Chapter 8

1499 Words
ABALA si Ysay sa pag-iikot sa loob ng Supermarket na iyon. Maaga siyang nagising kaninang umaga at dahil wala naman siyang gagawin ay naisipan niyang mamili ng mga groceries para sa bahay nila. Parehong nasa trabaho na ang kanyang mga magulang maging si Tintin. Hindi siya masyadong nakatulog nang nagdaang gabi dahil hindi maalis sa utak niya si Miguel. Hindi siya makapaniwalang nasa iisa silang lugar ng mga sandaling iyon. Sa halip na magtungo sa farm ay mas minabuti niyang mag-grocery nalang muna at mag-ikot-ikot. Gusto niyang libangin kahit papaano ang sarili. Hindi niya maintindihan ang sarili dahil binabagabag siya ng presensiya ni Miguel na nasa kanilang lugar. Hindi dapat siya apektado pero ewan ba niya sa sarili. Hindi mawaglit sa isip niya ang binata. Nang nakaraang araw ay nakatanggap siya ng tawag mula kay Cami. Naroroon pa raw si Miguel sa kanilang lugar dahil napagpasyahan daw ng binata na manatili sa kanila ng ilang araw. Bakasyon kumbaga. Nakiusap ang bagong kasal sa kanya na samahan ang binata roon habang wala ang mga ito dahil nga sa honeymoon. Pero tigas ang naging pagtanggi niya kaya wala ng nagawa ang mga ito. Kung ano-ano nalang ang nirason niya at masyado siyang abala sa kung saan-saan kaya sa huli ay hindi na rin siya napilit. Hindi siya pumayag dahil ayaw niyang mapalapit dito. Higit sa lahat ay ayaw niyang mahulog sa binata. Ang isang kagaya ni Miguel Monzon ay madaling makapag-paibig ng babae. At babae rin siya kaya hindi malabong magkagusto siya dito. Ang tipo nito ang hindi tatanggihan ng kahit na sinong babae. Pakiramdan niya ay maaring masira ang panata niya sa sarili kung palagi niyang makikita ang napakaguwapo at pamatay nitong ngiti. Ayaw niyang matibag ang mataas at matibay na pader na ginawa niya para sa sarili. Pagkatapos ng kasal ay sinabi na niya sa sariling hindi na niya ulit kakausapin ang binata. Bahala na ang mga ito kung anong plano para sa pinsan ni Tristan. Wala na siyang pakialam doon. Hindi rin niya alam kung may nabanggit na si Miguel kay Tristan tungkol sa unang beses na pagkakakilala nila pero umasa siyang wala itong nabanggit. Sobrang nakakahiya kung malalaman ng ibang tao ang mga pinaggagawa niya ng gabing iyon. Pero kagabi ay hindi iilang beses na-tempt siyang pumayag. May bahagi ng isip niyang gusto niya itong makasama pero nanaig ang panata niya sa sariling hindi na siya makikipaglapit sa kahit kaninong lalaki – kahit sa anong paraan. Gusto na rin niyang kutusan ang sarili dahil nagugulo ang sistema niya dahil lang sa binata. Hindi dapat siya pumapayag na guluhin nito ang isip niya ngayon kahit hindi naman talaga ito aware. Kaya naman ganoon nalang ang pagpipigil niyang tawagan si Cami at sabihing pumapayag na siya. Inilayo pa niya ang kanyang cellphone sa tabi para hindi siya ma-tempt. Ilang beses na ilalayo niya ang kanyang cellphone pagkatapos ay kukunin pagkatapos ay ilalayo ulit. Sa huli ay pinatay nalang niya ang gamit at nagtalukbong. Pero hindi na nawala sa isip niya ang binata. Ang guwapo nitong mukha, ang palagi nitong pagngiti sa kanya higit sa lahat ay ang mga pangyayari ng magkilala niya ito ilang buwan na ang nakakaaraan. Hindi na siya nakapagpaalam dito ng umalis siya. Madaling araw siyang nagising at saka tumalilis. Gumawa lang siya ng simpleng note na nagpapasalamat siya dito. Sinadya niyang huwag magpaalam. Iyon naman talaga ang drama niya. Aminin niya o hindi pero may parte na natutuwa siya na nakatagpo niyang muli si Miguel subalit kapag naalala niya ang iniasal ay para siyang lulubog sa kinatatayuan ng muli silang magtagpo. Ilang beses din siyang napatanong sa sarili kung bakit muli silang nagtagpo. May ibig bang sabihin iyon? O sadyang nagkataon lamang? Pabiling-biling siya sa higaan na hindi malaman kung ano ang dapat niyang maramdaman. Madaling araw na siyang nakatulog pero maaga pa rin siyang nagising at si Miguel kaagad ang unang pumasok sa kanyang isip. Sa sarili ay hindi niya nagugustuhan ang tinatakbo ng kanyang utak kaya naman kailangan niyang libangin ang sarili. Nagboluntaryo na siyang siya ang mamimili nang mga kailangan nila sa bahay sa halip na ang isa nilang kasambahay. Kaya ngayon ay naroon siya sa isang may kalakihan din namang supermarket na nakatayo sa bayan ng kanilang lalawigan. Hindi pa nangangalahati ang pinamili niya sa pag-iikot ng bigla siyang mapahinto. Sa unahan ng tinatahak niyang lane ay naroroon ang lalaking nasa isip niya ng buong gabi. Sandali siyang natulala