Gamit ang baging na hinatak ko sa damuhan, itinali ko ang mga kamay ng hayop na kapitan sa likuran niya at pagkatapos ay mabilis na pinatayo at pinaglakad kasama namin. "Anong kailangan ninyo sa akin? Nagbigay naman ako sa mga pinuno ninyo sa bundok," maingay na sabi at tanong ng walang hiyang hatak ni Theresa papunta sa kakahuyan. Akala siguro nito, kasapi kami sa new people's army na nagkalat dito sa Iba at humihingi ng suporta sa mga nakatira dito para sa mga kailangan nila sa taas ng bundok. "Mabubuhay ang buong pamilya mo kung magsasalita ka at sasagutin mo ng maayos ang bawat tanong ko, kapitan," mapanganib ang tinig na sabi ko. "Please, huwag po ang pamilya ko mga, ma'am! Inosente po sila," pagmamakaawa nito. Parang asido na isinaboy sa puso ko ang narinig kong sinabi niya.

