NOT A TYPICAL OTHER WOMAN
By JOEMAR ANCHETA (PINAGPALA)
CHAPTER 11
MANDY’S POINT OF VIEW
Ako si Mandy. Isa akong babaeng nagpanggap na tomboy sa ngalan ng pag-ibig. Tomboy na nagbihis lalaki at nagpupumilit umakto at magsalita bilang tunay na lalaki. Lumaki ako sa pamilyang hindi malaking isyu ang pagiging bakla o tomboy. Nabigyan kami ng karapatan kung ano ang gusto naming gawin sa buhay. Malaya kaming magkakapatid gawin ang lahat ng aming maibigan ngunit may mga responsibilidad pa rin kami sa aming mga sarili. Ikinintal sa mga isipan namin na gawin namin kung ano ang makapagpapasaya sa amin ngunit dapat harapin namin ang bunga ng aming ginawa, ito man ay mabuti o masama. Lagi iyong sinasabi nina Dad at Mom.
"Kung saan kayo masaya, gawin niyo lang iyon. Handa kaming magbigay ng payo sa inyo ngunit ang sarili pa rin ninyong desisyon ang masusunod. Handa kaming magbigay ng opinyon sa maaring ibunga ng iyong gagawin ngunit kayo pa rin ang nakakaalam kung hanggang saan ang inyong limitasyon. Lahat ay may maaring ibunga ng inyong mga desisyon kaya bago ninyo gawin ang isang bagay, mainam na sa una palang ay pag-isipan na muna kung ano ang magiging epekto nito sa inyong buhay. Kung sakali mang magkamali kayo sa inyong desisyon, nandito kaming sumuporta pero nasa inyo pa rin ang ikakalutas ng inyong problema at hindi galing sa amin dahil ang kaya lang naming gawin ay ang mahalin kayo na hindi dahil sa inyong pagkasino kundi dahil anak namin kayo."
Kahit gano'n ang lagi nilang sinasabi noon ay hindi ko pa rin nakayang magbago agad. Nasanay na kasi akong magbalat-kayong tomboy kahit ang totoo, babaeng-babae naman talaga ako. Nadamay lang naman ako kay Ate. Idol ko kasi ang tomboy kong ate kaya naman nagaya ko siya at lalong tumindi ang kagustuhan kong magtomboy-tomboyan dahil na rin kay James. Wala naman naging problema sa bahay. Akala nga nila tomboy na talaga ako. Nagiging lalaki na rin ako sa isip ng aking mga magulang at kapatid. Nagbilang pa rin ako ng ilang kunwari girlfriends hindi dahil gusto ko o kaya ay patunayan sa pamilya ko na tomboy ako kundi dahil kay James na barkada ko.
Paano ba kami nagsimulang magbarkada ni James? Mahilig siyang magbisikleta noong mga elementary kami. Ako naman ay hindi marunong ngunit naiinggit ako sa kaniya sa tuwing nagfree-free hand siyang nagpapaikot-ikot sa aming playground. Dahil doon ay nagpabili din ako ng bike ko kay Daddy at nagpaturo sa pinsan ko. Hanggang sa pumapasok na din akong nakabike at lagi na kaming magkasama sa paglalakwatsa. Naging barkada, magkasangga sa mga kalokohan at laging kasangkot sa mga kapilyohan sa school. Kung kaaway ng isa, kaaway naming dalawa. Kung ano ang kakainin ng isa, dapat kakainin din naming dalawa.
Mga grade four kami noon, nagsimula lang naman yung kakaiba kong nararamdaman sa kaniya nang biglang nagkabanggaan kami sa pintuan ng aming classroom. Nagmamadali ako noong palabas at siya naman ay papasok. Biglang ang katawan niya ay bumangga sa akin at ang labi niya ay tumama sa gilid ng aking labi. Halos matumba na sana ako pero mabilis niya akong alalayan at napayakap ako sa kaniya. Alam kong para sa kaniya wala lang ang nangyaring iyon ngunit sa akin, binuhay niya ang hindi ko naiintindihan kong emosyon. Amoy ko noon ang kaniyang hininga, ramdam ko ang katawan niyang lumapat sa aking katawan at ang kaniyang ngiti na narehistro sa aking utak. Palagi ko naririnig sa mga kaklase ko ang pagkakaroon nila ng crush sa opposite s*x at kagaya ko, sa mura kong isip, nagkaroon na rin agad ng lihim na paghanga at ang mahirap ay sa katropa ko pa't kalarong si James.
Kung may mga laro sa school na kailangang ng kasangga, ako lagi ang gusto niyang kasama kahit noon ay medyo likas na akong lampa dahil hindi na naman ako biogically lalaki kagaya niya. Nananalo lang naman kami kasi dahil sa kaniya. Kung may mga lakad siya hindi puwedeng hindi ako kasama. Sa mga boyscout camping at may girlscout din kami, pilit pa rin naming binibisita ang isa’t isa. Sinasamahan ko siya sa mga trip niya. Yung kanyang lihim na pagsunud-sunod kay Cathy at kanyang pagiging torpe. Hindi niya alam lihim ako noong nasasaktan. Nagseselos kahit alam ko namang wala akong karapatan. Pero masaya naman ako dahil kami naman lagi ang magkasama. Nanginginig ako at nanlalamig sa tuwing maglapat ang aming katawan. Akala ba niya madaling makatabi sa pagtulog ang lalaking pinapangarap mo tapos wala kang ibang magawa kundi ang tumihaya at namnamin lang ang katotohanang katabi mo nga siya sa silong ng isang punong kahoy habang nagpapahinga pero hindi mo siya mayakap o mahalikan man lang. Anlakas ng kabog sa dibdib ko kung bigla siyang naghuhubad habang naliligo kami ng sabay. Hindi ko noon naiintindihan ang aking nararamdaman ngunit alam ko, gusto ko siya. Siya ang ultimate crush ko.
Nang nagkainteres siyang magbasketball ay napansin kong napapalayo siya sa akin ngunit hindi ako noon makapapayag kaya kahit hindi ko hilig ay pinilit kong aralin ang larong iyon. Kailangan kong laging masali sa mundong gustong niyang galawan. Dahil doon ay halos araw-araw kaming magkasama ngunit ganoon pa din ang tingin niya sa akin. Tropa. Barkada.
Gano'n ko siya kagusto ngunit ganoon din katindi ang takot ko na mawala siya sa akin. Kaya kong gawin ang hindi ko gusto at kaya kong hindi gawin ang ninanais ko dahil sa kaniya. College na kami nang alam kong hindi ko lang siya crush. Mahal ko siya. Mali pala, sobrang minahal ko na siya ngunit hindi ako nagkaroon ng pagkakataong ihayag iyon dahil alam kong hindi ang katulad ko ang trip niya. Lalaki siya at yung kilos at mukhang tsiks ang gusto niya.
Naninikip ang dibdib ko kapag nakikita ko siyang bagong ligo sa umaga. Ang makinis at moreno niyang mukha. Ang kaniyang mga matang parang laging nangungusap. Ang tamang tubo ng ilong at ang mga labi niyang parang napakasarap siilin ng halik. Idagdag pa dito ang semi-kalbo niyang gupit at ang lalaking-lalaki niyang tikas at tindig. Sa tuwing pinagmamasdan ko ang hubad niyang katawan pagkatapos naming maglaro ng basketball ay napapakislot ako. Napakasarap haplusin ang maumbok niyang dibdib. Nanghihina ako at gusto kong himatayin sa tuwing madampi ang kaniyang dibdib at braso sa hubad kong katawan kapag ginagwardiyahan niya ako sa paglalaro. Ahhh! Kung sana alam niya kung gaano kasakit na makita ko siyang nakikipagrelasyon kay Cathy na ako naman mismo ang naging tulay niya. Kung sana batid lang niya kung gaano kahapdi sa puso ko ang mga kuwento niya tungkol sa mga ginagawa nila ng girlfriend niya. Kung sana ramdam niya kung gaano ko kagustong ako na lang sana ang mahalin niya. Ngunit alam ko ang kalugaran ko sa buhay niya. Pang back-up niya ako sa tuwing may away sila ni Cathy. Tiga-ayos sa gusot nila. Kung may sinabi siya o ginawa, ako ang dapat nagpapatunay na seryoso siya at totoo ang lahat ng kaniyang pambobola. Tiga-abot ng sulat at bulakalak. Nagiging look-out kapag nakikipagdate siya ng patago sa mga bakanteng classroom o para hindi mabuking ng aming mga istriktong teacher. Ang ikinabilid ko sa kanya ay ang pagiging loyal at faithful niya kay Cathy. Kahit napakaraming nagpaparamdam, kahit lantaran nang inihahayag ng ibang babae na gusto siya, hindi siya pumatol sa iba. Si Cathy lang talaga ang sineseryoso niya. Nakakainggit. Sana ako na lang si Cathy.
Martir na kung martir pero doon ako masaya. Sa mga hindi pa nasusubukang magmahal ng sobra, siguradong sasabihan akong tanga o martir ngunit para sa akin, mabuti na iyon kaysa maging manhid. Kahit man lang sa paraang ganoon ay mabigyan niya ako ng kahalagahan. Kahit man lang sa simpleng ganoon ay mapansin niya ako ngunit hindi niya alam na ang simpleng iyon sa kaniya ay nagbibigay ng p*******t ng aking dibdib at kalungkutan sa tuwing mag-isa lang ako. Ano ba ang kaibig-ibig sa pag-ibig kung ang taong ibig mo ay hindi naman ikaw ang ibig?
Lalo pa akong natakot na magtapat sa kaniya sa aking tunay na nararamdaman nang masaksihan ko kung paano nawasak ang pamilya nila dahil sa pagiging suwail ng kuya niya. Naawa ako sa kuya niya at mas lalo akong naawa sa kaniya ng unti-unting naghirap ang dating maalwa na pamumuhay nila. Sumidhi ang takot kong mahalin siya dahil ayaw kong kamuhian din niya ako at ituring na kaaway. Nasangkot siya sa pambubugbog sa bakla, nasuspend siya hanggang tumigil siya sa pag-aaral. At dahil doon ay tuluyan na siyang nalayo sa akin. Kung kaya niyang manakit ng bakla dahil lang sa may nasabi ito na hindi niya nagustuhan, ano na lang kaya kung ako na tropa niya mula nang kami'y elementary pa lang ay magtatapat ng pag-ibig sa kaniya lalo pa’t ang pagkakaalam niya, tomboy ako. Isang panloloko iyon sa kanya at alam kong ayaw niyang niloloko siya. Alam kong hindi niya iyon magugustuhan. Subalit sadyang mapaglaro ang pag-ibig dahil hindi ko siya kayang kalimutan. Nang minsang pinasyalan ko sa bahay nila ay parang hiniwa ng labaha ang puso ko nang sabihin ng kapatid niyang nagtanan na sila ni Cathy.
Kaya pala hindi na siya nakikipagkita sa akin pagakatapos niya akong ipagtulakan sa buhay niya. Kaya pala hindi na siya nakakasama sa gimmick namin ng tropa. Mula noon, sinikap kong patayin na nang tuluyan ang pagmamahal ko sa kaniya. Nagsimulang nilamon ng kadiliman ang imposible at malabo kong pangarap sa aming dalawa.
Nang magtapos ako ay hindi ko na mahagilap pa kung nasaan siya. Nagtanong-tanong ako hanggang sa nalaman ko kung saan sila nakatira ni Cathy. Nakita kong buntis na si Cathy bukod sa anak nilang noon ay karga ni James. Umatras na lang ako. Hindi na lang ako nagpakita kasi nakita kong kabuwanan na hyata ng misis niya. Ayaw ko nang makagulo pa. Sa huling sandali, pinagmasdan ko siya sa malayo. Napansin ko ang bahagyang itinanda niya. Tuluyan na ring nawala ang mga ngiti sa kaniyang labi at hindi na maaninag sa mukha niya ang dating kasiyahan. Nagbago na ng tuluyan si James. Sadyang lumayo na ng tuluyan.
Pagkaraan ng ilang buwan nang makatapos ako sa college ay nakapag-abroad ako. Sa Doha, Qatar ako nagiging totoong tao. Doon ko nagawang magdamit na ng pambabae. Doon ko binago ang dating kilos na kinasanayan ko. Doon na din ako nagkaroon ng ilang boyfriends, Pilipino, Briton at Lebanese at kapag gusto na akong ikama, doon na ako umiiwas. Natatakot pa akong makipagtalik. Hindi ko alam pero hindi ko nakikitang gawin iyon sa ibang lalaki na hindi pa kami ikakasal. Ayaw kong makiapg-relasyon sa ibang bansa at hindi ko alam ang tunay nilang status. Natatakot ako na baka magaya ako sa ibang babae nan ang nabuntis, iniwan dahil may asawa at anak na pala ang mga ito sa Pilipinas. Inaamin ko, dahil sa pakikipagrelasyon, nakalimutan ko man si James ay alam kong may espesyal siyang lugar sa puso ko na hindi na kailanman mawawala.
Pagkatapos ng dalawang taon kong kontrata ay nagbakasyon ako. Nag-iikot-ikot ako nang mapansin kong parang nakita si James na naglalakad. Agad kong ipinarada ang sasakyan ko. Maaring hindi na niya ako nakilala dahil sa tuluyang pagbabago ng hitsura ko. Pumuti ako at nagkakulay ng buhok. Ang dating tibo kong pananamit ngayon ay ganap ng babae. Kuminis na din ang dating taghiyawatin kong mukha. Isang ibang tao na ang kanyang makikita.
“James!” tawag ko sa kanya.
Kumunot ang noo niya. Hindi na kasi ang dating ako ang nakikita niya, isang Mandy na maganda, maputi, matangkad at seksing babae ang tumambad sa kanya.
“Kilala mo ako?” tanong niya sa akin. Halatang hindi niya talaga ako nakikilala “Sino ka nga uli?”
“Ano ka ba? Ako ‘to? Bro.” natatawa kong sagot. Kailangan ko pang ibakik yung dati kong boses at astig ng kilos ko bilang Mandy na tibo para lang maalala niya ako.
“Mandy? Ikaw si Mandy, tama?”
“Oo ako nga?”
“Anong nangyari sa’yo?” nagtataka niyang tanong.
“Bakit? Ano ba dapat ang mangyari sa akin?” pagmaang-mangan ko kahit alam ko na ang gusto niyang tumbukin.
“Naging babae ka na bro.” Natatawa siya.
“Gago ka ba? E, babae naman talaga ako.” Kunot ang noo kong sagot.
“Pero hindi ba tomboy ka? Nakakailang tuloy. Hindi na ikaw yung Mandy na kilala ko eh.”
“Ako pa rin naman ito. Kailangan lang maging ganito ako manamit, magsalita at kumilos kasi bawal naman sa bansa kung saan ako nagta-trabaho ang babaeng mukhang lalaki.” Palusot ko na lang pero sana matanggap niya na yung bagong ako ngayon kasi wala na si Mandy na kilala niya noon. Tulad ng James na kaibigan ko ilanng taon na ang nakakaraan. Binago na kami ng panahon.
“Ibig sabihin, napilitan ka lang magdamit at maging ganyan dahil sa bawal sa bansang napagtrabahuan mo, tama?”
Tumango na lang ako kahit kumokontra ang isip at puso ko. Pero sana, sana noon palang nagpakatotoo na ako. Sana noon pa lang alam na niya ang totoo na babae ako at ni minsan hindi totoong naging tibo ako.