Chapter 35 (Part 2)

1548 Words
I suddenly felt vulnerable – more so, defeated. Nakita ko ang pagpipigil ng ngiti nina Lorraine at ng mga kasama niya. Kasabay nito’y nag-flash sa isip ko ang pag-uusap namin ni Peter tungkol sa kasal at chapel. Kaya ba tumutol siyang dito kami ikasal? May koneksyon ito sa dati niyang relasyon? “Ah mukhang hindi nga niya sinabi. Sabagay, baka mainggit ka lang. Kung saan lang siguro kayo nagpakasal – o baka nga sa papel lang. Kaya wala rin siyang makwento sa ‘min tungkol sa inyo. Hindi na nakapagtataka dahil basta ka na nga lang niyang dinala rito sa isla e. Para kang pigsang bigla na lang pumutok!” gatong pa ni Lorraine na sadyang pinipikon ako. Kinuyom ko ang mga palad ko habang ramdam ang pag-akyat ng dugo sa mukha ko. Alam kong napupuno na ako pero hindi ako pwedeng sumabog. Kaya imbes na makipagtalo pa, tinalikuran ko na lang sila. Ayaw ko ng eskandalo lalo na sa harap ng chapel kaya naglakad na ‘ko papalayo rito. Sinubukan kong kalmahin ang sarili dahil aksaya lang makipagtalo sa mga makikitid ang utak. Ayaw ko ring ipahiya si Peter sa mga tagarito oras na magkagulo. Ayon lang ay talagang sinusubok nila ang pasensya ko. Sumunod ba naman sila sa ‘kin, nangunguna na si Lorraine. Napilitan akong huminto, at sa likod ko’y dito siya bumulong. “Tinuturo ba sa Maynila ang pagpikot ng lalaki? O turo ‘yan sa ‘yo ng nanay mo—” Malakas na sampal ang tinanggap ni Lorraine sa ‘kin. Napasinghap ang mga kasama niya; nagulat ang mga dumadaan lang. Sumusobra na siya. “‘Wag mong madamay-damay ang nanay ko rito,” babala ko at dito nakipagsukatan ng tingin. Nagtaas ng isang kilay si Lorraine, umuusok ang ilong habang bakas ang paglapat ng palad ko sa pisngi, “May mali ba sa sinabi ko? E saan ka ba naman magmamana? Nagpakasal at sumama ka sa lalaking may ibang mahal. Kaibigan mo pa! Anong klaseng pagpapalaki ba ang ginawa ng mga magulang mo—” Pinutol ko siya ng sampal sa kabilang pisngi na nagpahandusay sa kanya sa buhangin. Pinantay ko lang. “Brayar!” tanggol ng mga kasama niya at lalo akong nanggigil. “Bawiin mo ang sinabi mo,” utos ko kay Lorraine bago pa sila makaganti. Nagdidilim ang paningin ko sa galit. Hindi ko na alintana kahit may ilan pang taga-isla ang huminto para makiusyoso. Maliit lang ang isla kaya alam kong kahit anong gawin ko, kakalat at kakalat pa rin ang away namin ngayon. Sa mga oras na ito ay wala na akong pakielam. “Nagsasabi lang ako ng totoo,” sabi pa ni Lorraine kaya naman dito ko siya tuluyang sinugod. Pumaibabaw ako sa kanya. Sinabunutan ko siya habang pilit na pinapabawi ang mga sinabi niya tungkol sa mga magulang ko. Magsalita na siya ng masama tungkol sa ‘kin pero ‘wag lang sa mga magulang ko. Wala naman silang kinalaman sa mga naging desisyon ko magmula nang makarating ako sa isla. “Tigilan niyo ang mga magulang ko! At itinama niyo ang tawag sa pangalan ko! BRI-YAR, hindi BRAYAR!” halos maputol ang litid ko sa pagsigaw; animo nabulahaw ang buong Cole’s Cove. Kung ako lang si Wendy, hindi ko magagawang lumaban kahit pa ako ang nasa tama. Palalagpasin ko na lang para iwas-gulo. Pero dahil ako si Briar sa islang ito, nabigyan ako ng kakaibang lakas ng loob. Pakiramdam ko dapat at kaya kong ipaglaban ang sarili kahit anong mangyari. Pinagtutulungan na ako ng mga kasama ni Lorraine. Kasabay ng sigawan, kinakalmot at sinasabunutan nila ako pero pilit akong gumaganti. Hindi ko alam kung magandang bagay bang namanhid na ‘ko sa sakit— “Ala e magsitigil nga kayo!” Natigilan kami sa pag alingawngaw ng boses ni Aling Dolores. Nakahawak pa rin kami sa buhok ng isa’t isa nang lingunin siya. Hinigit ko ang hininga ko nang mula kay Aling Dolores, napunta ang mga mata ko kay Peter na mukhang kasabay nitong dumating. Para bang tumigil ang oras, diretso ang tingin nito sa ‘kin kaya nakaramdam ako ng hiya at napaiwas ng tingin. Alam kong hindi ito ang eksenang inaasahan nito pag-uwi. Nang nakaw pa ‘kong sumulyap kay Peter, naabutan kong pinagsama niya sa isang kamay ang mga hawak na supot at ngayon ay papalapit na sa ‘min. Tumayo ang ibang mga kasama namin at kami na lang ni Lorraine ang naiwang nakahawak sa buhok ng isa’t isa – nakaibabaw ako sa kanya. At nang akala ko’y wala pa rin sa ‘ming magpapatalo, nalaglag ang panga ko sa mabilis na pagnguso at paghagulgol ni Lorraine nang malapit na si Peter. Hindi ako nakapag-react kaagad kaya ako na lang ang naiwang nakahawak sa buhok niya at siya ngayon ang mukhang biktima. Sabagay ay bukod sa pulang-pula ang magkabilang pisngi niya ay dumudugo na rin ang ilong niya nang aksidente siyang nasanggi ng isa sa mga alipores niya. Nang ilibot ko ang mga mata sa paligid, napalunok ako nang makita ang ilang taga-islang nagbubulungan at masama ang tingin sa direksyon ko. Dahil dayo pa rin sa mga mata nila, mukhang kahit hindi ako ang nagsimula ng gulo, ako ang sinisisi nila. Kaya sa takot na mapag-initan ng lahat, binitawan ko ang buhok ni Lorraine at umalis na rin sa kanyang ibabaw. Naupo ako sa malamig na buhangin at dito pilit umiyak nang mas malakas. Para akong bata nang makalapit sa ‘min si Peter. Itinaas ko ang kamay ko para magpatulong sa kanya nang biglang tumayo si Lorraine at natumba. Naging instinct ni Peter saluhin ito na ikinainis ko. Paano’y nakita ko ang pag-angat ng isang dulo ng labi ni Lorraine. Tutal ay nasa buhangin na ako ay nagkunwari pa ‘kong nahilo at bumagsak dito. Ginawa ko ito para ako naman ang pansinin ni Peter. Ayon lang ay saktong lumapit din ang mga taga-isla. Pinalibutan nila si Lorraine at todo alalay. Para bang alalang-alala sila rito. Dahil pakiramdam ko nakalimutan na nila ‘ko, kahit si Peter mismo, tatayo na lang sana ako mag-isa. Ayon lang ay may nakatapak sa kamay ko na nagpasigaw sa ‘kin dahil sa sobrang sakit. Hindi na ito parte ng pag-arte! “Move!” Nakita ko ang pagtulak ni Peter papalayo sa lalaking aksidenteng nakatapak sa ‘kin. Wala na siyang iba pang sinabi rito kahit humingi ito ng tawad. At dahil bakas ang galit sa kanyang mukha, umusod na rin pati iba pang nakapaligid sa ‘min. Lumayo kahit sina Lorraine na biglang lumakas ang binti. Iniinda pa rin ang sakit ng kamay, nilapitan din ako ni Peter sa wakas. Nangilid talaga ang luha ko nang magtagpo ang mga mata namin. Naninikip ang dibdib ko nang makita ang pag-igting ng kanyang panga. Napanguso naman ako sabay yuko nang alalayan niya akong tumayo. Wala namang problema ang mga binti ko kaya nakahanda na ‘kong maglakad pauwi. Pero mukhang may iba palang plano si Peter. Napasinghap ako nang umangat ako sa lupa. Kinarga lang naman ako ni Peter gamit ang isang braso! Napakapit ako sa kanya kahit nagmistula na naman akong sako ng bigas! “Kaya ko naman maglakad,” bulong ko kay Peter pero parang wala siyang narinig nang magsimula siyang maglakad papalayo. Kita ko ang gulat na reaksyon ng mga tao. Tuloy ay isinapo ko na lang ang dalawang kamay ko sa mukha dahil sa hiya. Sa buong buhay ko, ngayon lang ako nakipag-away. May kaba sa dibdib ko dahil baka iniisip din ni Peter na ako ang nagsimula ng gulo. Hindi malabong kampihan niya si Lorraine na mas matagal na niyang kilala kaysa sa ‘kin. Kaya naman sinimulan ko nang ihanda ang sarili na mapagsabihan— “Bigla na lang niya kaming sinugod at sinaktan, Pete!” Huminto si Peter sa paglalakad dahil sa pagsigaw ni Lorraine. Napairap ako sa kawalan dahil talagang may pahabol pa siya. Akala ko ba’y hinang-hina siya kaya bakit may lakas pa siyang magsumbong? Mukhang gusto pa yata niya ng round two! Dedepensahan ko na ang sarili nang maunahan ako ni Peter. “Hindi mananakit ang asawa ko ng walang dahilan,” mariin at puno ng kumpyansa niyang saad. “Pero—” “Ilang beses ko na kayong sinabihan. Tigilan niyo si Briar. Kapag naulit ‘to, kalimutan niyo nang naging magkaibigan tayo,” pagputol pa ni Peter sa kahit anong paliwanag ni Lorraine. Dahil sa tiwala niya sa akin ay medyo gumaan ang bigat sa dibdib ko. Dahil tapos na ang gulo, nagsiuwian na ang ibang nakiusyoso lang. Pansin kong si Lorraine na lang ang nakatitig sa direksyon namin nang magpatuloy kami sa paglalakad. Mukha na talaga siyang nakakaawa ngayon kaya naman bumelat ako. Nanlaki ang mga mata niya sabay tadyak sa buhangin. Pinagdikit ko ang labi ko sabay yuko nang balingan kami ng tingin ng iba. Mahirap na’t baka ano pa ang isipin nila sa reaksyon ko. I couldn’t help but draw a heart sign on Peter’s back. Masarap pala sa pakiramdam magkaroon ng taong kakampi sa ‘yo kahit anong mangyari. “Kumapit ka, baka mahulog ka,” paalala ni Peter at halos mapunit tuloy ang labi ko sa pagngiti. “Ay hulog na hulog na ho,” bulong ko na nagpaubo sa kanya kaya natawa na lang ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD