LYANNAH POV
Pagkarating ko sa palengke, agad akong pumuwesto sa maliit kong mesa at inisa-isa ko ang pag-aayos ng mga isdang ibebenta ko sa buong maghapon. Ganito ang araw-araw kong buhay ilalatag ang mga isda sa yelong kaunti na lang ang natitira, aayusin ayon sa laki at klase, tapos maghihintay ng suki, ng turista, ng kahit sinong bibili.
Kapag sinuwerte, ubos ‘yan bago magtanghali. Kapag hindi, umaabot ako hanggang gabi. At kung may matira pa… inuuwi ko na lang. Hindi mo na kasi maibebenta ang lumang isda kinabukasan ayaw ng mga tao sa isla ng hindi sariwa. Kaya kailangan lagi kang may bagong huli, bagong paninda, bagong pag-asa.
Habang abala ako sa pag-aayos, napansin ko si Aling Susan sa pwesto niya, may kausap na babae. Hindi ko siya kilala. Maputi, makinis, at halatang hindi taga-rito. Mukhang sosyal, mamahalin ang suot, at pulang-pula ang labi na parang lagi talagang inaayos. Para siyang galing siyudad… o ibang bansa.
Pero binalewala ko lang sila. Mas inuna ko ang trabahong nasa harap ko. Kailangang presentable ang mga isda malinis, nakahanay, at mukhang sariwa para agad mabili.
Pagkatapos ng ilang minuto, pumwesto na ako para magsimulang tumawag ng mga mamimili.
“Isda! Sariwa po! Malalaki ang tambakol dito!”
Ngunit bago pa ako makapagsimula nang tuluyan, narinig ko ang tawag ni Aling Susan.
“Hoy, Ly! Halika rito, iha!”
Napalingon ako. Iniwan niya ang pwesto niya at lumapit sa akin, kasunod ang babaeng kausap niya kanina. Medyo mas bata ang babae pero halatang may kaya maayos ang tindig at parang sinusukat ako ng tingin mula ulo hanggang paa.
“Bakit po, Aling Susan?” tanong ko habang huminto ako sa pag-aayos.
“Ay, wala iyon. Pero itong pamangkin ko, may kailangan.” Nakangiti siya nang malaki, parang sobrang tuwa na ewan.
Napalingon ako sa babaeng nakatayo sa tabi niya. Naroon pa rin ang titig niyang parang nag-aappraise ng paninda. Medyo kinabahan ako, pero naghintay pa rin kung ano ang sasabihin nila.
“Gusto mo bang pumunta ng Maynila?” tanong ni Aling Susan.
Parang biglang lumaki ang dibdib ko. Hindi ko napigilang ngumiti. “Opo, Aling Susan. Pangarap ko po ‘yon. Gusto ko rin pong makapagtrabaho doon.”
“Aba, tamang-tama!” sabi ni Aling Susan na parang tuwang-tuwa talaga. “Etong pamangkin ko, nagha-hanap ng tao na isasama niya sa Maynila. May magandang trabaho!”
Napatingin ako sa babae at hindi ko maitago ang excitement sa boses ko. “Talaga ho? Totoo po ‘yan?”
“Oo naman,” sagot agad ni Aling Susan. “O, baka naman may arte ka?”
Umangat ang kilay ng pamangkin niya, halatang nagmamasid sa reaksyon ko.
“Wala po akong arte, madam,” mabilis kong sagot. “Kahit ano pong trabaho, kaya ko po.”
Ngumiti ang babae, parang nasiyahan sa sagot ko. “Ayos pala ‘to, Tita. Magugustuhan ito doon.”
“Syempre naman!” sabat ni Aling Susan. “Sa ganda ba namang ‘yan? At saka itong si Lyannah, wala pang nagiging boyfriend. Puro magulang at kapatid iniintindi.”
Napahiya ako ng kaunti, pero ngumiti na lang. Alam ko naman na totoo.
“Tamang-tama,” sabi ng babae. “Ganyan ang gusto ng mga… customers doon.”
Napakunot noo ako. “Anong customers po?”
“Ay, wala, hija,” mabilis na sagot ni Aling Susan. “Mga bumibili lang doon sa pinapasukan nila. Magugustuhan ka nila.”
Napatango ako at mas lalo pang natuwa. Iniisip ko, baka katulad lang ito ng pagbebenta ko dito mag-aasikaso ng paninda, mag-aalok, magtatrabaho sa tindahan. Mas madali sigurong kumita sa Maynila kaysa sa isla.
“By the way,” sabi ng babae habang inaabot ang kamay niya, “ako nga pala si Rosenda. Kung interesado ka sa trabahong ino-offer ko, pumunta ka na lang sa bahay nila Tita. Doon ka sumama sa akin papunta ng Maynila.”
Kinabahan ako pero sabay na rin akong natuwa. “Opo, magpapaalam po muna ako sa Tatay at Nanay. Gusto ko pong ipaalam sa kanila ang tungkol sa trabaho.”
“Ay naku, Ly,” sabat agad ni Aling Susan. “Malaki ka na! Dalaga ka na! Nasa wastong gulang ka na rin. Kahit hindi ka na magpaalam.”
Umiling ako. “Mas lalo hong hindi ako papayagan ni Tatay kapag hindi ako nagpaalam. Mas mabuti pong alam nila kung saan ako pupunta. Para hindi sila mag-alala.”
Napatawa si Rosenda. “Tama ka diyan, Tita. Sige, hija. Basta ang alis natin ay sa Wednesday ng gabi.”
Nanlaki ang mata ko.
“Wednesday po? Sa… sa Wednesday na agad?”
Tumango si Rosenda na parang wala lang. “Oo. Tatlong araw mula ngayon. Ihanda mo lang sarili mo.”
Parang biglang bumilis ang t***k ng puso ko.
Tatlong araw.
Hindi ako handa.
Pero… ito ang pangarap ko, ‘di ba?
Nagpatuloy sya sa pagbebenta ng isda matapos ang usapan nila ni Aling Susan at ni Rosenda. Kahit may kaunting pagod na sa balikat dahil sa paulit-ulit na pagsalok at pagtimbang, hindi mawala ang ngiti sa kanyang labi.
Habang inaabot niya ang bayad ng isang suki, napatingin siya sa malayo sa dagat na kumikislap sa ilalim ng araw, sa bangkang ginagamit ng tatay niya, at sa maliit nilang bahay na nasa dulo ng kalsada.
“Konti na lang… konti na lang talaga,” bulong niya sa sarili.
Habang nag-aabot ng isda, isang malalim na hinga ang pinakawalan niya. Sa bawat kilong naibebenta niya, sa bawat baryang iniipon niya sa lumang kahong pinamana pa ng lola niya, unti-unting nabubuo sa isip niya ang pangarap na dati’y pangarap lang: ang makapag-aral muli, ang makatapos, at balang araw ay mabigyan ng mas magaang buhay ang pamilya nila.
“Isang araw… hindi na ganito kahirap. Isang araw… matutupad ko rin ’yon,” isip niya habang inaayos ang natitirang isda sa bilao.
“Lyannah, dalawang kilo pa nga rito!” tawag ng isa niyang suki.
Ngumiti siya, mabilis na kumilos, handang magpatuloy. Kahit mainit, kahit mabigat, kahit minsan ay nakakangalay wala sa kanya ang pagod. Ang nasa puso niya ay determinasyon at pag-asa.