Chapter 6

2880 Words
Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa wallet niyang nakapatong pa sa dalawang palad kong nakatihaya, at sa kanya. Kay taba ng wallet niya at halatang mamahalin. Ito 'yong literal na nasa kamay ko na magiging bato pa. Ano, coincidence pa ito? Takte, wala pa sana akong balak magpakita sa kanya ng ilang linggo. Nasa bulsa ko ang wallet ni Tiyang at kayang-kaya ko itong pagpalitin pero huli na yata ako dahil nakita niya na ito. Kayang-kaya ko 'yong gawin kanina noong nabigla ako sa pag-itsa ni Lucio pero di ako nakabawi sa gulat nang siya pala ang naghahabol kay Lucio. Ilang segundo ko pang inaway ang sarili sa kaloob-looban ko bago tumikhim at initsa sa kanya ang wallet niya na para bang allergic ako rito. Nasalo niya naman ito. “Thanks,” kunot-noo niyang sambit saka ipinasok ito sa bulsa ng trouser niya. “It's weird. Why did he pass it to you?” Hindi ako agad nakasagot kaya matagal niya rin akong natitigan na para bang sa mukha ko ang sagot. Iniwas ko ang mata sa kanya at tiningnan ang sarili. “Wala pa akong ligo, oo. Pero mukha ba akong kasama niya? Napagkamalan siguro ako,” rason ko. Pinasadahan niya nga ako ng tingin mula ulo hanggang paa. Umawang ang labi niya na may gustong sabihin pero tinaasan ko siya ng kilay kaya muli niyang tinikom ang bibig. “Bakit ka ba nandito? Tsaka nasaan na ang bodyguard na palagi mong kasa-kasama, bakit ikaw pa ang naghabol?” “Something happened to his Lolo, he needs to rush out. May pinuntahan lang akong kakilala diyan sa palengke.” “Ikaw? May kakilala sa palengke? Sure ka? Baka naman naligaw ka? Baka jan sa kabila?” Ngumuso ako sa kaliwang bahagi ko kung saan papasok ang Patri Homes. “Ah no, no. It's really on this side,” sagot niya nang nakangiti. “How about you? Do you live here?” Nabasa ko ang slight na panghuhusga sa mata niya. Ito na naman, matatatakan na naman ang pagkatao namin dahil sa dito kami sa basurahan ng Pilipinas nakatira. Imbis na manliit eh taas noo akong tumango sa kanya. “Oo, bakit?” “Wala naman. Nagulat lang ako nang makilala ka kanina since you never mentioned your residence. Anyway—” “Za— anak?” Sabay kaming napatingin sa tumawag…sa akin? Wala naman ng tatawag ng anak sa akin. Bahagya akong nagulat nang makita si Tiyang. “Tiyang?” Ba't may pa anak na drama itong si Tiyang? “Anong ginagawa mo rito at ganyan ang ayos mo?” “Nagmamadali ako kanina, naiwan ko ang wallet.” “Oo nga po.” Lumapit ako kay Tiyang at lumingkis saka inabot ang wallet niya. “Ito oh. Kaya ako nandito, hahabulin sana kita kaso nakita ko rin ito siya. 'Yong wallet niya, muntik ng mapitik.” Naramdaman kong bahagya akong pinisil ni Tiyang sa braso. “Mapitik?” nagtatakang tanong ni Lourd. “Ibig kong sabihin muntik ka ng matangayan, manakawan.” “Naku, mag-iingat ka rito iho. Uso yan dito,” sabat naman ni Tiyang na ikinatawa ko sa isip. Mag-ingat ba sa atin, Tiyang? “Salamat po. It's so confusing but I think I need to thank Sam. Ibinigay sa kanya ng magnanakaw amg wallet ko.” Inihanda ko ang sarili para umakting. Lumayo ako kay Tiyang at bumusangot. “Mukha ba akong kasama nila, Tiyang? Sabihin mo nga sa akin? Mukha ba?” parang bata kong pagmamaktol na