Kabanata 1

1655 Words
HALOS lakad-takbo na ang ginawa ko nang makita ang chat ng mga kaibigan ko sa groupchat namin na kakapasok lang ng first subject professor sa classroom. Ngayong araw kasi ang official start ng school year sa buong campus. Late na naman yata ako gaya ng mga nakaraang first day of school. "Patay ako nito," sabay kamot sa ulo habang mabilis na naglalakad sa corridor. Paliko na sana ako nang may malingunan na bagong mukha dito sa campus. Probably a new student. Kahit malayo pa lang ay alam ko na babae ito dahil sa haba ng itim niyang buhok at suot na uniform. Mukhang transferee lang 'to, matagal niyang tinititigan ang bulletin board kaya naman naisip kong baka naliligaw siya. "Ah, miss," tawag ko sa kanya habang nakatalikod ito. Humarap ito, sabay tingin sa'kin. Natulala ako. Pakiramdam ko nag-slow motion lahat ng nasa paligid ko. Para akong nakakita ng anghel sa ganda niya. "Kuya! Kuya! Hoy!" Tugon nito sa'kin saka ko na lang napansin na kumakaway na ito sa harap ko. Nagulat ako. Hindi ko namalayan na kanina pa pala ako nakatitig sa mukha n'ya. "Sorry. A-ano, ahm, naliligaw ka ba?" Tanong ko sa kanya na tila ba ako'y kinakabahan. "Ay oo, transferee kasi ako dito. Alam mo ba kung saan ‘yung building ng Business Management na course?" Tanong n'ya sa'kin saka sinulyapan ang maliit na form na hawak at hinarap sa ‘kin. “Tignan mo, sabi kasi ito ang section ko,” "Doon sa a-ano..." sabay turo sa katapat ng building kung nasaan ang sa course ko. "Ay gano'n ba, salamat ha!" Tugon nito at nagmamadaling umalis. Naiwan akong nakatitig sa kanyang pag-alis, nanginginig pa rin ang kamay - namamasa ito. Namalayan ko na lang na may tumawag sa'king likuran. "Pare! Dos! Ginagawa mo d'yan, anong oras na," sigaw sa'kin ng bestfriend ko simula elementary na si Aldrin. "Pre, nakita mo ba 'yung babaeng kausap ko?" Tanong ko sa kanya. "Hindi e, sino ba 'yon?" Sa tanong ni Aldrin na 'yon ay doon ko napagtanto na ang tanga ko. Hindi ko man lang natanong ang pangalan ng babaeng 'yon. "Wala, tara na't late na tayo sa klase," sagot ko sa kanya na nagmamadali. LUMIPAS ang ilang oras, puro introduction lang naman sa bawat subject dahil unang araw pa lang kaya wala masyadong ginawa. Kaya pagkatapos ng mga klase, noong araw din na 'yon ay na-busy lahat sa pagpili ng kani-kanilang club na gustong pasukan. Ako naman dumiretso na ‘ko sa ground floor kasama ang mga member ng club kung sa’n ako kasali, ako kasi ang president ng Poem-Writing Club sa school namin kaya busy sa pamimigay ng flyers. Maraming freshmen kaya naman marami ring naging interesado sa club namin, naging mas abala kami ng mga members ko nang maglabasan ang mga student mula sa building ng Business Management. Patingin-tingin tuloy ako sa paligid. Hanggang sa nakita ko ulit s'ya. "A-ah, miss," sabay abot ng flyers na hawak ko. Nang mapansin niya ako ay agad na napayuko ako sa hiya. “Hi,” "Uy! Hi!” bati niya pabalik nang mukhang maalala ako. “Thank you nga pala sa help mo kaninang umaga," nakangiting sabi nito sa'kin habang inaabot ang flyers na inalok ko. "A-ayon ba, wala 'yon!" Tugon ko sa kan'ya. Nagbaba ito ng tingin sa flyer saka binasa ‘yon. “Poem-Writing Club, nice. Marami akong friends na mahilig sa ganito, pwede ko silang ayain sa club mo. By the way, ano nga palang pangalan mo?" Tanong nito sa'kin. "A-ah, Dos na lang! Ay Mark pala, Mark Cruz pangalan ko, 2nd year na din ako ta's Fine arts course ko," sagot ko na tila ba'y nagpapanic kung ano ang sasabihin. Gusto ko talaga siya makilala. “Fine Arts? Dito ka sa building na ‘to, right?” turo niya sa building namin na tinanguan ko. “Fine Arts is a nice course,” Ngumiti ako sa kanya. Forte ko kasi ang pagsulat ng tula at hilig ko rin ang art. Mapa-kanta o mapa-guhit man 'yan. Kaya kumuha ako ng kursong Fine Arts para mapaunlad pa ang kakayahan ko. “Ano pala ang pangalan mo?” nahihiyang tanong ko sa kanya. “Patricia Manalo, they call me Pat as a nickname. 2nd year na rin ako and Business Management ang course ko. "Nice to meet you!" Bati nito sa'kin. "Nice to meet you too, Pat!" Tugon ko sa kan'ya. "Oo nga pala, ang layo naman ng Dos sa Mark," dagdag pa nito na mukhang naguguluhan. "Ah dahil kasi 'yan sa Jr., kumbaga ako 'yung pangalawang Mark sa pamilya namin kaya naging Dos ang palayaw ko," paliwanag ko sa kan'ya. "Ah gets ko na, ang astig naman!" Namanghang tugon nito sa'kin. “Sige mauna na ‘ko, Dos! See you around!” Nakangiting kumaway siya sa ‘kin habang ako naman naiwang nakatulala sa kanya. Nakangiti rin na nagbigay ako ng mga flyers buong araw, ang saya ko kahit papaano ay magkakilala na kami. KINABUKASAN ay maaga na akong pumasok sa school, umaasa na magkikita kami ulit ni Pat kahit na hindi ko naman alam ang schedule niya. "Dos! Ang aga mo yata ah? May lagnat ka ba?" Sabay kapa ng nagbibirong si Aldrin sa aking leeg. "Tado! Bawal ba magbagong buhay?" Sagot ko sa pang-aalaska nito. "May sinisilayan ka 'no? Sino, 'yung babaeng kausap mo no'ng Club and Organization Day?" Pangungulit nito. Natawa ako sa tinanong niya, wala talaga akong takas sa bestfriend ko na ‘to kahit kailan eh. "Shhh! Andyan na si sir, manahimik ka na!" Sagot ko dito nang tumigil para lang tumigil sa pang-aalaska. Nag-uumpisa na ng klase ang aming professor, panay rin ang silip ko sa oras kung kailan matatapos ang subject. Gusto ko sanang tumambay kami malapit sa building ng Business Management, baka sakaling makita ko ulit si Pat. Ilang minuto pa lang ang lumilipas, matutulog na lang sana ako sa desk dahil sa pagkabagot at antok nang may kumatok sa pinto. “I’m sorry for being late, sir,” nahihiyang sabi nito saka nakilala ko kung sino siya. Si Pat! Dito rin ba ang room niya? “Pumasok ka na, Miss Manalo. Irregular ka ba?” “Napuno lang po ‘yung schedule ng minor subjects sa course ko po kaya nilagay po ako sa section ng Fine Arts.” Magalang na sagot niya saka naupo sa bakanteng upuan sa harapan ng row ng kinauupuan naming magkakaibigan. Ang ngiti ko'y tila umaabot na sa aking mga tenga sa saya. Sa isip ko no'n ay buti nalang at and'yan ang subject na P.E. Siguro ito na ang pagkakataon ko upang mapalapit kay Pat nang husto kahit na torpe ako ay idaraan ko nalang sa tugmaan ito. "Dos, ayon 'yung crush mo ‘di ba?" Pang-aasar sa'kin ni Aldrin. "Ay 'yon ba 'yon? Ang ganda pre ah! Ate, crush ka raw nito oh!" Pang-aasar pa sa'kin ng kolokoy na si Von. "Hoy! Mga baliw talaga kayo, 'wag kayo maingay!" Pabulong kong sabi sa kanila. Nagtawanan sila habang ako buong oras yata ng klase ay panay ang sulyap ko sa kanya, hindi pa rin niya napapansin na magkaklase kami. Nahihiya naman akong lumapit lalo na’t mahilig mang-alaska ang mga kaibigan ko. 'Pag dating sa bahay, nang wala na ‘kong gagawin na iba ay naisip kong gumawa na lang ng tula para kay Pat, naghanap ako ng malinis na yellow paper. Nag-isip ng babagay sa kan'ya na salita. Kinabukasan ay maaga ulit akong nagising at nag-asikaso. Iningatan ko na 'di malukot ang papel kung sa’n nakasulat ang alay ko sa kan'yang tula. Nakita namin s'ya no'n ni Aldrin at Von sa may canteen, kumakain nang mag-isa. "Dos, ‘yung crush mo nag-iisa, tabihan mo na!" Pang-aasar na naman sa'kin ng mga kolokoy. "Pre nakakahiya! 'Wag kayo manulak hoy!" Pigil ko sa dalawa kong kaibigan na pilit ako nilalapit kay Pat. Ang bilis ng pangyayari, 'di ko namalayan na naitulak na nila ako at nakaupo na katabi ni Pat. Wala na ‘kong nagawa kundi sumunod na lang kaysa mapansin pa sila ni Pat sa pang-aasar sa ‘kin. "Uy! Dos, right? Kumusta?" pangangamusta nito sa'kin nang mapansin ako. "Hi. Pwede sumabay?” nahihiyang sabi ko saka hinawakan ang kutsara at plato na bitbit kanina. “Sure! Ang awkward nga kanina pa, wala ‘kong kasama. Lahat pala rito may circle of friends na,” nakalabing wika niya saka ngumiti. “Palagi mo na ‘ko sabayan kumain! Ikaw lang ang kilala ko rito eh,” “G-Ganoon ba? Oo naman, sige, walang problema.” “Siya nga pala, magkaklase tayo sa minor subject! Dismissal na no’ng napansin kong nandoon ka rin,” natatawang sabi niya. “Ah, oo sa P.E. yata 'yon," maang-maangan kong sagot. "Wala ka rin bang kasabay kumain?" Tanong nito sa'kin. "Hindi, I mean oo.” Kamot-ulong sagot ko saka nag-ipon ng lakas ng loob para sa susunod na sasabihin. Habang kumakain ay nagkaro’n kami ng maikling kwentuhan, kahit papaano ay naging komportable na ‘ko na kausap siya. Panay rin kasi ang kwento nito sa mga bagay-bagay patungkol sa course niya, panay rin ang tanong patungkol sa arts kaya naman nagkaro’n kami ng mapag-uusapan. “May gusto nga pala akong ibigay sa'yo," sabay abot ng kapirasong yellow paper na may tula sa kanya pagkatapos naming kumain. Bago pa man siya makapagsalita ay mabilis na nagpaalam na ‘ko. Mula sa malayo ay tinanaw ko ang magiging reaksyon niya pagkabukas ng papel. Kinakabahan pa nga ‘ko habang nakasilip mula sa pintuan ng cafeteria. Nang makita kong napangiti si Pat habang nagbabasa ay napangiti rin ako. Malawak na ngiti. Naalala ko pa ang sinulat ko ro’n para sa kanya... Unang Tula June 09, 2016 I think I shall never see, a line as lovely as the line where the sky meet the sea, until I saw your kilay. Itutuloy...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD