Hindi ko alam kung kailan naging ganito ka-complicated ang lahat.
Dati, simple lang: ako si Jennifer, bride-to-be. Si Vincent, ang fiancé ko. Si Liam, tahimik na kapatid ng fiancé ko na halos hindi ko nakakausap kahit kailan. Pero ngayon? Hindi ko na alam kung anong nararamdaman ko. At lalo na kung kanino.
Simula nung araw na 'yon sa shop, hindi na siya nawala sa isip ko. Ilang beses kong pinilit kalimutan, binura sa utak, pero ‘pag tahimik na ulit ang paligid, siya ‘yung naaalala ko.
Hindi ‘yung offer niya ng tulong ang paulit-ulit sa utak ko. Hindi rin ‘yung tanong niya tungkol kay Vincent.
Kundi ‘yung tono ng boses niya. ‘Yung paraan ng pagkakasabi niya ng, “you can ask.”
Walang kasamang pressure, walang kasamang agenda. Wala ring tanong kung bakit ako kailangan tulungan. Basta... nando’n lang siya. Tahimik. Pero sapat.
“Bes, may nag-message,” ani Mira habang binabato ang throw pillow sa akin habang nakahiga ako sa kama ko.
“Si Mama?”
“Hindi. Si Vincent.”
Napapikit ako.
“Ano sabi?”
“‘Can we talk?’”
Binuksan ko ang phone ko. Totoo nga. Ilang messages na pala niya ang hindi ko nasasagot. Puro casual. Puro pangkaraniwan. Pero walang kahit isang sorry.
“Gusto mong sagutin?” tanong ni Mira, mas seryoso na ngayon ang tono.
“Hindi ko alam.”
“Gusto mong makausap siya?”
“Hindi rin ako sigurado.”
Pero ang totoo, may parte ng sarili ko ang gustong makarinig ng kahit anong paliwanag. Kahit kasinungalingan pa.
Bumuntong-hininga ako. “Sabihin mo sa kanya, okay. Let’s talk.”
Nagkita kami sa isang coffee shop. Hindi ko alam kung bakit dito. Baka kasi public place. Para walang sigawan. Para walang iyakan. Para walang masyadong confrontation. O baka naman gusto lang talaga niyang magmukhang normal pa rin kami.
Si Vincent, suot ang paborito niyang polo. Kulay blue. Laging blue. Dahil daw calm at trustworthy ang vibe. Ironically.
“Jen,” bungad niya, pilit ang ngiti.
“Hi.”
Umupo ako sa harap niya. Tahimik. Kahit ‘yung order ko, hindi ko maalala kung ano. Basta gusto ko lang matapos ‘to.
“Kamusta ka?” tanong niya.
“Okay naman.”
Napakamot siya sa batok. “I know you’re still mad.”
Hindi ako umimik.
“I just... I want you to know na hindi ‘yon what you think. Hindi ‘yon seryoso. Nagkataon lang.”
“Aling part doon ang nagkataon?” tanong ko, diretsahan. “Yung paghawak mo sa kamay niya? O ‘yung pagtawa mo habang hinahawakan mo siya?”
Hindi siya nakasagot agad. “Jen, please. Wala na ‘yon. Ikaw pa rin ang mahal ko.”
Mahal?
Bakit parang hindi ko na maramdaman ‘yon? Bakit parang mas totoo pa ‘yung katahimikan ni Liam kaysa sa “mahal kita” ni Vincent?
“Alam mo ba kung gaano kahirap ‘yon?” bulong ko. “Yung pag-uwi ko galing bridal fitting, tapos ‘yun ang bumungad sa’kin? Tapos ngayon, ganito lang?”
“Naguluhan lang ako. Pressured. Damang-dama ko kasi ‘yung bigat ng lahat.”
Ako lang ba ang hindi okay? Ako lang ba ang nasasaktan?
Hindi ko na siya sinagot. Tumayo na lang ako. “I have to go.”
“Jen—”
“See you sa kasal.”
Hindi ko alam kung totoo ‘yung huling linyang ‘yon. Pero kailangan kong matapos ang usapan bago pa ako tuluyang bumigay.
Pagkauwi ko, tahimik lang ulit sa kwarto. Si Mira, wala. May sinamahan daw na pinsan. Saktong ako lang mag-isa. Saktong ako lang ang may time mag-isip nang malalim.
Nag-ring ang phone ko. May notification.
Hindi si Vincent.
Unknown number.
“Did you get home safe?”
Walang pangalan. Walang emojis. Walang kasamang kahit ano. Pero alam kong si Liam ‘yon.
Kasi siya lang naman ang magtatanong ng ganyan, sa paraang ganyan — tahimik, simple, pero may bigat.
Tinignan ko lang ang message nang matagal. Hindi ko agad sinagot. Hindi ko alam kung dapat ba. Pero for some reason, napangiti ako.
At for the first time in a long time, hindi ako nakaramdam ng lungkot... kundi ng tanong:
What if I answered this one?