Ito na. Ito na talaga ‘yung araw na pinakahihintay ko.
Sinunod ko lahat ng sinabi nina Nicole — magtago muna, timplahin ang timing, at huwag daw magpakita agad. Kaya heto ako ngayon, pumuslit papasok sa bar ni Uncle, naka-hoodie, parang ninja. Rinig na rinig ko ang tawanan mula sa loob.
Naroon nga sila. Naririnig ko si Kim Yoona, pamangkin ni Uncle, at mga kaibigan niyang puro artista. Ang saya nila. Parang reunion ng mga kilalang personalidad.
“Magkakatuluyan kayo niyan!”
“Para kayong aso’t pusa!”
“Ehem! Asawa ko na kaya siya!”
Tawanan. Biruan. Tawanan ulit.
Habang nakasilip ako sa gilid, sinuyod ng mata ko ang loob. Hinanap ko agad ang paborito kong mukha.
Wala.
Wala si Choi Dong Gu. Kahit isang glimpse, wala. Lalo pa akong dumungaw, baka nasa sulok lang… pero wala pa rin.
Mukhang hindi pa ngayon ang araw na tinadhana para sa amin.
Napatingin ako sa dalawang babaeng kasama nila—hindi nalalayo ang edad kay Uncle, pero ang gaganda pa rin. Ang classy. Artista rin kaya sila? O baka may koneksyon kay Dong Gu?
“Cloe! Ayan ka na pala!” tawag ni Cris, drummer ng banda namin.
Nagulat ako. Napasandal ako bigla sa pader. Hala, nakita ako.
“Auntie, ito po ‘yung sinasabi namin sa inyo,” sabay turo pa niya sa akin. Sinubukan ko siyang tawagin gamit ang tingin na, ‘Cris, huwag maingay!’ Pero huli na.
Nagtinginan silang lahat sa akin. Tumahimik ang buong kwarto. Parang slow motion ang pag-ikot ng mga mata nila papunta sa akin.
Nakakahiya!
Gusto ko na lang magpalamon sa sahig. Ang gusto ko lang naman ay sumilip kahit kaunti kay Dong Gu—bakit parang public shaming ang nangyari?
“Hello, iha,” bati sa akin ng isa sa mga eleganteng babae. Siya ‘yung tinatawag nilang Auntie kanina.
Bigla akong tumayo nang diretso at nag-bow. “Hello din po,” nahihiyang sagot ko.
“Ah… ikaw pala ‘yung sinasabi nila na sobrang obsessed kay Dong Gu?”
Biglang may tumawa sa gilid. Napalingon ako. Kumabog ang dibdib ko. Ba’t nila alam ‘yon?!
Agad akong tumingin kay Cris na nakangisi pa sa akin. ‘Ikaw ‘to, no?!’ Binato ko siya ng matalim na tingin.
“Haha, paano niyo po nalaman?” pilit kong ngiti. Obvious na hindi ako mapakali.
“Ibinida nga namin!” sabat pa ni Cris, proud na proud.
Napalingon ako ulit sa kanya. Patay ka mamaya.
“Okay lang ‘yon sa amin,” ngiti nung matandang babae. “Nga pala, alam mo ba… naghahanap ako ng mapapangasawa para sa anak ko. Baka interesado ka?”
Napatitig ako sa kanya. Anak?
“Po?” halos bulong kong sagot.
“Gusto mo bang magpanggap na asawa ng anak ko?” malambing niyang tanong habang lumalapit sa akin.
Anak…?
“Po?” Ayan na naman. Paulit-ulit. Nagla-lag ang utak ko.
“Uy, paulit-ulit ka na d’yan. Unli ka, brad?” tawa ni Mimi habang tinatapik ako sa likod.
“Ako po… asawa ng anak niyo?” paniniguro ko pa.
“Siya ‘yung dahilan kung bakit ka nandito, ‘di ba?” dagdag niya. “Mahal mo raw siya?”
“Po? Nalilito na po talaga ako.” Lumingon ako kay Mimi para magpatulong.
“Anak niya raw si Dong Gu mo,” bulong niya na parang bombang sumabog sa tenga ko.
Lumaki talaga ang mga mata ko. Sabay bow ulit ako, this time mas malalim. Mama ni Dong Gu?!
Tawanan sila bigla.
“Hello po! Masaya po akong makilala kayo,” sigaw ko, nakayuko pa rin.
Pagtingala ko, nakangiti siya. Maamo. Hinawakan niya ang braso ko at itinayo ako nang maayos.
“Payag ka ba?” tanong niya ulit.
Para akong laruang asong gumagalaw sa dashboard. Sunod-sunod ang tango ko habang lumilipad pa rin ang isip ko.
Tuloy-tuloy ang kulitan sa paligid. Para akong nasa prank show na hindi ko alam kung kailan matatapos.
Hinawakan ng babae ang kamay ko, mahigpit. May kislap sa mga mata niya—parang matagal na niya akong hinihintay. At ngayon lang ako dumating.
“Salamat talaga, ha,” bulong niya.
“Balaan ba natin siya?” rinig kong tanong ng isa.
“‘Wag ka ngang epal diyan. Baka matakot mo siya,” sagot ni Yoona.
“Buti na lang pala sumama ako sa inyo. Nahanap ko na siya,” dagdag ng mama ni Dong Gu. Tila proud na proud. “Ang cute ng asawa ng anak ko,” sabay baling muli sa akin.
Nagulat ako.
“T-thank you po…” sagot ko, halos hindi lumalabas ang boses.
“Sana pagtiyagaan mo ‘yung anak ko, ha?”
“Ma’am, kung si Dong Gu lang po, always at your service po ako.”
Confident. Buo. Laban kung laban.
“Sabi ko sa inyo eh, tatanggapin niya agad!” sabat ni Cris.
“Syempre! Si Dong Gu raw ‘yon,” dagdag ni Mimi, kinikilig pa.
Sa gitna ng tawanan at tuksuhan, hindi ko maitago ang ngiti ko. Lahat sila, parang ang saya para sa akin.
Kahit na peke lang ito… asawa pa rin ako ng prinsipe ko. At least.
“Bukas ipapakilala na namin siya sa’yo. Dito siya pupunta. Magkita kayo.”
“Opo! Nandito na po ako kahit maghapon!” sagot ko agad. Buo ang loob.
Kung pwede lang i-fast forward ang oras, ginawa ko na.
“Gustong-gusto niya talaga si Dong Gu, no?”
“Pero ingat ka na lang ha? Marami nang nagtangkang maging asawa niya, kaso…”
“Kaso ano?” tanong ko agad. Napatigil si Hyong Hwa, nakangiti lang habang nakatitig sa akin.
Hindi na niya tinuloy.
Ano kaya ‘yon? Anong kaso?
Hindi ko maiwasang mapaisip. Pero isang bagay ang sigurado:
Hindi ko uurungan ‘to.
Si Dong Gu ang idol ko. Siya ang dahilan ng lahat. At kung ito ang daan para mapalapit sa kanya—kahit peke pa ito sa simula…
Gagawin ko.