CHAPTER 2

1728 Words
Napangiti ako nang makita kong huminto at pumarada ang tricycle na pinapasada ni Delfin sa tapat ng karendirya na aking pinagtatrabahuhan. Isa't kalahating oras pa bago kami magsara pero narito na siya kaagad. Sobrang aga naman yata niya. Matapos ang nangyari sa amin noong nagdaang gabi ay kapansin-pansin ang pagiging mas maalaga ni Delfin sa akin. I mean, maalaga naman talaga siya pero mas dumoble pa iyon. Mas naging sweet din siya ngayon sa akin na para ba'ng bumalik kami sa dati noong bago pa lang kaming magkasintahan nito. Nakita ko siyang kumaway pagkababa niya sa tricycle, kaya naman kumaway rin ako pabalik. Pumasok siya sa loob ng karendirya at umupo sa upuan na para sa mga kumakain. Bawal tumambay sa loob ng kainan pero dahil kilala naman na si Delfin na kasintahan ko ay hindi na siya sinisita. Iilan na lang din naman ang mga parokyanong daraan sa mga ganitong oras kaya hindi na makakaabala ang presensya niya roon. Mabilis na akong tumalima sa mga natirang gawain. May mga kaserola pa akong hindi nahuhugasan kaya naman bumalik ako sa loob ng kusina sa loob ng karendirya para ituloy iyon dahil baka mabungangaan na naman ako ni Aling Nita. Baka mamaya ay mapurnada pa ang plano kong pag-advance ng sweldo sa kaniya ngayong buwan. Marahil kaya rin narito si Delfin ay para ipaalala ang tungkol sa bagay na iyon. Importante sa aming dalawa ang bagay na iyon dahil doon nakasalalay ang pag-asa naming makaahon sa hirap. Hindi ko rin iyon pwedeng balewalain dahil nangako ako sa kaniya na susuportahan ko siya sa abot ng aking makakaya, bilang kabiyak ay iyon naman ang dapat. Bumuntong-hininga ako bago hinarap ang 'sang tambak na hugasin sa lababo. Kahit nakakapagod at kahit mangulubot na ang mga kamay ko sa kakahugas ay hindi ko iyon kailanman ininda. Hindi rin ako nahihiya na maglako ng balot sa kanto kahit na maraming nagsasabi na hindi bagay sa akin ang gawin iyon. Ang importante ay marangal na trabaho ang pinasok ko at maipagmamalaki rin naman dahil sa malinis na paraan iyon galing. Napapiksi ako nang lumagapak sa tabi ko ang panibagong set ng patung-patong na kaserola na kalalapag lang. “Aba Estrella, bilisan mo at magsasara na tayo! Ke-dami pa nitong iiskobahin mong kaserola. Iyong malaking kaldero pa roon sa labas pagkatapos mo riyan!” Napangiwi na lang ako sa lakas at tinis ng boses ni Aling Nita, ang mataba at medyo matanda na ring may ari ng karendirya. Mukhang badtrip na naman ito kaya nagsusungit o baka sanhi lang talaga iyon ng pagmemenopause nito gaya ng biro rito ng ilang parokyano namin na nagtatrabaho sa construction site sa may tapat ng Carriedo LRT Station. “Ah... Manay Nita!” tinawag ko ito. Pinunas ko ang aking basang kamay sa suot kong apron saka patakbong lumapit sa kaniya. Balak ko nang ngayon sabihin ang balak kong pagbale dahil kung ipagmamaya ko pa iyon ay baka hindi ko na talaga iyon masabi. “Ano na naman Estrella? Huwag mong sabihing magpapaalam ka ng maaga, hay naku! Hayan na nga ba ang sinasabi ko. Kaya ba nariyan iyang si Delfin diyan sa labas? Aba e kaaga-aga naman yata niyang sumundo!” deretsong litanya ni Aling Nita sa akin. “Naku eh... hindi ho!” “O, eh ano?” sikmat nito sa akin. Nag-alangan na tuloy akong sabihin ang aking pakay dahil sa pagratrat ng bunganga nito ngunit nang matanaw ko ang kinaroroonan ni Delfin at makita ko ang lungkot at pagkabalisa niya ay mas pinili ko na lang na kapalan ang aking mukha. Wala namang masama kung masigawan pa ako. Sanay naman na ako sa bunganga ni Aling Nita, ang hindi ko kayang tagalan ay ang nakikitang pag-aalala ni Delfin para sa pang gastos sa darating na semester. “Baka pwede ko naman mabale ho 'yong sahod—” “Ano!? Aba Estrella, kinsenas pa lang, ki haba pa ng araw ano' t a-advance ka na naman. Wala akong ipapabale sa iyo ngayon!” Napapikit ako pero hindi ako nawalan ng pag-asa. Sa tuwing babale naman kasi ako ay litanya na ni Aling Nita ang salitang iyon kaya hinayaan ko na muna siyang magsermon na parang nobena para sa Poong Nazareno. “Manay Nita naman! Sige na... pangako ho, huling bale ko na ito sa ngayon. Kailangang kailangan lang kasi ni Delfin para pambayad sa semester, alam n'yo naman—” “Sus! Para kay Delfin na naman, aba ay ewan ko ba naman sa iyong babae ka kung bakit nagtitiis ka riyan sa nobyo mong mataas ang pangarap eh wala namang pangtustos!” “Manay naman, ang bibig n'yo ho! Baka naman marinig kayo ni Delfin.” Lumipad ang paningin ko sa gawi ni Delfin dahil nag-alala ako na marinig niya ang sinabi ni Aling Nita at ayaw kong mas lalo lang sumama ang loob niya. Alam kong mataas nga ang pangarap ni Delfin kumpara sa estado ng buhay mayroon kami pero alam ko na ang lahat ng pangarap na iyon ay may patutunguhan para sa aming dalawa. “O, e bakit? Ano naman kung marinig niya? Totoo naman ang sinasabi ko. Ewan ko ba sa'yo bakit nagtityaga ka riyan samantalang nagpapalipad hangin sa iyo 'yong Architect at saka iyong Foreman diyan sa ginagawang building diyan sa kabila. Kalaking isda na niyon Estrella! Sinasayang mo lang `yang ganda mo riyan ka Delfin!” “Mahal ko ho si Delfin.” Yumuko ako at tinalikuran si Aling Nita. Bumalik ako sa paghuhugas ng mga nakatambak at doon ibinuhos ang sama ng aking loob. Hindi naman niya kailangang insultuhin ang nobyo ko kung ayaw niyang nagpabale ng sahod. Nakakasama kasi ng loob kapag naririnig ko sa ibang tao ang pagkukumpara at pang-iinsulto kay Delfin lalo na at nakikita naman niya ang lahat ng pagsusumikap nito. Hindi ko na rin namalayan ang pagtulo ng luha ko dahil sa awa. Hindi ko alam kung para ba sa sarili ko o para kay Delfin. Sa akin ay walang problema na mabuhay sa ganito. Iyong simple at makaraos lang sa pang-araw-araw. Ngunit kay Delfin ay hindi, hindi siya kontento sa ganitong buhay. “Pasensya ka na sa bunganga ko Estrella. Dangan na nga lamang at talaga yata na ganito kapag tumatanda. Ewan ko ba kung bakit, simula't sapul na makita ko iyang nobyo mo'y hindi ko talaga kursunada ang hilatsa! Wala ka ng magulang na magpapaalala sa iyo Estrella kaya ko nasasabi ito. Heto ang sweldo mo... tapusin mo na 'yan at nang makapagsara at makauwi na tayo.” Tinapik ako nito sa balikat saka iniabot sa akin ang limang libong piso na siyang sweldo ko para sa buwang ito bago niya ako talikuran, ngunit bago pa siya nakalabas sa kusina ay hinabol ko siya saka niyakap. “Salamat ho, Manay! Malaking tulong ho ito sa bayarin namin ngayon. Salamat ho talaga!” Mabilis kong binalikan ang trabaho ng may ngiti sa mukha. Sabi ko na nga ba at may taglay rin talagang kabutihang loob itong si Aling Nita kahit na nga mabunganga ito madalas. Nang matapos ako sa kusina ay tinulungan ko itong magsarado ng kainan. Maging ang aking si Delfin na naghihintay sa akin ay senenyasan kong tumulong para makauwi na rin kami kaagad at nang makapagpahinga. Nagpaalam ako kay Aling Nita bago ako sumakay sa tricycle at kumaway naman siya sa akin pabalik. Deresto na kami ni Delfin sa maliit na kwarto na inuupahan namin. Hindi na rin namin kailangang bumili pa ng makakain para sa hapunan ngayon dahil ipinadala na ni Aling Nita ang mga natirang pagkain sa karendirya. “Kumusta ang maghapon mo, Mahal? Ano, nakabale ka ba?” Nang maibaba ko sa maliit na plastic naming lamesa ang nga supot ay nginitiian ko siya. Alam kong nakuha kaagad niya ang ibig sabihin ng ngiting iyon. “Magkano ang nakuha mo?” “Isang buwang sahod, mahal,” tugon ko sa kaniya habang inilalabas ko ang pagkain at isinasalin iyon sa mangkok na kinuha ko. “Magkano? Limang libo?” tila dismayado niyang tanong kaya naman nilingon ko siya. “Kulang 'yan Estrella! Alam mo namang ang mahal ng bayad sa semester ngayon.” “Iyan lang naman kasi ang kaya kong i-advance kay Aling Nita, Mahal. Hindi rin naman gaanong malakas ang benta, mabuti nga at nakakuha ako kahit limang libo lang, e.” “Lintik naman! Anong mabuti e hindi rin 'yan makakatulong kung kulang!?” Napapitlag ako nang pukpukin ni Delfin ang lamesa dahil upang matapon ang sabaw ng sinigang na naiuwi ko galing sa karendirya. Mabuti na lang at may iba pang putahe bukod doon na kagat-labi kong inabot para ilagay sa pinggan. Dapat sana ay pang-almusal na namin ito para bukas pero dahil natapon nga ang sinigang ay ihahain ko na lang ito para ngayong hapunan. “Hayaan mo, baka mamaya ay makabenta ako ng marami para pandagdag diyan, Mahal. Susubukan ko na lang ding humiram kay Mercy. Sige na, upo ka na, kain na tayo,” malumanay na sabi ko sa kaniya. “Hindi na! Nawalan na ako ng gana. Aalis ako para makahanap ng pandagdag sa bayarin. Kumain ka na riyang mag-isa. Huwag mo na akong hintayin dahil baka umaga na ako makauwi!” “Mahal, naman!” “Pwede ba Estrella, huwag ka munang makulit. Wala ka rin naman palang maitutulong e. Nagpapakahirap ka pa roon sa bwesit na karendiryang 'yon na ang baba ng sweldo. Tingnan mo 'yong kaibigan mong si Mercy, tiba-tiba roon sa Casa!” “Delfin!” sigaw ko. Iyon yata ang unang beses na nagtaas ako ng boses sa kaniya at iyon ay dahil hindi ko nagustohan ang mga salitang sinabi niya ngayon lang. Hindi ko na rin napigilan ang luha na tumulo mula sa aking mga mata. Bakit ganoon siya magsalita, gayong ginagawa ko naman ang lahat ng kaya ko para sa aming dalawa? Hindi ba niya nakikita iyon? “Bwesit na buhay 'toh!” Tinalikuran niya ako at pabalibag niyang isinara ang pinto nang lumabas. Hindi ko na napigilan ang umiyak ng malakas para ilabas ang kinikimkim kong sama ng loob. Hindi naman ito ang unang beses na nagkatampuhan kami ni Delfin. Pero ito ang unang beses na pinagsalitaan niya ng hindi maganda ang uri ng trabaho ko. Kahit nahihirapan kami'y hindi pa umabot sa puntong ikumpara nito ang trabaho niya sa kaibigan niyang si Mercy na isang Star Dancer sa Club.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD