Hindi ko alam kung ilang oras na akong tulala sa kisame ng aking kwarto habang nagpapaulit-ulit sa aking tenga ang sinabi ni Sir Mavi kanina. Para na akong tanga. Ngingiti, malulungkot, matatakot, tapos ngingiti na naman. Paulit-ulit na lang.
Parang may kung ano sa loob ko ang natutuwa dahil sa sinabi niya. Sino bang hindi? Kung kelan naamin ko sa sariling gusto ko siya at inakalang hindi matutugunan itong nararamdaman ko para sa kanya ay saka naman siya umamin. Pero sa tuwing gugustuhin kong maging masaya ay saka naman sumusulpot ang ibang bagay sa isip ko at agad na pinapatay ang pakiramdam kong iyon.
Anong sasabihin ko sa kanya? Anong isasagot ko? Kapag sinabi kong gusto ko rin siya, ano nang mangyayari sa aming dalawa? Tapos nandiyan pa si Ube na nagbabalat-kayong kabute dahil sulpot ng sulpot.
Tapos si nanay . . . Pakiramdam ko ay hindi ko dapat nararamdaman 'to habang naroon sina nanay at ate, patuloy na hinaharap ang hirap ng buhay. 'Di ba ikaw na nga ang nagsabi, Ida? Na trabaho ang ipinunta mo rito at hindi lalake?
Hay, buhay!
Nariyan din si Sir Vander . . . Hindi ko nga sinagot 'yung pagtatapat niya tapos may sasagutin naman akong iba?
'Ayy, anong sasagutin ha? Nililigawan ka gurl?'
Napangiwi ako.
Oo nga naman. Ano nga naman palang sasagutin ko eh hindi naman ako nililigiwan nung gwapo este, nung tao.
Muntik pa akong atakihin sa gulat nang tumunog ang alarm clock ng cellphone ko. Napahawak ako sa aking dibdib at handa nang magsambit ng ilang mura, buti na lang at napigilan ko ang aking sarili. Ini-off ko ang alarm at muling ibinagsak ang sarili sa kama. Sinubukan kong matulog muli pero hindi na talaga ako dinalaw ng antok. Bahala na mamaya. Sigurado ako malaki na 'tong eyebags ko at kaya nang mailagay rito si Ube, tss.
Bumangon ako ng higaan at nag-inat-inat. Syempre, hindi na nga sexy, hindi pa mag-i-stretching 'di ba?
Itinali ko ang aking buhok at saka ako nag-init ng tubig na pantimpla ng kape. Habang naghihintay ay inabala ko ang aking cellphone. Puro candy crush lang naman ang inaatupag ko rito eh. Gusto ko sanang buksan ang nga dating social media account ko pero natatakot akong puro pambabash lang ang makita ko roon. Ilang buwan na ang lumipas mula nang kumalat ang video'ng 'yon ni Jake pero alam ko namang hindi basta-basta nakakalimot ang tao. Lalo na 'yung mga keyboard warriors na wala yatang magawa sa buhay kaya pinaglalaanan ng oras ang ibang tao.
Nang mabagot sa paglalaro ay nagpadala na lang ako ng mensahe kay Eva. Alas-singko pa lang ng umaga kaya't malamang ay tulog pa 'yon pero gano'n pa man ay tinext ko pa rin siya.
"Eva, magpapadala ako ng pera mamaya. Makikisuyo sana ako kung pwedeng pakibilhan na lang si nanay ng mga gamot niya. Kay nanay mo na rin i-diretso ang pera at 'wag mo na kang ipakita kay ate. Alam mo naman 'yon. Baka magastos niya agad 'yung pera eh."
Matapos maisend ay sakto namang kumulo ang iniinit kong tubig. Nagtimpla ako ng kape upang mainitan ang aking tiyan at matapos ubusin iyon ay saka na ako nagpasyang maligo. Saktong alas-sais na nang matapos ako.
Inumpisahan kong trabahuhin ang linisin sa loob ng bahay. Madali ko lang naman natatapos ang gawaing iyon kaya't hindi rin ako nagtagal at sa labas naman ang sinunod ko. Pumasok lang ako nang may marinig na ingay sa loob.
Mukhang may gising na sa kanila.
Tinapos ko muna ang paglilinis saka na ako pumasok ng bahay.
Sa dining area na katapat ng salas ay naabutan ko si Sir Mavi na abala na sa pagsimsim ng kape. Dahan-dahan akong naglakad papasok habang pinagmamasdan ang kanyang side profile. Talagang napaka-gwapo niya. Ang kanyang katawan ay hindi gano'ng kalakihan pero agad na mababakas sa kanya na mahilig siyang mag-work out dahil sa nagpi-flex niyang mga muscles. Hindi ko naman iyon madalas mapansin sa ibang lalake, pero pagdating sa kanya ay kulang na lang ay mamemorya ko iyon. Unang tingin pa lang ay makikita mo na agad sa kanya na malakas siya. Para siyang bagyo na tipong kahit ano yatang madaanan niya ay kaya niyang sirain kung gugustuhin man niya.
Heto na naman ang kalabog ng puso ko. Ngayon pa lang ay gusto ko nang kumaripas ng takbo papalayo sa kanya sa tuwing naaalala ang sinabi niya sa akin kagabi, pero alam kong hindi ko iyon magagawa dahil magkikita at magkikita talaga kami sa pamamahay niya. Wala akong takas.
Pagkapasok ay siya namang pagharap niya sa akin. Agad akong napalunok nang padaanin niya ang dila sa kanyang labi upang sipsipin ang natikmang kape saka siya nag-angat ng tingin sa akin.
"Good morning po, sir . . ." mahinang bati ko sa kanya.
Ilang segundo siyang tumitig sa 'kin bago nag-iwas ng tingin.
Tumikhim siya saka tumango.
"G'morning." Tipid niyang sagot.
Mainit naman ang kapeng sinisimsim niya pero mas malamig pa yata sa aircon ng bahay ang boses niya. Iniiwasan niya rin ang paningin ko. Ilang segundo lang ay tumayo siya at walang sabi-sabing lumabas ng dining area.
Napakurap ako.
Sinundan ko ang daang nilabasan niya at napabuntong-hininga.
Parang may kung anong kumirot sa puso ko matapos niya akong iwasan. At parang bumbilya ay parang bigla na lang akong nagising sa isang kahibangan.
'Lasing siya kagabi, Ida. Wala siyang naaalala sa sinabi niya. O baka naman, wala talaga iyong katotohanan at nasabi niya lang dahil sa impluwensya ng alak . . .'
Sarkastiko akong natawa. Umagang-umaga pero nalalasahan ko agad ang pait sa dila ko.
Sinipa ko na lamang ang mga isiping iyon at nagluto na lamang ng agahan. Laking pasasalamat ko at hindi iyon nasunog dahil sa dami ng bumubulabog sa utak ko.
Nagtatalo ang isip at puso ko kung pupuntahan ko ba si Sir Mavi o iiwas na lang kagaya ng ipinangako sa aking sarili? Pero sa huli ay mas nanaig ang damdamin ko. Hindi ako mapapalagay kung hindi ko malalaman kung iniiwasan niya ba ako at kung anong rason niya kung ba't niya ginagawa 'yon.
Bitbit ang tray na may lamang pagkian ay pumasok ako sa music room. Dito ko siya nakitang dumiretso pagkalabas kanina. Dahan-dahan kong binuksan ang nakaawang na sliding door at mula sa kinatatayuan ay nahanap agad ng aking mata ang natutulog na si Sir Mavi. Nakahiga siya sa mahabang couch na narito, gamit ang isa niyang braso bilang pang-unan at ang isa naman ay nakatakip sa kanyang mata. Walang-ingay kong inilagay ang tray sa bakanteng lamesa at saka tahimik siyang pinagmasdan.
Tulog ba siya, o nagtutulug-tulugan lang dahil narito ako?
Bumuntong-hininga ako at saka na siya tinalikuran.
"Don't . . ."
Natigil ako sa paglakad nang marinig ang baritono niyang boses. Pinakiramdaman ko ang aking dibdib at walang duda, bumibilis na naman ang pagtibok niya na parang tumakbo ako ng napakabilis.
Napapalunok akong lumingon sa kanya ng dahan-dahan. Nakaupo na siya ngayon, nakahilig ang dalawang siko sa nakabukas niyang hita at diretso ang tingin sa akin. Tila may kung ano siyang hinahanap sa mukha ko at hindi niya iyon mahanap-hanap kaya't pilit niyang inililibot sa kabuuhan ng aking mukha ang kanyang mga mata.
"Come here," pagtawag niya.
Nagdedebatehan pa ang utak ko ngunit parang may sariling isip yata ang paa ko na nagsimula nang humakbang patungo sa kanya. Nang makarating sa kanyang harap ay agad niyang hinila ang kamay ko dahilan para bumagsak ako sa kanyang kandungan.
Punyeta, ba't may pa-ganito?!
Agad akong napakapit sa kanyang balikat upang kumuha ng suporta. Kinakabahan akong napalingon sa pinto sa takot na may pumunta rito at may makakita sa 'min pero ang isang 'to ay wala yatang pakialam.
"S-Sir—"
"Mavi. Call me Mavi just like you did yesterday . . ." sunod-sunod ang paglunok ko sa paos ng kanyang boses. Hindi ko maipaliwanag kung anong tawag sa nararamdaman ko ngayon, basta ang alam ko lang ay nagkakabuhol-buhol na yata ang mga bituka sa tiyan ko.
"B-Baka may makakita sa 'tin d-dito . . ."
"Where's the 'Mavi'?"
Napapantastikuhan ko siyang tinignan. Anak naman ng tukneneng oh? Hindi ba siya nahihiyang makita ng iba na ganito ang posisyon namin?
Agad na namula ang pisngi ko nang mapagtanto kung gaano nakakahiya itong posisyon naming dalawa. Sinubukan kong tumayo ngunit agad niyang napigilan ang tagiliran ko.
"Bakit ka ba iwas ng iwas, hmm?" iniwas ko ang aking mukha nang ilapit niya ang kanya sa akin at pilit na hinahanap ang aking mata.
"S-Sino bang hindi iiwas pagkatapos ng mga sinabi mo kagabi?" mahina kong sagot at saka patuloy na kumakawala sa kanya pero wala rin namang naging epekto dahil sa mahihigpit niyang hawak, sapat lang para ipirmi ako.
"Why? What did I say?" ni wala man lang bahid ng gulat sa kanyang mukha habang pinagmamasdan ako.
Itinaas niya ang kaliwang kamay at inayos ang hibla ng aking buhok na tumatakip sa aking mukha saka iyon inilagay sa likod ng aking tenga.
Pero . . . hindi siya nagulat . . . Ibig sabihin ba no'n ay alam niya ang tungkol sa bagay na 'yon?
"What is it?" pag-uulit niya nang hindi ako sumagot.
"Wala."
Inalis ko ang kanyang kamay at dali-daling tumayo at tinalikuran siya.
"I like you."
Napatigil ako sa paglalakad.
"I like you, Ida."
Nakakainis . . . Mas lalo lang niyang pinadadagundong ang puso ko.
Naramdaman ko ang paglapit niya sa aking likuran.
"At kapag sinabi kong gusto kita, ibig sabihin lang no'n ay hindi ko hahayaang mapunta ka sa iba." Naramdaman ko ang kanyang hininga sa aking tenga at sapat na 'yon para magsitaasan ang mga balahibo ko sa katawan. "Mark my words Ida. Walang hindi ko ginusto ang hindi ko nakukuha."
Sa mga binitiwan niyang kataga ay mas lalo kong ginustong iwasan siya. Nakakatakot . . . Nakakatakot siya . . .
"Why do we even have to tag her along? This is not so fabulous!" iritadong ani Ube na tinapunan pa ako ng pamatay niyang tingin.
'Wow ha? Noong nabalitaan ko bang kasama ka nagtanong ba ako? Hindi. Dahil alam ko naman nang mapapel ka talaga.'
Pinigilan ko lang iyong sabihin sa mukha niya at baka maging kasing-itim na ng budhi niya ang kanyang mukha na tila napaaga yata para sa halloween.
Pumasok kami ng bar nila Sir River at Sir Ramses. Ito rin 'yung huli naming pinuntahan, sadyang madalas ay nagiging nightclub ito at minsan naman ay nagiging bar.
Diretso na kaming pinapasok ng mga bouncer at umupo sa dating upuan na siyang pinagpuwestuhan namin noon. Maingay ang buong lugar pero hindi katulad ng dati, ngayon ay kaunti lang masyado ang mga ilaw at wala ring mga nagsasayawan sa gitna. Puro lamesa at upuan iyon na napapalibutan ang entablado. Kaunti rin ang mga alak sa mesa kaya't mas nae-enjoy ng mga tao ang pagkain.
Nae-excite ako habang nakaupo at hinihintay ang gagawing pagtugtog ng Moonrivers— ang banda nila.
Pagkaupo ay agad namang nagpaalam sina sir upang maghanda sa stage.
"Watch our performance Ida, okay?"
Tumango ako kay Sir River na bumalik pa sa pwesto namin at nag-thumbs up sa kanya saka na siya bumalik roon. Nasa harap kami ng stage kaya't kitang-kita sila ng malinaw.
Napatingin ako kay Sir Mavi at napaka-gwapo niyang tignan sa suot na black V-neck shirt at black na ripped jeans. Lumilitaw ang kulay ng kanyang balat at mas lalong bumagay sa magulo niyang buhok. Para siyang kidnapper dahil sa suot niya, pero kung ganyan ba naman ang mangingidnap sa 'yo, hindi ka pa rin sasama? Kahit wala ng ransom-ransom gora na 'yon.
Napakurap ako nang kindatan ako ni Sir Mavi. Sa sobrang taranta na may ibang nakakita ay napalipat ako ng ibang couch.
Susko talaga ang lalaking 'to. Nababaliw na ba s'ya?
'Oo, nababaliw na sa 'yo! Charr!'