KAAGAD NIYANG TINALIKURAN si Joel at naglakad pababa patungong dining area.
Ngumisi naman si Joel bago maglakad kasunod ni Cindy, nang makarating na sila sa dining area. Gulat ang naging expression ng mukha ni Joel sa nakita niya habang si Cindy naman,
“Good morning po.” Pagbati niya sa lahat. Nakangiti naman si Misis Grace na tumingin sa kanila.
“Good morning din, binibini.” Pagbati naman ng isang lalaki sa kanya na halatang hindi nalalayo sa edad nila ni Joel. Ngumiti pa ito ng matamis sa kanya.
“O’ s’ya, halika na kayo rito at nang sabay-sabay na tayong mag-almusal.” Ayang wika ni Misis Grace. Napatingin si Cindy kay Joel na hindi maipinta ang mukha bago bumalik ng tingin sa mga tao sa hapag-kainan.
“Ah madam, sige po.” Nakangiting sagot ni Cindy, bago siya pumunta sa upuan na uupuan niya ay hinila niya muna ang isang upuan malapit kay Misis Grace upang paupuin si Joel. “Sir, maupo na po kayo.” Nakangiti niyang wika kay Joel.
Hindi pa man nakakasagot si Joel,
“Tita, hindi ‘nyo naman po sinabi na may nakatira pala ritong cute na binibini.” Wika ni Aeron, ang anak ng pangalawang asawa ni Misis Grace. Hindi maipaliwanag ni Cindy ang dapat niyang maramdaman ng mga oras na iyon, ngiti na lang ang ibinigay niya sa lalaking nakatingin at nakangiti sa kanya saka niya ibinaling ang tingin niya kay Joel na nakatingin din pala sa lalaking nagsalita.
“I have no appetite!” seryosong wika ni Joel saka naglakad. Napatingin si Cindy sa reaksyon ng mama ni Joel bago niya sundan si Joel at harangin.
“Sir…” wika ni Cindy, napahinto naman si Joel sa paglakad. “Kailangan nating sumabay mag-breakfast sa kanila. Halika na.” at hinawakan ang braso ni Joel. Sinamaan naman siya ng tingin ni Joel bago ibinaba ang tingin sa kamay niya na nakahawak sa braso nito.
“Wala kang alam. Huwag mo akong pakialamanan.” At saka hinila ang braso niya at nagdere-deretso sa paglakad.
“Joel!” sigaw naman ni Misis Grace sa anak niya ngunit hindi siya nito pinansin.
“Hayaan mo na muna, honey.” awat naman ni Mister Renato.
Parang na-istatwa si Cindy sa pangyayaring iyon. Hindi niya alam kung akong gagawin niya, napansin na lang niya na may lalaki ng nasa harapan niya.
“Tara na.” aya nito sa kanya at hinila sa may tapat ng upuan, “Maupo ka at kumain na tayong lahat.” Nakangiti nitong wika.
Napatingin si Cindy kina Misis Grace, Mister Renato at sa lalaki. “Madam, Sirs. Sa school canteen na lang po kami kakain ni Sir Joel. Mauna na po ako.” Masiglang wika niya at ngumiti.
Hindi pa man nakakaalis si Cindy para sundan si Joel, “Tita, hindi ‘nyo nasabi na may cute na girl palang nakatira dito sa atin, edi sana napaaga ‘yong uwi ko.” Wika ni Aeron habang nakatingin kay Cindy. “Hello, miss.” At saka siya tumayo upang lumapit sa kanya. “I’m Aeron.” Pakilala niya.
“Hi! I’m Cindy.” Nakangiti nitong pakilala. “Personal Assistant ni Sir Joel.” Pagkasabi ni Cindy no’n, napatingin si Aeron kay Joel na halos kakalabas lang ng pintuan.
“S’werte naman ni Joel.” Nakangisi niyang wika. “Dad, baka p’wede rin akong magkaroon ng personal assistant, gusto ko siya.” Dugtong na wika pa ni Aeron. Nagulat si Cindy na sinabi ni Aeron, nagkatinginan naman ang mag-asawa. Bumalik si Aeron sa upuan niya at nakatingin pa rin kay Cindy na nakatayo. “Biro lang, masyado kasi kayong seryoso eh.” Pagkasabi ni Aeron no’n, nagsimula na siyang kumain.
Ramdam ni Aeron ang maluwag na paghinga ng mag-asawa, maging ang pagbabago sa kilos ni Cindy na kanina ay naiilang. Nagpaalam na si Cindy sa mag-asawa at pati na rin kay Aeron. Napangiti naman si Misis Grace.
“Ingat kayo, iha.” Pahabol na sabi ni Misis Grace.
Pagkalabas ni Cindy, nagulat siya ng makita niya si Joel na nakasandal sa pinto ng Van. ‘Haist… Hindi ko inasahan ang ugali ng gwapong nilalang na ito.’ Wika sa isip ni Cindy habang papalapit kay Joel, “Bakit ho hindi pa kayo pumasok sa loob ng Van?” pagpipigil ni Cindy na magsungit. Dahan-dahan namang itinaas ni Joel ang tingin niya kay Cindy, at saka seryosong tiningnan ito.
“Do your job… Kailangan ko pa bang isa-isahin ang mga kailangan mong gawin bilang isang personal assistant? Alam mo ba talaga ang trabahong pinasok mo?” masungit na tanong nito sa kanya. Napataas naman ang isang kilay ni Cindy sa narinig niya. ‘Haist… ang yabang, grabe!!’ inis niyang bulong.
Lumapit siya sa passenger door ng Van at binuksan iyon. “P’wede ka na pong sumakay, sir.” At yumuko pa nang bahagya si Cindy habang hawak-hawak ang pinto ng Van.
“Good!” at saka tuluyang sumakay.
Sumakay na rin si Cindy sa kabilang side, nagsimula nang mag-drive si manong papunta sa university. Tahimik lang si Joel habang si Cindy naman ay nagpapatugtog ng music gamit ang cellphone niya. Naka-loud speaker siya dahil naiwan niya ang earphone niya sa probinsya niya. Sumasabay pa siya sa pagkanta dahil hilig niya talaga ang magpatugtog at sabayan ang kanta. Pareho silang nasa passenger seat, napapangiti naman ang driver habang pasulyap na tumitingin kay Cindy dahil natuwa siya sa pagbabago ng atmosphere sa loob ng Van. Mas gusto kasi ni Manong Ester na magaang atmosphere hindi katulad nang si Joel lang ang service niya, sobrang tahimik at lungkot sa loob ng Van kaya habang nakikinig ito at nanonood kay Cindy, nag-e-enjoy ito hanggang sa…
“You are so noisy!” Iritableng wika ni Joel. Isinarado niya ang librong binabasa niya. Humarap siya kay Cindy at tumingin ng seryoso. Tumigil naman si Cindy sa pagkanta at in-off ang playlist niya. “If you want to play music and sing, just keep it to yourself, ‘wag mo nang iparinig pa sa lahat. You are so annoying!” Galit niyang sita kay Cindy saka sumandal at pumikit. “At saka, hindi naman maganda ang boses mo… nakakarindi sa tainga, alam mo ba ‘yon?” dugtong pa niyang sabi. Nagulat naman si Manong Ester sa sinabi ni Joel, habang si Cindy naman ay medyo nainis.
“Ang sungit naman!” reklamo ni Cindy. “Dinaig pa babae.” Pabulong niyang dugtong.
“So?” sagot nito nang hindi minumulat ang mata.
Huminga ng malalim si Cindy saka humarap kay Joel na nakasandal at nakapikit pa rin. “May period ka ba?” Pang-aasar na wika ni Cindy. Napamulat ng mata si Joel at tumingin ng matalim sa kanya. Pinipigilan naman ni Manong Ester na matawa sa sinabi ni Cindy.
“What did you say?” galit nitong sabi.
“Wala po sir.” At tumingin siya sa harapan. Napansin niya na nakangiti ang driver. Napangiti na lang din siya ng palihim.
“Masyado mo namang sinasarili ‘yang problema mo.” Dugtong pa niya dahil alam niya na nakatingin pa rin sa kanya si Joel. “Baka mabaliw ka n’yan.” Biro pa niya.
Ramdam ni Cindy ang pagpakawala ng hininga ni Joel. Tumahimik na lang siya at tumingin sa bintana. Napaisip naman si Joel sa huling binitawang salita ni Cindy. May point ito ngunit hindi maiwasan ni Joel na mainis sa dalaga dahil napaka-ingay nito at masayang ginugulo ang tahimik niya buhay.
Nang nakarating na sila sa school. Kinuha na ni Joel ang gamit niya at agad na bumaba. Sumunod naman si Cindy.
“Salamat po manong.” Wika ni Cindy at hinabol si Joel.
Habang naglalakad.
“Hi Joel.” Bati ng isang pasyonistang babae kay Joel ngunit nilagpasan lang niya ito.
“Grabe naman makadedma!” Komento ni Cindy habang sinasabayan si Joel sa paglalakad. “Ikaw na nga itong binati ikaw pa ‘tong dedma. Ano ba naman ‘yong batiin din pabalik ‘no? Hindi naman nakababawas ng kagwapuhan ‘yon, Mister.” Medyo inis na sabi ni Cindy. Napahinto sa paglakad si Joel kaya himinto na rin si Cindy.
“Ang daldal mo.” Wika nito at Seryosong humarap kay Cindy. “Alam mo ba kung anong pinaka-ayaw ko sa lahat?” Lumapit ito kay Cindy, napa-atras naman si Cindy hanggang sa mapasandal siya sa pader. Itinaas ni Cindy ang isa niyang kilay. Ngumisi naman ng pilyo si Joel. “‘Yung katulad mo.” At saka sumeryoso ulit. “Walang kapagod-pagod magsalita.” Saka tumalikod at naglakad. Nakahinga naman ng maluwag si Cindy saka tumawa.
“O’ really?” at hinabol niya ulit si Joel. “Okay lang ‘yan!” Wika ni Cindy. “Ayoko rin naman sayo.” Nakangiti niyang sabi. Napahinto saglit si Joel sa narinig niyang sabi ni Cindy. “Gulat ka?” Pagtatanong ni Cindy dahil sa expression ng mukhang pinakita ni Joel. “Don’t you worry… you are not my type, okay?” Seryoso niyang wika at saka niya ito iniwan.
Napangisi si Joel sa sinabi ni Cindy. Kilala si Joel na heartthrob. Siya ‘yung tipo ng lalaking hindi nire-reject ng sinuman at halos lahat ng kababaihan dito sa campus ay hinahangaan siya ngunit dahil sa narinig niyang sinabi ni Cindy, bigla siyang natauhan. Mukhang ibang klaseng babae ang na-encounter niya.
Nang makarating na si Cindy sa Registration Office,
“Hello po, maam.” Bati niya sa babaeng nasa office. “Magpapa-register po.” Sabi ni Cindy sabay bigay ng card at requirements niya pati ang scholarship grant paper. Biglang dumating si Joel.
“Hello po sir Joel.” Bati ng babaeng nasa office. “Miss, tumabi ka muna.” Utos nito kay Cindy. Napa-usod naman si Cindy at tiningnan niya nang masama si Joel. Tumingin naman muna ng seryoso si Joel kay Cindy bago lumapit sa window ng office. “Sir, magpapa-register po?” tanong ng babae. Napataas na lang bigla ang kilay ni Cindy. Halos lahat ng tao sa labas ng office ay pasimpleng tumitingin kay Joel, naiirita naman si Cindy sa nangyayari. ‘Aba’y VIP.’ Munting tinig pa ni Cindy sa isip niya.
“Here.” Sabay abot ni Joel ng card niya.
“Walang galang!” Bulong ni Cindy na rinig naman ni Joel kaya napangisi ito.