Prologue

1521 Words
PROLOGUE Hindi ko alam kung normal lang ba na sa isang pamilya ay mayroong natatawag na outcast. Hindi ko alam kung normal din ba na sa grupo ng magkakapatid ay mayroon doon ang nag-iisang hindi tanggap. Iyon bang pilit na itinatago at ikinakahiya sa publiko? Anak din ako ng pamilyang Valentino bilang panganay. Pero ako iyong tipo ng anak nila na hindi kilala ng lahat. O mas magandang sabihin na hindi paborito. Nakakatawa. At the same time, nakakagalit. Ngunit lalong nakakalungkot. Halu-halong emosyon, pero ano nga ba ang magagawa ng emosyon ko? Ano mang boses ang ilabas ko, kailan man ay hindi iyon pinakinggan. Ni isang beses sa tanang buhay ko bilang anak ng mga Valentino, walang pumanig sa akin. Kahit mga laruan noong bata kami, ako palagi ang walang nakukuha. Kailangan ko pang magmakaawa at lumuhod sa kanila na bilhan ako ng ganito at ganiyan. Madalas pa nga ay talagang wala silang pakialam sa akin. Kaya ano man ang iyak ko sa harapan nilang mag-asawa, umiyak man ako ng dugo, wala rin akong napapala. Hindi ako ganoon kaimportante para pagtuunan ng pansin. Kaligayahan ko ay wala lang sa kanila. Naalala ko pa, tuwing darating ang kaarawan ko, na halos kasabay lang ng kaarawan ng kapatid ko, nakakulong lang ako sa kwarto habang lahat sila ay nagsasaya sa labas at ipinagdiriwang ang mahalagang selebrasyon. Lumipas ang kaarawan ko na walang bumabati sa akin, walang yumayakap at walang nangangamusta. Kahit iyon na lang sana, kahit hindi na magarbong regalo at wala nang maraming handa. Iyong yakapin na lang sana ako, halikan, kahit simpleng pagbati lang, gano'n. Bukod sa espesyal na araw katulad ng kaarawan ko, wala rin sila noong nagtapos ako ng elementary, high school, senior high, at college. Kaya lahat ng litrato ko noon ay madalas akong mag-isa. Kahit noong recognition day dahil sa mataas kong marka, palagi rin akong top student, pero kailan man ay hindi sila nagsayang ng panahon para puntahan ako, para samahan ako. Maging sa mga PTA meeting, wala sila. Nakilala na nga ako sa school namin na walang magulang. Halos lahat ng teacher ko ay kaawaan ako. Akala pa nga ng iba ay ulila ako at naging tampulan pa ng tukso ng mga kaklase at mga kaedad ko. Iyon din siguro ang dahilan kung bakit mas nababagay ako na itago sa dilim. Kasi wala namang espesyal sa akin, hindi naman ako mahalaga. Kumpara sa kapatid ko, siya ang mas nabibigyan ng atensyon. Magkaiba kami ng school na pinasukan, hindi naman lingid sa kaalaman ko na sadya iyon ng magulang ko. At lahat ng araw na kailangan ang magulang, naroon sila at palaging present. Tuwang-tuwa sila na kahit hindi katalinuhan ang kapatid ko, siya pa rin ang mas nabibigyan ng special award. Palagi silang kumakain sa labas at namamasyal, tini-treat ang kapatid ko dahil sumabit pa sa pasang-awa ang marka niya sa school. Uuwi sila sa bahay na masaya. Habang ako ay hinihintay sila, naghahangad na sana ay ako rin. Sana ganoon din ako. Sana mahal din nila ako. Sana ako na lang si Ava Constance... Pumatak ang butil ng luha sa aking pisngi, kasabay nang malakas na hagulhulan sa paligid. Napakurap-kurap ako. Marahan kong pinasadahan ng tingin ang kabuuang lugar kung nasaan kami. Naroon sila sa gitna ng isang Memorial Park. Nasa lilim ng malaking tent at nasa gitna ang isang hukay at kabaong. "Ava!" umiiyak na sigaw ni Mommy habang yakap-yakap ang puting kabaong kung saan naroon si Ava— ang kaisa-isahang kapatid ko. "Ava! Please! Wake up!" "Emily, stop. Let go of her," ani Daddy at marahang inilalayo si Mommy upang tuluyan ng bumaba ang kabaong sa hinukay na lupa, umiiyak din siya at bakas sa mukha ang labis na kalungkutan. "No, Theo! Paano na ako? Paano ako ngayon? She's all that I have! What should I do?! Ang anak ko!" hiyaw ulit ni Mommy at umiyak pa nang mas malakas. Muling tumulo ang luha mula sa mga mata ko, hindi dahil sa katotohanang namatay ang kapatid ko. Kung 'di dahil sa sakit na naipon na narito pa rin sa puso ko, na palaging nagti-trigger kapag nakaririnig ako ng mga ganoong salita. Si Ava lang ang mayroon siya? Ano ako? Display? Hindi rin. Never naman akong ibinalandra, tinalo ko pa iyong flower vase sa sala. Saan dapat ako lumugar? Saan ba dapat ako nararapat? Saan?? Sunud-sunod na bumuhos ang luha ko. Tahimik akong umiiyak habang nakatayo sa hindi kalayuan. Nababalot ng kulay itim na tela ang ulo ko, takot na baka may makakita sa aking mukha— mas takot na mamukhaan ako nila Mommy at Daddy. Dapat ay nasa bahay lang ako, iyon ang mahigpit na habilin nila. Bawal akong magpunta rito at makita ng ibang kamag-anak. Bantay-sarado ako ng kasambahay namin. Nakakuha lang ako ng pagkakataon na tumakas kanina. Ngunit masama ba na sa huling sandali ay masilayan ko man lang si Ava? Kapatid ko siya at kahit na anong inggit ko sa kaniya noon, hindi ako nagalit sa kaniya. Kailan man ay hindi ko siya sinaktan. Hindi ako nagkaroon ng sapat na rason para ipahamak siya, kahit pa ano mang tulak niya sa akin palayo. Siya iyon— siya ang mas nanakit sa akin. Isa siya sa mga naging bully ko noon, na bukod kay Mommy at Daddy, sa kaniya ako nakatatanggap ng mga masasakit na salita, sampal at sabunot. Lahat ng sakit na idinulot niya sa akin ay hindi ko ginawang dahilan para bawian siya. Tinanggap ko iyon lahat-lahat. Kasi naisip ko, ano man din ang sumbong ko kina Mommy at Daddy, siya pa rin ang mas papanigan. Saktan ko man siya, doble ang magiging balik nito sa akin. Kaya ngayon, hindi ko na rin alam kung umiiyak ba ako sa pagkamatay niya, o dahil sa katotohanang naging malaya na ako sa kaniya? Hindi ko mawari. Masama na ba ako para makaramdam ng ginhawa? Nakagat ko ang pang-ibabang labi, bumuntonghininga rin. Bago pa man din ako maabutan ng tingin doon ay minabuti ko nang tumalikod. Mahigpit kong hinawakan ang tela upang hindi maisama sa malakas na hanging bumubulusok sa lugar na iyon. Mabilis ang lakad ko, natatakot na hindi lang pagdadalamhati ang makikita ko kay Mommy at Daddy mamayang pag-uwi nila. Paniguradong galit din at pagkamuhi sa akin. Malamang nga ay nasa isipan nila na sana ako na lang iyong namatay at hindi si Ava Constance. Kung ganoon nga marahil, hindi sila iiyak, walang dadalo sa lamay at libing ko. Walang magsasayang ng oras para bisitahin ako sa tuwing death anniversary ko. Hanggang sa mabaon na lang siguro ako sa limot. Nang makarating sa kalsada ay kaagad akong nagpara ng taxi. May huminto naman, pero mabilis pa sa kidlat na may humawak sa aking siko at marahas na ipinaharap sa kaniya. Literal na lumuwa ang mga mata ko nang makita ang isang lalaki. "Fabian!" tili ko nang kaladkarin niya ako upang itabi sa gutter, pinaalis nito ang taxi dahilan para mataranta ako. "What are you doing here?" madiin niyang sinabi, para bang isang malaking kasalanan na nagpakita pa ako rito. Umahon ang kakaibang takot sa dibdib ko. "Uuwi na ako... hu—huwag mo na lang sabihin kina Mommy at Daddy. Please..." Nagtagis ang bagang niya. Kitang-kita ko iyon. Saglit siyang lumingon sa pinanggalingan niya. Mayamaya nang balingan niya ulit ako, ngayon ay mas dumoble ang galit sa mga mata niya. Fabian Ambrose Iverson. Ang fiancé ni Ava— ang dapat na pakakasalan niya sa susunod na buwan. Bukod sa pamilya ko, isa si Fabian sa nakakakilala sa akin. Alam niya kung ano ako sa pamilyang Valentino. Kaya malamang ay ganito na lamang din ang galit niya sa akin. Hindi na kataka-taka at ganito siya ngayon. "Hindi ko naman balak na magtagal dito, gusto ko lang talagang makita si Ava sa huling libing niya, kahit na sa malayo lang. Pero uuwi rin naman ako... uuwi na ako. Please, huwag mo na akong isumbong kina Mommy..." mahinang pahayag ko, kapagkuwan ay pilit na kumakawala sa kaniyang hawak, nangingilid pa ang luha sa parehong mata ko. "You better, Ada Clementine." Sa matigas at baritono niyang boses ay halos manlamig ako, tila nayanig ang mundo ko at napaatras pa nang marahas niya akong bitawan. "You'd better hide where everyone won't see you." Kamuntikan pa akong mawalan ng balanse nang sabay na mangatog ang dalawang tuhod ko dahil sa sobrang panghihina ko. Mayamaya pa nang magpara ito nang may makitang taxi sa likuran ko. Kaagad itong huminto at siya na rin ang nagbukas ng pinto mula sa back seat. Kinausap niya ang driver sa harapan. Bumuka ang labi niya ngunit tila wala akong naririnig. Nakatulala lang ako sa kaniya. Kalaunan nang balikan niya ako ng tingin. Matagal niya akong tinitigan, animo'y pinag-aaralan. "You better go," pinal niyang saad bago ako tuluyang tinalikuran. Mabibigat ang mga yabag niya nang maglakad siya palayo at pabalik sa loob ng sementeryo. Tinanaw ko naman ang pigura niya, na kahit nakatalikod siya ay ramdam ko ang galit niya. Napasinghap ako sa hangin. Hindi ko alam kung paano pa ako nakauwi sa ganoong lagay, basta pagkauwi ko ay ikinulong ko nga ang sarili sa basement kung nasaan ang naturingang kwarto ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD