Prologue

1059 Words
Hindi pa rin maampat-ampat ang mga luhang rumaragasa pababa ng mukhang magang- maga na ni Chanel habang lulan ng eroplanong may tatak na AirAsia Airlines. Her flight is bound to Kuala Lumpur, Malaysia sa bansang pinili ng kanyang inang pupuntahan niya. Madilim pa ang kalangitan, nang sulyapan niya ang orasan sa kanyang isang bisig ay alas- dos pa lang iyon ng madaling araw. Ito ang pinili nilang oras ng kanyang pag-alis upang iwasan ang dagsa ng mga reporters na karamihan ay naiwan pa rin sa AVIAB Resort na magco-coverage sana ng kanyang kasal. Pagkabalik nila ng mainland galing ng AVIAB Resort na supposed to be her wedding day ay pinag-impake na siya agad ng mga ito. Wala mang imik ang kanyang mga magulang ay alam niyang galit na galit sila sa kanya. Hindi lang nila iyon magawang ipakita, lalo na ng kanyang amang masakit ang mga titig. “Tumayo ka diyan, kahit ang umapak sa lugar na ito ay wala kang karapatan!” galaiting turan ng kanyang ina na marahas na hinuhubad sa kanya ang suot na wedding gown, mga salitang lalo pang nagpahagulhol sa aktres. Nawalan na siya ng pakialam sa mga taong sa kanya ay makakakita doon. Ang tanging nais niya ay ang mailabas ang sakit na kanyang nararamdaman. “Ipinilit mo pa ang kasal na ito gayong sa huli ay ikaw lang din ang mapapahiya dito? Hindi ka ba marunong magtira ng kahit na kaunting kahihiyan sa sarili mo Chanel? Hindi ka ba marunong?! Tinagurian ka pa manding magaling na artista!” mga salitang mas masakit pa sa eskandalo niyang kinasasangkutan ngayon.   “Mom, s-sorry po...” tila batang saad niya sa ina, wala man siyang karapatan na humingi ng pang-unawa pero umaasa siyang uunawain siya nito kahit sa oras na iyon. Bagay na hindi niya nakuha kahit pa magmakaawa siya sa kanyang inang gaya niya ay naluluha. “Sorry po...talaga...” pakiusap niya kahit pa mistula itong bingi sa harapan niya ngayon.   “Teresa pakihanda ng mga gamit niya, aalis si Chanel ng bansa ngayong araw mismo!” utos nito sa PA niya na gulantang na gulantang pa rin, ilang saglit pa ay agad itong tumalima sa utos. Bagay na lalong ikinaiyak ni Chanel sa mga oras na iyon, sising-sisi na. Wala silang naging imik habang lulan ng chopper na naghatid sa kanila sa mainland. Tulala ang kanyang mga magulang habang nakatingin sa papaliit ng Resort na kanilang nilisan. Hindi pa rin doon maawat ang iyak ng aktres, nais niya pang magpaliwanag kay Giordano ng side niya. Oo, mali siya pero nagawa lang naman niya iyon dahil sa labis na kalungkutan at kanyang pangungulila habang nawawala ito. Naisip niya na parang ang unfair naman ng nasirang nobyo sa kanya, samantalang nagmahal din ito ng ibang babae at ang masaklap pa doon ay kanyang isinama pabalik ng Resort. Nagpanggap pa siyang walang maalala kahit ang totoo pala ay nagbalik na ang mga alaalang nawala sa kanya. Iyon ang nais niya pang isumbat sa kanyang kasintahan iyon nga lang ay nawalan na siya ng lakas na isa-isahin pa iyon sa binata. Alam niyang masama nga ang kanyang nagawa, pero ng mga sandaling iyon ay wala siya sa tamang katinuan at hindi niya na maalala pa. “Don’t you ever dare na kontakin pa si Giordano, Chanel!” galaiting turo sa kanya ng ina pagkarating nila ng tirahan nila, sa bahay nila sa Pampanga sila tumuloy dahil alam nila na pinuputakti na ng mga media ang labas ng unit niya sa Maynila. “Magtira ka naman ng kahihiyan sa sarili mo, ikaw na iyong masama sa kwento kaya bumitaw ka na, hindi mo deserve ang lalaking kagaya niya!” pag-alo nito sa kanya at kinuha na ang phone, “Tatanggalin ko ang simcard mo, mag-deactivate ka ng social media account mo na sa mga oras na ito ay paniguradong binabaha na ng kung anu-anong comments sa’yo.” And after a few hours ng pag-uwi nila ay hindi niya alam kung paano nakakuha ang kanyang ina ng ticket. Natagpuan na lang niya ang kanyang sarili sa airport at paalis na ng bansa. Tatakasan ang kahihiyan na idinulot niya sa kanyang buong angkan na ang halos ang karamihan ay naiwan pa sa Resort kung saan gaganapin sana ang bonggang kasal nilang dalawa ng long-time boyfriend niyang si Giordano Matthew Andrade. “Mag-iingat ka doon, one call away lang ako.” si Teresa na hindi na napigilan pa ang kanyang mga luha, napamahal na sa kanya ang PA niyang ito. Nais niya sanang sumama kaya lang ay hindi niya pwedeng gawin iyon lalo pa at kailangan niyang magtrabaho para sa kanyang pamilyang umaasa. Marahan siyang paulit-ulit na tumango, balot na balot man ang kanyang mukha ay hindi noon nagawang itago ang kanyang mga luha sa mukha. “Tandaan mo na hindi ka nag-iisa, kapag may pagkakataon ako ay bibisita ako doon sa’yo.” pangako nito sa kanya, “Laban ka lang, Queen Chanel, laban ka lang!” “Sige, kapag naging maayos na ulit ang lahat kukunin ulit kitang PA ko, Teresa.” “Hihintayin ko ang araw na iyon, palagi ka sanang mag-iingat Chanel.” Pagkatapos ng ilang mahigpit na mga yakap ay binitawan na siya nito upang pumasok na siya sa loob ng nasabing airport na sa mga oras na iyon ay kakaunti lang ang mga tao. Hindi sumama ang kanyang mga magulang na maghatid sa kanya, tanging si Teresa lang at ang driver nila. Bagay na lalo pang dumurog sa kanyang puso. Nagbilin lang ang dalawa sa kanya na ayos na ang tutuluyan niya doon, naayos na nila iyon maging ang pagtira niya dito. Hindi sila nangako na pupuntahan siya ng mga ito kapag umokay na. Lalo pang bumuhos ang mga luha ni Chanel ng makita niyang umaambon sa labas ng bintana ng eroplano. Tila ba nakikiramay sa pag-iyak niya ang langit, ang himpapawid kung saan kamakailan ay naging kontrabida sa relasyon nilang dalawa ng kasintahan. “Sorry, Hon, sorry...” muling usal niya nang umandar na ang eroplano. Ipinikit niya ang kanyang mga mata, kitang-kita niya pa doon ang masakit na hitsura ni Giordano na galit na galit sa kanya nang matuklasan nito ang kanyang ginawa. Hindi man lang siya nito hinintay na magpaliwanag, hindi naman niya itatanggi ang eskandalo niya. Ang nais niya lang ipaintindi dito ay tao lamang din siya kagaya ng lalaki, at nagkakamali.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD