagi itong naglalambing kay Ernie at kung minsan pa ay dinadalhan nito ito ng mga pagkain sa office.
Nagtaka kaming lahat ng lumampas si Monica kay Ernie. Kahit ang binata ay napakunot din ang noo. Inexpect siguro nitong yayakapin siya ni Monica.
Dumiretso si Monica sa lalaking rebulto na nasa gitna ng dalawang kama. Parang napako ang mga mata nito roon. Sinundan lamang namin ito ng tingin. Naghintay kami sa mga susunod na gagawin at sasabihin nito.
Bahagya kaming kinilabutan sa sumunod na sinabi ni Monica. Ayon dito, may natatandaan raw siyang nakita niya sa isang documentary sa internet na kahawig ng rebultong iyon. Tatlo raw ang kabuuang bilang ng mga rebultong iyon. Galing raw ito sa Egypt papuntang China. Ayon sa documentary, peace offering raw ito ng isang mayamang pamilya sa Egypt sa isang pamilya rin sa China. Nagkaalitan raw diumano ang dalawang anak na binata ng mga ito sa isang unibersidad sa America na humantong sa malalim na pag-aaway.
Bilang ayaw ng gulo ng pamilyang nasa Egypt, ang mga magulang ng binata ang gumawa ng paraan para makipagbati sa pamilyang nasa China. Sa pamamagitan ng pagpapadala ng tatlong mamahaling rebulto, gusto ng mga taga-Egypt na matapos na ang gulo ng kanilang mga anak.
Ang hindi alam ng pamilyang nasa China, may sumpa ang nasabing mga rebulto. May kung anong ispirito raw sa mga ito ang lumalabas tuwing gabi at binabangungot ang mga taong nakatira sa bahay na kinalalagyan nila.
Biglang sumigaw si Monica at humiga sa kama. Para itong nasasapian sa ginawang pagbali-bali ng katawan. Nataranta kaming apat. Agad na umupo si Ernie sa kama at niyakap ito. Nagulat na lamang kami dahil ginantihan ni Monica ng yakap si Ernie. Hinawakan nito sa mukha ang binata at hinalikan sa labi.
Natulala kaming lahat habang tumatayo si Monica at lumabas ng pinto. Naisahan silang lahat nito. Humagalpak ako ng tawa ng marealize na niloko sila Monica. Tinakot sila nito para maka-iskor kay Ernie. Nag-apiran kaming tatlo sa pagkamautak ni Monica samantalang namumula namang nagtungo sa banyo sa Ernie. Hindi ito makapaniwala sa nangyari.
Matapos ang napakasayang hapunan, isa-isa na kaming nagtungo sa dagat para mag-swimming. Sinabihan kami ng may-ari na mag-ingat sa paglalangoy sa harap ng resort dahil may kadiliman ito. Subalit dahil handa kami, nagdala kami ng electric lamp sa dalampasigan.
Masayang masaya ang lahat habang naliligo. Nag-advise ang aming team leader na bawasan ang pagsisigaw dahil baka maka-istorbo sa ibang resort na naroroon sa tabi ng dagat. Agad naman namin itong sinunod. Mas masaya ang tawanan dahil lahat ay nagpipigil humalakhak. Halos mangiyak-ngiyak kaming lahat sa pagpipigil ng tawa sa mga hirit ni Chiko.
Pagkalipas ng isang oras, bumalik na kami sa resort at nag-inuman. Walang tigil sa pagjo-joke si Chiko habang nag-iinuman ang buong grupo namin. Lahat naman ng hirit nito ay bumenta. Maya maya pa ay nagpatugtog ang isa naming kasama. Tugtog na pang-party. Agad kaming tumayo ni Ernie at nagsimulang sumayaw. Natuwa naman ang lahat lalo na ang mga babae. Malagkit na naman ang naging pagtingin ni Monica kay Ernie ng mga sandaling iyon. Ang iba naman ay sumasayaw sa upuan at mayroon pang nalaglag rito na pinagtawanan naman ng lahat.
Magha-hatinggabi na ng mapansin ni Ernie na inaapoy na pala ako ng lagnat. Kaya pala kakaiba ang hilong nararamdaman ko mula pa kanina sa inuman namin. Akala ko ng mga sandaling iyon ay lasing lamang ako kaya ako nahihilo ng matindi.
Dalawang tableta ng gamot ang agad na ipinainom sa akin ng aming team leaed at inihatid na ako sa kuwarto namin. Pinayuhan ako ng aking mga kasama na magpahinga na muna. Pinatay din ng mga ito ang aircon para pagpawisan ako.
Tumalukbong agad ako ng kumot pagkalapat ng katawan ko sa kama at bago ko ipinikit ang aking mga mata, narinig kong lumabas na sina Ernie at iba pang kasama nito sa kuwarto at isinara ang pinto. Hindi na rin ako nagpalit ng damit dahil hindi ko na kayang tumayo pa at natuyo naman ang mga ito habang nag-iinuman kami. Sa sobrang hilo, nakatulog ako kaagad.
Makalipas ang tatlong oras, nagising ako ng naramdaman kong may kumakalabit sa akin. Pinapaurong siguro ako ni Ernie na umisod ng kaunti sa kama. Hindi ko pa rin tinanggal ang kumot na nakatalukbong sa akin dahil maginhawa sa aking pakiramdam ang pagpawisan ng gabing iyon. Umurong ako ng kaunti sa kama at pumikit ulit.
Ilang minuto lang ang nakalipas ay nagising ulit ako sa ingay ng mga yabag sa loob ng kuwarto. Animo'y nagmamadali ang bawat may-ari ng mga paa. Wala naman akong naririnig na nagsasalita. Habang nakatalukbong pa rin, nakiusap na lamang ako na huwag silang masyadong maingay dahil masakit ang ulo ko at lalo akong nahihilo sa ingay nila. Ikinatigil naman nilang lahat ang pakiusap kong iyon.
Maya-maya pa, nakatulog ulit ako. Subalit ilang sandali lang ang nakalipas, nagsimula na naman ang ingay ng mga yabag. Nagmamadali na naman ang mga ito.
Lalo pang sumakit ang ulo ko ng maramdaman kong may lumulundag na sa kamang aking hinihigaan. Sa sobrang pagkainis, tinanggal ko ang kumot na nakatalukbong sa akin para bulyawan ang kung sino mang walang respetong lumulundag sa kama. Sisigaw na sana ako ng bigla akong napatigil sa gulat. Wala ni kahit isang tao ang naroroon sa kuwarto.
Dito na ako kinilabutan. Umupo ako sa kama at inikot ng aking paningin ang buong kuwarto. Nanindig lahat ng aking balahibo dahil lahat ng mga rebulto ay nakatingin sa akin. Lahat ng mga rebulto na kanina ay nakatayo ng tuwid, ngayon ay nakapihit na at nakaharap sa akin. Pagtingala ko sa rebultong nasa tabi ng kaming inuupuan ko, nakadukwang ang rebulto sa akin. Napakalapit ng ibong mukha nito sa aking mukha. Halos panawan ako ng ulirat ng gumalaw ang ulo nito.
Dali-dali akong tumayo at tinungo ang pintuan. Kitang kita ko sa malaking salamin na nakasabit sa pintuan ang aking sariling takot na takot na tumatakbo habang pinagtitinginan ng mga rebulto. Binalot ako ng takot ng hindi ko ito mabuksan. Nanindig pa lalo ang mga balahibo ko dahil biglang lumamig ang buong silid at gumalaw galaw ang mga rebulto lalong lalo na ang rebultong nasa tabi ng kama.
Bigo pa rin akong buksan ang pinto. Hindi ko maintindihan kung bakit ito hindi mabuksan. Kinatok ko ng malakas ang pinto mula sa loob subalit sa lakas ng ingay nina Ernie sa labas ay hindi nila ako naririnig. Napakalakas ng tugtugan at kantahan ng mga ito.
Napaiyak na lamang ako ng makita ko sa repleksyon ng salamin ang mga rebulto. Dahan-dahang silang lumalapit sa akin.