NAG-INAT si Tristan ng mga braso saka tumagilid para yakapin ang babaeng katabi. Napabangon siya nang maramdamang wala na doon si Ciella. Inilibot niya ang tingin sa paligid, tiningnan niya ang banyo sa pagbabakasakaling naroon ang babae, pero wala ito. Naupo siya sa kama at naisuklay ang mga daliri.
I didn’t even have a chance to ask her number, naisaloob niya.
Tumayo siya at pinulot ang mga damit na nasa sahig. Nakita niya sa wall clock na nasa loob ng silid na mag-a-alas onse na ng tanghali. Patungo siya sa banyo nang mag-ring ang kanyang cell phone, napalinga-linga siya at hinanap iyon. Nakita niya ang cellphone sa ibabaw ng bedside table. Hindi na niya matandaan kung siya ba ang nagpatong nito doon.
"Hello," aniya nang sagutin ang tumatawag.
"Where are you?" tanong ng nasa kabilang linya, tinig iyon ni Robbie. "Kanina ka pa namin hinihintay, nandito na kami sa may tabing-dagat. May ipinahandang lunch sila Marion."
"Ganoon ba? Tinanghali kasi ako ng gising."
"Alam ko," sagot ng lalaki at narinig pa niya ang pagtawa nito. "Mukhang napalaban ka kagabi, eh. Bigla ka na lang nawala kasama `yong babaeng nilapitan mo. Nasaan ka na ba?"
"Andito pa ako sa hotel room niya," sagot niya na binuksan na ang banyo at isinabit ang mga damit niya sa hanger na naroon.
"Aba, matindi. Mukhang nakarami ka, ah."
Natawa siya. "Gago! Isang round lang, antok na antok na rin ako kagabi kaya after ng isang round nakatulog na ako. Kakagising ko lang, at wala na `yong babae."
"Iniwan ka? Seryoso?" hindi makapaniwalang sabi ng kaibigan.
Ngayon lang kasi nangyari na nilayasan siya ng babaeng nakasama niya sa kama. Madalas ay kinukuha pa ng mga ito ang number niya bago sila maghiwalay. Ibinibigay naman niya ang numero niya sa mga iyon pero ilan lang ang nire-return call o mini-message niya.
"Oo, iniwan ako. Bago `di ba?" sarkastikong sabi niya. "Sige na, maliligo na ako. Kukunin ko lang din ang gamit ko sa kuwarto natin para after lunch makauwi na rin tayo."
"Okay, hintayin ka namin dito sa ibaba."
Nawala na sa linya ang kaibigan niya. Napahinga siya nang malalim habang tinitingnan ang ibabaw ng kama. He had a great night kasama ang nakilalang babae, sayang nga lang at nakaalis na ito.
Napailing siya sa kanyang sarili. Bakit ba siya manghihinayang na hindi niya nakuha ang contact number ng babae? It was just a one night stand after all. But he would love to spend another night with her.
Pumasok na siya sa banyo at tumapat sa shower.
NAPAKAMOT sa ulo si Graciella habang nakatitig sa screen ng kanyang laptop. Hindi niya maintindihan kung ano ang problema ng imagination niya at hindi ito nagpa-function ng maayos lately. Tulad ngayon, mag-iisang oras na siyang nakaupo sa harap ng laptop pero lilimang paragraph pa lang ang naisusulat niya.
“Damn it!” malakas niyang palatak sabay tapon sa nadampot niyang ballpen. Mabilis uminit ang ulo niya kapag ganitong hindi nagpa-function ng maayos ang utak niya. Ilang araw na niyang nabuo sa isip ang magiging takbo ng istoryang ginagawa pero hindi niya maintindihan kung bakit hindi niya iyon magawang isulat ngayon.
Napa-angat ang tingin niya nang makarinig ng mga katok buhat sa labas ng silid na kinaroroonan. Nasa maliit na office siya ng kanyang restaurant.
“What?!” malakas at paasik niyang sigaw.
Bumukas ang pinto at pumasok si Rosemarie. “Ako ito. Bakit ka ba sumisigaw?”
Hindi siya umimik. Sa halip ay isinara niya ang kanyang laptop at naihilamos ang dalawang palad.
“Ano ba’ng nangyayari sa 'yo? Ilang araw ka ng ganyan, ah,” tanong ni Rosemarie na naupo sa harapan niya. May bitbit na dalawang iced coffee ang babae, inilapag nito ang isa sa harapan niya.
“Ano ba’ng kailangan mo?” ganting tanong niya na hindi pinansin ang sinabi nito.
Biglang sumama ang mukha ng babae. “Nakalimutan mo ang usapan natin?”
Kunot-noo niya itong tiningnan. “Ha?”
“Nag-promise ka sa akin na sasamahan mo akong bumili ng gift para sa anniversary namin ni Daniel, 'di ba? At maghahanap din tayo ng perfect place kung saan kami puwedeng mag-staycation.”
Hindi siya nakakibo. Pangatlo na ito sa mga appointment na nakalimutan niya nitong mga nagdaang araw. 'Yong una ay ang dinner nila ng family niya. Pangalawa ay ang schedule ng food tasting ng isang client nila na magpapa-cater para sa kasal, mabuti na lang at mabait ang kliyente at mabilis na nagawan rin iyon ng paraan ng mga tauhan at chef niya. At pangatlo nga ay itong matagal na nilang usapan ni Rosemarie.
Iisa lang ang sinisisi niya sa nangyayaring ito sa kanya – ang lalaking nakasama niya sa beach party ni Marion, si Tristan. Ilang araw nang okupado ang isip niya ng ginawa niyang kalokohan five days ago. It was just a one night stand pero hindi talaga iyon mapuknat-puknat sa isip niya.
“Ano ba kasing problema? Bakit nagkakaganyan ka? Parang lumilipad ang isip mo sa kung saan at saka ang sungit mo ngayon,” sunod-sunod na tanong ng babae.
“Wala,” tipid niyang sagot.
Masusi siya nitong tiningnan, pagkatapos ay napailing ito. “Huwag mo nga akong niloloko, Ciella. Matagal na tayong magkaibigan kaya kilala na kita. I can tell if something is bothering you, ganoon ko ka-kabisado 'yang ugali mo. So come on, tell me.”
Napahugot siya nang malalim na hininga habang nakatitig kay Rosemarie. Siguro naman ay hindi siya idya-judge ng kaibigan niya kapag nalaman nito ang ginawa niya. Open-minded naman ito sa mga ganoong bagay. Hilig pa nga nitong magsulat ng mga kuwento na may mga one-night stand thing.
“I did something very stupid.”
Bumakas ang kuryosidad sa mukha nito. “Ano?”
“Well, remember no’ng nagpunta tayo ng Batangas?” simula niya.
Mabilis na tumango ang babae.
“That morning na pumunta ako sa room ninyo ni Daniel, I told you na hinahanap ako ni Mama pero it's not true. Hindi rin totoo na sira ang heater sa room ko," pagtatapat niya sa kaibigan,
"What?" naguguluhang sabi nito sa kanya. "Eh, bakit ka nagsinungaling sa amin?"
Napabuga siya ng hangin. "Ang totoo may iniwan akong lalaki sa room ko"
"May iniwan ka? Lalaki?" naguguluhang sabi nito, pero agad din nagbago ang expression ng mukha nito. Namimilog ang mga mata na napa-iling ito. "No. You don’t mean na you slept with someone, do you?”
Hindi siya nagsalita.
“Gaga!" sigaw sa kanya ng babae. "Ginawa mo `yon? Seryoso ka ba?"
Hindi siya umimik.
"Ano ba’ng kagagahan ang pumasok sa utak mo?!"
Napakibit-balikat siya. “I don’t know…”
"You don't know?" pakli nito. "Bumukaka ka at nakipag-gerger ka sa lalaking hindi mo kilala? Tapos sasabihin mo na you-"
"So mas maganda ba na sa isang kakilala ako nakipag-one night stand?" putol niya sa babae.
Hindi naman ito nakakibo. Maya-maya ay umiling ito. "Pero sino ba `yong lalaking iyon? Saan mo napulot `yon?"
Inilahad niya sa kaibigan kung paano niya nakilala ang lalaki. Sinabi niya rito ang tungkol sa pustahan at kung paano niya sinubukang takasan ang lalaki pero nasundan siya nito. Sinabi rin niya na she's not comfortable with what happened kaya iniwan niya ang lalaki. Tahimik lang na nakinig ang babae sa kanya.
“Hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit hindi mabura sa isip ko 'yong nangyari. Hindi ba dapat nga kalimutan ko na `yon?” aniya pagkatapos magkuwento.
“Sira ka pala, eh! Malamang bothered ka dahil 'yon ang kauna-unahang beses na ginawa mo iyon. Ang lakas mo rin naman kasing mag-trip! Akalain mong nakipaglaro at nakipagpustahan ka ng ganoon. Alam mo naman ang mga lalaki, hindi mo talaga matatakasan `yon ng gano'n-gano'n na lang, lalo na kung tungkol sa s*x ang usapan. `Anyare sa talino mo?”
Hindi siya nakasagot. Tama ito, para siyang hindi nag-iisip noong gabing iyon. Sa nakaraang tatlong taon ay pinakaiiwasan niyang mangyari iyon. Lumalabas siya kasama ang ilang manliligaw at aminado siyang minsan ay nakikipag-flirt at tini-tease niya ang mga ito pero hindi humantong iyon sa ganoong punto. Kaya hindi rin talaga niya lubos maisip na nagawa niya iyon kasama ang lalaking hindi niya kakila-kilala.
“Well, hindi naman big issue 'yan,” ani ng babae pagkaraan ng ilang sandali. “Maraming tao ang gumagawa niyan so it’s no big deal. Although hindi ko talaga ma-imagine na nagawa mo 'yon."
Nanatili siyang walang kibo.
Narinig niya ang pagbuntong-hininga ni Rosemarie. “Ganito, alam kong bothered ka because you're not really used to that, pero you have to forget it. Huwag mo nang masyadong isipin 'yon. Ang isaksak mo na lang sa utak mo, isa lang `yong pagkakamali. Pagkakamali na dapat mo nang kalimutan, tutal hindi mo na rin naman makikita ang lalaking iyon."
Marahan na lang siyang napatango. Sana nga mawala na 'yon sa isip ko. Tama si Rosemarie, it’s no big deal. Sana lang huwag ko na ulit makita ang lalaking 'yon, aniya sa sarili at napabuga siya ng hangin.
MAG-AALAS nueve na nang makauwi si Graciella sa tinitirhang condo. Sinamahan niya si Rosemarie sa pagbili ng regalo para sa nobyo nito at pagkatapos ay naghanap rin sila ng lugar kung saan puwedeng mag-staycation ang mga ito.
Pagka-park ng kotse sa underground parking ng La Trinidad Condominium ay umakyat na siya patungo sa kanyang unit. Paghinto ng elevator sa eleventh floor ay agad siyang lumabas at naglakad patungo sa unit niya. Malapit na siya sa kanyang unit nang marinig niya ang isang tinig buhat sa kanyang likuran.
“Yeah, nandito na ako. I’ll call you tomorrow, marami pa akong gagawin, eh. Bye!” sabi ng isang lalaki buhat sa kanyang likuran.
Natigilan siya, pamilyar sa kanya ang boses na iyon. Napaharap siya sa kanyang likuran at para siyang natuklaw ng ahas nang makita ang lalaking naglalakad palapit sa kanya. Napatingin din ito sa kanya.
"Ikaw?" napapatanga na sabi niya. Hindi siya makapaniwala na nasa harapan niya ngayon ang lalaking paulit-ulit na gumugulo sa isip niya nitong mga nakaraang araw. “Ano’ng ginagawa mo rito? Are you stalking me?!”
Nagsalubong ang kilay ni Tristan. “Stalking?”
“Bakit ka nandito? Paano mo nalaman kung saan ako nakatira? Ano’ng kailangan mo?” sunod-sunod na tanong niya.
Ngumiti ang lalaki. Bigla naman siyang natigilan. Dama niya ang biglang pagbilis ng tahip ng kanyang dibdib. Hayon na naman ang ngiting iyon, ang ngiting nagpawala sa kanya sa katinuan noong nasa Batangas sila. Akala niya ay dala lang ng kalasingan kaya ganoon ang epekto ng lalaki sa kanya noon, pero ngayon ay napagtanto niyang malakas nga talaga ang dating nito.
“Ciella, right?” maya-maya ay patanong na sabi nito.
Tumikwas ang kilay niya. Pupuntahan mo ako rito tapos aarte ka na parang hindi ka sigurado kung sino ko? naisaloob niya.
“Well, Ciella," anito na titig na titig sa kanya. "First of all, I am not a stalker. Second, hindi kita hinahanap dahil wala naman akong kailangan sa 'yo. Hindi ko nga rin inaasahan na makikita kita rito. And third,” anito na sinadya pang ibitin ng ilang segundo ang sasabihin. “May sarili akong unit dito kaya ako narito.”
Napapailing na napangisi siya. Maniwala naman ako sa 'yo! May unit ka rito? Sa dami ng condo dito sa Metro Manila, dito pa talaga? Sino'ng lolokohin- natigilan siya nang mapansin ang leather jacket na suot ng lalaki at ang hawak nitong helmet. Parang nakita na niya ang mga iyon.
Napaawang ang bibig niya nang maalala na kung saan niya unang nakita ang lalaki. Sinasabi na nga ba niya at hindi sa Batangas niya ito unang nakita. Ito ang lalaking nakita niya noong minsan na papunta siya sa coffee shop sa tapat nitong condominium.
Humakbang ang lalaki at nilampasan siya. Napasunod ang tingin niya rito hanggang sa huminto si Tristan sa tapat ng pinto ng katabing unit niya. Ito ang unit kung saan nakilala niya ang isang babae noon na ang sabi ay inihahanda nito ang unit para sa paglipat ng kapatid nito. Natigilan siya. Kung ganoon ang lalaki bang ito ang tinutukoy ni Rizza na kapatid nito.
Dinukot ng lalaki ang susi buhat sa bulsa nito, tila nakakaloko pang ipinakita nito iyon sa kanya bago nito ini-unlock ang pinto.
Nakadama siya ng pagkapahiya, namumula ang pisngi na nagbawi siya ng tingin at binuksan na rin ang pinto ng sarili niyang unit. Masyado ka kasing assuming, tila nakakalokong sabi ng utak niya.
“I didn’t know na dito ka din pala nakatira. Small world, isn’t it?” sabi pa ng lalaki bago ito pumasok at ipininid ang pinto.
Naiwan siyang natitigilan. Nakatanga siya sa pintuang pinasukan ng binata. Hindi siya makapaniwala na magku-krus ulit ang landas nila ni Tristan. Pinagti-tripan ba ako ng tadhana? Akala ko naman hindi ko na talaga siya makikita ulit, pero talagang inilapit pa sa akin ang lalaking iyon, naiiling na naisaloob niya bago pumasok sa sariling unit.