pagkuwa’y dali-dali umurong ng hindi tumitingin sa kanyang likuran. Paliko na siya sa isang kanto ng mapatingin si Miguel sa bahagi niya. Nagtama ang kanilang mga mata. Saglit lamang iyon dahil bigla siyang yumuko at itinago ang sarili sa likod ng isang estante. Bubulong-bulong na nagpalipas siya ng sandali saka dahan-dahang tumayo upang tingnan kung naroon pa ang binata. Nakahinga siya ng maluwag na wala na ito roon. Nagpalinga-linga siya at hinahanap ang binata. Para kang tanga Ysay! Pinagtataguan mo pero hinahanap mo naman! Sita niya sa sarili. Nagpatuloy siya sa paglalakad pero alisto na ang kanyang paningin. Tinitingnan ang lahat ng lane na madaanan kung naroon ang binata. Nawala na sa isip niya ang mga dapat na bilhin. Sa sumunod na napuntahang lane ay naroon ang binata at may kinukuha sa bahagi ng toiletries. Nagmamadali nanaman siyang umurong nang maglakad ito sa kinaroroonan niya. Ilang beses siyang bumangga sa mga nasa likod. At dahil sa dala-dala niyang malaking pushcart ay nahirapan siyang makaalis sa lane na iyon. “Aray naman, Miss! Tumingin ka naman sa dinaraanan mo.” Angal ng isang babaeng nabangga niya. Napapangiwing binalingan niya ang babae. “P-Pasensiya na ho. Pasensiya na…” Inirapan siya ng babae pagkuwa’y inignora na siya. Nagpatuloy siya sa paglayo sa lane na iyon ng may pagmamadali pa rin. Sa pagmamadali niya ay mismong cart na nang nasa likod niya ang nabangga niya. Na-off balance siya dahilan para siya mapaupo sa sahig. Sumalpok ang puwetan niya sa semento at sandaling nawala ang atensiyon sa binata. “Aray naman!” Mahinang angal niya sabay halos sa nasaktang puwetan. Hindi maipinta ang mukha niya dahil sa nararamdamang kirot. “I knew it was you! Ayos lang ba talagang mabangga-bangga ka katulad niyan maiwasan mo lang ako?” Mabilis siyang nag-angat ng mukha ng marinig ang tinig na iyon. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita si Miguel na nakatayo sa harap niya. Salubong ang mga kilay na iniabot nito ang kamay sa kanya. Tinanggap niya iyon. Mabilis na humingi ng paumanhin ang may–ari ng cart na nabangga niya pero sinabi niyang kasalanan niya iyon. “Are you okay?” tanong nito ng makatayo na siya at magkatapat na sila. Tumango lang siya. Hindi pa rin niya magawang magsalita. Bukod sa nakita siya ng binata ay nakita rin nito ang pagkakabagsak niya. Nakakahiya! “I don’t understand bakit pinagtataguan mo ako.” Iiling-iling na sabi nito. Sumimangot siya. “Hindi kita pinagtataguan.” Iniwas rin niya ang tingin dito kahit alam niyang hinuhuli nito ang tingin niya. “Yeah-yeah… iniiwasan mo lang ako. Why?” Baka ma-fall ako sa’yo… “Hindi kita iniiwasan. Bakit naman kita iiwasan?” balik-tanong niya dito at kunwa’y inabala ang sarili sa nasaktang parte ng katawan. “Yan nga din ang tanong ko – are you okay. May masakit ba sa iyo?” bumakas ang pag-alala sa tono nito at sinipat ang kanyang katawan. Mabilis naman niyang iniwas ang sarili dito. Hangga’t maari ay ayaw niyang magkaroon sila ng body contact o kahit ano pang contact iyan. “A-Ayos lang ako…” “Ysay…” napansin yata nito ang pag-iwas niya. Alangan naman hindi siya umiwas e puwet niya ang tinamaan. Alangan hayaan niyang hawakan nito ang puwetan niya hindi ba? “Ano?” sa halip ay mahina niyang tanong. Nagpakawala ng buntong-hininga si Miguel. “Okay. Well, to prove na hindi mo nga ako iniiwasan, sabay na tayong mamili. Then sabay na rin tayong mag-lunch.” Simpatiko itong ngumiti sa kanya. Napalunok siya. Lihim rin niyang naiikot ang mga mata. Ito na nga ba ang sinasabi niya. Baka hindi niya mapigilan ang sarili at masunggaban niya ito. Mababalewala ang panata niya sa sarili. Patay kang Ysay ka! ‘Pag pumayag ka ay hinayaan mo na ang sarili mo sa isang patibong! Huwag kang pumayag! Huwag kang papayaaaaaggg!!! “Libre mo lunch?” nasabi na niya iyon bago pa siya nakapag-isip. Tumawa ito. “Oo naman! Halika na, ako na ang magtutulak ng cart mo.” Gusto pa sana niya itong pigilan pero mas malakas ang urge na mas gusto niya itong makasama. Wala na siyang nagawa nang kunin nito ang cart niya. Ni hindi na nag-isip ang katawan niya at napahinunod nalang sa binata. Isang maluwang na ngiti para sa sarili ang hindi niya napigilang gawin habang nakatingin sa nauunang binata pero bigla iyong nawala ng lingunin siya nito. “Let’s go!” “O-oo! Andiyan na!” pigil-pigil niya ang muling mapangiti habang palapit sa binata para umagapay. Lagot ka na talaga Ysay… Patang kang babae ka!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD