Chapter 2

1538 Words
CHAPTER 2 Nakatulog ako sa matinding pag-iyak ko. Naalimpungatan lang nang biglang may magbukas ng ilaw sa kwarto ko. Hindi ko pa man din nagagawang imulat ang mga mata ay bumuhos na sa pagmumukha ko ang malamig na tubig. Rason iyon nang pagkakagising ng diwa ko. Kaagad akong napaahon sa pagkakahiga, animo'y nalunod at ngayon lang nagkaroon ng pagkakataong makahinga. Lumarawan sa nanlalabong paningin ko ang pigura ni Mommy habang habol-habol ko pa ang hininga. "Hindi ka na talaga nagtanda, ano? Ano ba naman at sinabi kong huwag kang lalabas, lalo at may bisita?!" malakas na singhal ni Mommy, kitang-kita ko ang namumula niyang leeg at galit na galit ang kaniyang itsura. "Ganiyan ka ba talaga? Dahil alam mong may bisita, kaya ka nagpapapansin?" Napakurap-kurap ako. Hindi ko na nagawang punasan ang mukha ko, o kahit ang gumalaw. Maang akong napatitig sa mukha ni Mommy. Hawak niya ang isang pitsel na wala nang laman. Ilang beses ko na siyang nakitang galit, ilang beses na ring nangyari ang ganitong eksena sa basement. Dapat ay sanay na ako, pero bakit ganoon at palagi pa rin akong nagugulat sa mga ginagawa niya? Bakit kabalikat pa rin nito ay ang pagtulo ng mga luha ko? "May bisita man o wala, hindi ka dapat lumalabas dito sa kwarto mo! Ang tagal ko nang sinabi iyon sa 'yo, hindi ba? Kulang ka ba sa atensyon?" Oo. Kulang na kulang. Sa aruga? Oo. Ano pa? Sa pagmamahal? Sobrang kulang. Marahas na bumuntonghininga si Mommy. "For Pete's sake, Ada! Kamamatay lang ni Ava! Pagpahingahin mo naman ako! Gusto ko pang magdalamhati! Pero ano itong ginagawa mo, huh?! Palagi kang naghahanap ng ikagagalit ko at ngayon ay iiyak ka? Nagmamakaawa ka?" Pinigil ko ang sarili na humikbi. Nanlalamig man dala ng nabasa kong katawan, pero seryoso kong tinatanggap ang bawat galit ni Mommy. Sa inis pa niya ay naibato nito ang pitsel na gawa rin sa salamin. Nabasag iyon at nagkalat ang pira-piraso nito sa sahig ng basement. Nanginig ako sa pinaghalong lamig at takot Sa uri ng tingin ni Mommy ngayon ay para niya akong pinapatay. At kung totoo man na nakamamatay nga ang masamang tingin, siguro ay matagal na siyang masaya at nawala ako. Baka nauna pa ako kaysa kay Ava Constance. "Bukas, nandito ulit ang pamilyang Iverson, kapag nagawa mo pa ulit na lumabas ay malilintikan ka na sa akin! Naiintindihan mo ba ako, Ada?!" sigaw niya at pinanlalakihan niya ako ng mata. "O—opo," utal kong sagot. "Fvck! Bakit ba kasi hinayaan pa kitang mabuhay?" bulong-bulong niya pagkatapos niya akong talikuran, deretso siyang naglakad palabas ng kwarto ko at padabog niyang isinarado ang pinto. Samantala ay literal na natuod ako dahil sa narinig kong iyon. Natulala ako sa kawalan at muli, sa paulit-ulit na nangyayari ay nakatulugan ko na lang ang pag-iyak ko. Kinabukasan ay nagising akong namumugto ang mga mata. Wala namang bago kaya nagpatuloy na lang ulit ako sa buhay ko. Hindi ko nga alam kung bakit ko pa ba kinakaya na mabuhay pa. Bakit hindi na lang ako magpakamatay? Baka sa ganoong paraan, doon nila tuluyang ma-appreciate ang presensya ko. Iyong pinapangarap kong iyakan ako nina Mommy at Daddy, ang yakapin ako at ang kalungkutan nila sa pagkawala ko. Ewan ko rin. Bakit hindi pa ako nadadala. Siguro dahil umaasa pa rin ako, na kapag nangyari ang bagay na iyon, saka ko tatanggapin na pwede na akong mamatay. Kasi gusto ko... kahit isang beses man lang sa tanang buhay ko ay maranasan ko iyon. Doon ay masasabi kong pwede na talaga akong mamahinga. Masaya at nakangiti pa akong mamamatay. Ngunit ano na ba ang napatunayan ko maliban sa mga medal at diploma na nakasabit sa dingding ng kwarto ko? Tiningala ko ang mga iyon. Naroon din ang ilang award ko galing sa iba't-ibang contest na sinalihan ko. May ilan akong trophy na naka-display, mga litrato magmula graduation ko noong kinder hanggang kolehiyo. Puro mukha ko lang iyon. Kung may family picture man ang pamilyang Valentino, wala ako roon. Isang sikat na fashion designer si Mommy, may sarili siyang Fashion Gallery sa iba't-ibang high-end malls. Si Daddy naman ay isa ring sikat na business tycoon na pinapamalakad ang business na life insurance at homebuilders. Si Ava ay sumusunod sa yapak ni Mommy at isa namang modelo. Kalat ang mukha ni Ava, lumalabas siya sa mga TV commercials, sa mga billboard, maging sa mga magazines. Minsan na rin siyang nakasama sa Paris Fashion Week kasama ni Mommy bilang personal designer niya. Kaya ngayon na nawala si Ava, malamang na lahat ng tao ay nagluluksa, lahat ay iniiyakan siya at pinanghihinayangan. Siguro rin ay kabi-kabilaan ang balita patungkol sa kaniya, dinudumog na marahil ang bahay namin ng mga reporters. Kaya ang paglabas ko ay isang malaking kasalanan. Iniisip ko na lang minsan na para rin sa akin ito. Kasi ano nga naman ang iisipin ng ibang tao kapag nalaman nilang nag-e-exist ako? Syempre lahat ay magugulat. May iba na malamang ay hindi ako matatanggap. Kaya okay na siguro ito, na nandito lang ako sa dilim at nagtatago. Lumabas ako ng kwarto upang hanapin si Cali. Malaki itong basement ng mansyon, para na ring isang bahay. Iyon nga lang ay madilim at hindi nasisikatan ng araw, kulob din at bawat yapag ay naririnig. "Cali?" mahinang pagtawag ko rito, palinga-linga ako, ilang ikot pa ang ginawa ko ngunit hindi ko siya makita. Nag-angat ako ng tingin sa pintuan palabas nitong basement. Oras na lumabas ako ay siguradong lagot na naman ako nito kay Mommy. Ngunit sa katotohanang nawawala si Cali ay hindi ko mapigilan ang sarili. Paano kung kinuha siya ni Mommy? Hindi hamak na ipapalabas niya iyon ng bahay at ipapatapon sa kung saan. Napasinghap ako. Sa pagkataranta ko ay mabilis kong inakyat ang hagdan, pero nakakailang hakbang pa lang ako nang bigla rin akong matigilan. Kaagad kong tiningala ang siyang pumasok sa basement. "Nandito ang cellar niyo, hindi ba?" baritonong boses ni Fabian habang nakadungaw sa akin. Nakahawak siya sa railings ng hagdan, ang isang paa ay nakatigil sa ere at mukhang nahinto rin nang makita ako. Nangunot ang noo ko at wala sa sarili nang umatras ako upang ibigay sa kaniya ang daan. Deretso naman siyang bumaba hanggang sa nasa harapan ko na ito. Muli akong umatras para bigyan ng espasyo ang gitna namin. Para akong naputulan ng dila at hindi ko magawang makapagsalita. Nagkita kami kahapon, pero ngayon na nasa harap ko ito ay ngayon ko pa lang din siya nakita nang malapitan. Ngayon ko nalaman kung gaano siya katangkad na umabot lang ako hanggang dibdib niya. Ngayon ko lang din natanto na maganda ang taste ni Ava pagdating sa lalaki. Hindi ako magsisinungaling at tunay na may itsura itong si Fabian, gwapo, para siyang isang pigura ng lalaking successful sa buhay. Matipuno ang katawan, maganda ang tindig, mabango at tipong artistahin ang dating. Hindi naman nakapagtataka, ang pamilya ko ay kabilang sa may matataas na estado ng buhay, hindi rin hamak na pipiliin ni Ava ang lalaking kapareho niya ng pamumuhay. Hindi rin makikisalamuha sina Mommy at Daddy sa pamilya ni Fabian kung hindi. Lalong hindi papayag si Mommy na makasal si Ava kay Fabian kung hindi nito ka-level. Napansin ko ang mariing paninitig ni Fabian sa akin dahilan para umawang ang labi ko. Saglit na nanlaki ang mga mata ko, kalaunan ay malakas akong tumikhim nang mabalik sa ulirat. Itinaas ko ang isang kamay ko at itinuro ang kabilang dulo. "Na—naroon ang cellar," wika ko, tinalunton ng tingin ni Fabian ang kahabaan ng kamay at daliri ko kung saan ako nakaturo. Kumibot ang kaniyang labi bago marahang tumango. Hindi na siya nagsalita, bagkus ay nilampasan lang niya ako. Sinundan ko ito ng tingin at nakitang pumasok sa isang pinto, kwarto iyon para sa imbakan ng mga wine na inuuwi ni Daddy galing abroad. Hindi ko na tinangkang sundan pa si Fabian sa cellar. Para lang akong timang na hinihintay siyang matapos. At halos masamid pa ako nang lumabas ito, dala niya ang dalawang bote ng wine. Kaagad akong nag-iwas ng tingin. "What's more tasty here?" casual niyang tanong na hindi ko alam kung sino ba ang kausap. "Yeah, I'm talking to you." Mayamaya nang huminto siya sa gilid ko kaya napapitlag ako. Dahan-dahan nang tingalain ko ito. Napakurap-kurap pa dahil ako nga ang kausap niya. Wala namang iba at kami lang ang nandito. "Hindi ko alam..." Wala naman akong ideya sa mga lasa niyan. "All right. Kunin ko na lang itong dalawa," aniya at simpleng ngumisi. Hindi na ako magtatanong kung bakit nandito siya sa bahay kasama ang pamilya niya, siguro ay nagdadamayan pa rin silang lahat sa pagkawala ni Ava. "Condolence nga pala... Fa—Fabian..." Natigilan si Fabian at tinitigan ako. Isang hakbang ang ginawa niya palapit sa akin ay halos tumiklop ang katawan ko. "Did you wish for it?" normal lang na boses, pero ang lakas ng naging epekto sa buong pagkatao ko. Kinabahan ako. "H—huh? Hindi! Hindi—" "Condolence rin," wika niya na nagpatigil sa akin. "Higit sa lahat ng nasasaktan, alam kong... ikaw iyon." Wala na akong naging imik. Hinayaan ko na ring magpatuloy si Fabian sa kaniyang paglalakad dahil lintik itong puso ko, ang lakas ng kabog.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD