Makalipas ang ilang araw, hindi pa rin maalis ni Mikaela ang sakit sa kanyang puso. Hindi na siya pumapasok sa klase, at halos hindi siya lumalabas ng kwarto. Si Lyka, ang matalik niyang kaibigan, ang tanging nagbibigay ng lakas sa kanya.
“Mika, hindi siya worth it,” sabi ni Lyka habang yakap si Mikaela. “Mas maganda ka pa sa sitwasyong ‘yan. Let him go.”
“Pero Lyka…” humikbi si Mikaela. “Akala ko siya na. Siya yung taong nagparamdam sa akin na mahalaga ako. Paano ko malilimutan yun?”
“Hindi mo kailangan kalimutan agad,” sagot ni Lyka. “Pero kailangan mong matutong mabuhay para sa sarili mo. Hindi lang si Marki ang mundo mo, Mika.”
Napaisip si Mikaela sa sinabi ng kaibigan. Tama si Lyka, sabi niya sa sarili. Bakit ko hinahayaan na wasakin ng isang tao ang buong pagkatao ko?
Kinabukasan, nagdesisyon si Mikaela na pumasok sa klase. Nakatingin ang lahat sa kanya habang pumapasok siya sa room, pero hindi niya ito pinansin. Nais niyang ipakita na kahit nasaktan siya, kaya niyang maging matatag.
“Mika, can we talk?” tanong ni Marki, hinabol siya sa corridor.
Tumigil si Mikaela at hinarap siya. Sa unang pagkakataon, nakita ni Marki ang galit at sakit sa mga mata ng dalaga. “Ano pa bang gusto mong sabihin, Marki?” malamig na tanong ni Mikaela.
“I’m sorry. Alam kong nasaktan kita, pero—”
“Nasaktan mo ako? Alam mo bang sinira mo ako?” putol ni Mikaela, hindi na napigilan ang emosyon. “Binigay ko sa’yo lahat ng tiwala ko, lahat ng nararamdaman ko. Akala ko totoo ka, pero lahat pala ng ‘yon kasinungalingan.”
Tahimik si Marki, walang masabi. Alam niyang wala siyang karapatan na magpaliwanag pa.
“Hindi ko alam kung magagawa kitang patawarin, pero hindi ko hahayaang masira mo pa ulit ako,” dagdag ni Mikaela bago ito tumalikod.
Sa mga susunod na araw, unti-unting naghilom si Mikaela. Bumalik siya sa dating hilig niya sa pagbabasa, pagsusulat, at pagtuon sa pangarap niya. Sa kabila ng sakit, natutunan niyang hindi kailangang nakasalalay ang kaligayahan niya sa ibang tao.
"Marki might have hurt me, but he taught me one thing," sabi ni Mikaela sa sarili habang nakatingin sa kanyang reflection. "Na mas kaya kong mahalin ang sarili ko kaysa sa kahit sino."