ikinatawa nilang dalawa. “Natawa lang kayo, so totoo nga?” Pinatulis ko pa ang bibig. Pucha, tiyak pagtatawanan ako ni Tiyang mamaya kapag kami na lang. Kailangan ko 'tong gawin, kasi kung hindi isa at kalahating tanga itong si Lourd, mage-gets niyang kasamahan ako. “Ba't kasi naka-jacket ka, ang aga-aga?” “Eh Tiyang nagmamadali ako kanina, mas madali itong suotin kaysa bra.” Muntik ko nang makalimutan na nandito pa pala ang isang 'to. “Ah Tiyang, si Lourd pala. Lourd Patriarda. Kaibigan ko?” Naging patanong ang huli dahil hindi naman ako sure kung kaibigan din ba ang tingin niya sa akin. “Hindi ka sigurado?” “Opo, Tiyang di ako sure,” agad kong sagot at siya naman ang binalingan. “Tiyahin ko…na parang nanay ko na rin.” “Magandang umaga po, I'm Lourd and yes…Sam's friend.” Inilahad pa nito ang kamay kaya tinanggap naman ni Tiyang. Nagtataka na siguro itong si Tiyang kung sino si Sam. “O siya, aalis na ako, mag-aabang pa ulit ako ng jeep.” “Ah Ma'am, saan po ba kayo papunta? Sabay na kayo sa akin. Pabalik na ako sa sentro. Sumama ka na rin, Sam.” “Naku, 'wag mo na ako i-Ma'am. Tiyang nalang din o Tita, kung saan ka komportable. Sigurado ka ba? Baka makakaabala sa'yo?” “Okay lang po, wala naman po akong lakad na.” “Sige, para tipid na rin sa pamasahe at mas mabilis. Tara na, Sam.” “Huh, bakit kasama pa ako? Mukha pa akong basahan Tiyang.” “It's alright,” agad na sagot ni Lourd. “Let's have coffee after mahatid si Tita.” Pinandilatan ako ng mata ni Tiyang kaya di ko mapigilang masambit ang pinoproblema ko. “Tiyang ni wala pa akong suot na bra.” Sabay na bumaba ang tingin nila sa bandang dibdib ko. ”Wala 'yan, dali na.” “Doesn't matter,” dagdag naman nitong isa. Wait, anong doesn't matter? Para ba akong namomoblema ng wala? Tarantado! Parang gusto ko na ring murahin si Tiyang. Sa huli, nandito na ako sa sasakyan ni Lourd. Sa harap, katabi niya at si Tiyang nasa likod. Sinong mag-aakalang makakasakay kami sa loob ng sasakyan ng isang Lourd Patriarda? Ibinaba nga namin si Tiyang sa harap ng bangko. “Seryoso kang magkakape tayo?” tanong ko nang magpatuloy siya sa pag-drive. Tumango lang siya. “Seryoso rin akong nahihiya ako. Wala man akong tatakpan pero di pa rin ako komportable. Pwedeng next time na lang? Kahit ibaba mo na lang ako riyan, commute na lang ako pauwi,” dire-diretso kong wika. “Nahihiya ka sa coffee shop pero uuwi kang mag-commute?” “Nandito na ako eh, wala naman akong choice.” “Won't you ask me to drive you back?” Mabilis kong winagayway ang kamay. “Naku, wag na. Malaking abala.” “You know, thanks to you looking like that, napagkamalan kang kasama niya kaya napunta sa'yo ang wallet ko. I owe you.” Hindi ko alam kung matutuwa ba ako, maiirita, o magi-guilty. “Walang problema 'yon,” sabi ko at akmang bababa na. “I'll drive you back but let's meet later tonight?” “For?” Naks, 'yon na ba ang pangmalakasang english ko? “Wala lang. Ngayong nakilala kita, should we just go for getting to know each other?” Pinanliitan ko siya nang mata pero ngumiti lang siya at nag-drive na pabalik. Pagkarating ko ng bahay, una kong hinanap si Lucio. “Nakabalik na ba si Lucio?” tanong ko kay Gracia na siyang nanonood na naman ng TV ngayon. Palagi namang balita pinapanood. “Balak mo ba maging news reporter, Gracia? Palagi nalang balita pinapanood mo. Kamusta na ang K-drama mo?” “Kakatapos ko lang mapanood isang K-drama. Kailangan kasi 'yan ng 1-week space bago magsimula ulit sa bago, ate para makamove-on.” Napangiwi ako. May gano'ng kaartehan? “At oo…pero paano mo nalaman na gusto ko maging news reporter, ate?” “Huh?” Bahagya akong nagulat sa sinabi niya. Aba'y talagang mag-aala Karen Davila. “Palagi kong napapansin panonood ng balita. Biro lang sana 'yon, di ko naman alam na 'yon nga.” “Parang napaka-interesting po kasi maghanap ng balita.” Muli akong napangiwi. Na-o-awkward na ako sa mga usapang pangarap, matagal na kasi akong walang pangarap. Pinatay ko na, matagal na. “Kaya nga bumalik ka sa pag-aaral next year. Bahala na kung nahuli ka, basta makapagtapos ka. At saka…bakit ba tayo napunta roon, nasaan si Lucio?” “Ayan oh,” aniya sabay nguso sa kambal niyang paparating. Mabilis ko siyang nilapitan at hinawakan sa magkabilang-balikat. “Lucio, muntik na…muntik na…bakit 'di mo ako sinabihan?” “Muntik nang di mo nakuha? Pero at least nakuha mo diba? Nasaan na?” Tinanggal ko ang pagkakahawak sa kanya. “Muntik nang sumabog cover ko. Si Lourd Patriarda 'yong napitikan mo. Kilala ako niyon. Siya ang pinapatrabaho sa akin ni Tiyang.” Napasinghap siya't nanlaki ang mata. “Hindi ko nakilala, ate. Pasensya na. Anong nangyari?” “Ayun, nasa kamay ko na naging bato pa.” “Binalik mo?” Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa kanilang magkambal. Talagang sabay? Napayuko ako at napakamot sa ulo. “Wala akong choice, nasa harap ko na siya.” “Okay lang 'yon ate. Pasensya na. Siguradong malaki naman ang mababawi mo sa kanya. Hindi ko rin kasi akalaing gano'n siya kabilis tumakbo, at nando'n ka rin man lang pinasa ko na sa'yo bago pa niya ako maabutan.” “Mabuti na lang talaga tanga ang isang 'yon para maniwala sa palusot ko. May magnanakaw bang ibibigay sa di kilala ang nadekwat? Sayang naman ang pagtakbo niya kung binigyan niya lang ng grasya ang ibang tao na nasa gilid lang at nakatayo.” Kinwento ko sa kanila ang naging palusot ko at pinagsabihan na rin silang pass muna ako sa mga biglaang operasyon dahil kailangan kong magdoble ingat. Kinahapunan, nang-aya lang naman ang Lourd na 'yon pero hindi ko alam kung bakit hirap na hirap ako sa pagpili ng susuoting damit. Sa huli ripped jeans, at fitted black shirt ang suot ko, pinaresan ng sneakers. Simplehan lang natin baka mag-assume na pinaghahandaan ko siya. “Oops, saan ang punta madam?” salubong ni Redson pagkalabas ko ng kwarto. “Trabaho,” simpleng sagot ko habang tinitingnan ang sarili sa salamin. “Ano, okay ba?” Dalawang thumbs-up ang ginawa niya. “May trabaho ka na?” Tiningnan ko siyang nakakunot-noo. “Patriarda.” “Ahh,” aniya at tumango-tango pa nang maalala. “Goodluck.” “Salamat. Sige, alis na ako,” paalam ko at nilampasan na siya. “Anong oras ka uuwi? Alam kong dapat sila ang mag-ingat sa'yo pero 'wag kang magpagabi.” Nilingon ko siya. “Ay, tatay?” “Oo. Text mo 'ko, susunduin kita sa labasan.” Tinaasan ko siya ng isang kilay. “Ano?” asik niya. Pinaikutan ko lang siya ng mata at lumayas na. Sumakay na ako ng jeep. Sabi ko doon nalang ako maghihintay sa kung saan kami kakain. Binigay niya naman ang address. Mahigpit kong bilin na 'wag masyado sa sosyal na lugar. Ayaw ko ng maraming kubyertos sa harap ko na hindi ko alam kung paano gamitin. Pagkababa ko sa jeep, lakad lang nang kaunti. Nasa eksaktong address naman na ako pero wala akong makitang restaurant o kainan. Tama naman ako, ah. Maya-maya lang eh pumarada ang sasakyan niya sa harap ko. Alam na alam ko na ang sasakyan niya kahit madilim pa man. “Hop in,” aniya pagkababa ng bintana niya. “Di pa ba rito? Sabi ko bigay mo eksaktong address sa akin.” “Walang ruta ang jeep do'n. Wala kang ibang masakyan.” Nagtataka man kung saan, pumasok na ako sa sasakyan. “Medyo malayo-layo pa kasi 'yon. Maganda kasi roon pag gabi. The view is nice, overlooking the city.” Napa-ahh at tumango-tango lang ako. Tiningnan ko ang ayos niya kung naka-match lang ba ako sa kanya. Baka kasi magmukha niya akong julalay, pero parang okay naman. Parang normal na kasi sa kanya ang semi-formal wear. Khaki pants, gray plain v-neck shirt, at faded black coat blazer. Oks na rin. Mga 30 minutes ang binyahe namin bago makarating. Medyo mataas ang lugar kasi nga natatanaw ang buong syudad dito. Pagka-park niya ng sasakyan eh bumaba na kami. Di niya na ako kailangang pagbuksan, dahil nauna pa akong nakababa sa kanya. “You didn't wear your shoes,” aniya na nakatingin sa sapatos ko. Napaatras ako. “Ah, masyadong mahal at maganda. Parang hindi pa ako handang gamitin 'yon.” At isa na namang kasinungalingan ang dumagdag sa listahan. Tumango-tango lang siya. “Good evening, Ma'am and Sir. Welcome to Nightview Ridge. Do you have reservation, Sir?” “Yes, for two. Lourd Patriarda.” May bahid ng pagkilala sa kanya ang babae. Iba talaga kapag dala mo ang apelyidong Patriarda. Iginiya na kami sa upuan namin at hindi ko maitago ang pagkamangha sa tanawin sa gilid namin. Kitang-kita nga ang buong syudad. Mas pinaganda pa ng mga ilaw. “You like the view?” nakangiti niyang tanong. Agad akong tumango. “Di ko inakalang may ganito pala. Ang dali rin palang makita ang amin dito.” Napatingin na rin siya sa tanawin. “Kita mo 'yang nakahilerang puting kabahayan na 'yan? Patriarch Homes 'yan eh, katabi niyan amin na.” “Really? Ngayon ko lang na-realize, 'yan pala ang Patri.” “Madalas ka ba rito?” tanong ko. Nagkibit-balikat siya. “Medyo. Once a month or every two months. Why?” “Sa dalas mo dito, ngayon mo lang nalaman?” “I'm not that detailed person to notice everything.” Oo, halata nga. Ilang kasinungalingan na ba nasabi ko sa'yo pero hindi ka man lang nagduda. Sige, pagpatuloy mo 'yan. Iyan ang ikakaunlad ko. “Do you want to take a pic? Kunan kita.” Mabilis akong umiling. Wala akong sosyal na cellphone. Mayro'n man, pero masisira lang ang view sa kinalabasang quality ng camera ng phone ko. “Sure? Sayang naman.” “Nakunan na ng mata ko, okay na 'yon.” Punyeta, saan galing 'yon Zamora? Mahina siyang natawa. “I like it. You mean you're more on enjoying the view rather than taking photos?” Di ko man masyadong naintindihan pero um-oo na ako. “Hmm, oo. Parang gano'n na nga.” Wala lang talaga akong magandang cellphone. Kung mayro'n lang, mapupuno ang gallery ko, puro mukha ko lang. Ibili ko kaya ng cellphone 'yong binigay ni Tiyang? Wala naman akong pagagamitan niyon eh. Kaunting pag-uusap, hindi nagtagal, dumating na ang pagkain namin kaya nagsimula na kaming kumain. Salamat naman at normal ang restaurant na 'to, at walang kung ano-anong kubyertos. Medyo classy lang ang datingan pero normal naman. Nagsimula na kaming kumain kasabay ng kaunting usapan. “You only mentioned you're working as a part-timer. What exactly is your work?” Tamang-tama ang tanong niya habang umiinom ako ng tubig. Dinamihan ko na ang inom para makapag-isip. Hindi ko na paghandaan 'to ah. “Ano…” Muli akong napalunok. “Umalis na kasi ako sa dating trabaho eh. Cashier ako sa isang convenience store. Parang hindi sakto ang sahod eh, kaya ayun.” “So, what are you up to these days?” Talagang sineryoso niya 'yong getting to know each other? Interview portion pala talaga 'to. “Kaya rin ang lakas ng loob kong umalis kasi may plano kami ni Tiyang magtatayo ng maliit na dress shop niya. Mananahi kasi siya. Sa ngayon, tumatanggap siya ng mga for repairs sa bahay lang.” Feeling ko talaga, maliban sa pangarap ko noong maging nurse, sana sinali ko na rin pagiging writer. Galing naman gumawa ng storya, Zamora. “Mayroon na ba kayong pangsimula?” “Iyon nga, pinag-iipunan pa namin. Medyo matagal-tagal pa nga eh. Syempre kailangan namin ng malaki-laking capital. Bayad ng renta para sa shop, pagdidisenyo pa, mga makinang gagamitin pa ni Tiyang. Syempre hindi naman 'yon pwede na siya lang, hire pa ng isa o dalawang magiging katuwang niya.” Nagkibit-balikat ako. “Ewan, baka mga dalawang taon pang pag-iipon.” “I'll invest so you can start right away.” Boom! Walang sapilitang naganap ha? Kayo ang witness! Kinagat ang bitag! “Invest?” “Oo. Invest. It's just like I'm lending you a capital money. But if I'm just gonna give you a capital money, babayaran niyo lang pabalik 'yon ng buo, installment, whatever, basta maibalik niyo lang ang hiniram na pera. If I'll invest, you put up the shop with your capital money and with my investment money and you don't need to pay me. But I'll have my fair share if the shop starts to generate income.” Punyeta, wala na nga akong maintindihan sa negosyo. In-english pa ang paliwanag. “Translation please.” Natawa siya sa sinabi ko kaya talagang tinagalog niya na ito at nakuha ko na rin. Hmm, mautak din pala 'to. Akala ko sunud-sunuran na lang sa ama eh. Nasa dugo na nga yata talaga nila ang pagiging negosyante. Ano 'yon, 'yong blood runs…their blood runs? Ah, basta 'yon na 'yon! Bahala na 'yan, importante may makuha akong pera mula sa'yo. “Parang magiging co-owner ka, gano'n ba 'yon?” “Hmm…oo, pwede na rin.” “Sige, deal.” Inilahad ko ang kamay para sa pakikipagkamay. Napangisi ako. “Tiyak matutuwa si Tiyang nito.” Talagang matutuwa. Magbubunyi tayo, Tiyang. “It will be my pleasure to help you.” “Thank you so much,” sagot kong hindi ko maitago ang ngiti sa labi. Pangatlong pagkikita bilang magkilala. Pangatlo pa lang at agad na kitang nakuha. Salamat sa katangahan mo, Lourd Patriarda. ---------
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD