( Chapter 2 - Ang masayang pamilya at ang malungkot na pamilya )
Red's POV
Pagdating namin ni Ben sa school ay malinis na ang kapaligiran. Lahat ng student ay nasa kani-kaniya ng room kaya lalo na akong kinakabahan. Ibig sabihin ay sobrang late na nga namin ni Ben. “Don’t worry, Baby boy, akong bahalang magpaliwanag kay, Miss Ellie,” sabi ni Ben sa akin habang umaakyat na kami ng hagdan ng school namin.
“Siguraduhin mo lang na magiging maayos ito at ayokong mapapunta na naman dito sa school si mama. Nahihiya na rin ako sa kanya.” Hahawakan pa sana niya ang kamay ko para makipag-holding hands pero tinapik ko na agad iyon. Wala kasi ako sa mood makipaglokohan sa oras na iyon. Kinakabahan na kasi talaga ako. Mainit pa naman ang ulo sa akin ni Miss Ellie.
“Ang sungit mo na naman! Sabi nang ako na ang bahala eh. Sure akong ligtas tayo dahil may aksidente namang nangyari sa atin,” sabi ni Ben na umirap pa sa akin. Hindi na lang ako kumibo dahil sobrang kumakabog na talaga ang dibdib ko. Nakakahiya na rin kasing mapahiya sa klase namin. Pakiramdam ko ay wala na akong ginawang tama sa room namin.
Nang makarating na kami sa tapat ng room namin ay walang pag-aalinlangan na pumasok ka agad doon si Ben. Hawak-hawak niya ako. Taas-noo siyang lumapit kay Miss Ellie na sinalubong agad kami nang nakataas na kilay.
“Bakit ngayon lang kayo?!” bulyaw niya agad sa amin. Natakot ako nang sa akin na siya tumingin. “Tignan mo. Ikaw na naman pala ‘yan, Red Ortega?!” Mas lalong lumakas ang sigaw niya sa akin. Agad siyang lumapit sa akin at akmang hahampasin na sana niya ako ng patpat niya nang bigla naman humarang sa harap ko si Ben.
“Wait po, Miss Ellie. Ito po kasi ang dahilan kung bakit late kami ngayon,” sabi niya at saka pinakita sa kanya ang mga picture namin kanina habang naghihintay kami sa pag-uusap ng mga driver. Pinakita rin ni Ben ang gasgas na natamo ng sasakyan nila para tuluyan itong maniwala sa kanya. Dahil doon ay nakita kong umaliwalas na ang mukha ni Miss Ellie.
“Kung ganoon ay ayos lang ba kayo? Wala naman bang nasaktan?” tanong na nito na medyo mababa na ang tono nang pananalita. Nakaligtas ako kay Miss Ellie dahil kay Ben. Sabagay, wala naman talaga kaming kasalanan. Ang aga-aga nga naming umalis sa bahay e. Pag-upo namin ay binigyan ko tuloy nang kiss sa pisngi si Ben. “Thank you,” sabi ko sa kanya. Natulala naman ang gaga nang halikan ko siya. Talaga ngang crush nga ako ng bessy kong bakla na ito. Napapailing na lang tuloy ako habang natatawa sa kanya.
Nang mag-recess na ay inaya ako ni Ben na lumabas sa school. Iba ata ang naging dating nang pag-kiss ko sa pisngi niya dahil bigla niya akong nilibre ng milktea at pizza.
“Seryoso ka ba na crush mo ako?” tanong ko sa kanya habang nakaupo na kami sa isang bench sa loob ng school namin. Ang dami niyang nilibreng food sa akin. “Oo, ang guwapo mo kasi. Wala akong pake kung bakla ka pa. Bakla rin naman ako e,” sagot niya habang nagpapa-cute pa sa akin. Inirapan ko naman siya. Seryoso nga pala siya na crush ako. Hindi kasi ako naniniwala sa kanya dahil akala ko ay trip niya lang gawin iyon dahil close na close na kami.
“Sana tumagal ka. Kasi sa oras na mag-graduate na tayo dito sa high school ay magta-transform na ako,” sabi ko para ma-turn-off naman siya sa akin.
“Anong ibig mong sabihin?” naguguluhan pa niyang tanong. Nakakunot ang noo nito habang umiinom ng milktea niya.
“Ibig sabihin ay magpapahaba na ako ng buhok. Magsusuot na ako ng mga makeup at papasok na ako sa parlor. Pangarap ko kayang maging isang magandang binabae,” sagot ko sa kanya kaya napasibangot ito ka agad sa akin.
“Huwag na! Ayos na iyang ganyan na simpleng bakla ka na lang. Hindi ko ata kayang tignan ang itsura mo kapag naging babae ka na. Hindi ko talaga kaya. Malulungkot ako, Red,” sabi niya habang nakasibangot pa rin. Nagpapadyak pa ito na akala mo ay batang inagawan ng lollipop.
“Wala ka nang magagawa, Ben. Iyon kasi talaga ang pangarap ko. Saka, malapit na rin akong umamin sa papa ko. Naghihintay na lang din ako nang magandang tiyempo,” sabi ko pa sa kanya habang todo ang ngiti. Natutuwa ako dahil kitang-kita ko kung paano ma-disappoint si Ben.
“Sayang, Red. Ang guwapo mo kaya! Huwag mo namang patayin ang baby boy ko, please!” Niyuyugyog pa niya ang braso ko. Ayaw niya talaga na mag-transform ako.
“Ben, seryoso na, please! Hindi naman kasi tama na maging crush mo ako. Bessy mo ako. Saka, marami namang ibang mga lalaking guwapo riyan. Doon ka sa straight na lalaki magkagusto. Huwag sa akin na baklang mas malambot pa sa iyo, paliwanag ko sa kanya pero sadyang matigas ang ulo niya. Pinagpilitan niya pa rin ang sarili niya sa akin.
“Basta, habang ganyan ka pa ay ikaw pa rin ang baby boy ko. Saka na kita isusuka kapag iba na ang itsura mo. Sana naman habang ganyan pa rin ang istura mo ay hayaan mo akong maging sweet sa iyo. Doon lang ay masaya na ako,” sabi pa niya. Sobrang weird niya talaga. Wala na akong magagawa sa pagiging baliw niya kaya hahayaan ko na lang muna siya sa ngayon.
“Fine! Basta walang nakawan ng kiss, ha?” paalala ko kaya napangisi siya.
“Ikaw nga itong nanghalik kanina sa akin sa room natin e,” sabi niya at nakita kong bigla pang namula ang pisngi niya. Talaga ngang in-love ang gagang ito sa akin. Kadiri!
Nang maubos na ang kinakain namin ay sabay na kaming tumayo para bumalik na sa room namin. Dahil mabait at madalas naman akong ilibre ni Ben, hinayaan ko na lang siya na i-holdind-hands ako habang nasa labas kami. Hanggang doon lang ang kaya kong ibigay sa kanya. Iirap-irap pa nga ako dahil ang ilang crush ko na lalaki sa school ay pinagtatawanan ako. Akala tuloy nila ay mag jowa na kami ni Ben. Nakakaloka!
Hanggang sa dumating na ang araw ng graduation namin. Sobrang saya ko dahil iyon ang araw na talagang hinihintay ko. Balak ko na kasing umamin kay papa. Kaya pagkatapos ng graduation ceremony namin ay tumuloy kami sa isang mamahaling restaurant. Pinangako kasi sa akin ni mama na kapag maayos akong naka-graduate ng highschool ay ikakain niya kaming buong pamilya sa isang sikat at mamahalin na restaurant.
Hinintay kong busog si papa bago ako umamin sa kanya. Ang bongga nga ni mama dahil nakalimang libong piso siya sa kinain namin. Nang kumakain na kami ng dessert ay doon na ako lumapit sa kanya. Support ako ni mama at ni Pinky dahil alam nilang plano ko nang umamin kay papa ng araw na iyon. Mabuti na lang at saktong nag-alisan na ang ilang tao na kumain din doon kaya hindi na rin ako nahiya pa. Gayunpaman ay kumakabog talaga ang dibdib ko sa sobrang kaba na nararamdaman ko. Hiling ko lang ay wala sanang aberyang mangyari. Huwag sana akong makatanggap nang suntok sa kanya.
Lumuhod na ako bigla sa harap ni papa. Nakita kong nanlaki ang mga mata niya. Palipat-lipat ang tingin niya sa akin at kay mama.
“Bakit ka nakaluhod diyan, anak?” tanong na niya. Tumayo tuloy siya at saka ako inalalayang tumayo pero bumalik lang din ulit ako sa pagluhod sa kanya.
“Pa?” pauna kong sabi. Sa puntong iyon ay halatang kinakabahan na rin siya.
“Ano bang pakulo ito, Red?” taas-noo niyang tanong habang nakasibangot na sa akin.
“Papa, ayos lang po ba sainyo kung magkaroon kayo ng isang anak na bakla?” tuloy-tuloy kong tanong sa kanya. Nang sabihin ko iyon ay pumikit ako. Inaasahan kong makakatanggap ako nang sapak o sampal pero laking gulat ko na hindi iyon nangyari.
“Ano ka ba? Matagal ko ng alam, anak,” mahinahon nitong sagot sa akin. Dahil doon ay napadilat na tuloy ako. Nakita kong nakangiti pa siya sa akin.
“H-hindi ka po magagalit sa akin?” tanong ko habang nanginginig ang mga tuhod ko. Ang pangit kasi ng sahig ng restaurant na ito. Tiles siya na may bako-bakong design kaya masakit sa tuhod.
“Kung saan masaya ang anak ko, support lang ako. Basta, ayoko lang ng problema sa buhay ay ayos na ako,” sagot niya kaya napatayo na ako at saka ko siya niyakap nang sobrang higpit. Sobrang saya ko ng araw na iyon dahil sa wakas ay malaya na akong makakapagladlad. Matutupad ko na ang pangarap kong magpahaba ng buhok at maging isang magandang binabae.
Habang masayang-masaya kami ay nakita ko sa kabilang side ng lamesa namin ang isang pamilya na sobra naman ang tahimik. Napakunot ang noo ko dahil nakita ko roon si Blue na nakabangga ng kotse nila Ben. Ang seryoso ng pamilya niya. Tahimik at wala manlang kibuan. Basta lang silang kumakain nang sama-sama, pero parang walang saya.
Nahuli ako ni Blue na nakatingin sa kanya kaya agad ko siyang iniwasan nang tingin. Binalik ko na lang ang atensyon ko sa pamilya ko at tinuloy ang pagiging masaya namin.