CHAPTER 4

2001 Words
KELLY WAS busy translating the English subtitle in contemporary Tagalog for her newest anime project to be dubbed next week.  Ipapalabas ang Tagalized version ng Japanese anime na iyon sa local television sa susunod na buwan.  Kaya kailangan niyang matapos iyon within this week. “Abalang-abala ka, ah.” Nag-angat siya ng tingin mula sa kanyang laptop computer at binati siya ng nakangiting may-ari ng Sweet Sage Bakeshop na iyon na si Sage.  Ibinaba nito sa table niya ang coffee na in-order niya.   “Thanks, Sage.  Medyo nagra-rush nga ako ngayon.  Hina-harass na naman kasi ako ng boss ko.” “Kung ganon, hindi na kita aabalahin.  Sige, enjoy your drinks and I wish you goodluck on your work.” Tumango lang siya.  Nakakakatuwa talaga ang resident connoisseur nilang ito.  Isa ng kilalang brand name ang Sweet Sage pagdating sa paggawa ng mga cakes at pastries.  Ngunit nananatiling iisa lang ang branch ng bakeshop nito at naroon nga iyon sa Brgy. Calle Pogi.  At si Sage lang ang nakakaalam kung bakit hindi ito nagba-branch out. Napalingon uli siya sa direksyon ni Sage nang marinig ang pag-iingay ng mga batang lumapit dito.  She knew those kids.  Anak ang mga ito ng mga residente rin ng kanilang komunidad doon.  Ang mga batang iyon ang regular customers ni Sage. “Tito Sage, penge kendi!” “Keyk ako, Tito Sage!” “Gusto ko nun po!” “Okay, okay,” natatawang saway na lang ni Sage sa mga ito.  “Kunin na ninyo ang mga gusto ninyo.  But be careful, kids.  Masama ang masyadong maraming cakes at candies.  Bad for your teeth.  By the way…”  May inilabas itong clipboard at ballpen.  “Sino nga uli ang ninong mo, Claire?” “Si Ninong Drei po.” “Ikaw, Antonio?” “Si Ninong Matt po.” Kunot-noo na lang siyang napangiti.  Mukhang may bago na namang agenda itong si Sage.  Ibinalik na lang niya ang kanyang atensyon sa ginagawa.  She really had to finish this.  Para maaga na rin siyang makapagpahinga.   “Kelly!” Ang kaibigan at kapitbahay niyang si Berna ang papalapit na ngayon sa kanyang puwesto.  Tulak-tulak nito ang isang stroller.  Nagliwanag ang kanyang mukha nang makita niya roon ang natutulog na anak nito. “Wow, ang cute-cute naman ng magiging inaanak ko.  Napaka-inosente ng mukha, napaka-bait, napakaganda…parang ako.” “O, humirit ka na naman.”  Naupo na sa bakanteng silya si Berna.  “Sana nga sa ganda mo na lang magmana iyang anak ko.  Huwag na lang sa kayabangan.  Ayokong magkaroon ng sakit ng ulo.” “Hey, mabait naman ako, ah.” “Oo, kapag tulog.”  Tiningnan nito ang kanyang laptop at ilang papel sa harap niya.  “Hay naku, kaya hindi ka makapag-asawa, eh.  Puro ka trabaho.” Niyakap niya ang mga iyon.  “Huwag mo ngang idamay ang mga mahal ko sa buhay.  Itong trabaho ko na nga lang ang umaaliw sa akin, eh.” “Kelly, dear, mas mapapaligaya ka ng isang lalaki.  Trust me.” “Berna!  Dinidemonyo mo na naman ako.” Tumawa lang ito saka ibinigay sa kanya ang isang card.  “Hindi ko naabutan si Buwi sa bahay nila kaya ikaw na lang ang magbigay sa kanya nitong inivitation.  Isa rin kasi siya sa mga kukunin kong ninong nitong si Gregory.” Masamang tingin ang ibinigay niya sa card.  “Kinuha mong ninong ang kulugong iyon?  Masisira lang ang kinabukasan ng anak mo, Berna.” “Luka-luka ka talaga, Kelly.  Hay naku, sige na.  Mauuna na kami at marami pa akong kailangang asikasuhin.  Oy, huwag mong isasabotahe si Buwi, ha?  Ibigay mo iyang invitation, kung hindi, pahahalikan kita sa kanya.” “Bakit ba kasi hindi mo na lang tawagan ang unggoy na iyon at kanya mo na lang ipakuha ang intation na ito?” “Good idea.”  Kinuha nito ang cellphone at tinawagan ang lalaki.  “Buwi, iiwan ko kay Kelly ang invitation mo para sa binyag ni Gregory.  Nandito siya ngayon sa Sweet Sage.  A, papunta ka na rin ba?  Sige, pakikuha na lang kay Kelly.”  Nakangisi siya nitong binalingan nang i-off ang cellphone.  “Ikaw na ang bahala sa kumpare mo, ha?  Huwag mong paiiyakin iyon.” “Yeah, right.” Tatawa-tawa lang ito nang lumabas na ng bakeshop.   Napapraning na naman ang bruha, natatawa na rin niyang bulong.   She’d been friends with Berna since she came to live there.  Pero ngayon, since may sarili na itong pamilya, medyo nabawasan na ang pag-gimik nilang dalawa na madalas nilang ginagawa noon.  She looked at the invitation.  Napasimangot na naman siya.  Hindi siya papayag na magkaroon ng dahilan na magkaharap sila ng impaktong Buwi na iyon.  Ngunit tatawagin na lang niya si Sage nang makitang papasok na roon si Buwitre.  At huli na upang ilayo niya ang tingin.   Nahuli siya nitong nakatingin dito.  Malapad na ang ngiti nito nang lumapit at maupo sa bakanteng silya sa table niya. “Hello, Kelly.  Lalo ka yatang gumaganda.  Sumiseksi ka na rin ngayon.  Nagda-diet ka ba?  Huwag naman sana.  Mas okay pa rin ang natural na katawan ng isang babae.” Idinikit niya sa tungki ng ilong nito ang dulo ng kanyang ballpen.  “Huwag mo akong kakausapin.”  Ibinigay na niya rito ang invitation.  “Makakaalis ka na.” “Dito na muna siguro ako.  Wala naman ako gaanong gagawin ngayon.”  Nangalumbaba ito at nakangiting ibinaling sa kanya ang buong atensyon nito.  “Ano nga pala ang paborito mong pelikula, Kelly?”   “Hindi mo ba narinig ang sinabi ko?” Muli niyang idinutdot sa ilong nito ang ballpen niya.  “Huwag mo akong kakausapin.  Idadagdag ko na rin na huwag mo akong lalapitan o kahit tingnan man lang.” “Well, that was a bit hard to do.”  He slowly pushed away the pen from his nose.  “For one thing, maganda ka at gusto kong tingnan ka.” Imbes na matuwa ay sumirit lang ang init ng ulo niya.  Because he just displayed Standard Playboy Flirting 101.  “Bago ko maisipang isaksak sa lalamunan mo itong ballpen ko, umalis ka na sa harap ko.” “Kelly, bakit ba galit na galit ka sa akin?  Ano ba ang ginawa kong masama sa iyo?” “Dahil nag-exist ka sa mundong ito.” “Nanay ko ang sisihin mo dahil siya ang nagluwal sa akin.”  Umatras na ito pero hindi pa rin tumatayo.  “Sa tingin ko hindi lang basta sa existence ko nag-ugat ang galit mong iyan sa akin.  May iba pang dahilan.” “Wala na.  The mere fact na nag-e-exist ka sa mundong ito, sapat na para masira ang bawat araw ko.” “Hmmm.”  Pinagmasdan siya nitong maigi.   At ewan niya kung paanong nagawa nitong saglit na guluhin ang emosyon niya sa paraan nito ng pagtitig sa kanya.  Kaya mariin niyang idinikit sa noo nito ang invitation. “Umalis ka na, Buwi.  Naiistorbo mo na ako sa trabaho ko.” Tinanggal lang nito ang nadikit sa noo.  Pagkatapos ay tumayo na ito at nag-inat.  “Huwag mo akong ikumpara sa ex mong gunggong, Kelly.  For one thing, tao ako.  Isang pagkaguwapo-guwapong tao!  Okay?  Sige, ‘bye.” Ayaw man niya ay sinundan pa rin niya ito ng tingin.  Huwag daw niya itong ikukumpara sa ex niya.  Paano nitong nalaman na iyon ang dahilan ng disgusto niya rito?  Imposible naman sigurong naikuwento iyon ng kanyang ina rito.  Makakalimutin iyon at naging policy na hindi itsismis sa mga kapitbahay ang kanyang buhay.  Kaya paanong… Nakita niyang napadaan sa puwesto ng tatlong kababaihang nakaupo sa isang table sa labas ng bakeshop si Buwi.  Napasimangot na lang siya nang makipagkuwentuhan at makipagtawanan ang lalaki sa mga ito.   “Bakit ko ba pinag-aaksayahan ng panahon ang kurimaw na ito?” tanong niya sa sarili.  “Nag-aaksaya lang ako ng oras.  Walang kuwenta!” Binalikan na lamang niya ang kanyang trabaho imbes na lalong masira ang kanyang araw sa nakikitang pakikipaglandian ni Buwi sa mga babaeng iyon.  Ngunit malas dahil hindi na niya magawang makapag-focus sa kanyang ginagawa.  Hindi kasi niya maiwasang maya’t maya ay mapalingon sa direksyon ng mga ito.  And everytime, she just couldn’t help but feel something inside her so irritating there was no way she would be able to finish her work.  So with a frustrated snort, she gathered up her things and was starting to leave when she noticed the invitation in her table.   Marahas niya iyong dinampot at nilapitan ang nagkakatuwaang grupo nina Buwi.  Nabaling naman agad sa kanya ang atensyon ng mga ito. “Kelly,” nakangiting wika ni Buwi.  Damn you!  You don’t have any right to possess that gorgeous smile!  “What can I do for you?” “Nakalimutan mo.”  Sa sobrang lakas ng pagkakadutdot niya ng invitation sa noo nito at muntik ng bumaliktad si Buwi sa kinauupuan nito.  “Sa susunod nga, bago ka makipaglandian sa mga babae, unahin mo muna ang mga importanteng bagay sa buhay mo.” “Sandali lang, Kelly.” Nang lingunin niya ito, nakangiti pa rin ito subalit may nagbago na sa tono ng boses nito.  Ang mga babae namang kasama nito roon ay bahagya ng umurong at hindi na lang umimik.  Mabuti kung ganon.  Dahil baka pati ang mga ito ay madamay sa kakaibang ngitngit na nararamdaman niya nang mga sandaling iyon. Tumayo na si Buwi upang harapin siya.  He was way taller than her so she don’t have any choice but to looked up to him.  Dahil sa sitwasyon nila ngayon, nagmukha tuloy na ito ang may upperhand.  Na hindi naman niya papayagan. “Its not polite to interfere a conversation without asking permission,” wika nito.  “You’re being rude, Kelly.” Naningkit ang kanyang mga mata at nag-init ang kanyang ulo. “A, eh, okay lang naman iyon, Buwi,” wika ng isa sa mga babae sa table na iyon.  “We don’t mind, really.” “O, narinig mo sila, Buwi?  Okay lang daw sa kanila—“ “Pero hindi sa akin.” “Well, problema mo na iyan.”  Sinubukan uli niyang umalis sa landas nito ngunit humarang ito sa daraanan niya.  “Gusto mo bang dumanak ang dugo dito, Buwi?  And by the way, dugo mo lang ang dadanak dito kung sakali.” Ngumiti lang ito.  “Sa iginawi mo, parang gusto ko ng isipin na maaaring…nagseselos ka.” Itinaas na niya ang hawak na ballpen at iniamba rito.  Tatawa-tawa itong mabilis na umatras.  “Teka, nagbibiro lang naman ako, Kel—“ “Ako, hindi nagbibiro.”   “Anong kaguluhan iyan?”  Si Buchou ang nalingunan nila na kapapasok lang ng bakeshop.  “Kung mag-aaway kayo, doon sa walang batang nakakakita sa inyo.” Saka lang niya napansin na nakatingin na pala sa kanila ang lahat ng customers doon, lalo na ang mga bata.  Mabilis niyang itinago ang ballpen sa likuran niya. “Fighting with children around isn’t good,” si Makisig naman iyon.  “Especially inside Sweet Sage.  Its bad for the business.  And for Sage’s mood.”   Itinuro nito ang may-ari ng bakeshop na nakangiti pa rin naman habang nakamasid sa kanila.  Pero tila may kung anong itinatago ang ngiting iyon ni Sage na nagkumpirma sa sinabi ni Makisig. “Buwi, kung manliligaw ka kay Kelly,” singit ni Ryu na kapapasok lang din sa bakuran ng Sweet Sage.  “Manligaw ka ng maayos.” “Salamat sa advice, kumpadre.”  Nakangisi na si Buwi nang bumaling sa kanya.  ‘Yung bang ngisi na obvious na nang-aakit.  “Liligawan kita, ha?” “Subukan mo lang.”  Tinalikuran na niya ang mga ito.  “Kung gusto mong maputol na ang ipinagmamalaki mong kaguwapuhan.” Tuluyan na siyang lumabas ng bakuran ng bakeshop. Hinding-hindi na siya papayag na may isa na namang lalaking walang pakialam sa damdamin ng mga babae ang makakalapit sa puso niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD